Jehovah’s Witness (Mga Saksi ni Jehova) Intro: Bilang mga Saksi ni Jehova, nagsisikap kaming sundin ang anyo ng Kristiyanismo na itinuro ni Jesus at isinagawa ng kaniyang mga apostol. Kami ay nakikita na nangangaral. Baka nabasa mo sa diyaryo o narinig sa iba ang tungkol sa amin. Pero gaano mo kakilala ang mga Saksi ni Jehova? 1. Sino ang kinikilala o sinasamba niyong Diyos? SAGOT: Sumasamba kami sa tanging tunay na Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat, ang Maylalang, na ang pangalan ay Jehova. Si Jehova ang tunay na Diyos ng Bibliya, ang Maylalang ng lahat ng bagay. (Apocalipsis 4:11) Jehova ang natatanging pangalan ng Diyos gaya ng isinisiwalat sa Bibliya. (Exodo 3:15; Awit 83:18) Ang pangalang Jehova ay isang saling Ingles ng pangalang Hebreo para sa Diyos—ang apat na letrang ( יהוהYHWH), na kilala bilang ang Tetragrammaton. Hindi na alam kung paano binibigkas sa sinaunang Hebreo ang pangalan ng Diyos. Pero ang anyong “Jehovah” ay matagal nang ginagamit sa wikang Ingles, at unang lumitaw sa salin ng Bibliya ni William Tyndale noong 1530. 2. Brief history ng inyong Church or Group / Denomination na kinabibilangan / sino ang founder ng inyong church o sekta? SAGOT: Nagsimula ang makabagong-panahong organisasyon ng mga Saksi ni Jehova noong ika-19 na siglo. Ang unang tawag sa mga Saksi noon ay “Estudyante sa Bibliya.” Ito ay isang maliit na grupo na nakatira malapit sa Pittsburgh, Pennsylvania, Estados Unidos, Si Charles Taze Russell ang nanguna sa grupong ito at sa gawaing pagtuturo ng Bibliya. Ikinumpara nila ang mga turo ng simbahan sa talagang itinuturo ng Bibliya. Inilathala nila ang kanilang natuklasan sa mga aklat, diyaryo, at sa magasin na ngayon ay tinatawag na Ang Bantayan (The Watchtower.) Magkagayun man, dahil si Jesus ang Tagapagtatag ng Kristiyanismo, siya ang itinuturing naming founder ng aming organisasyon. (Colosas 1:18-20) 3. Anong verse sa Bible (kung meron man) ang pinaniniwalaang pinagmulan ng inyong grupo o sekta. SAGOT: Mababasa sa Isaias 43:10: “Kayo ang aking mga saksi,’ ang sabi ni Jehova, ‘ang akin ngang lingkod na aking pinili.” Noong 1931, sinimulang gamitin ng mga Estudyante ng Bibliya ang pangalang Saksi ni Jehova. Kaya bilang isang Saksi ni Jehova, isang napakalaking pribilehiyo ang matawag sa pangalan ng Diyos. 4. Ano-anong ang araw ng pagsimba o pagsamba o prayer meetings, etc at tukuyin ang nakalaang activity sa mga araw na ito. SAGOT: Dalawang beses nagpupulong linggo-linggo ang mga Saksi ni Jehova sa buong mundo. (Hebreo 10:24, 25) (Sa aming kongregasyon sa Salay, ang aming pagpupulong o pagsamba ay ginaganap sa tuwing araw ng Huwebes at Linggo.) Tuwing Huwebes ay ginagawa ang Pag-aaral ng Biblia na nahahati sa iba’t-ibang bahagi at ang Congregation Book Study. Ito ay iba’t-ibang paraan para mapabuti ang aming kaalaman sa Bibliya kasama na ang pangangaral at pagtuturo ng Salita ng Diyos. Tuwing Linggo ay ginaganap ang Bible Talk (Paliwanag) at Pag-aaral ng magasina na “Ang Bantayan.” Sa Bible Talk, kami ay nakikinig sa isang napapanahong tema na ipapaliwanag na isang speaker. Ang pagtalakay naman sa magasina na “Ang Bantayan” ay ginagawa bilang “Question and Answer.” Puwedeng makibahagi ang mga tagapakinig sa aming mga pulong, gaya ng ginagawa sa talakayan sa eskuwela. Nagsisimula at nagtatapos ang mga pulong sa awit at panalangin. Puwede kang dumalo kahit hindi ka Saksi ni Jehova. Libre ito at walang koleksiyon. 5. Ilista, isa- isahin ang: a) mga paniniwala o turo ng inyong church patungkol sa Diyos o sino si Hesukristo o Holy Spirit sa inyo, b) mga ginagawa nyo tuwing araw ng pagsimba, pagbibigay ng offerings o pera, c) ano ang turo sa Salvation ng tao, may heaven at hell ba? Ang aming Mga Paniniwala: Diyos. Sumasamba kami sa tanging tunay na Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat, ang Maylalang, na ang pangalan ay Jehova. (Awit 83:18; Apocalipsis 4:11) Bibliya. Kinikilala namin ang Bibliya bilang mensahe ng Diyos sa mga tao. Nakasalig ang aming paniniwala sa lahat ng 66 na aklat nito, na binubuo ng “Lumang Tipan” at ng “Bagong Tipan.” (Juan 17:17; 2 Timoteo 3:16) Jesus. Sumusunod kami sa mga turo at halimbawa ni Jesu-Kristo at pinararangalan namin siya bilang aming Tagapagligtas at bilang Anak ng Diyos. (Mateo 20:28; Gawa 5:31) Nananalangin kami sa kanyang pangalan. (Juan 15:16) Dahil sa kaniyang kamatayan at pagkabuhay-muli, ang mga nananampalataya sa kaniya ay nagkaroon ng pag-asang buhay na walang hanggan. (Juan 3:16) Banal ng Espiritu. Ang banal na espiritu ng Diyos ay ipinakikilala bilang kumikilos na kapangyarihan ng Diyos o “aktibong puwersa ng Diyos.” (Genesis 1:2) Hindi ito isang persona na kaparehas ng Diyos na kagaya ng itinuturo sa paniniwalang Trinidad. Kaharian ng Diyos. Ito ay isang totoong gobyerno sa langit, at hindi lang basta nasa puso ng mga Kristiyano. Ito ang papalit sa mga gobyerno ng tao at tutupad sa layunin ng Diyos para sa lupa. (Daniel 2:44; Mateo 6:9, 10) Kaligtasan. Ang katubusan (ransom) mula sa kasalanan at kamatayan ay naging posible dahil sa haing pantubos (ransom sacrifice) ni Jesus. (Mateo 20:28) Para makinabang sa haing iyan, ang mga tao ay hindi lang dapat sumampalataya kay Jesus kundi dapat din nilang baguhin ang kanilang buhay at magpabautismo. (Mateo 28:19, 20; Juan 3:16) Langit. Ang Diyos na Jehova, si Jesu-Kristo, at ang tapat na mga anghel ay nasa dako ng mga espiritu o sa langit. Mayroong isang maliit na grupo ng mga tao (144,000 ang bilang) na bubuhaying muli tungo sa langit para mamahalang kasama ni Jesus sa Kaharian. (Daniel 7:27) Lupa. Nilalang ng Diyos ang lupa para maging tahanan ng mga tao magpakailanman. Ang masunuring mga tao ay bibigyan ng Diyos ng perpektong kalusugan at ng buhay na walang hanggan sa paraisong lupa. (Awit 37:11, 34) Bilyon-bilyong tao ang bubuhaying muli ng Diyos. (Gawa 24:15) Kamatayan. Hindi kailanman itinuro ni Jesus na may imortal na kaluluwa ang mga tao. Ang mga taong patay ay hindi na umiiral. (Awit 146:4) Ang mga patay ay hindi na nakakaramdam ng saya o pahirap. Sa katunayan, dahil wala silang malay, wala na silang anumang nararamdaman; hindi rin nila kayang tulungan o saktan ang mga buhay. ( Eclesiastes 9:5, 10) Impiyerno. Hindi nakasalig sa Bibliya ang doktrina na ang impiyerno ay lugar kung saan pinahihirapan ang mga tao. Sa halip, isa itong paganong paniniwala na sinasabing turo ng mga Kristiyano. Pagsamba. Hindi kami sumasamba sa krus o mga imahen. (Deuteronomio 4:15-19; 1 Juan 5:21) Pondo ng mga Saksi ni Jehova - Ang pambuong-daigdig na Gawain ng mga Saksi ni Jehova ay pangunahin nang sinusuportahan ng boluntaryong donasyon. May mga donation box sa mga lugar ng pagsamba naming. Ang mga Saksi ni Jehova ay hindi hinihilingan na magbigay ng ikapu o ng anumang espesipikong halaga o porsiyento ng kanilang kita. (2 Corinto 9:7) Hindi rin sila kumukuha ng koleksiyon o bayad para sa kanilang mga pulong o pagsamba. 6. Mga Bawal na kainin at isuot pg Worship service / mga bawal na gawin o activities na gawin / May Christmas ba kayu o wala? Pwede ba pakasal sa ibang sekta o relihiyon? Pananamit. Pinasisigla ng Bibliya ang mga Kristiyano na magpakita ng “kahinhinan at matinong pag-iisip” sa pananamit nila. Ang pananamit nang may “kahinhinan” ay nangangahulugan na hindi magsusuot ang isa ng damit na malaswa at mapang-akit. At para maipakita ang “matinong pag-iisip,” iiwasan din niya ang istilong burara at takaw-pansin. Hindi kailangang mamahalin ang damit sa pagsamba. Ang mahalaga, ito ay angkop, malinis, at presentable. (1 Timoteo 2:9, 10) Paglilibang. Maraming pelikula, website, palabas sa TV, video game, at kanta ang imoral, marahas, o makademonyo. Madalas palitawing walang masama at nakakatawa pa nga ang masasamang bagay. Nag-iingat ang mga Kristiyano at iniiwasan ang mga libangang hindi kaayon ng malinis na pamantayan ni Jehova. (Gawa 15:28, 29; 1 Corinto 6:9, 10) Pasko. Hindi sinasabi ng Bibliya ang espesipikong petsa ng kapanganakan ni Jesu-Kristo kaya walang katibayan na Disyembre 25 ang kanyang kapanganakan. Naniniwala ang mga Saksi ni Jehova na hindi sinasang-ayunan ng Diyos ang Pasko dahil nagmula ito sa paganong mga tradisyon at ritwal. (2 Corinto 6:17) Iniutos ni Jesus na alalahanin ang kaniyang kamatayan, hindi ang kapanganakan niya. (Lucas 22:19, 20) Pag-aasawa. Ayaw ng Diyos ng poligamya o pagkakaroon ng higit sa isang asawa, homoseksuwalidad, o pagli-live-in. (1 Corinto 6:9; 1 Tesalonica 4:3) Ipinapayo din ng Bibliya na piliin ng isang Kristiyano ang kapwa niya nanampalataya kung siya ay mag-aasawa. “Huwag kayong makisama sa mga di-kapananampalataya na para bang pareho kayo, dahil imposibleng magawa iyon.” (2 Corinto 6:14) ---------------------------------------------END----------------------------------------------------- For Question and Answer: Ang impiyerno ba ay isang lugar ng walang-hanggang pagpapahirap? Hindi. Ang orihinal na mga salita na isinaling “impiyerno” sa ilang mas lumang salin ng Bibliya (Hebreo, “Sheol”; Griego, “Hades”) ay tumutukoy lang sa “Libingan,” o ang karaniwang libingan ng mga tao. Ipinapakita ng Bibliya na ang mga taong nasa “Libingan” ay hindi na umiiral. Ang mga patay ay wala nang alam o malay, kaya hindi na rin sila nasasaktan. “Walang gawa, ni katuwiran, ni karunungan, ni kaalaman man, ang mapupunta sa impiyerno.” (Eclesiastes 9:10, Douay-Rheims Version) Ang impiyerno ay hindi punô ng mga taong dumaraing dahil sa sakit. Sa halip, ang sabi ng Bibliya: “Hiyain mo ang masasamang tao at pahimlayin mo silang tahimik sa libingan [impiyerno, DouayRheims].”—Awit 31:17; Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino (30:18, Douay-Rheims); Awit 115:17. Sinabi ng Diyos na kamatayan, hindi pagpapahirap sa maapoy na impiyerno, ang parusa sa kasalanan. Sinabi ng Diyos sa unang taong si Adan, na ang parusa sa pagsuway sa batas ng Diyos ay kamatayan. (Genesis 2:17) Wala siyang sinabi tungkol sa walang-hanggang pagpapahirap sa impiyerno. Nang magkasala si Adan, sinabi ng Diyos ang parusa sa kaniya: “Ikaw ay alabok, kaya sa alabok ka babalik.” (Genesis 3:19) Ibig sabihin, hindi na iiral si Adan. Kung talagang sa isang maapoy na impiyerno ilalagay ng Diyos si Adan, siguradong iyon ang sasabihin Niya. Hindi binago ng Diyos ang parusa sa sumusuway sa mga batas niya. Pagkalipas ng mahabang panahon mula nang magkasala si Adan, ipinasulat ng Diyos sa isang manunulat ng Bibliya: “Ang kabayaran para sa kasalanan ay kamatayan.” (Roma 6:23) Hindi na kailangan ng karagdagang parusa, dahil “ang taong namatay ay napawalang-sala na.”—Roma 6:7.