PANALANGIN SA MAHAL NA STA. CRUZ O Panginoong Hesu-Kristo, sa pamamagitan ng Iyong kamatayan sa krus dinulot Mo ang aming kaligtasan. Ang Krus na sagisag ng kaparusahan at kamatayan ay naging tanda ng kaligtasan at buhay. Ang Krus na gamit ng tao sa paghusga at pagparusa ay naging instrumento ng Diyos upang yakapin ang taong nagkasala. Ang Krus na nagtutuldok ng buhay ay siyang nagdulot ng buhay na walang hanggan. O Mahal na Sta. Cruz, niyayakap ka naming sa oras ng aming mga kahinaan at kasalanan, pagkalooban mo kami ng biyayang kinakailangan upang ito’y aming mapaglabanan. Niyayakap ka namin sa oras ng pagdurusa at pagsubok sa buhay. Pagkalooban mo kami ng lakas at Liwanag upang ito’y aming mapagtagumpayan. Niyayakap ka namin sa gitna ng mga sakit at karamdaman, pagkalooban mo kami ng ganap na kagalingan. Niyayakap ka namin sa oras ng kalamidad at hagupit ng kalikasan. Pagkalooban mo kami ng kapanatagan sapagkat batid naming hindi mo kami pababayaan. O Mahal na Sta. Cruz, sa mga oras na ito, kami’y dumudulog at humihingi ng biyaya, (sa katahimikan ay banggitin ang sariling kahilingan) at sa pagtanggap namin sa mga biyayang hinihiling, aming pinapupurihan si HesuKristong Panginoon namin. O Mahal na Sta. Cruz, kaisa ng Mahal na Inang si Maria, kami’y magbabantay sa iyong paanan taglay ang luha ng pagbabalik-loob at ang galak ng pagpupuri at pasasalamat sa Panginoong aming Manunubos. Amen!