ISANG ARAW, nakaramdam ng matinding banas si Luningning. Ang kanyang tahanan ay nasa langit—isang di-nakikitang kaharian na nasa ituktok lamang ng Bundok Pangarap. Nagpasya siyang bumaba sandal sa paanan ng bundok. Doon, may isang batis na kaylamig ng tubig. Lumusong siya sa bukal, at nagmistulang umawit. Ang awit ay narinig ng haring makata na si Kapuy, na noo’y nangangaso sa gubat. Nataranta si Kapuy nang masilayan si Luningning. Natulala at napatula tuloy siya. Bagamat nagulat, at nainis sa panunubok ni Kapuy, naaliw naman si Luningning sa maindayog na tula ng binatang tagalupa. Ngunit nangingibabaw ang kanyang pagiging bathala. “Sino ka, pangahas?” “Si Kapuy ako, binatang nagaantay, naghahanap ng dalagang kapiling habambuhay! Sa lupang ito, ang bansag ay hari, lahat ng tanaw mo’y aking pag-aari!Maaari bang malaman, matamis mong pangalan?” “Ako si Luningning, bathalumang tagalangit!Ako ang nag-atas sa mga ulap na magbagsak ng ulan sa pananim ninyong mga tagalupa. Ako ang naghasik ng mga unang binhing pinagmulan ng lahat ng puno at halaman. Ako ang diwata ng mga ilog at bukal, at ikaw ay isa lamang tampalasan!” Lalong pinapungay ni Kapuy ang kanyang mga mata, pinahumindig ang kanyang dibdib, at pinakulot ang kanyang dila. “O diwatang walang saya, bathalumang pinipita! Kung matamlay ka sa langit, sa iyo ba’y may awit?” May kung anong naantig sa puso ni Luningning, ngunit nanaig ang matinding kaba at takot. Bigla siyang tumalilis, subalit mabilis rin ang binatang tagalupa, at sila’y naghabulan sa kagubatan nang ilang araw at ilang gabi, hanggang ang bathala’y manghina sa matinding pagod. Napilatang lisanin ni Luningning ang kanyang langit. Bumaba siya sa lupa upang maging asawa ni Kapuy, at manirahan sa kanyang kaharian. Sila’y pinalad na magkaroon ng kambal na anak. Unang lumitaw si Sibol, sumunod si Gunaw. Bata pa si Sibol ay kinamalasan na ito ng pambihirang ganda at kabaitan. Magiliw siya sa mga hayop at halamanan sa buong kalikasan. Naluluha siya sa pagkalaglag ng mga tuyong dahon. Saka lamang siya sumaya nang sabihin sa kanya ni Luningning na ang mga dahong natutuyo ay nalalaglag at naaagnas sa lupa upang maging pataba sa bagong sisibol na halaman. Binigyan ni Luningning si Sibol ng maraming binhi at buto. Kaya’t wala pa siyang limang taon ay marami na siyang naitanim at napalagong bulaklak at gulay. Si Gunaw naman, maaga pa’y nagpakita na ng kakaibang pag-uugali. Maligalig ito. Nagpapalahaw kapag hindi agad nasusunod ang nais. At ni walang bahid ng kababaang-loob at malasakit sa hayop at halaman, tulad ni Sibol. Bagamat mahal din ni Luningning si Gunaw, nagtataka siya sa ugali ng batang lalaki. Ipinagmamalaki naman ni Kapuy si Gunaw, sapagkat paslit pa lamang ito ay mabulas na ang pangangatawan at may pambihirang lakas. Bago pa man magsampung taong gulang, kayang-kaya nang itumba ni Gunaw ang mga puno ng saging o kaya’y bakliin ang kawayang hindi mabali ng hangin. Sa pagdaan pa ng panahon, lalong nalungkot si Luningning sa naging ugali ni Gunaw. “Papayagan mo bang lumaking ganyan ang ating anak?” himutok ni Luningning isang araw. “Ibang-iba siya kay Sibol...” “At anong masama sa kanyang ginagawa? Siya’y isang lalaki. Dapat siyang maging malakas, matapang, walang kinatatakutan!” “Wala siyang ibang hilig kundi humawak ng sandata, manudla ng ibon at usa, at manligaw sa maraming babai...” “Ay Luningning!Iba ang aking daigdig sa iyong langit> Dapat e alam mo ‘yan noon pa man!” “Sana man lang, naging makata kahiy pa’no…” ngunit biglang napakagat-labi si Luningning pagksabi nito. “Iyang tula ay mabulaklak na salita, pampaibig sa babae maging ito’y bathala!” sambit ni Kapuy, sabay hagalpak ng tawa. Napailing na lamang si Luningning. LALONG LUMALA ang pag-uugali ni Kapuy. Lumabis ang likas nitong katamaran. Bumalik siya sa walang-tigil na pag-inom ng lambanog, basi, tuba at tapuy. Napakaseloso pa nito, at ayaw niyang kinakausap ni Luningning ang ibang lalaki at kulang na lang ay kanyang ikulong sa kanilang kuta. Samantala, lantaran naman siyang naaakit sa bawat babaing masilayan ng mapungay niyang mata. Mayaman ang lupa sa paligid ng Bundok Pangarap, ngunit ayaw magtanim ni Kapuy. Marami naman daw ligaw na bunga sa gubat, may isda sa ilog at lawa, at nagkalat ang manok at baboy sa lupa. Ang totoo’y di sila sumasala sa pagkain dahil sa mga tanim ni Luningning at ng anak nilang si Sibol. Kung nasa langit lamang si Luningning, madali niyang mapapanagana ang lupa sa pagkain. Subalit sa lupa, para bang tinakasan na siya ng kapangyarihan. At dumating nga ang panahon ng tagsalat. Dumalang ang ulan, nangaluntoy ang mga halaman. “Dapat na akong bumalik sa langit,” malungkot na paalam ni Luningning kay Kapuy at sa dalawa niyang anak. Nangingilid ang luhang hinagkan ni Luningning ang dalawang anak na nahihimbing. “Ikaw ang bahala,” kibit-balikat ni Kapuy. “Ngunit iwan mo sa akin ang dalawa nating anak, nang may makatulong ako. “Paalam, mga anak. Hindi ko kayo malilimutan…!” bulong niya, at tumatangis na tumatakbong palayo sa kuta, at habang binabagtas niya ang kagubatan paakyat sa ituktok ng Bundok Pangarap ay nakaramdam niyang nananariwa ang kanyang lakas-bathala, hanggang halos ay liparin niya ang dinakikitang kaharian sa likod ng mga ulap. Dumating ang araw na pumanaw na rin sa wakas si Kapuy dahil sa labis na pag-inom. Namalas ni Luningning ang pagyao nito, nang lamunin ng buhawing itim ang kaluluwa ng kanyang asawa at lumisan ito mula sa daigdig. NAGDAAN pa ang maraming taon. Si Gunaw ay isa nang matikas na mandirigma. Siya na ang hari sa bayan ng kanyang ama. Pinagpuputol niya ang mga sinaunang puno sa Bundok Pangarap, sapagkat kailangan niya ang matigas na kahoy upang magtayo ng dambuhalang kuta para sa kanyang mga kawal at ng magagarang bahay para sa kanyang tatlong daan at animnapu’t limang asawa. Ang iba pang matitibay na puno ay kanyang ipinagpalit sa mamahaling bato, magagarang kasuotan, at malalakas na sandatang dala ng mga dayuhang mangangalakal mula sa kung saan-saang panig ng daigdig. Ito namang si Sibol ay doon na nanirahan sa isang lumang kubo sa bundok, matapos ipagtabuyan ng kakambal niyang si Gunaw. Hindi na siya makababa sa patag, dahil sa banta ng kanyang kapatid. “Hoy, Sibol, huwag ka nang babalik dito sa aking kaharian, ha? Diyan ka na sa bundok na pinaglahuan na ating magaling na ina! Kapag bumalik ka pa rito upang pakialaman ang aking buhay, ipapakain kita sa pating, o ipamimigay sa mga pirata!” Matagal nang talos ni Luningning ang pagdurusa ng masuyong anak, at ang kalupitan ng kakambal nito. Bagama’t isinumpa na niya ang pagbabalik sa lupa, hindi niya matiis na di tulungan ang kinagigiliwang anak. Tinawag niya ang hangin at kanya itong binulungan. Nangitla na lamang si Sibol nang marinig niya ang tinig ng ina na siya’y namimintana, at humihihip ang amihan. “Sibol, Sibol…palaganapin mo ang buhay…payabungin mong muli ang kalikasan…may kapangyarihan ka, sapagkat ikaw anak ng bathala…pigilan mo si Gunaw, bago mahuli ang lahat. Namalikmata si Sibol at naluha siya sa tuwa. Bigla niyang naalala ang mga binhing ibinigay sa kanya ni Luningning maraming taon na ang nakalipas. Hinanap niya ang lumang lukbutan. Gumagalaw sa loob ang mga binhing sabik nang maipunla, lumago, magbunga, at pakinabangan. Dala ang mga binhi, tumakbo siya sa pinakamataas na talampas. Ubod-lakas niyang inihasik ang mga binhi sa buong kabundukang unti-unti nang nauuk-uk, sapagkat halos mapanot na sa kapuputol ni Gunaw ng mga kahoy nito. Namangha si Sibol sa taglay niyang lakas. Kung saan-saang dako nakarating ang mga binhi, at pagkaraan lamang ng maikling panahon, naging luntian na naman ang Bundok Pangarap at ang kapatagan, sa kapal ng mga puno’t halaman. At mula sa lahat ng dako ay nagsibalikan ang mga ibon, usa, matsing, kulisap at kung anu-ano pang mga nilalang. Muling narinig ang awit at huni sa bundok ng bathala. Nabalitaan ito ni Gunaw, at siya’y natuwa. Hindi niya alam kung paano ito nangyari, ngunit siya ngayon ang makikinabang. Kasama ang maraming mandirigma, tinungo niya ang Bundok Pangarap upang mangaso at manghuli ng mga ibong marangya ang balahibo, at pagkatapos ay mamutol ng maraming kahoy upang ipantayo ng marami pang kuta at ipagpalit ng ginto’t alahas at maluluhong damit para sa marami niyang asawa. “HINTO! Hanggang diyan na lamang kayo!” Dumagundong ang tinig ni Sibol sa buong Bundok Pangarap. Nagitla si Gunaw sa mala-bathalang anyo ng kanyang kakambal. Nakatanod ito sa paanan ng bundok, at sa paligid nito’y may umiikot na hangin habang sa itaas ay may umaalimpuyong ulap na kinatitilamsikan ng matatalim na kidlat. “Nais ko lamang iligtas ang kalikasan, Gunaw, at iligtas ka rin mula sa iyong kahibangan. Humiyaw ng malakas si Gunaw, at sinalakay ang kakambal. Noon lamang nakakita ng gayong labanan ang mga tagalupa. Kapwa nakamana ng lakas sa inang bathaluman, ang magkambal ay nagsalpukan sa papawirin, nagpambuno sa kalupaan, nagtugisan sa karagatan, at nag-itsahan ng mga tilamsik ng kidlat. Yanig ang daigdig sa kanilang pagsusukatan ng lakas. Wala namang balak si Sibol na saktan ang kapatid, kundi turuan lamang ng aral, samantalang si Gunaw ay handang umutas ng buhay, kaya walang habas ang kanyang ginawang pagsalakay, habang buong ingat naman si Sibol. Sa isang marahas na daluhong ni Gunaw, nahawakan siya ni Sibol sa pulso’t baywang, at ibinalibag siya nito sa bukal na pinagpaliguan noon ni Luningning. Nais lamang sana ni Sibol na ilublob ang kapatid doon, upang palamigin ang ulo, ngunit sa lakas ng pagkakabalibag kay Gunaw, tuloy tuloy ito hanggang sa pinakapusod ng tubig sa ilalim ng Bundok Pangarap, at doo’y nasadlak sa isang malalim at madilim na yungib. Kinabahan si Sibol, at napahiyaw siya. “Ina ko, si Gunaw…!” Dumagundong ang tinog ni Luningning mula sa langit. “Huwag kang mabahala, Sibol, buhay pa ang kapatid mo. Mahihimbing siya sa yungib na bukal ng tubig. Doon siya lalagi sa mahabang panahon, upang patuloy na mabuhay ang kalikasan. Kapag nakalimot ka sa iyong tungkulin, at nakaligtaan ng mga tagalupang arugain at ipagtanggol ang kanilang daigdig, muli kong ibabalik si Gunaw upang wakasan ang lahat, at tuloy ay matahimik na rin ako.” “Hindi, Ina hindi ko pababayaan ang daigdig na ito, lalo na ang Bundok Pangarap!” At tumangis na naman si Sibol, sapagkat naging masama man si Gunaw, kapatid at kakambal pa rin niya ito. MULA NOON, si Sibol na ang itinanghal na pinuno ng lahat ng tagalupa, at unti-unting nagbago ang ugali’t gawi ng mga tao. Natuto na silang magmahal sa kalikasan. Sa pamamagitan ng kanilang sipag, umani sila ng maraming bunga mula sa lupa. Pinalaya rin ni Sibol ang tatlong daan at animnapu’t limang asawa ni Gunaw, at ang mga ito’y nagsibalik sa kani-kanilang mga bayan upang magpanibagong-buhay. Maraming nanligaw kay Sibol na mga makata’t mandirigma, subalit minabuti niyang mamuhay nang mag-isa, sapagkat labi-labis na ang ganda ng kalikasan upang siya’y mapaligaya. Maraming taon pa ang matuling lumipas, at patuloy na uminog ang daigdig. Naging bukambibig ang talino at sipag ng pinunong si Sibol, samantalang naging kasabihan—sa panahong naghihirap ang tao, o nagiging marahas ang panahon , o nagkakaroon ng digmaan ang mga tagalupa—na “darating na yata ang gunaw!” Si Sibol ay malaon nang sumanib sa mga halaman, puno, bulaklak, dahon at ugat ng lupang kanyang minahal. Ang bathalumang si Luningning ay nasa langit pa rin ng mga bathala, doon sa ituktok ng Bundok Pangarap, at nakabantay sa daigdig sa habang panahon. At kahit kalian, di niya nakakaligtaang diligin ng ulan at luhang-hamog ang lupang kinahihimlayan ng anak niyang si Sibol.