FOCUS GROUP DISCUSSION Ang focus group discussion ay isang metodo sa pangangalap ng datos na kung saan ang mananaliksik ay bumubuo ng isang maliit na pangkat na kinabibilangan ng magkakaibang tao na ang tugon ay siyang pinag-aaralan sa market research at political analysis sa pamamagitan ng ginabayan at bukas na talakayan. Inaasahan sa ganitong metodo na ang mananaliksik ay makapangangalap ng sapat na impormasyon sa partikular na pangkat na ang tugon ay siya ring inaasahan sa higit na malaking pangkat. Isa itong anyo at paraan ng kwalitatibong pananaliksik sa mga agham panlipunan, na may isang partikular na diin at aplikasyon sa mundo ng pagsusuri ng programa sa pag-unlad na kinasasangkutan ng mga panayam sa pangkat ng tao hinggil sa kanilang mga pananaw, opinyon, paniniwala, at pagtingin hinggil sa isang produkto, patalastas, konsepto, ideya, at marami pang iba. Isa itong paunang natukoy na semi-estrukturadong pakikipanayam na pinamumunuan ng isang bihasang tagapamagitan. Nagbibigay ang tagapamagitan ng malawak na mga katanungan upang makakuha ng mga sagot at makabuo ng talakayan para sa mga kalahok.Ang tagapamagitan ay naglalayong makabuo ng pinakamababang talakayan at pinakamaraming opinyon sa loob ng itinakdang panahon. Malaya ang nagiging talakayan sa ganitong metodo subalit may paggabay sa pangkat o taong nagbigay ng inisyatibo para sa talakayan. Sa buong proseso ng talakayan, ang mananaliksik ay inaasahang magtatala o makakukuha ng mahahalagang puntos na nakalap niya buhat sa pangkat. Katulad din ito ng pag-iinterbyu, kung sa interbyu ay isa lamang ang kinakapanayam sa bawat pagkakataon, sa FGD ay dalawa o higit pa ang kinakapanayam. Isinasagawa ito upang higit na maging swabe at magaan ang interbyu, sapagkat karaniwang mas makapagpapahayag ng saloobin ang mga tao kung may mga kasama sila na mula sa kanilang pangkat at kagaya rin nila sa karanasan at iba pang aspekto. Kaugnay nito, maaaring basahin ang “Gabay sa Pagpapadaloy ng Focus Group Discussion, (FGD)” na inilabas ng Extension Services Office ng Tarlac State University.