Uploaded by Bagasbas, Judy Ann V.

Korido in Spanish Philippines: History & Literature

advertisement
Ang Paglaganap ng Korido sa Panahon ng mga Espanyol
Ang pagdating ng mga Espanyol sa Pilipinas sa pangunguna ni Ferdinand
Magellan ay naitala noong Marso 16,1521, sinasabing ang kasaysayan ng
pananakop ng mga Espanyol sa ating Inang Bayan ay nagsimula noong taong
1565 nang dumating si Miguel Lopez de Legaspi sa bansa at nagtatag ng
unang pamayanan sa Cebu.
Tatlo ang pangunahing layunin ng mga Espanyol sa pananakop sa
Pilipinas. Una, upang palaganapin ang Katolisismo. Ikalawa, ang
pagpapalawak ng kapangyarihan sa pamamagitan ng pagpaparami ng mga
sakop na mga bansa, Ikatlo, ang paghahanap ng mga pampalasa,
masaganang likás-yaman, at mga hilaw na materyales upang matustusan ang
kanilang mga pangangailangang pang-ekspedisyon.
Dahil sa layunin ng mga Espanyol na mapalaganap ang Katolisismo, sinunog
nila ang mga nakasulat na panitikan ng ating mga ninuno sa halip ay pinalitan
nila ang mga ito ng panitikang nagbibigay-diin sa pananampalatayang
Kristiyanismo. Ito rin ang naging sanhi kung bakit ang panitikan sa panahong
ito ay naging mapanghuwad o may pagkakatulad sa mga anyo at paksang
Espanyol. Lumaganap sa larangan ng panulaan ang mga tulang liriko, mga
awit, mga korido, at ang pasyon. Sa larangan naman ng drama ay namayani
ang duplo, karagatan, komedya o moro-moro, mga dulang panrelihiyon,
senakulo, at sarsuwela. Samantalang ang mga akdang tuluyan o prosa ay may
paksang panrelihiyon at karaniwang tungkol sa mga talambuhay ng mga
santo. Ayon sa talang sinulat ni Jose Villa Panganiban,et al.sa aklat na
pinamagatang Panitikan ng Pilipinas.
Panitikan ng Pilipinas, ang panitikan noong panahon ng Espanyol ay
sinasabing may tatlong katangian:



May sari-saring kaanyuan at pamamaraan, gaya ng mga tulang liriko
awit, korido, pasyon, duplo, karagatan, komedya, senakulo, sarsuwela,
talambuhay, at mga pagsasaling-wika.
Ang karaniwang paksain ay panrelihiyon.
Ang lalong nakararami ay huwad, tulad o halaw sa anyo, paksa, o
tradisyong Espanyol.
Naging isang mabisang behikulo ang panitikan upang mabilis na
mapalaganap ang relihiyong Katolisismo sa bansa. Isa sa pinakatanyag na
uri ng panitikang nagbibigay-halaga sa diwang Kristiyanismo ay ang mga
tulang romansa na nauuri sa dalawang anyo-ang awit at ang korido. Madalas
ang mga ito ay nagsisimula sa panalangin o pag-aalay ng akda sa Birhen o sa
isang santo. Kalimitang ito ay pumapatungkol sa pakikipagsapalaran at
kabayanihang karaniwang kinasasangkutan ng mga prinsipe at prinsesa at
mga maharlikang tao kung saan ang pangunahing tauhan ay nagtatagumpay
dahil sa kanyang mataimtim na pananalig at matiyagang pagtawag sa Diyos.
Dahil lubhang mahigpit ang sensura noong Panahon ng Espanyol, hindi lahat
ng mga akdang pampanitikan ay maaaring maisulat at mailathala lalo pa’t
kung ito ay laban sa pamamahala ng mga Espanyol. Ngunit dahil sa temang
sinasaklaw ng awit at korido ang mga ito ay namayani at higit na nakilala ng
marami. Ayon sa aklat na Panitikang Pilipino ni Arthur Casanova, ang awit at
korido ay maaaring uriin gamit ang sumusunod na mga pamantayan.
Kaligirang Pangkasaysayan ng Ibong Adarna
Hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa rin matukoy kung sino talaga ang
sumulat ng koridong Ibong Adarna. Ayon kay Pura Santillan-Castrence, ito ay
sa dahilang ang kasaysayan ng akdang ito ay maaaring hinango lamang sa
kuwentong-bayan mula sa mga bansa sa Europa tulad ng Romania, Denmark,
Austria, Alemanya, at Finland. Ito rin ang dahilan kung bakit maraming kritiko
ang nagsasabing ang Ibong Adarna ay hindi ganap na maituturing na bahagi
ng panitikang Pilipino sa dahilang hiram lamang sa ibang bansa ang
kasaysayan nito. Kung uugatin ang kasaysayan, ang tulang romansa ay nakilala
sa Europa noong panahong Medieval o Middle Ages. Tinatayang noong 1610,
mula sa bansang Mexico, ito ay nakarating sa Pilipinas na ginamit namang
instrumento ng mga Espanyol upang mahimok ang mga katutubo na yakapin
ang relihiyong Katolisismo.
Bagama’t itinuturing na halaw o nagmula sa ibang bansa ang akdang ito,
sinasabi ng maraming kritiko na umaangkop naman sa kalinangan at kultura
ng mga Pilipino ang nilalaman nito. Masasalamin sa akda ang mga
natatanging kaugalian at pagpapahalaga ng mga Pilipino tulad ng
pagkakaroon ng matibay na pananampalataya sa Poong Maykapal, mataas na
pagpapahalaga sa kapakanan ng pamilya, mataas na pagtingin o paggalang
ng mga anak sa magulang, paggalang sa nakatatanda, pagtulong sa mga
nangangailangan, pagtanaw ng utang na loob, mataas na pagpapahalaga sa
puri at dangal ng kababaihan, pagkakaroon ng tibay at lakas ng loob sa
pagharap sa mga pagsubok ng búhay, at marami pang iba. Bukod sa mga
gintong aral na makukuha sa akda, ito ay tinangkilik din ng ating mga ninuno
sa panahon ng pananakop ng mga Espanyol sapagkat ito ay nagdulot din
noon ng kasiyahan o kaaliwan sa kanila. Sa katunayan ang akdang Ibong
Adarna ay itinuturing na panitikang pantakas sapagkat ang mahihirap na
Pilipino na sakbibi ng hirap at sakit dahil sa kahirapang kanilang nararanasan
bunga ng paniniil ng mga Espanyol ay pansamantalang nakatatakas sa
kanilang tunay na kalagayan sa sandaling mabasa o mapanood ang akdang
ito at mailagay ang kanilang sarili sa pakikipagsapalaran ni Don Juan na siyang
pangunahing tauhan sa akda.
Sa maraming mga koridong nalimbag at naisulat sa Pilipinas, ang Ibong
Adarna ang higit na tumanyag sapagkat bukod sa ang mga sipi nito ay
ipinagbibili sa mga perya na karaniwang isinasagawa tuwing kapistahan ng
mga bayan-bayan, ito rin ay itinatanghal sa mga entablado na tulad ng
komedya o moro-moro.
Dahil na rin sa pasalin-saling pagsipi, ang mga sulat-kamay at maging ang
mga nakalimbag na kopya ng Ibong Adarna ay nagkaroon ng pagkakaiba-iba
sa gamit at baybay ng mga salita. Noong 1949, sa pamamagitan ng matiyaga
at masusing pag-aaral ni Marcelo P. Garcia ng iba’t ibang sipi ng Ibong Adarna
ay isinaayos niya ang pagkakasulat ng kabuoan ng akda partikular ang mga
sukat at tugma ng bawat saknong. Sa kasalukuyan ang kanyang isinaayos na
sipi ang karaniwang ginagamit sa mga paaralan at palimbagan.
Pagkakaiba ng Awit at Korido
AWIT
KORIDO
Batay sa
Anyo
Binubuo ng 12 pantig sa loob ng isang
taludturan, apat na taludtod sa isang
taludturan
Binubuo ng walong pantig sa loob
ng isang taludtod at apat na taludtod
sa isang taludturan
Musika
Ang himig ay mabagal tinatawag na
andante
Ang himig ay mabilis na tinatawag
na allegro
Paksa
Tungkol sa bayani at mandirigma at
larawan ng búhay
Tungkol sa pananampalataya,
alamat, at kababalaghan
Katangian ng
mga Tuhan
Ang mga tauhan ay walang taglay na
kapangyarihang supernatural ngunit siya
ay nahaharap din sa pakikipagsapalaran
ngunit higit na makatotohanan o hango sa
tunay na búhay
Ang mga tauhan ay may
kapangyarihang supernatural o
kakayahang magsagawa ng mga
kababalaghan na hindi magagawa ng
karaniwang tao
Mga
Halimbawa
Florante at Laura, Pitong Infantes De
Lara, Doce Pares ng Pransya, Haring
Patay
Ang Ibong Adarna, Kabayong
Tabla, Ang Dama Ines, Prinsipe
Florintino
Download