EDUKASYON SA PAGPAPAKATAO GRADE 9 (UNANG MARKAHAN) MODYUL 1: LAYUNIN NG LIPUNAN: KABUTIHANG PANLAHAT Ang ating pagiging kasama-ng-kapwa ay isang pagpapahalaga na nagbibigay ng tunay na kaganapan sa ating pagkatao. Makakamit lamang ito kung makikilahok at makikipamuhay ka sa kapwa. Ano nga ba ang lipunan? Ang salitang lipunan ay nagmula sa salitang ugat na ‘lipon’ na nangangahulugang pangkat. Ang mga tao ay mayoong kinabibilangang pangkat na mayroong iisang tunguhin o layunin. Halimbawa, ang pangkat ng mga guro ay may iisang layuning magbigay ng kaalaman/edukasyon sa mga mag-aaral. Ang lipunan o pangkat ng mga indibidwal ay patungo sa iisang layunin o tunguhin. Kolektibo ang pagtingin sa bawat kasapi nito ngunit hindi naman nito binubura ang indibidwalidad o pagiging katang-tangi ng mga kasapi. Sa kabilang dako, madalas na ginagamit ang salitang komunidad upang tukuyin ang lipunan. Ang salitang komunidad ay galing sa salitang Latin na communis na nangangahulugang common o nagkakapareho. Ang isang komunidad ay binubuo ng mga indibidwal na nagkakapareho ng mga interes, ugali o pagpapahalagang bahagi ng isang partikular na lugar. Sa isang komunidad, mas nabibigyang-halaga ang natatanging katangian ng mga kasapi o kabahagi. Ang bawat indibidwal ay mayroong kanikaniyang mga layunin o tunguhin sa buhay. Mulat tayo sa isang mundo na KApatid, KAmag-anak, KAklase, KAbabayan at marami pang ibang kasama na naaayon sa lipunang ating ginagalawan. Maging sa media may mga estasyon sa telebisyon na nagtuturing sa kanilang manonood bilang KApuso, KApamilya, KApatid at iba pa. Ayon kay Jacques Maritain, manunulat ng aklat na “The Person and the Common Good” (1996), hahanapin talaga ng taong mamuhay sa lipunan sa dalawang mahalagang dahilan. Una, dahil hindi nilikhang perpekto o ganap ang tao at dahil likas para sa kanya ang magbahagi sa kaniyang kapwa ng kaalaman at pagmamahal. Binigyan ang tao ng kakayahang magwika o magsalita dahil likas na nilikha ng Diyos ang tao na sumalipunan. Ayon kay Dr. Manuel Dy, hindi gawa ng dalawang tao ang wika; galing ito sa lipunan. Ang kaalaman at pagmamahal ay kapwa maibabahagi lamang sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa kapwa. Pangalawa, hinahanap ng taong mamuhay sa lipunan dahil sa kaniyang pangangailangan o kakulangan mula sa materyal na kalikasan. Mahalaga ring makipag-ugnayan siya sa kaniyang kapwa upang matugunan ang pangangailangang ito at mapunuan ang kaniyang kakulangan. Hindi lamang ito materyal na pangangailangan kundi mas higit ang tulong na maaaring maibigay ng lipunan upang magamit natin ang ating isip at kilos-loob at mahubog ang mga birtud. Halimbawa, upang mapagyaman natin ang ating kaalaman, kailangan ng tao ng edukasyon na naibibigay sa tulong ng mga guro. Ayon kay Santo Thomas Aquinas, may akda ng aklat na Summa Theologica, sa pamamagitan lamang ng lipunan makakamit ng tao ang layunin ng kaniyang pagkakalikha. Mahalaga sa pagkakataon ang pagkilala ng tao na kailangan niya ang lipunan dahil binubuo siya ng lipunan at binbuo niya ang lipunan (Dy, M. 1994). Malaki ang magagawa ng lipunan sa paghubog ng iyong pagkatao. Mayroon itong impluwensiya sa paraan ng iyong pag- iiisip at pagkilos. KABUTIHANG PANLAHAT - ito ay kabutihan para sa bawat isang indibidwal na nasa lipunan. Isang pagpapahalagang naiiba sa pansariling kapakanan. Ang tunay na tunguhin ng lipunan ay ang kabutihan ng komunidad na nararapat na bumalik sa lahat ng indibidwal na kasapi nito. Kaya sinasabing may kaugnayan ang tao at ang kabutihang panlahat dahil ang kabutihang panlahat ay tinatanggap ng bawat indibidwal na sumasalamin sa kabuuan. Dito naiiba ang kabutihan ng nakararami sa kabutihang panlahat. Ang pag-iral ng nakararami ay nananatiling nag-iiwan ng ilang kasaping hindi makatatanggap ng kabutihan. Ipinaliwanag ni Sto. Thomas Aquinas na ang tunguhin ng lipunan ay kailangang pareho sa tunguhin ng bawat indibidwal. Hindi dapat ihiwalay ng mga tao ang kanikanilang sarili sa paghanap ng makabubuti sa bawat isa, kailangang magtipon upang hanapin ang kabutihang panlahat na magkakasama. Makakamit ng bawat isa ang personal na kabutihan sa pakikibahagi niya sa lipunan. Ayon naman kay John Rawls, isang mamimilosopiyang Amerikano, na ang kabutihang panlahat ay ang pangkalahatang kondisyong pantay na ibinabahagi para sa kapakinabangan ng lahat ng kasapi ng isang lipunan. Katulad ng adhikain ni Mathama Gandhi para sa India, nakita niyang hindi magiging madali kung hindi niya sisimulan sa pamamagitan ng pagtatalaga sa kaniyang sarili bilang halimbawa at ang paunang pakikibaka para sa makatarungang pagbabahagi ng lahat ng bagay na nararapat para sa mga tao (ang paksang ito ay tatalakayin sa Modyul 3). MGA ELEMENTO NG KABUTIHANG PANLAHAT (Compendium of the Social Doctrine of the Church) 1. Ang paggalang sa indibidwal na tao – Dahil ang kabutihang panlahat ay nagpapahalaga sa kalikasan ng tao, hindi ito lubos na iiral kung hindi kilalanin at pahahalagahan ang kaniyang dignidad. 2. Ang tawag ng katarungan o kapakanang panlipunan- Ang pag-unlad ang kabuuang pokus ng panlipunang tungkuling kailangan maibigay sa mga tao. Karaniwang sinusukat ito halimbawa sa mga pampublikong sistema ng pangangalaga sa kalusugan; epektibong pampublikong pangkaligtasan at seguridad; kapayapaang namamagitan sa bawat bansa sa mundo; makatarungang sistemang legal at pampulitika; malinis na kapaligiran at umuunlad na sistemang pang-ekonomiya. 3. Ang Kapayapaan- Ang pagkakaroon ng katahimikan, kapanatagan o kawalan ng kaguluhan sa lahat ng aspekto ng buhay tulad ng isip, kalooban, pamilya, lipunang ginagalawan at iba pa, subalit ang kapayapaan ay resulta ng pagkakaroon ng katahimikan, kapanatagan at kawalan ng kaguluhan. Ang kapayapaan ay indikasyon ng pagkakaroon ng ng kabutihang panlahat Mga Hadlang sa Pagkamit ng Kabutihang Panlahat 1. Nakikinabang lamang sa benepisyong hatid ng kabutihang panlahat, subalit tinatanggihan ang bahaging dapat gampanan upang mag-ambag sa pagkamit nito. 2. Ang indibidwalismo, ibig sabihin ang paggawa ng tao ng kaniyang personal na naisin. 3. Ang pakiramdam na siya ay nalalamangan o mas malaki ang naiaambag niya kaysa sa nagagawa ng iba. Mga Kondisyon sa Pagkamit ng Kabutihang Panlahat ayon kay Joseph de Torre (1987) sa kaniyang aklat na Social Morals. 1. Ang lahat ng tao ay dapat na mabigyan ng pagkakataong makakilos nang malaya gabay ang diyalogo, pagmamahal at katarungan. 2. Ang pangunahing karapatang pantao ay nararapat na mapangalagaan. 3. Ang bawat indibidwal ay nararapat na mapaunlad patungo sa kaniyang kaganapan. Kaya mahalaga ring matiyak na ang integridad at katatagan ng pamilya ay mapangalagaan dahil ang pamilya ang pangunahing yunit para sa paghubog ng mapanagutang mamamayang mulat sa tunay na kahulugan ng kabutihang panlahat. Ang lahat ng tao ay nararapat na magmalasakit upang lumikha o sumuporta sa mga institusyong panlipunan at paunlarin ang kalagayan ng buhay ng bawat indibidwal na sumasalamin sa lipunan. Alam kong mahirap pa itong isipin at ganap na yakapin sa kasalukuyan ngunit lahat ng bagay, gaano man ito kahirap ay magagawa kung talagang nais. Sabi nga, “Kung gusto, may paraan; kung ayaw, palaging may dahilan.” Kung gusto mong matanggap ang kabutihan mula sa lipunan, paano ka naman tutugon sa hamon ng kabutihang panlahat? Gawain 1 Naaalala mo pa ba ang napag- aralan sa asignaturang Araling Panlipunan patungkol sa iba’t ibang institusyong panlipunan? Sa pagkakataong ito ituon ang pansin sa panuto: Bilugan o kulayan ang mga salita na iyong makita sa kanang bahagi at isulat ang mga ito sa patlang sa loob ng kahon na nasa kaliwang bahagi.
0
You can add this document to your study collection(s)
Sign in Available only to authorized usersYou can add this document to your saved list
Sign in Available only to authorized users(For complaints, use another form )