KABANATA 1: Panitikan Ang panitikan ay diwang sumasalamin sa kaisipan at damdamin ng manunulat. Naipapakita ang makulay na buhay ng tao mula sa kanyang mga naranasan. Mula sa iba’t ibang dalubhasa at manunulat, alamin ang kahulugan ng panitikan. • Ayon kay Arrogante (1983), ang panitikan ay talaan ng buhay • Pangunahing salamin ng kultura ng isang sambayanan. (Casanova et al, 2001) • Ang panitikan ay “bungang isip na isinatitik”. Ito rin ay sumasaklaw sa lahat ng uri ng katha na tumutulong sa wastong ikauunawa ng noon, ngayon at bukas ng isang bansa. Ito rin ay pagpapahayag ng damdamin at mga karanasan ng sangkatauhan na nasusulat sa masinining at makahulugang mga pahayag. (Rufino Alejandro at Julian Pineda) • Isang paraan ng pagpapahayag na kinapapalooban ng katotohanan sa paraang ipinaparanas sa mambabasa ang kaisipan at damdamin ng manunulat (Gonzales et al, Panitikang Pilipino) • Ayon naman kay Salazar, ito ay isang lakas na nagpapagalaw sa lipunan at maaaring magpalaya ng isang ideyang nagpupumiglas makawala. Uri ng Panitikan Ang panitikan ay maaaring mauri bilang piksyon at di-piksyon. Piksyon ang isang akda kung ito ay mula sa mayamang imahinasyon ng manunulat. Ang di-piksyon ay akdang nagmula sa tunay na pangyayari. Uri ng Panitikan ayon sa Paghahalin/Pagsasalin 1. Pasalin-dila - ito ang paraan na paglilipat ng panitikan mula sa pagbigkas ng tao. 2. Pasalin-sulat/Pasulat - ito ang paraan ng pag-ukit, pagsasatitik, pagsulat o pagguhit ngpanitikan 3. Pasalintroniko/Paelektroniko - ito ang pagsasalin ng mga panitikan sa mga elektronikong kagamitan na dulot ng teknolohiya Anyo ng Panitikan 1. Tuluyan o Prosa – anyo ng panitikan na nasa karaniwan o ayon sa tuwirang ayos na nakasanayang pagpapahayag ng tao. – Maluwag na pagsasama-sama ng mga salita sa katutubong anyo ng pangungusap – Gumagamit ng payak at direktang paglalahad ng kaisipan 2. Patula o Panulaan – ang anyo ng panitikan na taludturan o saknungan. – Masining na pagsama-sama ng mga piling kaisipan sa mga taludtod, may sukat at tugma o malayang taludturan – Pagbubuo ng pahayag sa pamamagitan ng salitang binilang sa pantig. Anyong Tuluyan 1. Maikling Kwento - akdang pampanitikan na nagsasalaysay sa madali, maikli at masining na paraan. - Isang salaysay na ginagalawan ng isa o ilang tauhan, may isang pangyayari at kakintalan. 2. Dula - uri ng panitikan na isinusulat upang itanghal sa mga entablado o tanghalan. - ito ay isang anyo ng akdang panliteratura na binibigyang-buhay sa pamamagitan ng karaniwang pagtatanhal sa entablado. - Ito ay nahahati sa ilang yugto na may maraming tagpo. - Ito ay maaring mauri sa tatlo, komedya (kung ang paksa ay katawa-tawa), trahedya (ang paksa ay tumatalakay sa kalungkutan ng pangunahing tauhan at kadalasan ang katapusan ay may kamatayan) at melodrama (ang paksa ay tumatalakay sa kalungkutan at paghihirap ng mga tauhan, nagwawakas ito sa tagumpay ng tauhan). 3. Pabula – anyong tuluyan na kadalasan mga hayop ang paksa. Layon nitong gisingin ang interes ng mga bata at makapagbigay-aral sa mga mambabasa. 4. Sanaysay – Pagpapahayag ng kuro-kuro o opinion ng may-akda tungkol sa isang suliranin o pangyayari. Ito’y isang paglalahad at may dalawang uri: maanyo o pormal (nangangailangan ng masusing pag-aaral at pananaliksik tungkol sa paksang isusulat) at malaya o impormal (karaniwan lamang ang mga paksang ginagamit sa sulatin kaya hindi na kailangan ng ibayong pananaliksik). 5. Nobela - isang mahabang kwento na binubuo ng iba’t ibang kabanata - mahabang salaysay na nahahati sa mga kabanata. 6. Alamat – karaniwang hindi batid kung sino ang may-akda o sumulat nito. Ito’y nagpasalin-salin sa bibig ng ating mga ninuno upang maihatid sa mga tao sa kasalukuyang panahon. - akdang nagkukwento sa pinagmulan ng mga bagay-bagay sa daigdig; maaring tungkol sa halaman, prutas o lugar. 7. Anekdota – ito ay batay sa mga totoong pangyayari na ang layunin ay magbigay ng aral. 8. Parabula - mga kwentong hinango sa Banal na Kasulatan na ang layunin ay magpahayag ng aral. 9. Balita – paglalahad sa mga pangyayaring nagaganap sa lipunan sa araw-araw, tungkol sa pamahalaan at sa lahat ng isyung maaaring makaapekto sa indibidwal o sa nakararaming mga tao sa isang komunidad o bansa. 10. Talumpati - ito ay pagpapahayag na binibigkas sa harap ng mga tagapakinig. Layunin nito na humikayat, tumugon, mangatwiran, magbigay impormasyon, at maglahad ng isang paniniwala. 11. Talambuhay – Nahahati sa ito sa pansarili o pang-iba. Ito’y tala ng kasaysayan sa buhay ng isang tao. Anyong Patula 1. Tulang Pasalaysay – ito ay kwento ng mga pangyayari at nasusulat ng patula, may sulat at tugma. Ito ay nauuri ayon sa paksa, pangyayari at tauhan. – pumapaksa sa mahahalagang yagpo o pangyayari sa buhay, ng kagitingan at kabayanihan ng tauhan May dalawang uri ang tulang pasalaysay ito ang mga: a. awit at korido – pumapaksa sa pakikipagsalaran at karaniwang ginagalawan ng mga tauhang prinsipe at prinsesa b. epiko – tungkol sa kabayanihan at pakikipagsapalaran ng pangunahing tauhan at ang mga pangyayaring nakapaloob dito ay kagilagilalas at hindi kapani-paniwala. 2. Tulang Liriko o Pandamdamin – tumatalakay sa mga paksang nauukol sa damdamin ng tao. Ito ay kinabibilangan ng mga sumusunod: a. elehiya – ito ay awit na punumpuno ng damdamin patungkol sa isang namatay o namayapa na b. dalit – isang awit na pumupuri sa Diyos c. soneto – isang awit na may hatid na aral d. awit – pumapaksa sa iba’t ibang uri ng damdamin gaya ng pag-ibig, kalungkutan, kasiyahan at iba pa e. oda – may himig ng pamumuri at naghahatid ng damdaming nagbibigaykasiglahan 3. Tulang Pandulaan – ito ay karaniwang itinatanghal sa dulaan o entablado. a. melodrama – ang sangkap ng uring ito ng dula ay malungkot ngunit nagtatapos nang masaya para sa pangunahing tauhan b. komedya – karaniwang nagtatapos ito nang masaya, may tunggalian ang mga tauhan sa umpisa subalit ito’y nalulunasan kung kaya masaya ang wakas ng dula c. parsa – isa pa ring uri ng dula na nagpapasaya d. trahedya – kabaligtaran ng komedya, ang wakas ay nagtatapos sa kamatayan mg pangunahing tauhan ng dula e. saynete – paksa ng dulaang ito ang paglalahad ng kaugalian ng isang lahi, sa kanyang pamumuhay, pangingibig at iba pa. 4. Tulang Patnigan - laro o paligsahang patula na noon ay karaniwang isinasagawa sa bakuran ng mga namatay a. karagatan – batay sa alamat ng singsing ng isang prinsipe na inihulog sa dagat upang mapangasawa niya ang kasintahang mahirap. b. duplo – isang paligsahan sa husay ng pagtula at pangangatwiran na siyang pumalit sa karagatan c. balagtasan – ito’y isang pagtatalo sa paraang patula na nahango sa duplo at karagatan, ang salitang “Balagtasan” ay hinango mula sa pangalang “Balagtas” na si Francisco Balagtas na siyang Ama ng Panulaan.