PILOSOPIYA AT RELIHIYON 1. ni: Severo L. Brillantes Kanilang pagkakatulad Tulad ng pilosopiya ang relihiyon ay isa ring paghahanap ng tao na maunawaan ang kanyang sarili kung sino o ano nga, saan siya nagmula at saan siya patutungo o kung ano nga ba ang layunin o kabuluhan ng kanyang buhay. Binubuo ito ng ilang mga paniniwala tulad ng paniniwala sa Diyos na siyang nagbibigay sa tao ng kabuluhan at layunin at siyang kanyang patnubay tungo sa isang matuwid na pamumuhay; na may kabilang buhay, may bahaging espirituwal ang tao at may mga alituntunin ng kabutihan na dapat niyang tupdin para sa kanyang kaligtasan at paglaya sa mundong ito ng paghihirap. 2. Mga pananaw ng mga pilosopo tungkol sa relihiyon May ilang mga pilosopo (ang mga ateista) na naninindigan na walang Diyos at kung gayon ang relihiyon na may kinalaman sa paniniwala sa Diyos at kabilang buhay ay mga ilusyon lamang na walang batayan sa realidad; isang kasangkapan lamang ayon sa iba sa kanila upang panatilihin ang isang lipunang mapagsamantala at di makatarungan. May iba namang mga pilosopo (ang mga teista) na naninindigan na mayroong katibayan na may Diyos at kabilang buhay. Ganyan din ang paninindigan ng ilang mga Kristyanong pilosopo. Para sa kanila, naihahayag ng Diyos ang Kanyang pagkariyan sa tao sa pamamagitan ng kanyang sangnilika. Ngunit kanilang idinadagdag na may ilang katotohanan tungkol sa Diyos na hindi abot ng isipan ng tao. Dahil diyan ayon sa kanila, minarapat ng Diyos na ihayag mismo ang kanyang sarili sa sangkatauhan. Iyan ang pananaw ng Rebelasyonismo, ang pagtanggap sa ilang kaalaman tungkol sa Diyos batay sa pananampalataya, na nakapaloob sa Bibliya (p. 212, Ensayklopedia ng Pilosopiya, DLSU). Nababatay ang buhay-Kristiyano sa paninindigang nagsalita ang Diyos sa atin at ipinahayag ang mga pangunahing katotohanan tungkol sa ating Pananampalataya… “Noong una, nagsalita and Diyos sa ating mga ninuno sa iba’t ibang panahon at sa iba’t ibang paraan sa pamamagitan ng mga propeta. Ngunit ngayon, siya ay nagsalita sa atin sa pamamagitan ng kanyang Anak” (Hebreo 1:12) (p. 24, Katesismo para sa mga Pilipinong Katoliko). “... Ang Diyos, ang unang simulain at huling wakas ng lahat ng bagay, ay makikilala nang may katiyakan mula sa nilikhang daigdig sa pamamagitan ng likas na liwanag ng katwiran ng tao." Kung wala ang kakayahang ito, hindi matatanggap ng tao ang paghahayag ng Diyos (par. 36, Catechism of the Catholic Church). Ngunit kung may Diyos man o wala, ayon sa mga agnostiko hindi natin iyon malalaman. Ang pilosopiya ng relihiyon ang sangay ng Pilosopiya na nagsisiyasat kung mayroon ba o walang katibayan na may Diyos. 1 3. Kanilang pagkakaiba Kinikilala ng nasabing pananaw na magkaiba ang pilosopiya sa relihiyon. Ang pilosopiya ay ang paghahanap ng tao sa katotohanan sa pamamagitan ng kanyang likas na talino lamang, sa relihiyon naman sa tulong ng banal na paghahayag (divine revelation). Kaya sa pilosopiya ang batayan ng pagsang-ayon ay katwiran at katibayan, sa relihiyon naman pananampalataya. 6. Walang lugar ang bulag na pagsunod Kristyano man o hindi, walang lugar sa isang pilosopo ang bulag na pagsunod o di-sinuring paninindigan. Ang tunay na pilosopo ay hindi basta-basta nagpapadala sa tinig ng nakararami, utos ng kaugalian o sa mga taong may katungkulan sa lipunan. Ito ay nangangahulugan lamang na sa pilosopiya, pananagutan ng bawat isa na mag-isip para sa kanyang sarili at bumuo ng sariling mga paninindigan kung ano nga ba ang totoo at mabuti. 7. Pananampalataya sa isang pilosopo Kung may pananampalataya man ang isang pilosopo, ito ay hindi isang bulag na pananampalataya, kundi isang pananampalataya na naghahanap ng pag-unawa. Kaya gagamitin niya ang kanyang likas na talino bilang tao sa abot ng makakaya nito upang maunawaan ang ang katotohanan ng kanyang mga paniniwala. Ang mga mananampalataya kung gayon ay hindi mga pananatiko. Ilan sa kanila ay nasa larangan ng syensiya tulad ni Louis Pasteur na nagpahayag na “Habang pinag-aaralan ko ang kalikasan, lalo akong namamangha sa gawain ng Lumikha. Nagdarasal ako habang ako ay nakatuon sa aking trabaho sa laboratoryo.” Ang iba naman ay nasa larangan ng pilosopiya tulad ni Sto. Tomas ng Aquino who nagbalangkas ng mga argumento bilang pagpapatunay na mayroon ngang Diyos. Bagaman di niya namamalas ang Diyos, ang kaayusang namamalas niya sa mundo ay nagpapatunay sa kanya na mayroon isang Dakilang Katalinuhan na pinagmulan nito na ang tawag niya ay Diyos. Sa pamamagitan ng sangnilika ang unang paraan ng paghahayag ng Diyos ng kanyang sarili sa atin. “Ang langit ay naghahayag na ang Diyos ay dakila! Malinaw na nagsasaad kung ano ang kanyang gawa!” (Salmo 19:1)… “Mula pa nang likhain niya ang sanlibutan, ang kalikasang di-nakikita, ang kanyang walang hanggang kapangyarihan at pagka-Diyos ay maliwanag na inihahayag ng mga bagay na ginawa niya (Roma 1:20) (p. 25, Ibid). Maari rin na bunga ng ilang kongkreto niyang mga karanasan na nagpapabatid ng presensya ng Diyos sa kanyang buhay, natatagpuan na lamang niya ang kanyang sarili na naniniwala sa Diyos. 8. Pananampalataya Sa kabilang dako, may kababaan ng loob nilang kinikilala na may mga bagay tungkol sa Diyos na hindi nila lubos na nauunawaan at kung gayon ay mananatiling isang misteryo sa kanila. Datapuwat, dahil may pinanghahawakan silang batayan ng kanilang paniniwala sa 2 Diyos (katibayan o kaya karanasan) hindi ang mga iyon hadlang upang sila ay maniwala na ang Diyos ay tunay at karapat-dapat ng kanyang pagtitiwala. “Tayo ay may pananalig kung nagtitiwala tayong mangyyari ang mga inaasahan natin, at naniniwala sa mga bagay na di natin nakikita” (Hebreo 11:1). Iyan ang pananampalataya, paniniwala bagaman di ganap ang pag-unawa. Halimbawa bagaman hindi niya marahil lubos na nauunawaan at maipaliwanag kung bakit may pagdurusa sa ating mundo, may naaninag siyang bahagyang pag-unawa na sa kabila ng mga pagdurusang dinaranas ng tao sa mundo, hindi ito salungat sa kanyang paniniwala sa isang Diyos na mabuti at makatarungan. 9. Ang pinanghahawakan ay pananampalataya Hindi marahil namamalayan kahit ng mga ateista, na may ilan rin silang pinanghahawakan batay sa pananampalataya tulad na lamang na kanilang paniniwala at pagtitiwala na mahal sila ng kanilang ama at ang pagkain na ihahain sa kanila ay hindi lason. Naitanong sa isang bata kung siya ba ay natatakot sa kabila ng kadilimang kinalalagyan niya at ang sagot niya ay hindi, dahil hawak ko ang kamay ng aking ama. Iyan ang pananampalataya. Hindi lahat ng desisyon natin sa buhay ay bunga ng malinaw na pangangatwiran. Ang ilan ay nangangailangan ng pagtalon sa kawalan ng pananampalataya: Papakasalan ko na ba ang babaeng aking mahal? Itutuloy ko ba ang pakikipaglaban para sa katarungan sa kabila ng namamayaning kawalang ng katarungan sa lipunan? Kung minsan, iyan lang ang ating mapanghahawakan, pananampalataya, tulad ng isang Pilipino na sa kabila ng mga banta sa kanyang buhay ay bumalik sa ating bansa upang makiisa sa mga Pilipino na nakikibaka laban sa isang malupit na diktadura na umagaw sa kanilang mga batayang kalayaan at karapatan. Sa kanyang inihandang Pahayag sa Kanyang Pagdating (Arrival Statement) na nabigo niyang basahin dahil siya ay pataksil na pinaslang sa ating paliparan, ito ang kanyang winika, Kusang bumalik ako na armado lamang ng malinis na budhi at pinatibay sa pananampalataya na sa bandang huli, ang hustisya ay lilitaw na matagumpay... Ako ay babalik mula sa pagkatapon at isang hindi tiyak na kinabukasan na may tanging determinasyon at pananampalataya na iaalay—pananampalataya sa ating bayan at pananampalataya sa Diyos. 10. Di lang paniniwala Ang pananampalataya na siyang sandigan ng relihiyon ay hindi lamang paniniwala (sa Diyos at kabilang buhay). Mailalagom natin ito sa tatlong salita: ang isang mananampalataya ay naniniwala, nagtitiwala, tumatalima. Hindi lang siya naniniwala na may Diyos. Nagtitiwala rin siya na ang Diyos ay mahal siya at di siya pababayaan anuman ang mangyari. Ngunit kung tunay ang pananampalataya, ito ay dapat makita sa pagtalima niya sa kalooban ng Diyos na nakatala sa 3 Banal na Kasulatan. Kaya nga nasabi ni Apostol Santiago na ang pananampalataya na walang gawa ay patay. "Ang isang relihiyon na hindi isinasaalang-alang ang mga praktikal na mga alalahanin at hindi nakakatulong sa kanilang paglutas ay hindi relihiyon." - Mahatma Gandhi Kaya sa isang mananampalataya tulad ng isang Kristiyano, hindi hiwalay ang kanyang relihiyon sa kanyang pilosopiya, sa kadahilanang ang kanyang pananampalataya ay hindi lamang paniniwala kundi kanyang buhay mismo. Sa isang pagpupulong ng mga Lay Minister na aking dinaluhan, naitanong kung paano ba matulungan ang mga kabataan na lumago sa kanilang pananampalataya. May halalang magaganap noong taong iyon ng 2019. Tumayo ako at nag-ambag ng kasagutan at ito ang aking sinabi: Kailangang isabuhay ang pananampalataya upang ito ay lumago. Iyan ang hamon sa ating mga kabataan. Dapat na mapatunayan nila na tunay nilang isinasabuhay ang kanilang pananampalataya sa pamamagitan ng aktibong paglahok sa halalan para mailuklok sa kapangyarihan ang mga taong tunay na maaasahang maglilingkod sa sambayanan at hindi yaong ang hangad lamang ay pansariling kagalingan. Iyan ang aking dalangin, na ang ating mga kabataan ay mapatunayan na tama si Rizal na sila nga ang pag-asa ng bayan, lalo na sa kapanahunang ito na ang ilan sa atin ay nawawalan na ng pag-asa na magkakaroon pa ng makabuluhang pagbabago sa ating bansa na sa kasalukuyan ay nababalutan ng kadiliman . 4