Uploaded by nasgtubongbanua

pdfcoffee.com pagsipat-sa-curriculum-guide-ng-pagsulat-sa-piling-larang-pdf-free

advertisement
Pagsipat sa Curriculum Guide ng Pagsulat sa Piling Larang (Akademik) ng mga
Piling Mag – aaral sa Mataas na Paaralang Pang – Agham ng Makati
Isang Pinal na Papel na Iniharap Kay
Dr. David Michael San Juan
Unibersidad ng De La Salle – Taft
Bilang Bahagi ng Pagtupad sa Pangangailangan sa
Asignaturang Kurikulum sa Filipino
Ni
Luvy John A. Flores
Master sa Araling Pilipino medyor sa Wika, Kultura, at Midya
Abril 2019
1.1.
Introduksyon
Ang edukasyon ay pinaniniwalaan ng mga dalubhasa sa larangang pagtuturo ay
isang proseso kung saan ang lipunan ay naglalaan para sa pag – unlad ng
mamamayan. Ayon kina Ragan at Shepherd, ang kurikulum ay isang daluyang
magpapadali kung saan ang paaralan ay may responsibilidad sa paghahatid,
pagsasalin, at pagsasaayos ng mga karanasang pampagkatuto. Ang kurikulum ay
isang plano ng mga gawaing pampaaralan at kasama rito ang sumusunod: ang mga
dapat matutunan ng mga mag – aaral, ang paraan kung paano tayahin ang
pagkatuto, ang katagian ng mga mag – aaral kung paano sila matatanggap sa
programa, at ang mga kagamitang pampagtuturo. Magiging mahusay ang isang
kurikulum kung mayroon itong sangkap tulad ng sumusunod: ang saklaw ng
asignatura, paksa, at mga gawain kasama rito, ang pagkasunod – sunod at
organisasyon ng paksa, at mga estratehiya at pamamaraang gagamitin upang
matamo ng mga mag – aaral ang layunin.
Nagkaroon din ng pag – unlad ang kurikulum sa Pilipinas. Ang bawat panahon sa
kasaysayan ng Pilipinas ay kakikitaan ng iba’t ibang tuon ng kurikulum. Noong
Prekolonyal, ang pagtuturo sa loob ng tahanan ang mga pangunahing gawain upang
patuloy na mabuhay. Tinuturuan ng mga nakatatanda ang kanilang anak ng paraan
ng pamumuhay dahil ito lamang ang daan upang mabuhay nang matagal. Sa
panahon ng Kastila, Sa unang panahon ng Kastila ginamit na paaralan ang mga
kumbento at mga pari ang mga guro. Ginamit nila ang dala nilang mga akdang
dayuhan at isinalin sa wikang katutubo upang palaganapin ang Kristiyanismo.
Ginamit din nila ang mga isinalin upang turuang bumasa, sumulat at bumilang ang
2
mga katutubo. Sa panahon ng rebolusyon, ang panitikan ay nakatuon sa pagiging
makabayan. Sa Panahon ng Amerikano, Sa unang panahon ng mga amerikano,
naitayo ang mga paaralang pampubliko, naging guro ang mga kawal na Amerikano,
ginamit nilang aklat ang mga dalang babasahin at naging palansak ang pagsasalingwika upang ituro ang Wikang Ingles. Itinuro rin ang pagbasa, pasgulat, pagbilang,
paghahalaman, pangkalusugan, at iba pa. Binigyang-diin din ang paghahanda sa
mga Pilipino para sa sariling pamamahala at ang matibay na pagsasakatuparan ng
paghihiwalay ng simbahan sa pamahalaan. Sa panahon ng Hapon, Nang dumating
ang mga hapon, ipinagbawal ang pagtuturo ng Wikang Ingles at sa halip ay ang
pagtuturo ng Niponggo at pagtuturo ng Wikang Filipino. Isinama rin ang pagtatalakay
sa patakaran ng co-prosperity sphere at pag-aalis ng kaisipang U.S Imperialism. Sa
Panahoon ng Martial Law at 1986 Rebolusyon, Ipinatupad sa panahong ito ang
bilingual education, population education at family planning, taxation at land reform,
pagpapatibay
sa
pagpapahalagang
Filipino.
Kasalukuyang
Panahon,
ang
kasalukuyang paanahon ay nakilala bilang panahon ng makina. Naging bahagi ng
kurikulum ang komputer at ang makabagong teknolohiya. Binigyang-diin din ang
pagpapaunlad ng wikang bernakular, ang Wikang Ingles, Inclusive Education,
Special Education, makabagong pamamaraan sa pagtuturo gaya ng Multiple
Intelligences, Learning Styles, at marami pang-umuusbong na isyu.
Hindi lahat ng mga mag-aaral sa isang klasrum ay may eksepsyonal na kakayahan
upang matutuhan ang mga araling inihahain ng guro sa madaliang paraan. Ang
kakayahang magpaliwanag, bumuo ng interpretasyon, mailapat ang natutuhan,
bumuo ng sariling pananaw, dumama at umunawa sa damdamin ng iba, at kumilala
3
sa sarili ay nangangailangan ng pagsasanay. Dito ay kailangang maghanda ang
gurong mga kagamitang maaari niyang gamitin upang hasain ang nabanggit na
kasanayan ng mga mag-aaral. Kapag natutuhan ng mga mag-aaral
Ang dagdag na dalawang taon sa sekondarya ay isang malaking hamon para sa
edukasyon ng Pilipinas ngunit aminin man natin sa hindi. Ang ganitong paggalaw sa
kurikulum at dagdag na taon ay labis na nakatulong sa mga mag – aaral sapagkat
mas naihanda sila sa pagtuntong sa kolehiyo. Masasabing may kakulangan, katulad
na lamang ng mga silid – aralan, aklat, upuan, mesa, at lahat – lahat ng kagamitang
pampagtuturo ngunit ang lahat ng ito ay malalampasan kung ang mga guro sa
Pilipinas ay labis na naihanda sa pagkakaroon ng pagbabago.
Ang pokus ng pag – aaral na ito ay sipatin at suriin ang nilalaman ng curriculum
guide ng asignaturang pagsulat sa piling larang (akademik). Susuriin ito batay sa
nilalaman, pamantayang pangnilalaman, pamantayang pagganap, mga kasanayang
pampagkatuto, at maging ang code. Inalam ng mananaliksik ang mga saloobin ng
mga mag – aaral sa Mataas na Paaralang Pang – Agham ng Makati kung epektibo
ba ang nilalaman ng gabay na kurikulum. Gagamitin ang theoretical criticism na
nagsasaad ng mga makabuluhang ideya. Ang teoryang nabanggit ay maaaring macritic sa pamamagitan ng mga sumusunod: mula sa punto de bista ng ibang teorya,
mula sa pansariling pananaw, mula sa experiential evidence, mula sa pagiging
pakinabang o pagiging praktikal ng teorya, at ang moral na implikasyon ng teorya
para sa galaw at ugali ng isang tao.
Pinagsama – sama ang mga kasagutan ng mga mag – aaral para masipat at
masuri ang kanilang mga kasagutan.
4
Mga Karagdagang Mungkahing Paksa sa Pagsulat sa Piling Larang (Akademik) at
Mga Pagkasunod – sunod ng mga Paksa ayon sa Kapakinabangan
Ang Pagsulat sa Piling Larangan bilang isa sa mga applied track subject sa K-12,
ay nangangailangan ng pag-aangkop sa track kung saan ito itinuturo. Sa lagay ng Mataas
na Paaralang Pang-agham ng Makati, ang asignaturang ito ay itinuturo bilang parte ng
STEM Strand at naka-angkla ang kurikulum na sinusundan sa Academic Track upang
maiayon sa mga pangangailangan ng mga mag-aaral ng STEM. Ang kurikulum nito ay
detalyado at nilalaman ang mga kailangan ng mga mag-aaral para sa kanilang magiging
hinaharap, sa kanilang trabaho o kolehiyo man ngunit may mga parte itong mas kailangan
pagtuonan ng pansin kaysa sa iba.
Ang unang parte ay ang pag-alam sa kahulugan ng akademik at pagkilala sa mga
uri ng sulating akademik. Ito ay mahalagang parte dahil hindi ka makabubuo ng kahit
anong sulating akademik kung hindi mo alam o wala kang ideya sa kung ano nga ba ito
at ang balangkas nito. Ang problema lamang sa parteng ito ay may mga bagay na
maaaring maisama sa diskusyon kahit hindi naman ganun kahalaga sa pagbuo ng mga
sulating akademik. Mas maganda kung magpokus lamang sa balangkas, mga maaaring
layunin, at magdagdag ng kaunting diskusyon para sa gramatika. Ang gramatika ay isang
mahalagang parte ng pagsusulat lalo na para sa mga pormal na sulatin, ito ay dapat ay
bigyang diin at ituro muli kung kinakailangan upang maitatak sa mga utak ng mga magaaral, mula sa mga tamang bantas, at iba pang mga batas pang-gramatika.
Ang pangalawang parte ng kurikulum ay kung saan na inisa-isa ang mga
akademikong sulatin na aaralin ng mga estudyante. Karamihan sa mga nasa listahan ay
mga mahahalagang akademikong sulatin ngunit mas maganda kung bibigyang- diin
5
lamang ang mga kinakailangan talaga sa hinaharap. Maaaring ipagawa ang mga
akademikong sulatin na sa tingin ay kailangang isulat ng mag-aaral sa kolehiyo o sa
kanilang hinaharap na trabaho. Ito ang mga akademikong sulatin na nasa ilalim ng
kurikulum ng Pagsulat sa Piling Larangan:
1. Abstrak
2. Sintesis/buod
3. Bionote
4. Panukalang Proyekto
5. Talumpati
6. Katitikan ng pulong
7. Posisyong papel
8. Replektibong sanaysay
9. Agenda
10. Pictorial essay
11. Lakbay-sanaysay
Ang mga sulatin tulad ng lakbay-sanaysay, replektibong sanaysay, at pictorial
essay, sa aking opinion ay hindi naman masyadong kinakailangan aralin sapagkat ang
kanilang estraktura ay payak lamang at hindi sila gaano kahalaga at magagamit sa
hinaharap. Maaaring mamili na lamang ng isa o dalawa sa mga ito na ipapagawa upang
hindi matambakan ng gawain ang mga mag-aaral at makapagpokus sa iba pang mga
sulatin. Ang listahan ay maaaring dagdagan ng liham ng aplikasyon, pagsulat ng resume,
at pagsulat ng memorandum bilang kapalit ng tatlong unang nabanggit na mga sulatin.
6
Ang mga sulatin na ito ay mga kinakailangan talaga ng mga mag-aaral mula sa pag-apply
para sa mga scholarship hanggang sa pag-apply sa mga trabaho.
Maaari ding unahin ang mga kinakailangan talaga at huwag na lamang sundin ang
nasa curriculum guide. Ang pagkakasunod sunod ay maaaring gawing tulad nito:
1. Abstrak/ Sintesis/buod
2. Bionote
3. Posisyong papel
4. Panukalang Proyekto
5. Liham pang- aplikasyon
6. Paggawa/ Pagsulat ng resume
7. Katitikan ng pulong
8. Agenda
9. Pagsulat ng Memorandum
10. Talumpati
11. Replektibong sanaysay / Pictorial essay/ Lakbay-sanaysay
Ito ay upang mas mabigyang pansin talaga ang mga tunay na maghahanda sa mga magaaral para sa kanilang hinaharap.
Ang mga kasanayang pampagkatuto naman na nakalagay sa curriculum guide ay
hindi makikitaan ng problema, sila’y makadahilanan naman kung susundin ang mga
nilalaman ng kurikulum. Sila ay talagang naka-ayon sa kurikulum na ibinigay ng DepEd
ngunit tulad nga ng aking unang sinabi kanina ay kung lahat pa ng mga tekstong mga
nakasaad ay ipagagawa pa sa mga mag-aaral ay magkukulang ang oras. Masyadong
7
detalyado ang mga kahilingan ng mga kasanayang pampagkatuto, magandang sundin
kung marami lamang oras.
Sa konteksto ng Makati Science High School, mahirap nang himayin pa ang bawat
aralin lalo na kung sa unang semester dahil ito ay sasabay sa work immersion ng mga
mag-aaral. Ang mga mag-aaral ay lalabas ng paaralan nang dalawang lingo at sa
kanilang pagbalik ay maaaring medyo naglaho na rin ang iba nilang mga natutuhan bago
sila mag immersion. Sa aking ibinigay na pagkakasunod sunod din pala ay maaaring
unahin ang nasa bilang 5 at 6 sapagkat ang dalawang ito ay kakailanganing matutuhan
ng mga mag-aaral para sa work immersion.
Maaari ding bawasan pa talaga ang mga gawain na pinapauwi pa sa tahanan.
Una, base sa aming naging experience, mas maganda kung sa paaralan na ipagawa
para madali nang matapos at kung may tanong man sa guro ay madaling malapitan,
maliban dito ay para din masiguro ng guro na ang mag-aaral talaga ang mismong
gumagawa ng kaniyang output dahil may ibang mga mag-aaral na oportunista at
pinagkakakitaan ang kanilang kapwa sa paraan na sila ang gagawa ng output ng iba.
Pangalawa, kinakailangan din ng mga mag-aaral ng oras upang makagawa ng mataas
na kalidad na output, dahil hindi naman lahat ay talagang manunulat, ang pinagagawa
ay kanilang pinag-aaralan pa bago tuluyang maumpisahan. At dahil kulang nga ang
pundasyon ng karamihan sa wikang Pilipino ay nahihirapan pa silang makabuo ng mga
purong Pilipino na pangungusap para sa kanilang sulatin. Bigyang pansin ang kalidad na
kayang magawa ng mga mag-aaral pagkatapos ng bawat diskusyon kaysa sa dami ng
mga sulating kanilang magagawa.
8
Sa aking pagsilip sa curriculum guide at sa naging experience ko noong nakaraang
taon, itong mga bagay na ito lamang ang aking maimumungkahi upang mas mapalago,
maiayos, at mapabuti pa lalo ang kurikulum ng asignaturang Pagsulat sa Piling Larangan.
Pagkuha ng Pagsulat sa Piling Larang (Akademik): Mas Mainam sa Baitang 11
Napakalaking kontribusyon ang naibibigay ng Pagsulat sa Piling Larangang
Akademik upang maging matibay ang kahandaan ng mga mag-aaral sa mas mataas na
lebel na pag-aaral- ang kolehiyo. Dito higit na napapalalim ang kasanayan ng isang
indibidwal sa ibat ibang gawain at sulating pang-akademiko o pang propesyunal man
dahil magagamit nila ito hinaharap bilang lagom at reperensiya. Marapat lamang ituro
ang Pagsulat ng mga akademikong sulatin bago simulan ng mga mag-aaral ang kanilang
karera.
Marapat na ituro ito sa ikalabing isang baitang nang sagayon ay may sapat na
silang kaalaman sa istruktura, layunin,gamit at kaangkupan ng mga salita nang maihanda
sila sa mga kinakailanganin ng isang Graduating student ng Senior high school. Ilan dito
ay paggawa ng liham aplikasyon sa asignaturang Work Immersion o liham na kanilang
ipadadala maging sa mga unibersidad mapa-email man o sa tradisyunal na paraan. Isang
nakadidismayang karanasang pampagkatuto sapagkat sa aming paaralan ay nauna pa
ang pagpasa ng liham aplikasyon, resume at curriculum vitae para sa Work Immersion,
kung saan namin natunghayan ang propesyunal na mundong nais naming kapabilangan
balang araw, kaysa sa mismong pag-aaral ng mismong proseso ng pagsulat nito na
nakapaloob sa asignaturang nabanggit.
9
Hindi rin maagang naturo at napagtibay ang pagsulat ng abstrak bago ang ganap
na pagpapagawa sa amin nito sa aming Pananaliksik. Ipinagagawa kami ng bionote
upang itanghal ang isang mahalagang hurado o personalidad sa programa sa aming
paaralan o ng katitikan ng pulong sa aming pulong sa organisasyon subalit walang pormal
na pag-aaral muna sa pagsulat at nilalaman nito. Bagamat naituro na ang ilan sa
akademikong sulatin gaya ng resume sa Reading and Writing na isang hiwalay na
asignatura ay hindi labis na nabigyang tuon ang proseso at aktuwal na pagsulat. Kaya
naman may ilan na di na bagong konsepto sa amin subalit kulang pa rin sa integrasyon
at aplikasyon ng natutunan. Kaya naman marahil ay napapansin ng mga mag-aaral na
umuulit lamang ang pag-aaral subalit kinakailangan nilang mag-recall sapagkat itutuloy
o matatalakay ito sa susunod na baitang o sa ibang asignatura. Isang spiral progressiom
kung tutuusin na marahil sinadya ng DepEd upang mahimay himay ang aming pag-aaral.
Subalit Mas makabubuti kung gayon na isahang ituro ang akademikong sulatin sa
Pagsulat nang higit na maaga o sa unang semestre ng ikalabing isang baitang.
Marapat na pag-isahin na lamang ang pagtuturo nito sa ang pagsulat sa Piling
larangan akademik na siyang may layuning bigyang integrasyon ang pag-aaral ukol sa
mga akdemikong sulatin. Konsekwensiya ng hindi maayos na prosesong ito ay kalituhan
ang kawalang katiyakan sa parte ng mga mag-aaral kung tama ba o ang angkop ang
kanilang ginagawa. Nag-eeksperimento sila nang walang matibay na saligan at
karanasan sa pormal na pagsusulat ng mga pang-akademiko. Samantala, kung kritikal
na aanalisahin ang curriculum guide, mainam kung mapapalawak ang sakop ng
kakailanganin sa pamantayang pagganap mula 3-5 akademikong sulatin dahil hindi
magiging sapat ang bilang na ito.
10
Mainam kung lahat o higit pa sa nakatala ay matatalakay at mapapasadahan
upang hindi makulong ang indibidwal sa iilan lamang na akademikong sulatin. Maraming
oportunidad sa kanilang karera sa hinaharap ang mangangailangn at mapaggagamitan
nito kaya marapat na matalakay ang lahat ng isinaad sa nilalaman na bahagi ng curriculm
guide na binubuo ng abstrak, sintesis, bionote, panukalang proyekto, talumpati, katitikan
ng pulong, posisyong papel replektibong sanaysay, agenda, pictorial essay at lakbay
sanaysay. Hindi maipagkakailangang hindi ito magiging madali subalit kung maituturo
nang tama, sapat na pamamaraan ay inaasahang ang mga mag-aaral ay may maringal
na retensyon at kasanayan bilang resulta.
Sa karagdagan, ang kurikulum guide ng Pagsulat sa Piling Larangan ay
nagmungkahi rin lamang ang ibat ibang akademikong sulatin na maaring pagtuunan ng
pansin ng guro at ang nagsaad na 3-5 sulatin ang kinakailangang kalakipan ng mastery
ngg mag-aaral sa paraang pagsulat ng alinman dito. Subalit hindi naman nagbigay ng
malinaw at kumpletong pamantayan sa nararapat na makamit sa bawat sulating
tinutukoy. Kinakailangang bigyan ng pamantayan ang bawat akademikong sulatin sa
kung ano ba talaga ang nararapat na makamit nang sagayon ay may isang direksyong
gagabay sa mga mag-aaral at maiiwasan ang kalituhan o kawalan ng pokus. Mahalaga
ang pagsulat dahil ito'y behikulo na makapagbibibay sa mga mag-aaral ng kaalaman at
bukal ng kasanayan para sa kanilang tagumpay sa kolehiyo at maging sa larangang
napili. Krusyal ang pormal na kaalaman sa akademikong sulatin. Halimbawa na lamang
ang resume dahil nakasalig dito kung matatanggap sila sa trabaho batay sa mga
impormasyon na kanilang inilalagay. Samakatuwid, kinakailangang ng integrasyon sa
curriculum guide kaugnay ng mga akademikong sulatin na inilalatag sa mga mag-aaral.
11
K12 Kurikulum: Pasado o Bagsak?
Ang asignaturang Pagsulat sa Filipino sa Piling Larang (Akademik) ay nakapokus
sa mga sulatin tulad ng Resume, Liham Aplikasyon, Bionote, Sintesis, Katitikan ng
Pulong, at marami pang iba. Ang Academic Track lamang ang nakatatanggap ng
ganitong kurikulum. Kung tatayain, makatutulong at wasto nga ba ang ganitong kurikulum
sa mga estudyante sa hinaharap?
Ang isang semestre ng asignaturang ito ay punong puno ng mga sulatin tulad ng
mga nabanggit sa itaas na kinakailangan pagdating sa kolehiyo at sa trabaho. Talagang
kailangang matutuhan ang mga ito upang makapasok sa mga kolehiyo at kompanya. Sa
aking palagay, ang kursong ito ay labis na makatutulong upang alalayan ang mga magaaral sa kung paano tumatakbo ang mundo sa labas ng paaralan. Bakit? Sapagkat ang
mga susulatin na ito ang mga kailangang dokumento sa kolehiyo at sa mga kompanya.
Halimbawa na lamang ay ang konseptong papel na kailangang solusyon sa isang
problema o kaya naman ay may nais ipanukalang proyekto na makatutulong sa
kompanya. Makatutulong din ito sa paggawa ng abstrak ng mga pananaliksik at sa
paggawa ng business plan para sa mga taong nais makakalap ng pondo sa
pagpapatakbo ng negosyo. Napakaganda ng hangarin ng kurikulum na ito sapagkat
talagang matutulungan nito ang mga mag-aaral sa mga dokumentong kailangan
pagdating sa hinaharap. Napakahalaga ng mga asignaturang ito upang hindi maging
ignorante ang mga kabataan sa mga akademikong papel na ito na palaging ginagawa
kapag nagtatrabaho na.
Gayunpaman, ang kurikulum na ito ay hindi dapat ikinukulong sa Akademic Track
lamang. Lahat ng mga mag-aaral ay kailangang malaman ang mga ganitong
12
impormasyon. Kung ang kurikulum na ito ay maisasama rin sa kaparehong asignatura,
hindi sila malalamangan ng mga nasa Academic Track. Hindi ito dapat hinihiwalay
sapagkat ang mga dokumentong ito ay matatagpuan saanmang larangan at kompanya
magtrabaho. Kailangan ng bawat mag-aaral ang ganitong mga aralin dahil magagamit
nila ito sa kanilang kinabukasan. Hindi lamang ang mga negosyante, siyentipiko, at ibang
propesyong nasa Academic Track ang may karapatan upang malaman kung paano
sinusulat ang mga akademikong papel na nabanggit.
Ngunit harapin natin ang masakit na katotohanan. Ang wikang madalas gamitin sa
mga dokumentong ito ay wikang Ingles. Kaya mas nararapat na pagtuunan ito nang
pansin sa asignaturang English for Academic and Professional Purposes. Sapagkat
karamihan sa mga aplikasyong papel ay ingles ang ginagamit. Gayundin sa mga
business plan, planong pamproyekto, at iba pang akademikong sulatin. Kamakailan din
lamang ay ipinapanukala na alisin ang asignaturang Filipino sa kolehiyo. Ibig sabihin,
maaaring mawawalan ng saysay ang ilan sa mga napag-aralan sapagkat hindi ito
mahahasa sa akademikong aspekto. Sa aking palagay, kung maisasabatas ang ganitong
panukala, hindi na kakailanganin ang ilan sa mga napag-aralan sa junior high at senior
high school. Ngunit, hindi pa rin tama na tanggalin ang asignaturang Filipino sapagkat
ayon sa pananaliksik, isa itong wika na pausbong pa lamang. Kung puputulin ang paglago
ng wikang ito, hindi na ito magiging daynamiko na isang katangian ng wika. Kaya naman,
makabubuting hindi alisin sa kolehiyo ang mga asignaturang Filipino.
Napakaganda ng kurikulum ng asignaturang Pagsulat sa Filipino sa Piling Larang
(Akademik). Maliwanag ang hangarin nitong ituon ang isipan ng mga mag-aaral sa mga
Araling praktikal. Ang lahat ng ito ay tiyak na gagawin kapag lumipat na sa mas mataas
13
na antas ng pag-aaral o kaya naman ay sa paghahanapbuhay. Kaya naman, mas
makabubuting lahat ng mag-aaral ng senior high ay nararapat na matutuhan din ang
ganitong mga aralin. Kahit wikang Ingles man ang gamit sa mga ganitong dokumento,
nararapat pa ring malaman ang mga ganitong bagay sa sarili nating wika sapagkat isang
paraan pa rin ito upang mapayaman ang sariling atin.
Domain o Component: Mainam na Pagpalit – palitin para sa Interes ng mga Mag –
aaral
Ang curriculum guide (CG) ng Pagsulat sa Piling Larang (Akademik) ay naglalaman
ng Nilalaman, Pamantayang Pangnilalaman, Pamantayan sa Pagganap, Mga
Kasanayang Pagkatuto, at Code upang gabayan ang mga guro sa pagtuturo ng
asignaturang ito. Tinatalakay rito ang kahulugan, kalikasan, at katangian ng pagsulat ng
sulating akademik, at ang pagsulat ng iba’t ibang akademikong sulatin. Ito ay itinuturo
upang masigurong maging handa ang bawat estudyante pagdating sa kolehiyo at maging
sa pagtatrabaho.
Tunay ngang hitik sa laman at impormasyon ang CG ng Pagsulat sa Piling Larang
(Akademik). Ito ay isang malaking tulong dahil natuturuan ang mga estudyanteng
magsulat ng iba’t ibang akademikong sulatin tulad ng Abstrak, Sintesis o Buod, Bionote,
Panukalang Proyekto, Talumpati, Katitikan ng Pulong, Posisyong Papel, Replektibong
Sanaysay, Agenda, Pictorial Essay, at Lakbay-sanaysay. Kapansin-pansin mula sa Code
na ang bawat aralin ng asignaturang ito ay maayos na nilagyan ng iskedyul o bilang ng
mga linggong ilalaan para maituro ang mga ito.
14
Magiging handa naman ang mga estudyante sa kolehiyo kung ang lahat ng ito ay
magagawa nang may kahusayan na nakaayon sa iskedyul nito ngunit mahirap maipasa
sa mga estudyante ang lahat ng mga kasanayan. Bawat isang aralin ay hindi lang bastabasta natututuhan sa pagbibigay ng leksyon at pagpapagawa ng isang awtput.
Kadalasan, ang mga guro ay nagbibigay pa ng iba’t ibang aktibidad katulad ng mga
pangkatang gawain, pagsasanay, at pagsusulit na kinakailangang paglaanan ng
karagdagang mga araw. Dahil dito, mataas ang posibilidad na hindi masunod ang
iskedyul na iminumungkahi ng Kagawaran ng Edukasyon.
Isa pang kapansin-pansing bahagi ng CG ay ang domain o components na
matatagpuan sa huling pahina. Ito ay naglalaman ng Pag-unawa sa Napakinggan (PN),
Pag-unawa sa Binasa (PB), Paglinang ng Talasalitaan (PT), Panonood (PD), Pagsasalita
(PS), Pagsulat (PU), Wika at Gramatika (WG), at Estratehiya sa Pag-aaral (EP). Lahat
ng mga ito ay ang mga kinakailangang malinang ng bawat estudyante upang tunay na
maging handa sa pagsusulat ng mga akademikong sulatin. Ang kakulangan ng isa ay
magiging kakulangan na ng pangkabuuan kaya mahalagang lahat ng ito ay magamit ng
guro.
Makikita natin sa Code kung ano-anong mga aralin ang humahasa ng iba’t ibang
components, ngunit mapapansin na sa bahaging “Pagsulat ng akademikong sulatin” ay
tatlo hanggang lima lamang sa 11 ang mga maaaring sulatin. Kung magiging ideyalistiko
tayo, magandang maisulat natin lahat upang masiguradong masakop ang lahat ng
components, ngunit tulad nga ng nabanggit, hindi kakayanin ng oras na magawa ito nang
maayos. Isa pa, ang bilang ng components sa bawat sulatin ay hindi pantay ng bilang
kaya maaaring hindi masakop ang lahat ng mga competencies na ninanais ng CG.
15
Isang solusyon dito ay ang pagpili ng Katitikan ng Pulong, Posisyong Papel, at
Agenda na sumasakop sa components na PT, PD, at WG ayon sa pagkakabanggit dahil
isang beses lang itong makikita sa buong Code. Ang natitirang dalawang sulatin ay piliin
na may component na PU dahil tiyak namang madadaanan ang components na PB, PN,
at EP sa mga panimulang aralin. Kahit na ito ay maaaring sagot upang masakop ang
lahat, nagiging mahigpit at bawas ang pagpipilian ng guro.
Ang nilalaman ng CG ng asignaturang Pagsulat sa Piling Larang (Akademik) ay
kakikitaan ng malawak na sakop sa pagsulat ng iba’t ibang akademikong sulatin. Ito rin
ay epektibo dahil nakatutulong ito sa pagiging handa ng mga estudyante. Sa kabilang
banda, mahirap namang maipasa ang mga kasanayan sa maikling panahon. Sa dami ng
mga aralin, magiging mahirap ang pagturo nito nang maayos. Dahil dito, malaki ang
posibilidad na hindi masakop ang lahat ng domain o components na kakikitaan ng
kahalagahan sa pagiging isang marunong na manunulat. Mula rito, maaaring mas ayusin
pa at tignan sa ibang anggulo ang “mga kasanayang pampagkatuto” sa bawat aralin
upang masigurong maisanay ang mga estudyante sa lahat ng components na layunin ng
CG.
16
Mga Gawaing Maaaring Ipalit sa Pagsulat ng Iba’t Ibang Akademikong Sulatin
Ang Pagsulat sa Filipino sa Piling Larangan (Akademik) ay isa sa mga
contextualized subject sa kurikulum ng Senior High School. Ayon sa Curriculum Guide
ng nasabing asignatura, ang layunin ng kurso ay malinang ang kakayahan ng mga magaaral sa pagsusulat ng iba’t ibang anyo ng sulating pang-akademik. Sa pamamagitan ng
pag-aaral nito, nagiging malinaw, organisado at epektibo ang pagdaloy ng impormasyon
mula sa manunulat tungo sa mambabasa. Pinabubuti rin dito ang paggamit ng mga
kasanayang komunikatibong linggwistik, sosyolinggwistik, diskorsal at istratedyik.
Maraming paksa ang tinatalakay sa asignaturang ito. Una ay ang kahulugan at
katangian ng sulating akademik. Mahalaga ang pagtalakay dito sapagkat upang
makapagsulat ng epektibong akademikong sulatin, nararapat na alam natin ang iba’t
ibang anyo, katangian, gamit at layunin nito.
Sunod ay ang isa isang pagtalakay sa iba’t ibang akademikong sulatin. Natitiyak
na ang mga mag-aaral ay pamilyar sa mga kahulugan, layunin at anyo ng mga ito at ang
proseso, format at teknik sa pagsusulat nito ay naituro rin. Itinuro rito ang kaibahan ng
Abstrak at Sintesis at kung paano ito isulat para sa isang pananaliksik. Natuto rin ang
mag-aaral hindi lamang ng pagsulat kung hindi pati na rin ng pagdepensa ng kanilang
Panukalang Proyekto at Posisyong Papel. Nalinang naman sa Debate at Dagliang
Talumpati ang kasanayan ng mga mag-aaral sa pagpapatunay ng argumento at ang
kanilang kakayahang diskorsal sa harap ng mga tagapanood. Ang Bionote, Agenda,
Memorandum at Katitikan ng Pulong ay lubos na nakatutulong naman lalo na tuwing
mayroong mahalagang pulong o kaganapan sa paaralan. At huli, napabuti ang kritikal na
pag-iisip ng mga mag-aaral sa Replektibong Sanaysay, Pictorial Essay at Lakbay17
Sanaysay. Ang mga natutunan sa tatlong awtput na ito ay lamang tungkol sa gramatika
o mga paksang natututunan lamang sa silid-aralan kung hindi pati na rin ang kahalagahan
ng pagmamahal sa sarili, sa kaibigan at sa lipunan. Naituro ang pagsasaalang-alang ng
wika, batayang pananaliksik at etika sa mahusay na pagsulat ng mga sulating
akademikong ito.
Masasabi kong ang mga ito ay ilan sa mga pinakamahahalagang paksa sa buong
Senior High School. Kung iisipin, maaaring nakapapagod at nakasasawa nga ito
sapagkat maraming anyo ng sulating pang-akademik, ngunit ang paghihirap sa
pagsusulat ng mga ito ay may katumbas na halaga. Ang kaalaman sa pagsusulat ng mga
ito ay hindi hanggang High School lamang. Hindi rin ito limitado lamang sa loob ng
paaralan at ipapasa lamang upang makakuha ng mataas na grado. Mahalaga ang mga
konseptong ito lalong lalo na kung may kinalaman sa Filipino ang kurso sa kolehiyo.
Maaaring para sa iba ay simpleng pagsusulat lamang ito ng mga salita ngunit ang
katotohanan ay lubos na komplikado ito at makatutulong ito upang makapaglahad tayo
ng ating saloobin at kaalaman sa iba, hindi lamang sa kolehiyo kung hindi pati na rin sa
trabaho at para na rin sa lipunan. Sinasabi rin ng iba na hindi na rapat itinuturo sa STEM
ang Filipino ngunit sa katunayan, maaari nating gamitin ang Wikang Filipino sa
pagsusulong ng Agham at Teknolohiya. Hindi dapat natin ituring at kilalanin ang isang
asignatura na higit at mas nakaaangat sa isa. Mahalagang alisin natin ang makitid at
mababang pagtingin sa ating sariling wika at magsama-sama upang itaguyod ang Filipino
bilang ating pambansang wika.
18
Paglalapat ng Affective Domain sa Kurikulum
Ang curriculum guide ang siyang nagbibigay ng agos sa isang subject kung kaya’t
nararapat itong bumalangkas sa mga kaukulang leksyon na makatutulong sa paghubog
ng isang indibidwal. Gayun din naman, ito’y nagsisilbing gabay ng mga guro sa paggawa
ng mga araling gagamitin sa akademikong talakayan. Mahalagang gawing batayan ng
paggawa ng kurikulum ang tatahaking landas ng mga mag-aaral sa kolehiyo upang ito’y
mas higit na maging kapaki-pakinabang. Isa sa mga kursong kukunin ng mga papasok
sa Senior High School
ay ang kursong Filipino sa Piling Larangan (Akademik),
makatutulong nga ba ito sa mga estudyante pagtungtong nila sa kolehiyo?
Sa kurso ay matututunan ng mga mag-aaral ang iba’t ibang format, teknik, at
wastong proseso ng pagsusulat ng mga akademikong sulatin. Kasabay nito’y malilinang
nila hindi lamang ang kanilang angking talino, kundi pati na ang husay nila sa
pagsasaletra ng mga ito. Sa pamamagitan din ng kurso na ito ay masusubukan ng mga
mag-aaral ang paglikha hindi lamang ng isang simpleng sanaysay kundi ang iba’t ibang
uri ng mga akademikong sulatin, at mas mapagtitibay ang husay rito sa patuloy na
pagsusulat.
Isa sa mga positibong katangian ng kurikulum ay ang pagbibigay importansya sa
pagbibigay kahalagahan at kahulugan sa akademikong sulatin bago pa man simulant ang
kurso. Mahalaga ito upang mabigyan ng magandang pundasyon ang mga estudyante sa
kung ano ang mahalagang gampanin ng kurso sa paglinang ng kanilang kakayahan at
mabigyan sila ng ideya sa inaasahang output pagtapos ng kurso. Isa ring kalakasan ng
kurikulum ay ang paninigurong masusubukan ng mga mag-aaral ang pagsulat ng iba’t
ibang uri ng akademikong sulatin. Sa mababang taon sa paaralan, hindi lahat ng uri ng
19
sulatin, akademik man o di-akademik, ay nasusubukang gawin ng bawat mag-aaral kung
kaya’t ang kursong ito ay magiging malaking tulong sa paghubog sa aking galing ng mga
mag-aaral sa pagsulat.
Pagdating naman sa mga negatibong puna sa nasabing kurikulum, una na rito ang
kakulangan nito sa mga obhektibong naisasaalang alang ang affective domain ng isang
indibidwal. Ang buong kurikulum ay kakikitaan ng magandang pundasyon sa paglinang
ng cognitive at psychomotor domain ng mga mag-aaral ngunit kulang na kulang ito sa
pagsasaalang-alang ng affective domain. Mahalaga na mabigyan din ito ng tuon
sapagkat ang paghubog sa estudyante ay nararapat na gawing pangkabuuan o holistic.
Bukod pa rito, marahil ay maaari ding idagdag sa kurikulum ang pagbibigay pansin sa
kahalagahan ng angkop na paggamit ng mga terminolohiyang Filipino gaya ng “rin” at
“din”, pati na ang “ng” at “nang”, at iba pa. Mahalaga ito dahil palagian itong ginagamit
saan mang sulatin at nararapat na matanggal ang kalituhan ng mga mag-aaral sa
mahahalagang terminong ito.
Sa kabuuan, ang kursong Filipino sa Piling Larangan (Akademik) ay tunay na
makatutulong sa mga estudyante pagtungo nila sa kolehiyo. Anuman ang tahaking
landas sa hinaharap, ay paniguradong kakailanganin pa rin ng husay sa mga sulating
akademiko lalo na sa paggawa ng thesis paper at mga research sa hinaharap. Marahil
ay iniisip ng iba na karamihan sa mga sulatin sa kolehiyo ay ginagamitan ng salitang
Ingles kaya’t hindi makatutulong ang kursong ito, ngunit sa katunayan, ang mga teknik at
proseso ng pagsulat ay magkahalintulad lamang kung kaya’t malaki pa rin ang magiging
epekto nito sa hinaharap.
20
Kolaborasyon at Komunikasyon bilang Pundasyon ng mga Mag – aaral
Isang malaking hamon sa Kagawaran ng Edukasyon at sa lahat ng mga guro ang
mabilis na pagbabago ng panahon. Kasabay ng pagbabagong ito ay ang mga hakbang
na dapat na maisagawa upang iangkop ang mga kagamitang panturo sa kinakailangang
kaalaman at kasanayang dapat na matutuhan ng mga ika-21 siglong mag-aaral. Kabilang
sa mga hakbang na dapat maisagawa ay ang pagkakaroon ng malinaw na basehan o
pundasyon ng mga aralin na dapat na matutuhan ng mga mag-aaral sa partikular na
baitang. Ang pagbuo ng curriculum guide ay isang makilatis na trabaho ngunit ibang
usapin na pagdating sa implementasyon nito.
Ang pagtuturo ng mga asignatura sa elementarya ay naglalayon na maihanda ang
mga mag-aaral para sa susunod na yugto ng kanilang pagkatuto – ang high school. Tulad
nito, ito rin ang tunguhin ng pag-aaral sa senior high school, ang maihanda ang mga magaaral sa panibagong mga aralin at paraan ng pagkatuto sa kolehiyo. Gayunpaman, hindi
dapat limitado sa paghahanda ng mga mag-aaral para sa kolehiyo ang mga araling
itinuturo sa senior high school. Kung babalikan natin ang layunin ng K to 12 ay isa rin sa
mga tunguhin nito ay ang maihanda ang mga mag-aaral na magnanais o pipiliing
magtrabaho muna at makatulong sa pamilya. Isa pang malaking hamon sa curriculum
guide ng senior high school ay ang kaangkupan nito base sa kinukuhang track at strand
ng mga mag-aaral.
Halimbawa, kung bibigyang tuon at susuriin ang curriculum guide ng asignaturang
Filipino sa Piling larangan (Akademik) ay makikita ang kaangkupan ng mga aralin para
sa mga mag-aaral na nasa Academic Track. Nakapaloob sa asignaturang ito ang pagaaral ng iba’t ibang mga akademikong sulatin. Masasabing angkop ang pag-aaral ng mga
21
nabanggit dahil ang kaalaman sa mga ito ay isang mahalagang kasanayan na dapat
taglayin ng isang mag-aaral na pipiliin mang magkolehiyo o magtrabaho.
Ang mga nilalaman na mga aralin at kasanayang pampagkatuto ay nabibigyang
pansin o nakapokus at angkop sa mga layunin ng K to 12 na programa ng pamahalaan.
Naisasaalang-ala rin dito ang mga kasanayang dapat matutuhan ng mga mag-aaral sa
partikular na track at strand. Gayunpaman, wala mang nakikitang problema sa mga aralin
na nakasaad sa curriculum guide ay ang malaking hamon ng implementasyon at oras na
maaaring igugol sa bawat aralin ang siyang dapat pagtuunan ng pansin.
Tulad ng nabanggit kanina, ang mga mag-aaral sa ika-21 siglo ay
nangangailangan ng mga partikular na kasanayan bilang sagot sa nagbabangong
panahon. Ayon sa pag-aaral ni Cox (2014), ilan sa mga pangunahing pangangailangan
sa kasulukuyang sistema ng edukasyon ay ang gampanin ng impormasyon, media at
teknolohiya. Ang pagbibigay tuon sa mga ito ay mas nagbibigay ng malaking
pagkakataon sa mga mag-aaral na mailapat ang kanilang mga natutuhan sa kanilang
lipunang ginagalawan. Halimbawa na lamang ang paggamit ng mga gadgets o
teknolohiya sa pagsasagawa ng mga kinakailangang ouput ng isang aralin.
Ang mga kasanayan para sa mga mag-aaral ng ika-21 siglo ay may tinatawag na
4C’s. Ang apat na C na ito ay ang Komunikasyon (Communication), Kolaborasyon
(Collaboration), Kritikal na Pag-iisip (Critical Thinking) at Pagiging Malikhain (Creativity).
Madalas mang punahin na hindi raw kinakailangan ng mga mag-aaral, halimbawa sa
STEM strand ang mga aralin o kasanayang maaring may kinalaman sa Arts ad Design
dahil hindi naman nila ito magagamit sa hinaharap ay hindi ito totoo. Kaya naman, dapat
mas maipaliwanag sa mga mag-aaral ang mas malalim na layunin nito. Ang mga ganitong
22
klase ng aralin at output ay maaaring maglinang sa kanilang pagiging malikhain na siyang
isa rin sa mga pangunahing pangangailangan ng isang mag-aaral ano pa man ang track
o strand na kinabibilangan niya.
Isa ring dapat bigyang tuon ay ang paglilinang sa kolaborasyon at komunikasyon
ng mga mag-aaral. Mahalaga ang mga ito dahil hindi lingid sa kaalaman ng lahat na isa
ito sa mga pundasyong dapat taglay ng mga mag-aaral. Maaaring maituro ang mga ito
sa pagkakaroon ng mas maraming mga masisiglang talakayan sa loob ng klase at
pagkakaroon ng mga pangkatang gawain,
Marami mang nakahandang kapaki-pakinabang na gawain para sa mga mag-aaral
ay hindi lahat ito magiging posible kung walang karapat-dapat na mga oras na nakalaan
para sa mga ito. Isang suhestiyong maaring maisagawa ng mga guro ay pagtatanong nila
o pagkuha ng mga saloobin ng mga mag-aaral sa kung saang mga aralin sa tingin nila
sila ay mahihirapan o madadalian. Sa araw ng pagpapaliwanag ng guro tungkol sa
curriculum guide at sa maikling kaligiran ng bawat aralin ay maaari niyang bigyan ng oras
ang mga mag-aaral na isipin kung ano sa tingin nila ang mga aralin na mangangailangan
ng mas mahabang pagtalakay at kung bakit sa tingin nila ay mahihirapan sila sa mga ito.
Magiging kapaki-pakinabang ang gawain na ito sapagkat mababalanse ng guro ang
panahon at oras na ilalaan niya para sa talakayan at pagpapagawa ng mga output.
Paniguradong isang malaking hakbang para sa Kagawaran ng Edukasyon ang
pagbabago ng curriculum. Dumaan man ito sa maraming pagsusuri ay malalaman
lamang ang tunay na epekto nito sa pagkilatis ng mga naging bunga nito sa mga magaaral na nakatuntong na sa kolehiyo, sila ang magsisilbing boses at patunay kung
tagumpay ba ang programa sa senior high school. Gayunpaman, ang tagumpay ng mga
23
ito ay nakasalalay sa pagtutulungan ng mga guro at mga mag-aaral. Kaya naman,
napakahalaga ng malinaw at malusog na komunikasyon sa pagitan ng mga mag-aaral at
mga guro. Dapat itong masimulan sa malinaw na pagpapaliwanag ng curriculum guide at
ang mga pangunahin at mahalagang layunn ng mga nilalaman nito.
Ugnayan ng Pagsulat sa Piling Larang (Akademik) at English for Academic and
Professional Purposes
Ang Filipino sa Piling Larangan (Akademik) ay isang Applied Track Subject na
aking naranasan sa aking huling taon ng senior high school. Sa unang tingin, naging
mahalaga ito dahil naituro sa subject na ito ang tungkol sa mga akademikong sulatin.
Ang mga sulating ito tulad ng agenda, panukalang proyekto, at posisyong papel ay
magagamit sa patuloy na pag-aaral sa kolehiyo at sa aming magiging trabaho sa
hinaharap. Subalit, pagdating ng sumunod na semestre ay tila kapareho lamang ang
impormasyon sa subject na ito sa isa pang subject, ang English for Academic Purposes
Program (EAPP).
Kung titimbangin ang Filipino sa Piling Larangan nang walang paghahambing sa
ibang subject, mahalaga ito sa pagkatuto ng mga mag-aaral. Ang pagkatuto sa tamang
pagsulat at pormat para sa mga akademikong sulatin ay nakatutulong sa hinaharap na
propesyon ng mga mag-aaral. Nalalaman ng mga estudyante ang iba’t ibang uri ng
sulating maaari nilang gamitin at nalalaman rin nila ang tamang paraan ng pagsulat nito.
Ang paggamit ng Filipino ay nalilinang sa patuloy na pagsasanay na nangyayari tuwing
24
sumusulat ang mga mag-aaral. Lumalago ang kanilang kakayahan sa wikang Filipino at
ang kanilang pagkakaintindi sa propesyonal na pagsulat.
Sa kabilang banda naman, pag ihahambing ang Filipino sa Piling Larangan sa isa
pang subject sa senior high school, ang EAPP, nagiging tila paulit-ulit ang impormasyon
na nakukuha ng mga mag-aaral. Ang mga akademikong sulatin tulad ng panukalang
proyekto at posisyong papel ay mga sulatin na parehas natatalakay ng mga subject.
Makabubuti siguro kung ito ay mananatili sa isang subject lamang upang matutuhan ng
mga mag-aaral, ngunit maaari pa rin naman sila masanay sa pagsulat ng ganitong
akademikong sulatin sa bawat wika.
Sa lahat-lahat, angkop ang mga maaaring mapag-aralan ng mga estudyante sa
Filipino sa Piling Larangan para sa senior high school. Mahalaga lamang na hindi paulitulit ang impormasyon sa dalawang subject. Maaaring magkaroon ng partnership sa
pagitan ng dalawang subject upang lubos na lumalim ang pagkatuto ng mga mag-aaral
tungkol sa mga akademikong sulatin.
25
Konklusyon
Ang Pagsulat sa Piling Larang bilang Training Ground sa Kolehiyo
Bagaman nadagdagan ng dalawang taon bago makatungtong ang isang
estudyante sa kolehiyo dahil sa pagpapatupad ng K-12 curriculum sa ating bansa,
marami pa ring pakinabang ang nakukuha ng isang mag-aaral dito. Nahahasa at
nasasanay ang mga kakayahan para sa mga hamon na kanilang mararanasan sa
hinaharap, sa kaniyang papasukin mang unibersidad o trabaho. Kahit na bahagi na ng
dating kurikulum ang mga kasanayan na ito, layunin ng K-12 ay ang lalo pang payabungin
ang kaalaman at ang kanilang kasanayan upang masiguro na sila ay handa sa kanilang
kukuning kurso.
Ang Pagsulat ay isa sa mga piling larang akademik na kasama sa Senior High
School kurikulum. Para sa akin, ito ang isa sa mga mabibigat ngunit mahahalagang
asignaturang kailangan tandaan kahit ano pa ang mapiling kurso ng mag-aaral. Lalo na’t
nagkaroon ng debate kamakailan lamang kung dapat bang tanggalin ang Filipino
pagdating ng kolehiyo. Dahil sa mga nilalaman ng kurikulum, patuloy na nagagamit at
nahahasa ang estudyante ang wikang Filipino at ang kritikal na pag-iisp.
Isang halimbawa nito ay ang paglikha ng iba’t ibang mga akademikong sulatin
tulad ng resume, katitikan ng pulong, at agenda. Dahil sa mga nagawang sulatin,
nauunawaan ng estudyante ang kahalagahan ng wastong proseso ng pagsulat ng mga
ito- mula sa pag-aaral ng tamang format, hanggang sa paggamit ng angkop na teknik,
Ang paggawa ng documentary, short film, at posisyong papel ay ilan din sa mga
halimbawa. Sa pamamagitan ng mga ito, nahahasa ang kakayahan ng mga mag-aaral
na ipahayag ang kanilang mga opinyon o pilosopiya sa isang modernong paraan.
26
Dumadaloy ang makabuluhang komunikasyon sa mga diskurso habang ginagamit ang
sariling wika.
Sa pangkalahatan, ang Pagsulat ay nagsisilbing “training ground” para sa patuloy
na pagiging dalubhasa ng estudyante sa kanyang kasanayang komunikatibo. Ngunit,
kailangan mahanap din ang balanse pagdating sa asignaturang ito lalo na sa
pagkakaroon ng dynamics sa mga output, at mahusay na guro para sa klase. Kung
titignan ang mas malawak na perspektibo, Ang Pagsulat ay isa ring mahalagang paalala
sa mga estudyante na sila ay mga Pilipino, at ang pag-asa ng bayan. Dahil sa mga
pamantayan at nilalaman ng kurikulum, natutulak ang klase na mahanap ang kanilang
pagmamahal para sa bansa at sa wikang Filipino. Nadi-diskubre ng bawat isa ang
kanilang lakas ng loob at kumpiyansa pagdating sa pagpapahayag ng kanilang mga sarilipasulat, pasalita, o biswal man.
27
Download