Aldrich B. Tabo STEM 12-06 HINDI INKLUSIBO AT EPEKTIBONG MODALIDAD ANG ONLINE CLASS: EDUKASYON AY KARAPATAN NG BAWAT PILIPINO AT HINDI ISANG PRIBILEHIYO Posisyong Papel na nauukol sa Online Class bilang Modalidad ng Pag-aaral Malaking pagbabago sa edukasyon ang naging bunga ng adaptasyon ng online class dahil isa itong modalidad ng pagkatuto na tiyak na malayo sa kung ano ang nakagisnan ng nakararami. Nagsimula ito nang magkaroon ng isang krisis dulot ng pandemyang COVID-19 na naglagay sa peligro ng milyon-milyong buhay ng tao sa iba’t ibang panig ng mundo. Kaya’t bilang pansamantalang solusyon ay nagkaroon ng paglipat mula sa personal na pagkikita ng mga guro’t mag-aaral patungo sa birtwal kung saan kahit manatili lamang sa mga tahanan ay maipagpapatuloy ang edukasyon sa tulong ng makabagong teknolohiya tulad ng internet at mga gadyet. Ngunit sa kabila ng marahil kombenyensya na maihahatid nito kung ipagpapatuloy hanggang sa hinaharap, higit pa na dapat bigyang pansin ay ang katotohanang para lamang ito sa mga may pribilehiyo. Bilang isang mag-aaral na nakaranas mismo ng sistema ng dalawang taong birtwal na silidaralan, ako ay nanindigan na ang online class ay hindi inklusibo at epektibong instrumento para sa dekalidad na edukasyon na dapat natatamasa ng bawat isa bilang isang pangunahing karapatan. Ang online class ay isa sa mga ebidensyang mas nagsiwalat ng pag-iral ng digital divide espisipiko sa sektor ng edukasyon sa ating bansa noong pandemya. Ayon sa “What is the digital divide?” (n.d.), ang digital divide ay ang malaking puwang sa pagitan ng mga may oportunidad at wala na makagamit ng teknolohiya at internet kasabay ng pagiging marunong sa paggamit ng mga ito. Nang magsimula ang online class noong taong panuruang 2020-2021, tinatayang mag-aapat na milyon ang hindi nakapagpatala para sa enrollment buhat ng pagbabagong dala ng online classes (Philippine News Agency, 2021). Hindi lahat ay may sapat na kagamitan tulad ng selpon, laptap, tablet, o kaya naman kompyuter para makasabay sa implementasyon ng e-learning. Ang noong labing-walong taong gulang nga na si Erika Marie Custodio na sumabak sa kolehiyo sa kalagitnaan ng pandemya, ay kinailangang maghagilap pa sa internet para sa mga libreng pamigay ng tablet at laptap na makatutulong sa kaniyang pag-aaral. Malaki ang kaniyang pasasalamat nang natuklasan niya ang Shopee Bubble, isang online game kung saan ang mga manlalaro ay maaaring kumita ng mga "diamonds" upang ipagpalit sa sari-saring mga premyo. Araw-araw naglaro si Custodio noon dahil desidido na kumita ng hindi bababa sa 600 diamonds na kaniyang ipinampalit sa isang tablet para sa kaniyang online classes sa Emilio Aguinaldo College sa Cavite. Kung hindi kasi siya naging maparaan upang magkaroon ng sapat na kagamitan para sa pag-aaral, kakailanganin niyang magtiis sa limang pulgadang screen ng kanyang selpon bilang kaniyang silid-aralan na kumukuha ng mahigit siyam na oras ng kaniyang araw dahil kinakailangan niya pang isulat muli sa papel ang lahat ng aralin upang kaniyang mas mabasa nang maayos at hindi sumakit ang mga mata sa ilang oras na nakatutok dito (Santos, 2020). Sa kabila ng suliraning ito, nagsagawa naman ng iba't ibang mga hakbangin ang pamahalaan, iba’t ibang nongovernmental organizations (NGOs), at mga pribadong sektor na naglalayong tugunan ang digital divide sa edukasyon noong pandemya. Isang halimbawa nito ay ang pagpapahiram ng mahigit 309,000 na mga tablet ng Quezon City Local Government Unit (LGU) na siya ring nagbibigay ng buwanang load sa mga tablet na ito bilang pag-alalay sa e-learning ng mga mag-aaral (Quezon City Government, 2023). Bagaman ang hakbang na mga naisagawa ng iba’t ibang sektor na ito ay nakatulong sa kaunting pag-ibsan ng epekto ng digital divide mula sa online classes, hindi naman nito nasiguro ang kalidad ng kalagayan ng mga mag-aaral sa mas malalim at pangmatagalang aspekto ng pamumuhay na maapektuhan ng pagkababad sa mga gadyets. Ayon sa sikolohiya, apektado ng isolation o pagbubukod sa sarili sa loob ng tahanan at kakulangan ng pakikipag-ugnayan sa kapwa mag-aaral at guro ang hindi magandang kalagayan ng emosyonal at mental na kalusugan na kalaunan ay nakaapekto rin hindi lamang sa edukasyon kundi pati na rin sa pangkabuuang pagkatao ng isang magaaral na nakaranas at nakararanas ng ganitong uri ng sitwasyon dahil sa online class (Kentucky Counseling Center, 2022). Isang pag-aaral na isinagawa nina (Villarama et al., 2022) ang nagpapatunay na ang pagbabago sa modalidad ng pag-aaral patungo sa elearning ay may malaking naging kontribusyon para sa pagtaas ng bilang ng mga kabataang nakararanas ng suliranin sa emosyonal at mental na kalusugan. Sa pag-aaral na ito, 100 na mga mag-aaral mula sa sekondarya ang nagsagot ng isang sarbey na naging basehan ng konklusyon ng pananaliksik. Bilang resulta, napag-alaman na buhat ng hamon na kinaharap ng 100 mag-aaral tulad ng dami ng gawain kasabay ng mga responsibilidad sa tahanan bilang isang anak at kapatid, hindi akmang paraan ng pagtuturo sa paraan kung paano sila pinakaepektibong matututo, at kakulangan sa pisikal na gabay at interaksyon, iisa lamang ang kahulugan ng mga ito ayon sa datos na nakalap, hindi natutugunan ng online class ang pangangailangan ng mga mag-aaral sa maraming aspekto. Malaking bilang ng mga respondente ang nagsabi na mahirap para sa kanila ang online na edukasyon at ito ay nagdulot upang mawala ang kanilang interes at inspirasyon na magpatuloy pa sa pag-aaral at abutin ang kanilang mga nais makamit sa buhay. Dagdag pa rito ay ang epekto rin ng online classes sa mental at emosyonal na kalusugan ng mga magulang ng mga mag-aaral, lalo pa’t siguradong labis ang pag-aalala nila sa kalagayan ng kanilang mga anak dahil sa mga pagbabagong kanilang nararanasan. Bukod sa mga mag-aaral at magulang, malaki rin ang naging epekto ng online classes sa mga gurong nagsisilbing pangunahing tagapagtaguyod ng edukasyon sa maraming kabataan. Sa halip kasi na gumaan sana ang mga gawain ng mga guro dahil nga ay hindi na nito kinakailangan pang tumungo sa paaralan at walong oras na nakatayong nagtuturo, ay naging mas mahirap pa ang naidulot ng e-learning na modalidad. Stress ang naiuugnay sa mga karagdagang gawain ng mga guro tulad ng muling pagdidisenyo ng mga aralin na angkop sa distance learning na paraan ng pagaaral, pagsasagawa at pagpaplano ng mga materyales na gagamitin sa online class, at pag-singkronays ng mga aktibidad na maisasagawa nang maayos sa birtwal na silidaralan. Ang labis na kargahin sa trabaho, kakulangan sa pagsasanay, at salungatan sa trabaho-pamilyang usapin ay ang mga salik na mas nagbigay-hirap sa mga guro sa iba’t ibang paaralan at unibersidad. Hindi na nga tugma ang sahod sa pagsasakripisyong isinasagawa ng mga guro para sa ikabubuti ng kapakanan ng mga mag-aaral ay madagdagan pa ang kanilang pasanin dulot ng hindi makatarungang online class. Sa karanasan ni Ma’am Marie, isang guro na nagturo sa online-learning set-up mula sa probinsya, aminado siya na naging “mahirap at nakakapagod” ang kaniyang karanasan sa bagong paraan ng pagtuturo. Ayon sa kaniya, maraming mag-aaral sa mga klaseng kaniyang hinawakan ang hindi talaga kayang makapasok nang tuloy-tuloy at hindi niya naman masisisi ang mga ito. Sa halip, ayon sa kaniya, doble na lamang and ginawa niyang pagsisikap para paggawa ng teaching materials noon upang masiguro na hangga’t maaari ay maibibigay niya ang iba’t ibang uri ng accessible resources para sa mga bata (Acuzar et al., 2021). Si Ma’am Marie ay isang halimbawa ng gurong hindi hahayaang maging hadlang sa kaniyang pagmamahal sa pagtuturo ang suliraning dala ng online class. Sa kabuuan, napatunayan na ang online class ay hindi inklusibo at epektibong instrumento para sa dekalidad na edukasyon na dapat natatamasa ng bawat isa. Mula sa pagiging dahilan nito ng mas pagkakaroon ng malaking agwat sa pagitan ng mga mayroong pribelihiyo at wala na magamit ang teknolohiya (digital divide) para sa ikadadali ng pamumuhay, masamang dulot sa kalusugang mental at emosyonal ng mga mag-aaral na nakaaapekto sa kanilang pangkabuuang pagkatao, patungo sa mas lalong pagbigat ng mga pasanin ng mga guro na silang dapat na pinapahalagahan bilang tagapagtaguyod ng edukasyon para sa lahat. Hangga’t maaari ay hindi dapat ginagamit ang modalidad na online class dahil sa mga hamon at suliraning dala nito. Hindi dapat hahayaan na mawaksi ang pangarap para sa isang lipunang sana’y may pantay-pantay na karapatan sa edukasyon na magiging tulay sa mas maliwanag na kinabukasan. Mga Sanggunian: Acuzar, R., Algar, E., & Mercene, M. (2021). Kwentong distance learning: mga tinig ng estudyante, magulang, at guro. Los Baños Times. Retrieved from https://lbtimes.ph/2021/06/08/kwentong-distance-learning-mga-tinig-ng-estudyantemagulang-at-guro/. Kentucky Counseling Center. (2022). Mental health effects of online learning. https://kentuckycounselingcenter.com/mental-health-effects-of-online-learning/ Philippine News Agency. (2021). Growing number of out-of-school youth “cause of concern.” https://www.pna.gov.ph/articles/1129909 Quezon City Government. (2023). Tablets for grades 1 - 3 pupils. https://quezoncity.gov.ph/tablets-for-grades-1-3-pupils/ Santos, A. P. (2020). In the Philippines, Distance Learning reveals the digital divide: Heinrich Böll Stiftung Hong Kong: Asia global dialogue. Heinrich Böll Stiftung Hong Kong | Asia Global Dialogue. https://hk.boell.org/en/2020/10/06/philippines-distancelearning-reveals-digital-divide What is the digital divide?. (n.d.). N.C. Division of Broadband & Digital Equity. https://www.ncbroadband.gov/digital-divide/what-digital-divide Villarama, J. A., Santos, J. P., Adsuara, J. P., Antalan, J. A., & Gundran, J. F. (2022). What’s on your mind? impact of online education on students’ mental wellness. Journal of Education and E-Learning Research, 9(4), 240–248. https://doi.org/10.20448/jeelr.v9i4.4243