Uploaded by MALINGIN, Reymar Pesidas

RADYO FILIPINO

advertisement
PAMAGAT: NANG UMIBIG SI JUAN…
Narrator(N): Sa isang malayong bayan ng San Rafael ay mayroong isang dalagang kung ituri'y isang anghel.
Ang kaniyang kutis ay singputi ng niyebe, mga matang mapang akit, at boses na tila ba isang ibong
umaawit. Kaniyang ganda'y pumukaw ng pansin at pagtingin ng mga kalalakihan sa iba't-ibang bayan
kabilang na ang isang makisig na binatang si Juan. Ngayong araw, aalamin natin ang makabuluhang
tradisyon ng mga Pilipino dito sa istoryang pinamagatang "Nang umibig si Juan..."
Josefino: Juan saan ba kase tayo pupunta? Ilang ilog na ang tinawid natin at ilang gabi na tayong
naglalakbay. Tila ba tayo'y nag papa-ikot lang.
Juan : Hawakan mo nang maigi yang gitara at huwag ka ng umangal pa, nasisiguro kong tayo'y nasa tamang
landas na.
Josefino: Ano bang gagawin mo sa gitarang ito? Ang bigat bigat. Teka huwag mong sabihing...
Juan: Oo, tama ang iyong iniisip. Kay tagal ko ng umiibig kay Teresa. Batid kong walang pag asang maging
isang katotohanan ang munti kong pangarap.
Josefino: Sa dami ba naman ng mga manliligaw ni Teresa, nandyan ang anak ng Lakan na si Tiyago. Nariyan
rin ang mayamang mangangalakal na si Pedro.
Juan: Alam mo kase Josefino, simula pagkabata pa lamang ay nahumaling na ako sa kabaitang taglay ni
Teresa.
Josefino: Magkababata kayo?
Juan: Oo, sariwang sariwa pa sa aking mga alaala ang una naming pagtatagpo.
Narrator: Nagbalik sa mga alaala ni Juan nang una niyang masilayan ang ganda ng kaniyang iniirog. Isang
eksenang umukit ng pangalang Teresa sa kaniyang puso at isipan.
Teresa: Hoy! Anong ginagawa niyo!?
Tiago: Huwag kang makialam dito Teresa. Isang hamak lamang ito na mahirap.
Teresa: Ano naman kung mahirap siya?
Tiago: Sige bugbugin niyo yan!
Teresa: Sabing itigil niyo yan eh!
Narrator(N): Buong loob na ipinagtanggol ni Teresa si Juan na noo'y napahiga na lamang sa lupa at
nanghihina.
Teresa: Juan ayos ka lang ba?
Juan: A-ayos lang ako, Teresa. S-salamat...
Teresa: Sigurado ka ba talaga?
Narrator(N): Dito ay inilapit ni Teresa ang kaniyang mukha upang mag-usisa. Unang beses na magtagpo
ang kanilang mga tingin ay halos sasabog na sa kilig ang ating bida.
Josefino: Tapos ano pa?
Juan: Ayon, kitang kita ko ang mga nangungusap niyang mga mata. Ramdam ko talaga ang malasakit niya
para sa akin noong araw na iyon. Simula noon, palagi na siyang dumadalaw sa aking mga panaginip.
Josefino: Teka, Juan, ayon ba yung tahanan ni Teresa?Totoo talagang ang daming kalalakihan ang
sumusubok na masungkit ang kaniyang puso.
Narrator(N): Hindi natinag si Juan at nagpatuloy lamang sa paglakad. Buo ang kaniyang loob na
maipahayag ang kaniyang damdamin sa babaeng iniirog. Kapansin-pansin na ang mga binatang umaakyat
ng ligaw ay may kaniya-kaniyang pakulo. Nariyan ang nagdadala ng mga bulaklak, tsokolate, at ang ilan ay
nagbibitiw ng mga matatamis na mga salita. Subalit, imbis na makipagbuno upang mapansin ay umupo
lamang si Juan at nagsimulang umawit.
Juan: *ummaawit*
Oh, Teresa, sa'yong kagandahan,
Aking ilalapit, ang aking pagsinta.
Sa ilalim ng mga bituin, sa lihim na lugar,
Ang pangalang Teresa, sa aking puso'y maglalakbay.
Narrator: Sa saliw ng gitara at ang napakagandang boses ng makisig na binata ay napansin siya ni Teresa.
Ang mukha ng dalaga ay tila ba nabuhayan sa kaniyang mga narinig.
Juan: Teresa, sa akin awiting ito, nais kong maipabatid ang aking nadaramang wagas na pag-ibig. Simula
nang una palang kitang masilayan puso ko'y nabihag mo na. Itong abang binata ay hindi kailanman
manghihina. Hindi susuko hanggang puso mo'y makamtan.
Teresa: Juan...
Narrator: Pumanaog si Teresa sa kanilang tahanan at dali-daling sinalubong si Juan ng isang mainit at
mahigpit ng mga yapos. Hindi makapaniwala ang dalaga sa kaniyang mga salitang naulinigan mula sa
binata.
Teresa: Kay tagal kong naghintay sa iyong pagdating. Simula noon pa ay ikaw ang nais kong makasama.
Naisin ko man na makapiling ka ay maraming bagay ang humahadlang sa ating dalawa. Lagi mo na lamang
akong tinatakbuhan o hindi kaya'y ikaw ay mahihimatay. Kaya't laking gulat ko na nandito ka para makuha
ang aking mga kamay.
Juan: Teresa, naglakas loob talaga ako na ipagtapat ang akig pag-ibig. Kahit gaano man kalayo ang nilipatan
ninyong tahanan ay nandito ako para masungkit ang matamis mong oo.
Narrator: Bagamat batid ni Teresa ang pagmamahal ni Juan para sa kaniya. Hindi naging madali ang
panliligaw ng binata. Umabot ito ng mahigit limang taon upang tuluyang mapatunayan hindi lamang sa
mga salita ang pag-irog ng binata sa dalaga.
Teresa: Oo, aking mahal. Iniibig rin kita.
Juan: Mahal din kita, Teresa.
Narrator: Ang kwento ng binatang si Juan at ng dalagang si Teresa ay isang patunay kung paano nga ba
umiibig ang isang Juan. Tunay ngang hindi papatinag sa ano mang pagsubok at hahamakin ang lahat
masungkit lamang ang pagmamahal ng dalagang Pilipina.
AKO, IKAW, TAYO AT ANG WIKANG FILIPINO…
Uy, kaibigan kumusta?
Isa ka din ba sa nalilito sa kung ano ang pinagkaiba ng Tagalog, Filipino, at Pilipino? Hmmm...kamot ulo na
ba? Wag kang mag alala nandito si Kuya Luis para linawin ang mga bagay bagay patungkol sa kasaysayan
ng wikang pambansa at ang koneksyon nito sa identidad natin bilang isang Pilipino.
Magkakaiba ang kahulugan at konseptong taglay ng Tagalog, Pilipino, at Filipino. Maaaring maitanong mo
sa iyong sarili, "Diba tagalog din naman ang Filipino at Pilipino?" May punto ka naman dyan kaibigan, pero
kapag sinabi mong Tagalog ito ay nakakabit sa geograpikal na aspeto ng Pilipinas, ito ay malawakang
ginagamit lamang sa NCR, gayundin sa Batangas, Cavite, Rizal, Palawan, at iba pang mga lugar sa rehiyong
katagalugan.
At alam mo ba na noong 1937 ang Tagalog rin ang naging basehan ng pagkakabuo ng opisyal na wika ng
Pilipinas sa bisa ng mga kautusan ng ama ng wikang pambansa na si Manuel L. Quezon?
Ngunit pagsapit ng 1959, nagsimulang tawaging "Pilipino: ang Tagalog bilang pagsunod sa utos ni Jose
Romero, ang dating kalihim ng DepEd. Ito ay sa kadahilanang upang mapawi ang isip-rehiyonalista ng mga
Pilipino at dahil na rin ang bansa natin ay Pilipinas kaya't natural lang na tawagin ito Pilipino.
Dahil na din sa dami ng diyalektong ginagamit sa bansa ay tila mas gumulo at nagkaroon ng mga pagtatalo
ukol dito.
Kung kaya't ang mga mga mambabatas ay gumawa ng hakbang at binuo ang wikang "Filipino". Pero ano
naman ang ispesyal dito?
Ito lang naman ang tatayong wikang panlahat na siyang magbubuklod sa ating mga Pilipino.
Kung kaya't sa aking palagay, isinasalamin ng wikang Filipino ang pagkakaisa at pagkakabuklod buklod
nating mga Pilipino sa buong kapuluan.
Kaya't tandaan, kaibigan, may mga pagkakaiba, pero ang importante, tayo'y nagkakaisa sa ilalim ng iisang
wika, ang Filipino, na nagpapakita ng ating pagmamahalan bilang isang bansa. Nawa'y ito'y nakatulong na
malinawan ka! Maraming salamat!
Download