Alyansa ng Mga Tagapagtanggol ng Wikang Filipino/TANGGOL WIKA: Internal na Kwento, Mga Susing Argumento at Dokumento (2014-2017) David Michael M. San Juan Convenor, Tanggol Wika Associate Professor, Departamento ng Filipino, De La Salle University-Manila Ang papel na ito ay panimulang pagsasalaysay ng ilang inside story kaugnay ng pagtatatag ng Tanggol Wika – ang alyansang nanguna sa pakikibaka laban sa pagpaslang ng Commission on Higher Education (CHED) sa Filipino, Panitikan at Philippine Government and Constitution subjects sa kolehiyo at kapatid na organisasyon ng Alyansa ng Mga Tagapagtanggol ng Kasaysayan (Tanggol Kasaysayan), grupong nagtataguyod ng pagkakaroon ng required at bukod na asignaturang Philippine History/Kasaysayan ng Pilipinas sa hayskul – at paglalatag ng mga susing argumento at mga dokumento kaugnay nito. ~~~ Nabuo ang Tanggol Wika sa isang konsultatibong forum noong Hunyo 21, 2014 sa De La Salle University-Manila (DLSU). Halos 500 delegado mula sa 40 paaralan, kolehiyo, unibersidad, organisasyong pangwika at pangkultura ang lumahok sa nasabing konsultatibong forum. Kasama sa mga tagapagsalita sa forum na iyon si Dr. Bienvenido Lumbera, Pambansang Alagad ng Sining. Ang forum na iyon ay kulminasyon ng mga nauna pang kolektibong inisyatiba mula pa noong 2012. Noong 2011 pa ay kumakalat na ang plano ng gobyerno kaugnay ng pagbabawas ng mga asignatura sa kolehiyo, bagamat wala pang inilalabas na opisyal na dokumento sa panahong iyon, gaya ng inilahad sa isang saliksik na iprinisenta sa 2nd DLSU International Education Congress (San Juan, 2011): “As per popular speculations in the academic community (based on the researcher’s actual conversations with tertiary level teachers from at least 6 universities in Metro Manila), the General Education Curriculum (GEC) will be trimmed down at the tertiary level. Purportedly, some (if not all) of the GEC subjects will be absorbed by the two-year senior high school curriculum. Unfortunately, there’s no way to immediately verify the veracity of such speculations due to the dearth of publicly available materials regarding how DepEd intends to implement K to 12 on a piece-meal basis, another proof that this current education reform is a haphazard ‘top-down’ imposition rather than a well-thought product of consensus among stakeholders in the education sector. Nevertheless, it is safe to assume that the speculations are partly valid, considering that the current K to 12 scheme intends to offer English, Science, Mathematics, Filipino and Contemporary Issues as the ‘core learning areas’ in senior high school (Grades 11 and 12) so that after graduation, ‘students are already prepared for employment, entrepreneurship, or middle-level skills development and can thus lead successful lives even if they do not pursue higher studies’ (Senate Briefer, 2011). If the GEC subjects will be the “core learning areas” of senior high school, it is possible that the GEC in the university might be trimmed down, or at worst, abolished.” Lagpas isang taon naman bago ang asembliya ng pagtatatag ng Tanggol Wika, noong Oktubre 3, 2012 ay sinimulan ng may-akda ang pagpapalaganap ng isang petisyon na may ganitong layunin: “urging the Commission on Higher Education (CHED) and the Department of Education (DepEd) to consider issuing an immediate moratorium on the implementation of the senior high school/junior college and Revised General Education Curriculum (RGEC) components of the K to 12 Program which might cause the downsizing or even abolition of the Filipino departments in a number of universities (other departments would surely be downsized too).” Ang batayan ng gayong pangamba sa posibleng pagpapaliit o paglusaw sa mga Departamento ng Filipino sa mga unibersidad ay ang kawalan ng asignaturang Filipino sa bagong Revised General Education Curriculum (RGEC) para sa antas tersyarya na nasa presentasyon ni DepEd Assistant Secretary Tonisito M. C. Umali, Esq. na may petsang August 29, 2012). Naka-angkla sa mga sumusunod na batayan ang pagtutol ng nasabing petisyon sa noo’y napipinto pa lamang na implementasyon ng K to 12: “a sound and comprehensive general education – that includes socially-relevant subjects such as...national language studies – is important at the university level as observed from the educational practices in highly-developed countries...any drastic curricular change must be sought not merely to cope up with global standards but more importantly to produce holistically-educated citizens who would contribute much to nation-building – a goal which the K to 12 seemingly fails to address, as it in fact dilutes, denigrates, even obliterates subjects that contribute to the achievement of the aforementioned noble and constitutionally-mandated pedagogical objective...a drastic educational reform like the implementation of the K to 12 Program needs to be discussed more comprehensively and broadly, as required by the pluralistic and democratic context of our country.” Sa paglaganap ng usap-usapan na tatanggalin na sa bagong kurikulum ng kolehiyo ang Filipino at Panitikan at iba pang asignatura sa kolehiyo, binanggit ng ilang administrador sa ibang unibersidad ang posibilidad na lusawin o kaya’y i-merge sa ibang departamento ang Departamento ng Filipino. Bilang tugon sa mga gayong plano, noong Disyembre 7, 2012 ay inilabas ng Departamento ng Filipino ng DLSU ang “Posisyong Papel para sa Bagong CHED Curriculum” na may pamagat na “Isulong ang Ating Wikang Pambansang Filipino, Itaguyod ang Konstitusyunal na Karapatan ng Filipino, Ituro sa Kolehiyo ang Filipino bilang Larangan at Asignaturang may Mataas na Antas.” Ang may-akda ng nasabing posisyong papel ay si Prop. Ramilito Correa, ang noo’y pangalawang tagapangulo ng Departamento ng Filipino ng DLSU. Noon pa man ay binibigyang-diin na ng mga maka-K to 12 na babawasan ang mga asignatura sa kolehiyo at ililipat ang mga ito sa senior high school. Gayunman, tila pangunahing target ng mga maka-K to 12 ang Filipino sapagkat isang asignaturang Filipino subject (Retorika) lamang ang nakatala sa listahan ng mga asignatura sa senior high school na nasa "K TO 12 TOOLKIT: Reference Guide for Teacher Educators, School Administrators, and Teachers (2012)" na inilabas ng SEAMEO-INNOTECH at may imprimatur ng Departamento ng Edukasyon gaya ng pinatutunayan ng panimulang mensahe roon ng noo’y kalihim ng DepEd na si Br. Armin Luistro, FSC. Sa nasabi ring dokumento ay optional lamang ang asignaturang Filipino for Specific Purposes, habang bukod sa asignaturang English na Oral Communication ay mayroon pang required na Philippine Literature at World Literature, bukod pa sa optional na English for Specific Purposes. Pinagtibay naman ng humigit-kumulang 200 guro na delegado sa isang Pambansang Kongreso ng Pambansang Samahan sa Linggwistika at Literaturang Filipino (PSLLF) – na pinangunguluhan noon ni Dr. Aurora Batnag, dating direktor sa Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) – noong Mayo 31, 2013 ang isang resolusyon na tungkol sa “PAGTIYAK SA KATAYUANG AKADEMIKO NG FILIPINO BILANG ASIGNATURA SA ANTAS TERSYARYA” (inilakip ng PSLLF sa isang posisyong papel na isinumite sa CHED noong 2014). Ang resolusyon na ito na pangunahing inakda ni Dr. Lakandupil Garcia (noo’y isa sa mga opisyal ng PSLLF) ay ekspresyon ng kolektibong reaksyon ng mga guro sa patuloy na pagkalat ng balita na wala na sa bagong kurikulum ng kolehiyo, na noon ay inihahanda pa lamang ng CHED, ang asignaturang Filipino. Pangunahing nilalaman ng nasabing resolusyon ang paggigiit ng mga guro na hindi dapat patayin ang asignaturang Filipino sa kolehiyo sapagkat: “sa antas tersyarya nagaganap at lubhang nalilinang ang intelektwalisasyon ng Filipino sa pamamagitan ng pananaliksik, malikhaing pagsulat, pagsasalin, pagsasalitang pangmadla at kaalamang pangmidya.” Noong Hunyo 28, 2013 lamang inilabas ng CHED ang CMO No. 20, Series of 2013 na nagtakda ng core courses sa bagong kurikulum sa antas tersarya sa ilalim ng K to 12: “Understanding the Self; Readings in Philippine History; The Contemporary World; Mathematics in the Modern World; Purporsive Communication; Art Appreciation; Science, Technology and Society; Ethics.” Ang dating balita ay kumpirmado na: walang Filipino sa planong kurikulum ng CHED sa ilalim ng K to 12, kumpara sa 6 hanggang 9 na yunit ng asignaturang Filipino, alinsunod sa CMO No. 04, Series of 1997, bukod pa sa dati-rati’y 3-6 yunit ng Panitikan. Sa Seksyon 3 ng CMO No. 20, Series of 2013 ay naging opsyonal na lamang din ang Filipino bilang midyum sa pagtuturo, mula sa dating pagiging mandatoring wikang panturo nito sa ilalim ng CMO No. 59, Series of 1996. Bandang 2014 na nang magkaroon ng kopya ng CMO No. 20, Series of 2013 ang marami-raming propesor ng Filipino at Panitikan. Sa udyok nina Dr. Fanny Garcia at Dr. Maria Lucille Roxas (kapwa mula sa DLSU) ay gumawa ang may-akda ng panibagong liham-petisyon na naka-address sa CHED at may petsang Marso 3, 2014. Kinausap namin nina Prop. Jonathan Geronimo at Prop. Crizel Sicat-De Laza ng University of Santo Tomas (UST) ang mga kaibigan at kakilalang guro mula sa iba’t ibang unibersidad gaya ng UST, University of the Philippines-Diliman (UPD) at University of the Philippines-Manila (UPM), Ateneo de Manila University (ADMU), Philippine Normal University (PNU), San Beda CollegeManila (SBC), Polytechnic University of the Philippines-Manila (PUP), National Teachers College (NTC), Miriam College (MC) atbp., at mga samahang pangwika gaya ng PSLLF, Pambansang Asosasyon ng Mga Tagapagtaguyod ng Salin (PATAS), at Sanggunian sa Filipino (SANGFIL). Humigit kumulang 200 pirma ang agad na natipon. Dinala namin ni Prop. Sicat-De Laza sa CHED ang nasabing liham-petisyon. Hindi inaksyunan ni tinugunan ng CHED ang nasabing petisyon, bagamat sa mga diyalogo magaganap malaon ay binanggit nila na pinag-usapan nila sa mga internal na miting ng CHED ang nasabing liham-petisyon. Pinagtibay naman noong Mayo 23, 2014, ng National Commission on Culture and the Arts-National Committee on Language and Translation/NCCA-NCLT ang isang resolusyon na “HUMIHILING SA COMMISSION ON HIGHER EDUCATION (CHED), AT KONGRESO AT SENADO NG REPUBLIKA NG PILIPINAS, NA AGARANG MAGSAGAWA NG MGA HAKBANG UPANG ISAMA SA BAGONG GENERAL EDUCATION CURRICULUM (GEC) SA ANTAS TERSIYARYA ANG MANDATORY NA 9 YUNIT NG ASIGNATURANG FILIPINO” na nagsasaad na: “...puspusan lamang masusunod ang Konstitusyong 1987 sa paggamit ng Filipino bilang midyum ng opisyal na komunikasyon, at bilang wika ng pagtuturo sa sistemang pang-edukasyon kung mananatili sa antas tersyarya ang asignaturang Filipino...” Ang pinagtibay na resolusyon ay mas maikli at mas malabnaw kaysa sa borador na inihanda ng mayakda. Ang gayong pagpapaikli ay repleksyon ng pagkakaiba sa perspektiba ng mga kinatawan ng KWF at ng mga kinatawan ng mga samahang pangwika sa NCLT. Halimbawa, ang mga linyang ito na nasa borador na resolusyon ay wala na sa pinagtibay na resolusyon: “...ang nasyonalistang perspektiba ng mga estudyante na hihikayat sa kanilang maglingkod sa sariling bayan sa halip na mangibang-bayan ay lalong malilinang sa pamamagitan ng pagkikintal ng kahalagahan ng sariling identidad at sariling kultura ng bansa na sinasalamin ng wikang nagbubuklod sa madla, ang wikang Filipino...” Anu’t anuman, naging titis ng malawakang media coverage ang resolusyon ng NCLT. Noong Hunyo 20, 2014 ay inilabas naman ng KWF ang “KAPASIYAHAN NG KALUPUNAN NG MGA KOMISYONER BLG. 14-26 SERYE NG 2014...NA NAGLILINAW SA TINDIG NG KOMISYON SA WIKANG FILIPINO (KWF) HINGGIL SA COMMISSION ON HIGHER EDUCATION (CHED) MEMORANDUM BLG. 20, S. 2013.” Iginigiit ng nasabing kapasiyahan ng KWF “pagtuturo ng siyam (9) na yunit sa Wikang Filipino, na hindi pag-uulit lamang ng mga sabjek sa Filipino sa antas sekundarya, kundi naglalayong magamit at maituro ang wika mula sa iba’t ibang disiplina—na pagkilala sa Filipino bilang pintungan ng karunungan at hindi lamang daluyan ng pagkatuto, at upang matiyak ang pagpapatuloy ng intelektuwalisasyon ng Filipino” at pagtitiyak na “kalahati o apat (4) sa panukalang Core Courses, bukod sa kursong Rizal, na nakasaad sa Memorandum Order Blg. 20, s. 2013 ay ituro gamit ang Wikang Filipino.” Sa kabila ng hindi gaanong malinaw na pormulasyon (halimbawa, sa pariralang “pagtuturo ng siyam (9) na yunit sa Wikang Filipino...” higit na naging malinaw sana na pagtuturo ng asignaturang Filipino ang tinutukoy kung sa halip na “sa” ay “ng” ang ginamit), malinaw ang kabuuang layunin ng resolusyon ng KWF: suportahan ang panawagan ng mga samahang pangwika hinggil sa pagbuhay ng mga asignaturang Filipino sa kolehiyo at paggamit din ng Filipino bilang wikang panturo sa iba pang asignatura. Noong Hunyo 2, 2014, sa inisyatiba ni Dr. Antonio Contreras ng DLSU ay nakipagdiyalogo kami sa 2 komisyuner ng CHED na personal niyang kakilala. Kalahok sa diyalogo kina CHED Commissioner Alex Brillantes at Commissioner Cynthia Bautista ang mga propesor ng DLSU, ADMU, UPD, UST, MC, at Marinduque State University. Napagkasunduan sa diyalogo na muling sumulat sa CHED ang mga guro upang pormal na i-reconvene ang Technical Panel/Technical Working Group sa Filipino at ang General Education Committee, kasama ang mga kinatawan ng mga unibersidad na naggigiit ng pagkakaroon ng asignaturang Filipino sa antas tersyarya. Agad naming ipinadala ang gayong liham sa CHED noong Hunyo 16, 2014. Bilang paghahanda sa pulong sa CHED na aming hinihiling, bilang tugon sa CMO No. 20, Series of 2013, at simbolo ng kolektibong paglaban dito ang mga gurong apektado nito, Tanggol Wika noong Hunyo 21, 2014. Samakatwid, pagsasalubong ng iba’t ibang inisyatiba ang pagbubuo ng Tanggol Wika. Si Dr. Rowell Madula, vice-chair noon ng Departamento ng Filipino ng DLSU at pangulo ng Alliance of Concerned Teachers (ACT)-Private Schools ang nakaisip ng pangalan ng alyansa. Malaki ang papel na ginampanan ng ACT sa mabilis na pagpapalawak ng Tanggol Wika sa akademya at lagpas pa. Mula noong maitatag ang Tanggol Wika, naglabas na rin ng kanya-kanyang posisyong papel laban sa CMO No. 20, Series of 2013 ang mga Departamento ng Filipino at/o Panitikan sa iba’t ibang unibersidad gaya ng UPD, PUP, PNU, ADMU, NTC, Mindanao State University-Iligan Institute of Technology (MSU-IIT), Xavier University (XU) at marami pang iba. Noong Hulyo 4, 2014 ay nagpatawag ng konsultasyon ang CHED dahil sa demand ng Tanggol Wika. Narito ang personal kong tala hinggil sa nasabing konsultasyon na sinulat pag-uwi mula roon: “...Ala una ng hapon ang simula ng konsultasyon para sa Regions 1-5 at CAR. Kalagitnaan na nang dumating ako. Marami kaming taga-NCR na nakisit-in na rin doon. Tiniis kong di magsalita dahil nakapagsalita naman sina Crizel at Jonathan ng UST, sina Sir Marvin at Romeo ng PUP, at marami pang ibang kapanalig. Mahusay nilang nailatag ang mga batayan ng ating paggigiit na magkaroon pa rin ng Filipino. Samantala, nakaiinis at nakakadismaya ang ilang mga naroon na anti-Filipino. Mayroong nagsabing di na raw dapat ang Filipino at Ingles na lamang daw dahil iyon na lang daw ang advantage natin sa ibang ASEAN countries. May nagsabi pang duplication daw kapag may Filipino pa sa college dahil meron na sa elem at high school. Meron ding nagsasabing ang Filipino raw ay Tagalog lang kaya dapat di na ituro. Fascist daw ang CHED kapag ipinilit ang Filipino. May misreading din ang mga rehiyonalista sa Konstitusyon: isinasangkalan nila ang academic freedom at pagiging auxiliary medium of instruction ng mga wikang rehiyonal para sabihing wag nang ituro ang asignaturang Filipino. Sa pangkalahatan, maka-Filipino ang mayorya. Iilan lang ang estupido at misguided. Ang delikado lang, marami sa anti-Filipino ay administrador ng mga paaralan. Ayon sa ipinamigay na papel ng CHED, ang mga administrador ng mga paaralan ang magpapadala ng liham sa kanila ngayong Hulyo 31 para iulat ang resulta ng echoing ng consultation sa bawat paaralan. Biased versus Filipino ang maraming administrador na nagsalita sa Ingles na fractured pa minsan, kaya baka pangibabawan nila ang kanilang mga subordinate. Anu't anuman, hamon sa ating lahat na konsolidahin ang ating hanay para maigiit sa mga administrador na gamiting medium ang Filipino at ituro rin ito bilang asignatura. Ok ang konsultasyon dahil isinama sa konsultasyon ang tungkol sa pagtuturo ng Filipino bilang required na asignatura. Ang mga nakahapag na options sa pagiging subject nito: best case scenario - 9 units ng Filipino subjects (tindig ito ng PSLLF, KWF, NCCA-NCLT, PNU atbp.; 12 ang sa PUP); worst case scenario - zero units (tindig ng ilang estupido at misguided na anti-Filipino). Sa pagiging medium naman ng wikang Filipino, narito ang scenarios na inihapag: best case - Rizal plus 12 units ng mga asignatura sa bagong General Education Curriculum ay sa Filipino ituturo; worse case scenario: iwan sa mga paaralan ang desisyon sa kung anong wika ang gagamiting panturo. Bandang alas tres ang schedule ng konsultasyon para sa NCR. Halos mga ganoon din ang takbo ng usapan. Malaking porsyento ng oras ang nilamon ng pluralistang anti-Filipinong tindig ng rehiyonalista at pseudo-nativist na half-American, half-Canadian na ang gusto lang sabihin ay sabay-sabay at pantay-pantay na idevelop ang Filipino at regional languages. Isinasabong niya ang Filipino sa iba pang wika. Hindi niya gets na bata pa ang wikang pambansa ng Pilipinas, at iyon ay dahil sa mahabang panahon ng kolonyalismo at neokolonyalismo. Sabi nga ng isang taga-PUP, ang wikang pambansa, ang wikang Filipino ang unifier ng Pilipinas pagkatapos ng panahon ng kolonyalismo. Sangkap ito sa pagbubuo at pagpapatibay ng bansa. Lingua franca ito ng lahat ng grupo sa Pilipinas. Samakatwid, primus inter pares ito: nangunguna sa magkakapantay. Nakapagsalita naman ako pero pinutol din ng presiding officer. Samantala, pinabayaan lamang nila si Dr. Jose Abueva na magsalita nang magsalita. Maganda ang napakahabang intro ni Dr. Abueva: ipinaalala niya na siya ang nagpasimula ng malawakang Filipinisasyon sa UP. Sa kasamaang-palad, sa bandang dulo, sinabi niyang di na dapat ituro sa kolehiyo ang Filipino. Post scriptum: epekto ng pag-iingay nating lahat ang konsultasyong ito. Kumbaga, kung hindi tayo umaray, di nila mararamdamang may mali sa mga nangyayari. Sa Pilipinas, iyan ang masaklap na realidad: kailangang igiit pa lagi ang dapat, ang makatwiran. Malaki rin ang papel ng media sa pangangalampag sa mga awtoridad. Telebisyon pa rin sa ngayon ang pinakamakapangyarihang media dahil mula nang ibalita ang isyu sa telebisyon, lumaganap ang talakayan hinggil dito mula umpukan hanggang sa social media. Mahusay na amplifier at pangsustine ng kampanya at kasangkapan din sa pagoorganisa ang social media. Dalawang araw lang ay naka-2k likes na halos ang Tanggol Wika page. Napakabilis din ng diseminasyon ng impormasyon doon, pero walang substitute sa aktwal na talakayan at networking. Malalakas ang kalaban at walang tunay na demokrasya sa konteksto ng gobyerno, di gumagana ang mga mekanismo, kaya dapat lumabas sa kahong iyon ang madla. Maraming policymaker ang antidemocratic at averse sa bottom-up democratization. may mali sa top-down na estilo ng CHED ng pagbibigay ng imbitasyon. Mas marami ang nakabalita sa aktibidad sa pamamagitan ng www.facebook.com/TANGGOLWIKA kaysa sa nakatanggap ng fax ng CHED. Mabuti at pinapasok naman nila lahat ng dumating. Samantala, mali rin bagamat positibo sa isang banda, na isinama sa konsultasyon ang tungkol sa asignaturang Filipino, kahit na di nila isinama iyon sa memo-imbitasyon. Para tuloy itinago ang tunay na agenda ng konsultasyon para kakaunti ang pumunta? Kailangang idemokratisa ang proseso, na siyempre pa'y nakasalalay sa demokratisasyon ng Pilipinas, ng lipunan. Sabay na war of position at war of manuever. Sabay na propagandang anti-sistema habang nagtatrabaho sa loob nito para ilantad ang kabulukan, magkamit ng kaunting kakayaning reporma o kaya'y kumuha ng konsesyon sa sistema, habang sa pangmatagalan ay naghahanda at nag-aambag din sa pagbuo ng pangarap nating lipunan na hindi na ituturing na disposable diapers ang wikang pambansa at mga gurong nagtuturo nito. Sa madaling sabi, A LUTA CONTINUA! TULOY ANG LABAN!” Nakatulong nang malaki sa mabilis na pagsulong at popularisasyon ng pakikibaka ng Tanggol Wika ang maagap na media reports hinggil sa isyung ito, gaya ng ulat ni Mark Angeles (2014) at Amanda Fernandez (2014) para sa GMA News Online, ni Steve Dailisan (2014) para sa State of the Nation, ni Jee Geronimo (2014) sa Rappler.com at ni Anne Marxze Umil (2017) para sa bulatlat.com, na sinundan pa ng mas maraming ulat mula sa iba pang media outfit. Malaking tulong din ang mga dokumentaryong inilabas ng mga guro mula sa UPD gaya ng “Sulong Wikang Filipino” (panayam kay Dr. Bienvenido Lumbera) at “Sulong Wikang Filipino: Edukasyong Pilipino, Para Kanino?” na kapwa inupload sa YouTube noong Agosto 2014, gayundin ang “Sa Madaling Salita: Kasaysayan at Pag-unlad ng Wikang Pambansa” na inilabas naman noong Setyembre 2016. Mula 2014 hanggang kasalukuyan, sunud-sunod ang mga forum at asembliya, diyalogo at kilos-protesta ng Tanggol Wika sa buong bansa para ipaliwanag at ipalaganap ang mga adbokasiya nito, ngunit nagbingi-bingihan lamang ang CHED. Noong Abril 15, 2015 ay nagsampa ng kaso sa Korte Suprema ang Tanggol Wika, sa pangunguna ni Dr. Bienvenido Lumbera, ACT Teachers Partylist Rep. Antonio Tinio, Anakpawis Partylist Rep. Fernando Hicap, Kabataan Partylist Rep. Terry Ridon, at mahigit 100 propesor mula sa iba’t ibang kolehiyo at unibersidad. Inihanda nina Atty. Maneeka Sarzan (abogado ng ACT Teachers Partylist), Atty. Gregorio Fabros (abogado ng ACT), at Dr. David Michael San Juan, ang nasabing petisyon. Ang 45-pahinang petisyon ay nakasulat sa Filipino (ang kauna-unahang buong petisyon sa wikang pambansa) at opisyal na nakatala bilang G.R. No. 217451 (Dr. Bienvenido Lumbera, Pambansang Alagad ng Sining, et al. vs. Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III, at Punong Komisyuner ng Komisyon sa Lalong Mataas na Edukasyon/Commissioner on Higher Education [CHED] Dr. Patricia Licuanan). Nakapokus ang nasabing petisyon sa paglabag ng CMO No. 20, Series of 2013 sa mga probisyon sa Konstitusyon gaya ng Artikulo XIV, Seksyon 6; Artikulo XIV, Seksyon 14, 15, at 18; Artikulo XIV, Seksyon 3; Artikulo II, Seksyon 17; at Artikulo XIV, Seksyon 2 at 3 Artikulo II, Seksyon 18; at Artikulo XIII, Seksyon 3 ng Konstitusyong 1987, at sa mga batas gaya ng Batas Republika 7104 o “Commission on the Filipino Language Act” (“An Act Creating the Commission on the Filipino Language, Prescribing Its Powers, Duties and Functions, and For Other Purposes”), Batas Pambansa Bilang 232 o “Education Act of 1982,” at Batas Republika 7356 o “An Act Creating the National Commission for Culture and the Arts, Establishing National Endowment Fund for Culture and the Arts, and for Other Purposes.” Halos isang linggo pagkatapos ng pagsasampa ng kasong ito ay kinatigan ng Korte Suprema ang Tanggol Wika sa pamamagitan ng paglalabas ng temporary restraining order (TRO) na may petsang Abril 21, 2015. Kinatigan at ibinuod ng Korte Suprema ang mga argumento ng Tanggol Wika sa pamamagitan ng talatang ito: “They contend that the Constitution expressly states that the Filipino is the national language of the Philippines. The State must lead and sustain its usage as the medium of official communication and as the language of instruction in the educational system. This holds true without distinction as to education level. Hence, "Filipino" as our language deserves a place of ·honor and usage in the educational system, froin pre-school to higher education. For petitioners, rendering the usage of the Filipino language as a medium of instruction in schools as merely discretionary is a direct violation of the constitutional protection afforded to "Filipino." In the same vein, the deletion of "Panitikan'' (literature) and "Philippine Government and Constitution” as subjects in CMO No. 20 reflects its non-compliance with the State policies to preserve not only the teaching of literature as a part of cultural heritage but to the very constitutional mandate to instill nationalism and patriotism in all levels of education. Worse, the deletion of the said subjects in the new curriculum would cause unemployment for more or less 78,000 teachers and employees in educational institutions. To date, the CHED has offered neither a plan nor a mechanism to cushion the blow of sudden unemployment in the education sector. Finally, CMO No. 20 likewise violates several statutory acts, namely: Republic Act No. 7104 (Commission on the Filipino Language Act); Batas Pambansa Bilang 232 (Education Act of 1982); and Republic Act No. 7356 (An Act Creating the National Commission for Culture and the Arts).” Ang nasabing TRO ay “effective immediately and continuing until further orders.” Sa press release ng Tanggol Wika kaugnay ng tagumpay na ito ay hinikayat nito ang na tuluy-tuloy na suriin ang “other aspects of the K to 12 program, and help align current educational reforms to the country’s needs and the Filipino people’s welfare, so as to further contribute to the country’s historical antineocolonial and anti-imperialist struggle in the arena of culture and education” (Ayroso, 2015). Kaugnay nito, tumulong ang Tanggol Wika sa pagbubuo ng kapatid na organisasyong Alyansa ng Mga Tagapagtanggol ng Kasaysayan (Tanggol Kasaysayan) na naglalayon namang itaguyod ang panunumbalik ng asignaturang Philippine History sa hayskul (sa ilalim ng K to 12 ay wala nang required na Philippine History subject) noong Setyembre 23, 2016 sa isang forum sa PUP, at ng mas malawak na pormasyong Kilos Na Para sa Makabayang Edukasyon (KMEd) na itinatag naman noong Agosto 25, 2017 sa PUP din. Masasabing PUP ang pinakamalakas at pinakamaaasahang balwarte ng Tanggol Wika, lalo na sa pagsasagawa ng mga malakihang asembliya at kilosprotesta, dahil na rin sa sigasig ng Departamento ng Filipinolohiya ng PUP na pinamumunuan ni Prop. Marvin Lai. Mahalaga rin ang papel ng Departamento ng Filipino ng DLSU sa pamumuno ni Dr. Ernesto Carandang II, sa pagbibigay ng malalaki at libreng venue para sa mga asembliya at forum ng Tanggol Wika. Habang isinusulat ang sanaysay na ito (huling linggo ng Agosto 2017) ay natanggap ng Tanggol Wika ang isang “manifestation and motion” sa Korte Suprema ng Office of the Solicitor General na may petsang Agosto 9, 2017. Mahigit dalawang taon na nagpanggap lamang ang CHED na ipinatutupad ang TRO ng Korte Suprema sa pamamagitan ng paglalabas ng mga maliligoy at malalabong dokumento gaya ng isang memorandum ng tagapangulo ng CHED (may petsang Hulyo 18, 2016 at may paksang Clarification on the Implementation of CHED Memorandum Order (CMO) No. 20, Series of 2013 Entitled “General Education Curriculum; Holistic Understandings, Intellectual and Civic Competencies”), CMO No, 57, Series of 2017, at isa pang memorandum ng tagapangulo ng CHED (may petsang Hulyo 11, 2017 at may paksang Clarification on the Offering of Filipino at Panitikan Courses in All Higher Education Programs), at na ni hindi naman nila gaanong ipinalalaganap. Katunayan, as of this writing, maraming ulat na natatanggap ang Tanggol Wika hinggil sa pahayag ng mga administrador sa iba’t ibang unibersidad sa buong bansa na wala silang natanggap na kopya ng CMO No. 57, Series of 2017 at hindi rin ito naka-upload sa website ng CHED (bagamat kasama ito sa mga attachment sa “manifestation and motion” sa Korte Suprema ng Office of the Solicitor General). Mahigit dalawang taon pagkatapos tulugan ng gobyerno ang implementasyon ng TRO sa pagpatay sa Filipino at Panitikan ay narito’t biglang gusto nilang ipa-LIFT ang TRO at ipa-DISMISS ang petisyon ng Tanggol Wika. Manalo o matalo man sa huli ang Tanggol Wika sa labang ito, mainam nang mairehistro pa rin sa mga pahina ng kasaysayan ang mga susing argumento ng Tanggol Wika para sa pagkakaroon ng Filipino at Panitikan sa kolehiyo. ARGUMENTO 1: WALANG MAKABULUHANG ARGUMENTO ANG MGA ANTIFILIPINO – ANG KAMPONG TANGGAL WIKA – SA PAGPAPATANGGAL NG FILIPINO AT PANITIKAN Katunayan, sa akademya, mabibilang sa daliri ang nasa kampo ng Tanggal Wika. Nariyan ang (balintunang) isang dating presidente ng “KAGURO SA FILIPINO, Kapisanan ng mga Guro sa Filipino” na nagtapos ng PhD in Philippine Studies sa UPD, at nag-aplay sa permanent residency sa Estados Unidos (c. 2004), at kasalukuyang associate professor at koordineytor ng programa sa wika at literatura ng isa sa mga pangunahing wika ng Pilipinas sa University of Hawaii in Manoa. Nariyan ang isang naging post-doctoral fellow sa Center for Southeast Asian Studies, Kyoto University at nag-PhD sa University of Melbourne, na ngayo’y (balintunang) nagtuturo sa Departamento ng Kasaysayan ng DLSU (ang departamento na humahawak ng subject na KASPIL o Kasaysayan ng Pilipinas, asignaturang madalas mapagkamalang Filipino subject ng mga estudyante ng DLSU dahil na rin sa halos lahat ng nasa departamentong iyon ay Filipino ang default language sa pagtuturo at pananaliksik – gaya ng nararapat sa pagtuturo ng sariling kasaysayan), at ang kanyang mentor na (balintunang) propesor sa Asian Studies Program ng University of Hawaii-Manoa at masugid na depensor ng United States Agency for International Development (USAID). Silang mga nasilaw sa ningning sa halip na hanapin ang liwanag, sa konteksto ng sanaysay ni Emilio Jacinto na “Ang Ningning at ang Liwanag.” Ang kanilang mga buladas at patutsada ay pawang walang batayan at mas nakatuon lamang sa ilohikal at diskursong napag-iwanan na ng panahon – diskurso ng diumano’y imposisyon ng “imperial Manila” ang Filipino na “Tagalog lang naman” at diskursong “hindi naman wikang pambansa ang Filipino,” o “hindi naman Filipino ang dapat na wikang pambansa,” o “hindi natin kailangan ng wikang pambansa.” Ang kanilang mga buladas at patutsada ay detalyado nang sinagot sa bilinggwal na pamphlet ng KWF na pinamagatang “Madalas Itanong Hinggil sa Wikang Pambansa/Frequently Asked Questions on the National Language” (Almario, 2014), sa blog na “Ang Hindi Magmahal” (Marasigan, 2014) at “Pagkalusaw ng Isang Disiplina” (Sanchez, 2015), gayundin sa artikulong “Debunking PH language myths” (San Juan, 2014a). Binasag din ng mga posisyong papel na inilabas ng iba’t ibang unibersidad at organisasyon – gaya ng Departamento ng Filipino ng DLSU (2014), Kagawaran ng Filipino ng ADMU (2014), Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas ng UPD (2014), Fakulti ng Sining at Mga Wika ng PNU (2014), Kagawaran ng Filipinolohiya ng PUP (2014), at PSLLF (2014) – ang mga walang batayang buladas ng mga anti-Filipino sa akademya. ARGUMENTO 2: DAPAT MAY FILIPINO AT PANITIKAN SA KOLEHIYO DAHIL ANG IBANG ASIGNATURA NA NASA JUNIOR AT/O SENIOR HIGH SCHOOL AY MAY KATUMBAS PA RIN SA KOLEHIYO Narito ang talahanayan na naghahambing sa ilang asignaturang nilalaman ng kurikulum sa K to 12 mula junior high school hanggang kolehiyo. Kinailangan pa na magprotesta at magdemanda sa Korte Suprema ang Tanggol Wika para maigiit ang pagkakaroon ng asignaturang Filipino at Panitikan sa kolehiyo at kahit nga may TRO na ang Korte Suprema sa pakanang anti-Filipino ng CHED ay walang malawakang pagtatangka ang CHED na sundin at ipatupad ang desisyon ng Korte Suprema. Samantala, kahit walang protesta at demanda ang mga nagtuturo ng Physical Education (PE) ay agad nagdesisyon ang CHED na ibalik iyon bilang required na asignatura sa kolehiyo gaya ng nakalagay sa memorandum mula sa tagapangulo ng CHED na may petsang Abril 5, 2016. Malinaw na sadyang tinarget ng CHED ang pagpaslang sa Filipino at Panitikan. Binabasag at winawasak ng talahanayang ito ang basurang argumento ng mga taga-CHED at ng iba pa nilang kasapakat, na kaya wala nang Filipino at Panitikan sa kolehiyo at dahil mayroon na nito sa hayskul. Kung susundin ang kanilang lohika (o kawalan nito), dapat ay wala nang General Education Curriculum sa kolehiyo (bagay na hindi maaaring gawin dahil sa likas na kahalagahan at kabuluhan nito sa holistikong paghubog ng mga estudyante). Asignatura School sa Junior High Filipino English Mathematics Science Araling Panlipunan (Wala nang Kasaysayan ng Pilipinas/Philippine History na sa lumang kurikulum ay required Kaugnay/Katumbas/Kahawig na Asignatura sa Core Curriculum Subjects ng Senior High School Komunikasyon at Pananaliksik sa Wika at Kulturang Filipino Pagbasa at Pagsusuri ng Iba’t Ibang Teksto Tungo sa Pananaliksik Oral Communication Reading and Writing General Mathematics Statistics and Probability Earth and Life Science Physical Science Earth Science (taken instead of Earth and Life Science for those in the STEM Strand) Disaster Readiness and Risk Reduction (taken instead of Physical Science for those in the STEM Strand) Understanding Culture, Society, and Politics Kaugnay/Katumbas/Kahawig na Asignatura sa Core Courses Bagong General Education Curriculum sa CMO No. 20, Series of 2013 WALA Purposive Communication Mathematics in the Modern World Science, Technology, and Society Readings in Philippine History (Isinama na lamang bilang isa sa mga paksa ng asignaturang ito ang Philippine Government & subject.) Constitution na sa lumang kurikulum ay required at bukod na subject.) The Contemporary World (Ang Panitikan/Literature kasama sa Filipino at English.) Physical Education ay 21st Century Literature from the Philippines and the World Physical Education and Health WALA WALA ARGUMENTO 3: ANG FILIPINO AY DISIPLINA, ASIGNATURA, BUKOD NA LARANGAN NG PAG-AARAL, AT HINDI SIMPLENG WIKANG PANTURO LAMANG Taliwas sa buladas ng CHED at iba pa nilang kaTanggal Wika, hindi simpleng wikang panturo lamang ang Filipino. Disiplina, asignatura, bukod na larangan ito ng pag-aaral. Katunayan, “Ang Filipino Bilang Disiplina” ang paksa ng kauna-unahang isyu ng isang journal mula sa ADMU – ang Katipunan: Journal ng Mga Pag-aaral sa Wika, Panitikan, Sining, at Kulturang Filipino (2016). Ang pagiging disiplina ng Filipino ay binigyang-diin din sa “MGA SUSING SALITA: Pambansang Seminar sa Pagbuo ng Diskurso sa Konseptong Filipino” na isinagawa noong Agosto 24-25, 2017 sa pangunguna ng Sentro ng Wikang Filipino sa Unibersidad ng Pilipinas-Diliman. Tinalakay sa nasabing seminar ang mga katutubo o kaya’y inangking konsepto ng “indie, bungkalan, ganap, balita, balatik, at delubyo” – ilan lamang sa napakaraming “susing salita” na maaaring maging lunsaran ng o pokus ng mismong pagtalakay sa Filipino bilang disiplina sa mas mataas na antas ng edukasyon, gaya rin ng pinatunayan na sa taunang kumperensyang “Sawikaan: Mga Salita ng Taon” ng Filipinas Institute of Translation/FIT (Narvaez, 2015). Samakatwid, ang pagbura sa Filipino sa kolehiyo ay pagkalusaw rin ng isang mahalagang disiplina (Sanchez, 2015) na nakaugat sa sariling karanasan at paraan ng pagpapahayag ng mga mamamayang Pilipino. Ang halaga at kabuluhan ng Filipino bilang disiplina ay hindi matatawaran sapagkat ito’y daluyan ng “kasaysayan ng Pilipinas,” salamin ng “identidad ng Filipino,” at “susi ng kaalamang bayan” (Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas, Kolehiyo ng Arte at Literatura, Unibersidad ng Pilipinas, Diliman, 2014) – tatlong magkakahiwalay ngunit magkakaugnay na function na hindi kayang tapatan ng iba pang disiplina sa mas mataas na antas ng edukasyon. Gaya ng paninindigan ng Kagawaran ng Filipinolohiya ng PUP (2014), “lihis sa hangarin at konteksto ng Pangkalahatang Edukasyon ang pagtatanggal ng asignaturang Filipino” kung isasaalang-alang ang isa sa mga layunin mismo ng CMO No. 20, Series of 2013: “‘General education enables the Filipino to find and locate her/himself in the community and the world, take pride in and hopefully assert her/his identity and sense of community and nationhood amid the forces of globalization. As life becomes more complex, the necessity of appreciating the gifts of nature and addressing social problems in the general education program increasingly become more pressing.’ Hindi ba't ang asignaturang Filipino ang pangunahing tiyak na tutugon sa hangarin at kontekstong isinasaad? Sapagkat ang mga asignaturang Filipino ay nakatuon sa pagtuklas at inobatibong pag-aaral hinggil sa kalinangang Pilipino (wika, kultura at kabihasnan), nasa Filipino ang identidad ng mamamayan sa bansang Pilipinas, nasa Filipino ang diwang makabansa na makatutugon sa mga kahingiang panlipunan at makatutulong sa pangangailangan ng mamamayang Pilipino, at makapag-aambag ng kalinangan at karunungan sa daigdig.” ARGUMENTO 4: PARA MAGING EPEKTIBONG WIKANG PANTURO ANG FILIPINO, KAILANGANG ITURO AT LINANGIN DIN ITO BILANG ASIGNATURA Ang pagkakaroon ng Filipino sa kolehiyo ay pagtupad sa Artikulo XIV, Seksyon 6 ng Konstitusyong 1987 na nagsasabing ang Filipino ang dapat maging midyum ng opisyal na komunikasyon at ng sistemang pang-edukasyon. Hindi maisasakatuparan ang ganitong atas ng Konstitusyon kung walang asignaturang Filipino sa lahat ng antas ng edukasyon. Sa asignaturang Filipino, lilinangin ang kasanayan ng mga estudyante sa paggamit ng wikang pambansa sa intelektwal na diskurso na kinakailangan sa epektibong paggamit nito bilang midyum sa iba pang asignatura (bagay na pakunwaring isinusulong ng CHED sa CMO No. 20, Series of 2013). Sa sitwasyong English ang default language ng CHED at ng mga administrador ng marami-raming unibersidad, malinaw na “(a)ng pagbura sa Filipino sa kolehiyo ay hakbang paurong” sapagkat babawasan pa “nito ang oportunidad para sa intelektwalisasyon” ng Filipino (San Juan, 2015). Ang pagpaslang sa wikang sarili ay pagbura rin sa pagkatao mismo ng mga mamamayan gaya ng ipinahayag sa posiyong papel ng Fakulti ng Sining at Mga Wika ng PNU (2014): “Bukal ng karunungan ang Filipino bilang isang larangan na humuhubog ng kabuuan kaakibat ang pagpapahalaga sa ating pagkamamamayang Pilipino. Gamit ang Filipino bilang larangan, itinatampokat binubuo nito ang pagkatap at pagkakakilanlan ng ating lahi na pundasyon ng ating kamalayan at kalinangan...Kung hangad natin ang ay marating ang ganap na intelektuwalisasyon ng wikang Filipino, karapat-dapat itong gamitin. Kailangang isa-Filipino ang diwa ng mga mag-aaral...Hindi sapat bilang midyum ng talastasan, kundi isang wika na salalayan sa iba’t ibang diskursong pang-akademiko at panlipunan.” ARGUMENTO 5: BAHAGI NG COLLEGE READINESS STANDARDS ANG FILIPINO AT PANITIKAN Kaugnay ng Argumento 3, mismong CHED ay naglabas ng College Readiness Standards na sumasaklaw sa Filipino at Panitikan, sa pamamagitan ng CHED Resolution No. 298-2011. Laman ng nasabing dokumento ang mga kasanayan o kompetensi sa iba’t ibang asignatura na dapat makuha/makamit ng mga estudyante BAGO sila magkolehiyo o BILANG PAGHAHANDA sa pagkokolehiyo. Saklaw nito ang mga inaasahang kompetensi ng mga estudyante sa asignaturang Science, Mathematics, English, Filipino, Literature, Humanities, at Social Science. Sa aktwal na disenyo ng College Readiness Standards, inaasahan ang patuloy na paglinang sa mga kasanayan/kompetensing kinamtan/nakuha sa hayskul hanggang sa kolehiyo, gaya ng pinatutunayan ng pagkakaroon pa rin ng Science (sa pamamagitan ng asignaturang Science, Technology, and Society), Mathematics (sa pamamagitan ng asignaturang Mathematics in the Modern World), English (sa pamamagitan ng asignaturang Purposive Communication), Humanities (sa pamamagitan ng asignaturang Art Appreciation), at Social Science (sa pamamagitan ng asignaturang The Contemporary World at Readings in Philippine History) sa required core courses sa bagong General Education Curriculum na nasa CMO No. 20, Series of 2013. Kapansin-pansin na Filipino at Panitikan/Literatura lamang ang asignaturang nasa College Readiness Standards ngunit hindi isinama ng CHED sa required core courses sa bagong General Education Curriculum na nasa CMO No. 20, Series of 2013. Ang pagpapatuloy ng paglinang sa kasanayan/kompetensi sa Filipino at Panitikan/Literatura sa antas tersyarya ay lohikal lamang – gaya ng sitwasyon ng iba pang asignaturang nasa College Readiness Standards at bahagi rin ng bagong GEC sa kolehiyo – lalo na kung isasaalang-alang ang bigat ng mga kompetensi sa CRS na halos imposibleng ganap na malinang sa hayskul lamang. ARGUMENTO 6: SA IBANG BANSA, MAY ESPASYO RIN SA KURIKULUM ANG SARILING WIKA BILANG ASIGNATURA, BUKOD PA SA PAGIGING WIKANG PANTURO NITO Sa halos lahat ng mga unibersidad sa Estados Unidos ay bahagi ng kurikulum sa kolehiyo – sa anumang kurso – ang pag-aaral ng wikang English, gaya ng pinatunayan sa apendiks ng pananaliksik ni San Juan (2015). Halimbawa, aniya, sa mga unibersidad na ito ay required core course ang English: Princeton University, Illinois State University, California State University, Columbia University, University of Alabama, Duke University, Yale University, Harvard University, Stanford University, North Carolina State University, Washington State University, University of WisconsinMadison, State University of New York, University of Michigan, University of Vermont, California State Polytechnic University, University of Kentucky at University of Arizon; habang sa mga sumusunod na institusyon naman ay required subject din ang Literatura: University of Chicago, Harvard University, Duke University, Massachusetts Institute of Technology, University of Alabama, University of Wisconsin-Madison, University of Michigan, University of Kentucky, University of Oregon at University of Texas. Samantala, sa Chulalongkorn University sa Thailand, bahagi rin ng required subjects sa General Education program ang wikang Thai (Chulalongkorn University, 2006). Required subject din sa Malaysia ang Bahasa Melayu gaya ng pinatutunayan ng requirements for graduation sa Universiti Sains Malaysia (2017), Universiti Kebangsaan Malaysia (2017), at Universiti Tenaga Nasional (2016). Required subject naman ang Bahasa Indonesia sa mga unibersidad gaya ng Universitas Gadjah Mada (2017) at Institut Teknologi Bandung (2017). Lohikal ang pagkakaroon ng asignaturang wikang sarili sa antas tersyarya dahil ito rin ang “akademikong wika” na kailangan sa matalas na pag-unawa sa mga aralin at sa pagsasagawa ng pananaliksik na makabuluhan sa mga mamamayan ng komunidad ng estudyante. Kung isasa-alang-alang ang depinisyon ng “akademikong wika” (Gottlieb at Ernst-Slavit, 2014), Filipino ang akademikong wikang akma sa Pilipinas: “a register, that is, a variety of a language used for a specific purpose and audience in a particular context…academic language refers to the language used in school to acquire new or deeper understanding of the content and to communicate that understanding to others…academic language is characterized by the specific linguistic features associated with academic disciplines, including discourse features, grammatical constructions, and vocabulary across different language domains or modalities (listening, speaking, reading, writing) and content areas (language arts, mathematics, science, and social studies/history, among others). Academic language operates within a sociocultural context that lends meaning to oral or written communication…” ARGUMENTO 7: BINIGYAN NG DEPED AT CHED NG ESPASYO ANG MGA WIKANG DAYUHAN SA KURIKULUM, KAYA LALONG DAPAT NA MAY ESPASYO PARA SA WIKANG PAMBANSA Binuo ng DepEd ang Special Program in Foreign Language (SPFL) alinsunod sa DepEd Order No. 46, Series of 2012 (“Policy Guidelines on the Implementation of the Special Curricular Programs at the Secondary Level”). Saklaw ng SPFL sa mga publikong hayskul ang pagtuturo ng Spanish, Japanese (Nihongo), French, German and Chinese (Mandarin) at Korean ayon sa isang press release ng Departamento ng Edukasyon na may petsang Pebrero 20, 2017. May 10,526 estudyante ng SPFL sa buong bansa – 3,531 sa Spanish, 3,020 sa Japanese, 2,280 sa Chinese, 1,112 sa French, at 583 sa German, habang magsisimula pa lamang ituro ang Korean ngayong taon. Mahigit 35 milyong piso ang inilaan ng DepEd para sa SPFL noong 2017. Samantala, may kahawig na programa ang CHED alinsunod sa CMO No. 23, Series of 2010. Batay rito, elective sa kolehiyo ang mga wikang dayuhan gaya ng Chinese, Spanish, Nippongo, Arab atbp. Kung nabigyan ng espasyo sa kurikulum ang mga wikang dayuhan, ano’t papaslangin at ayaw bigyan ng espasyo ang sariling wika at panitikan natin? ARGUMENTO 8: PINAG-AARALAN DIN SA IBANG BANSA ANG FILIPINO – AT MAY POTENSYAL ITONG MAGING ISANG NANGUNGUNANG WIKANG GLOBAL – KAYA LALONG DAPAT ITONG PAG-ARALAN SA PILIPINAS Itinuturo ang Filipino at/o Panitikan at/o Araling Pilipinas sa 46 na unibersidad sa ibang bansa gaya ng Estados Unidos, Australia, Switzerland, France, Russia, China, Japan, Canada, Malaysia, at Brunei, bukod pa sa mahigit 40 Philippine Schools Overseas (PSOs) – pawang hayskul – sa Bahrain, China, East Timor, Greece, Kuwait, Libya, Oman, Qatar, Kingdom of Saudi Arabia, at United Arab Emirates (San Juan, 2015). Ayon sa updated na ulat ng Commission on Filipinos Overseas/CFO (2014), 41 na ang PSOs. May 10,238,614 Pilipinong nasa ibayong dagat (CFO, 2013) na kundi man laging gumagamit ng Filipino ay nananatiling may malakas na koneksyong pangkultura, pampamilya, at pangkomunidad sa Pilipinas. Sa Estados Unidos, pangatlong pinakaginagamit na wikang di-Ingles sa tahanan ang Tagalog na may 1.7 milyong nagsasalita, kumpara sa Chinese na may 3.4 milyon at Spanish na may 40.5 milyon (Waddington, 2016). Sa dami ng mga Pilipino sa malalaking lungsod sa mundo, hindi kataka-takang ginagamit ito ng ilang tindero/tinderang Koreano sa Seoul, South Korea (batay sa sariling karanasan ng mananaliksik), o ng ilang taxi driver sa Dubai, United Arab Emirates (batay sa YouTube videos nina user philippinesgoforgold at arra31) o mga residente ng Riyadh, Saudi Arabia (batay sa YouTube video ni user Wesly Sihay), o na umaawit sa wikang ito ang ilang mag-aaral na kindergarten sa Iceland (batay sa YouTube video ni user Birte Harksen). Bukod dito, libu-libo ring estudyanteng dayuhan ang nag-aaral bawat taon sa Pilipinas. Noong 2012, 47,478 aplikasyon para sa student visa at special study permit (SSP) ang inaprubahan ng Bureau of Immigration (BI), 14% na mas mataas kaysa sa 41,443 na aplikasyong pinagtibay noong 2011 (Tubeza, 2013). Batay sa datos ng BI, may 61,000 dayuhang estudyante sa Pilipinas noong 2011, kumpara sa 26,000 noong 2011, bunsod na rin ng pagdami ng institusyong akredited na tumanggap ng mga dayuhang estudyante na 2,145 na noong 2012 kumpara sa 104 na institusyon lamang noong 2011 (ADMU, 2013). Karamihan sa mga dayuhang estudyante sa kolehiyo ay nasa Centro Escolar University, Adventist University of the Philippines, University of the East, Far Eastern University, Manila Central University, UST, Jose Rizal University at DLSU (BI, 2014). May ispesyal na programang Basic Filipino (BASIFI) ang DLSU para sa mga estudyanteng dayuhan (DLSU, 2012), at tiyak na may mga kahawig na programa ang iba pang unibersidad dahil wala namang mekanismo ang CHED para sa eksempsyon sa mga kahingiang pangwika ng kurikulum sa kolehiyo ang mga dayuhang estudyante. Samakatwid, marami-rami sa mga dayuhang estudyanteng nag-aral/nag-aaral sa bansa ang tiyak na uuwi sa kani-kanilang bansa nang marunong na ring mag-Filipino. Sa tala naman ng Wikipedia, ang Tagalog Wikipedia na inilunsad noong Disyembre 1, 2003 ay may 82,862 artikulo at ika-68 pinakamalaki sa 299 wika sa Wikipedia (as of September 2017) batay sa bilang ng mga artikulo as of October 18, 2017. Sa pangkalahatan, nasa ranggong 31 sa 140 bilang pinakamakapangyarihang wika sa internet ang Tagalog (Pimienta, 2017). Ang lahat ng mga salik na ito ay lalong nakapagpapalakas sa potensyal ng Filipino na maging isang nangungunang wikang global. Kung masusunod ang kahunghangan ng CHED, masasayang ang potensyal ng Filipino na maging nangungunang wikang global. ARGUMENTO 9: MALAPIT ANG FILIPINO SA BAHASA MELAYU, BAHASA INDONESIA, AT BRUNEI MALAY, MGA WIKANG GINAGAMIT SA MALAYSIA, SINGAPORE, INDONESIA, AT BRUNEI, NA MGA BANSANG KASAPI NG ASEAN, KAYA’T MAHALAGANG WIKA ITO SA KONTEKSTO MISMO NG ASEAN INTEGRATION Bagamat English pa ang working language ng ASEAN sa kasalukuyan, maaari itong magbago sa hinaharap, lalo pa’t isinusulong ng kasalukuyang punong ministro ng Malaysia na si Najib Razak ang Bahasa Melayu bilang pangunahing wika ng ASEAN (Today Online, 2017). Anu’t anuman, may malaki at malakas na potensyal na maging paboritong wikang dayuhan ito ng mga estudyante sa Malaysia, Singapore, Brunei, at Indonesia, kaya’t nararapat lamang na lalo pang linangin ang pagtuturo nito sa mas mataas na antas ng edukasyon. Katunayan, nagsimula ang pagtuturo ng Filipino sa Universiti Brunei Darussalam (UBD) noong 2010 nang maging kahingian para sa lahat ng estudyante ng Faculty of Brunei Studies sa UBD ang pag-aaral ng mga yunit sa mga wika ng ASEAN (Adeva, 2014). Dumarami ang nag-aaral ng Filipino sa Malaysia (Jubilado, 2008) at Brunei (Adeva, c.2012). Sa Singapore, may potensyal na maging popular na wikang dayuhan ang Filipino, kung isasaalang-alang ang realidad na may 203,243 Pilipino sa Singapore (Commission on Filipinos Overseas, 2013) at may malakas na ugnayang pangkultura ang Pilipinas sa Singapore (Yi-Sheng, 2014). Sa pangkalahatan, tiyak na magbebenipisyo rin ang Filipino sa programang Network-based ASEAN Languages Translation Public Service na kasalukuyang isinasakatuparan na mula noong 2012 (Wutiwiwatchai et al., 2013). Ang nasabing programa ay may komponent na sumasaklaw sa Filipino (Nocon et al., 2014). Sa pagsinsin ng integrasyong sosyo-kultural at ekonomiko ng mga bansa sa ASEAN, lalong lumalaki ang demand sa pag-aaral ng mga wika at pagsasalin (Sison-Buban, 2016). Manguna, sumabay, o mapag-iwanan: alin lamang sa tatlong landas na iyan ang maaaring tahakin ng Filipino bilang wika ng ASEAN, at bakit nga ba hindi pipiliing manguna o sumabay gayong may mga panimulang bentahe na ang Filipino. Ayon nga sa posisyong papel ng Departamento ng Filipino ng DLSU (2014), “sa konteksto ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Integration, ang pagkakaroon ng asignaturang Filipino na may inter/multidisiplinaring disenyo ay isa sa ating mga potensyal na ambag sa proyekto ng globalisasyong pedagohikal at sosyo-kultural. Ano nga ba ang iaambag natin sa daigdig kung hindi natin pag-aaralan ang sarili nating wika at kultura? Paano haharapin ang mundo kung hindi kilala ang sarili?” ARGUMENTO 10: MABABA PA RIN ANG AVERAGE SCORE NG MGA ESTUDYANTE SA FILIPINO SA NATIONAL ACHIEVEMENT TEST (NAT) Ayon sa resulta ng National Achievement Test/NAT noong School Year 20142015, 59.29 ang pambansang mean percentage score (MPS) sa Filipino ng mga estudyante ng Grade 10, habang 68.90 ang pambansang MPS sa Filipino ng mga estudyante ng Grade 6, sa sitwasyong 100 ang perpektong MPS. Mas mababa pa rin ang mga MPS na ito sa 75 na target na MPS ng DepEd, ayon mismo sa Philippine Education for All Review Report (2015). Samakatwid, kung walang Filipino sa kolehiyo, maliit ang posibilidad na makaabot man lamang sa minimum na target na mastery ng mga kasanayang pangwika ang mga estudyante sa bansa. Maabot man ng mayorya ng mga estudyante ang target na MPS, marami at malawak pa rin ang kaalamang maaari nilang matutuhan sa Filipino sa antas tersyarya. ARGUMENTO 11: FILIPINO ANG WIKA NG MAYORYA, NG MIDYA, AT NG MGA KILUSANG PANLIPUNAN: ANG WIKA SA DEMOKRATIKO AT MAPAGPALAYANG DOMEYN NA MAHALAGA SA PAGBABAGONG PANLIPUNAN Halos lahat ng mga Pilipino ay marunong nang mag-Filipino. Lahat ng respondent sa pambansang survey ng KWF noong 2014 – na sumaklaw sa 3,506 tao na edad 15-21 at 22-60 mula sa 19 na lugar sa Luzon, Visayas, at Mindanao – ay nagsabing ginagamit nila ang wikang pambansa (Delima, 2017). Filipino na rin ang dominanteng wika sa midya, gaya ng pinatutunayan ng wikang ginagamit sa mga palabas sa primetime sa halos lahat ng libreng channel sa telebisyon, Filipinasyon ng mga pelikula, cartoon at television series mula Estados Unidos, Korea, Taiwan, Japan, Amerika Latina atbp., at pangingibabaw na rin ng Filipino sa FM radio stations (lagpas pa sa dati na nitong dominasyon sa AM radio stations). Mula noon (Gimenez Maceda, c.1997 at Atienza, 1992) hanggang ngayon, Filipino ang default na wika ng mga kilusang panlipunan sa Pilipinas, gaya rin ng pinatutunayan sa mga nilalamang larawan at pahayag ng iba’t ibang organisasyon sa www.arkibongbayan.org (arkibo ng mga aktibidad ng mga kilusang panlipunan sa bansa), gayundin sa www.pinoyweekly.org (progresibong pahayagang online) at www.ibon.org (bilinggwal na progresibong think tank), bukod pa sa mga popular na slogan ng mga kilusang panlipunan sa bansa na pawang nasa Filipino gaya ng “Imperyalismo, ibagsak! Burukrata-kapitalismo, ibagsak! Pyudalismo, ibagsak!”; “Lupang ninuno, depensahan, depensahan, ipaglaban!”; “Wika at bayan, ipaglaban! Makabayang edukasyon, isulong!”; “Edukasyon, karapatan ng mamamayan, ipaglaban! “Edukasyon, hindi gera; libro, hindi bala!”; “Makibaka, wag matakot!”; “Trabaho sa Pinas, hindi sa labas!”; “Itaas ang sahod, 750 pesos, across-theboard, nationwide!”; “Tunay na reporma sa lupa, ipaglaban!”; “Asyenda, buwagin; oligarkiya, lansagin!”; “Itigil ang pamamaslang: katarungan, ipaglaban!”; “Lupa, sahod, trabaho, pabahay, edukasyon at karapatan, ipaglaban!” at marami pang iba. Samakatwid, Filipino ang wika sa mga tatawagin kong demokratiko at mapagpalayang domeyn – ang larangan ng publikong diskurso, ng ordinaryong talastasan ng mga mamamayan, ang pakikipagkomunikasyon ng Pilipino sa kapwa Pilipino, ang paghahapag ng hinaing at pagpapahayag ng matapat at makabuluhang opinyon, ang diskursong kontra-gahum, kontra-agos at kontra-establisimyento, ang diskurso ng pagbabagong panlipunan versus English na dominanteng wika pa rin sa Pilipinas sa domeyn ng kapangyarihan – ang diskurso ng establisimyento, ang diskursong elite at elitista, ang diskurso ng status quo, ng reaksyon, ng pagpapanatili sa sistemang pinakikinabangan at pinangingibabawan lamang ng iilang dinastiya at korporasyon. Kung gayon, wikang Filipino, “sariling wika ang siyang magpapalaya sa sambayanang gapos ng tanikala,” sabi nga sa awiting “Speak in English Zone” ni Prop. Joel Costa Malabanan, ang wikang akma sa edukasyong makabayan, edukasyong naka-angkla sa pangangailangan ng Pilipinas at mga Pilipino, ng edukasyong pinangarap ni Renato Constantino sa kanyang sanaysay na “Miseducation of the Filipino,” ang wikang pinakamabisang paraan para maunawaan ng “sambayanan ang kaniyang mga suliranin, at kung paano malulutas ang mga ito. Kung mabilis na nagkakaunawaan ang mga mamamayan, mabilis din ang ating pagsulong sa pangarap nating maalwang bukas para sa lahat,” kaya’t nararapat lamang na “itaguyod ang wikang Filipino at Panitikang Filipino tungo sa pagtuklas at pagtahak sa landas ng kaunlarang akma sa ating karanasan at kolektibong pangarap” (San Juan, 2017). Kaugnay ng pananaliksik, dapat lamang na bigyang-prayoridad ang produksyon ng kaalaman sa wikang sarili, gaya ng binigyang-diin sa posisyong papel ng Departamento ng DLSU (2014): “ang pagkakaroon ng asignaturang Filipino ay nakapag-aambag sa pagiging mabisa ng community engagement” ng mga unibersidad “sapagkat ang wikang Filipino ang wika ng mga ordinaryong mamamayan sa mga komunidad na ating pinaglilingkuran,” kaya’t sa pamamagitan nito lamang mapalalakas ang ugnayan ng akademya at ng mga ordinaryong mamamayan tungo sa “Filipinisasyon ng mga pananaliksik ng iba’t ibang departamento at kolehiyo sa pamantasan” na “makatutulong din nang malaki sa pagtitiyak na ang ating mga pananaliksik ay higit na magiging kapaki-pakinabang sa ating mga kababayan.” ARGUMENTO 12: MULTILINGGWALISMO ANG KASANAYANG AKMA SA SIGLO 21 Sa konteksto ng multilinggwal na realidad ng daigdig sa panahon ng globalisasyon, hindi maaaring magpakalunod sa monolinggwalismong English ang mga Pilipino. Matagal nang multilinggwal ang Europa, batay na rin sa realidad na may sapat na suporta ang European Union sa mga malawakang programa sa pag-aaral ng mga wikang Europeo, alinsunod sa matibay nilang pagpapahalaga sa ekonomikong pakinabang ng multilinggwalismo: “Multilingualism, in the EU’s view, is an important element in Europe’s competitiveness. One of the objectives of the EU’s language policy is therefore that every European citizen should master two other languages in addition to their mother tongue” (Franke at Mennella, 2017). Ang mga bansa naman sa Asya ay nagsisimula na ring mag-aral ng English at ng iba pang wikang dayuhan habang hindi binibitiwan ang pagpapalakas ng kani-kanilang sariling wika. Tingnan halimbawa ang mga South Korean sa Pilipinas na nagsisikap matuto ng English sa ating mga unibersidad, habang nananatiling matatas sa sariling wika – wikang ginagamit pa rin nila kapag sila-silang mga magkakabababayan ang nag-uusap-usap (batay sa sariling karanasan ng may-akda bilang guro sa Colegio San Agustin-Makati mula 2007-2010 na may malaki-laking populasyong Koreano). Samantala, ang mga ahensyang pangedukasyon sa Pilipinas ay nag-aakalang hindi na dapat pag-ukulan ng pansin ang wikang sarili upang mapanatili ang inaakalang bentahe ng mga Pilipino sa diumano’y husay sa English. Pansinin na hanggang ngayo’y English ang default na wika ng DepEd at CHED sa lahat ng anunsyo at dokumento, gaya halimbawa sa competencies para sa Mother Tongue subject sa elementarya na katawa-tawa o kakatwang nasa English, o ng mga suggested syllabi ng CHED para sa lahat ng core courses sa bagong General Education Curriculum na katawa-tawa at kakatwang may literal na mga salin sa Filipino – nakasalin pati ang mga bibliyograpiya/sanggunian, taliwas sa isa sa mga malinaw na tuntunin ng paggawa ng silabus: huwag mangopya ng silabus, kundi gumawa ng sarili. Dapat bigyang-diin na hindi dapat magpatali na lamang sa monolinggwalismong English ang Pilipinas dahil napakarami pang wika na umaabante na rin sa larangan ng pananaliksik at publikasyon, at ang labis na pagsandig sa English ay makaaapekto sa kapasidad ng bansa na tumuklas at magbasa ng kaalaman sa iba pang wika. Sa ulat ng International Publishing Association/IPA (2016), nakapaglimbag ng 470,000 bagong aklat (new titles) ang Tsina – pinakamarami sa buong mundo – kumpara sa 338,986 lamang ng Estados Unidos. Sa pangkalahatan, mas marami ang kabuuang produksyon ng mga aklat (new titles) ng mga bansang hindi Ingles ang pangunahing wika – gaya ng Tsina, France, Germany, Brazil, Japan, Spain, Italy, South Korea, Argentina, Netherlands, Denmark, Switzerland, Thailand, Sweden, Norway, Belgium, Georgia, Finland, Bosnia and Herzegovina, Iceland, at Kenya – kumpara sa produksyon ng mga bansang Ingles ang pangunahing wika (Estados Unidos at United Kingdom) sa talaan ng 25 bansang may pinakamalaking “publishing market” ayon sa ulat ng IPA. Ang wikang sarili ang pinakamabisang tulay sa pag-aaral ng sariling wika (kumpara sa relay foreign language instruction na tipikal sa PIlipinas: English ang ginagamit para ituro ang iba pang dayuhang wika). Mas maraming wikang nababasa at nagagamit sa pananaliksik ay mas mainam sapagkat mas marami ring wikang mapagkukunan ng sanggunian para sa ating mga pananaliksik. Ang pagpaslang sa sariling wika sa kurikulum ay pagbabawas sa oportunidad ng mga mamamayang Pilipino na maging epektibong multilinggwal hindi lamang sa wikang dayuhan, kundi maging sa mga wikang sarili gaya ng nilinaw sa posisyong papel ng Kagawaran ng Filipino ng ADMU (2014): “Ang banta na alisin ang Filipino sa akademikong konteksto ay magdudulot ng ibayong pagsasalaylayan o marhinalisasyon ng mga wika at kulturang panrehiyon. Kakabit ng pag-aaral ng Filipino bilang disiplina ang pagtatanghal at paglingap ng mga wika at kultura ng bayan. Hindi dapat mawala ang wikang panrehiyon sa diskursong akademiko.” Sa ganitong konteksto rin nanindigan ang Departamento ng Filipino at Ibang mga Wika ng MSU-IIT (2014) na “napakahalagang paigtingin pa ang paggamit at pag-aaral ng Filipino sa kolehiyo lalo na po rito sa Mindanao. Naninindigan kaming napakalaking bahagi ang ginagampanan ng Filipino sa patuloy na paghahanap natin ng sariling identidad at pagkakakilanlan. Marubdob din ang aming paniniwalang patuloy na nagsisilbing instrumento ang wika at panitikang Filipino sa pagpapalinaw ng landasin tungo sa makatotohanang kalinaw dito po sa amin sa Mindanao...Sa amin pong paglantaw, napakahalagang maisama ang 9 yunit na asignaturang Filipinong may multi/interdisiplinaring disenyo. Sa ganitong kaayusan, mas mapahuhusay ang kasanayan ng mga estudyante sa paggamit ng Filipino at mas mapalalalim ang kanilang unawa sa sa samu’t saring isyung pangrehiyon at pambansa. Nakalulan din sa wika at panitikan ang mga diskursong panlipunan at pampolitikang magpapatalas sa mga mag-aaral at magdidiin upang ang Unibersidad ay magkaroon ng tunay na nasyonalistang karakter.” ARGUMENTO 13: HINDI PINAUNLAD, HINDI NAPAUNLAD AT HINDI MAPAPAUNLAD NG PAGSANDIG SA WIKANG DAYUHAN ANG EKONOMYA NG BANSA Ilang beses na nating narinig ang buladas ng mga nasa gobyerno na kailangan ang English upang makaakit ng dayuhang puhunan – foreign investment – ang Pilipinas, ngunit bihirang sipatin ang realidad na mula 1906 pa pangunahing wika sa edukasyon ng Pilipinas ang English pero hanggang ngayo’y hindi pa rin nakakaakit ng malaking foreign investment ang bansa, kumpara sa ilang bansa ng Timog-Silangang Asya at Amerika Latina na hindi naman (masyadong) Inglesero. Batay sa datos ng World Bank (2017), mula 1990-2016 ay mas malaki ang kabuuang halaga ng foreign direct investments (FDI) na pumasok sa Thailand, Malaysia, Indonesia, at Vietnam, kaysa sa kabuuang halaga ng FDI na naakit ng Pilipinas. Mas malaki rin ang kabuuang halaga ng FDI na pumasok sa Venezuela, Mexico, Argentina, Brazil, at Colombia kaysa sa FDI na naakit ng Pilipinas sa gayunding mga dekada, ayon sa datos ng World Bank. Ang FDI na tinatamasa ng mga bansang ito ay ebidensya na hindi naman malaking salik ang pag-Iingles para makaakit ng dayuhang puhunan. Dapat bigyang-diin na kwestyonable rin ang masyadong pagbibigay-pokus sa dayuhang puhunan bilang diumano’y sandigan ng kaunlaran, sapagkat maliit na porsyento lamang ng kita ng mga dayuhang korporasyon sa FDI ang kanilang muling ipinupuhunan sa Pilipinas. Halimbawa, batay sa datos ng World Bank (2017), mula 2005-2015, US $ 31,380,000,000 ang kinita ng FDI na inilagak sa Pilipinas, at batay sa datos ng Bangko Sentral ng Pilipinas/BSP (2017), US $5,470,000,000 lang ang muli nilang inilagak sa Pilipinas (reinvested earnings) – o 17.5% lamang ng kabuuang kinita ng FDI nila rito sa panahong iyon. Samakatwid, hindi pinaunlad, hindi pinauunlad, at hindi mapauunlad ng pagsandig sa wikang dayuhan ang ekonomya ng Pilipinas, kaya walang batayan at maling patakaran ang pagpaslang sa wikang sarili para lamang mas pagtuunang-pansin ang pag-aaral ng mga wikang dayuhan. ARGUMENTO 14: MAY SAPAT NA MATERYAL AT NILALAMAN NA MAITUTURO SA FILIPINO AT PANITIKAN SA KOLEHIYO Para sa mga taga-CHED at iba pang bahagi ng Tanggal Wika, hanggang hayskul lamang dapat ang Filipino at Panitikan dahil maituturo na raw sa junior high school at senior high school ang itinuturo sa Filipino at Panitikan sa lumang kurikulum. Pinaghambing ni San Juan (2015) ang silabus ng DLSU sa Filipino sa lumang kurikulum ng kolehiyo (Komunikasyon sa Filipinolohiya/FILKOMU, at Filipino: Pagbasa at Pagsulat sa Iba’t Ibang Disiplina at Larangan/FILDLAR) at ang nilalaman ng Filipino sa Grade 11 ng senior high school na inilabas ng DepEd (Komunikasyon at Pananaliksik sa Wika at Kulturang Pilipino, at Pagbasa at Pagsusuri ng Iba’t Ibang Teksto Tungo sa Pananaliksik) at binigyang-diin niya na kalakhan ng nilalaman ng silabus sa Filipino sa lumang kurikulum ng kolehiyo ay hindi saklaw at hindi bahagi ng nilalaman ng Filipino sa Grade 11 ng senior high school. Gayundin, binanggit niya na ang kalakhan ng mga paksa sa pangatlong asignaturang Filipino sa kolehiyo ng DLSU para sa mga HUSOCOM majors – ang Wika at Kultura/WIKAKUL na nakatuon sa “panimulang pag-aaral sa mga etnolinggwistikong grupo sa Pilipinas mula Hilaga hanggang Timog” – ay hindi saklaw ng Komunikasyon at Pananaliksik sa Wika at Kulturang Pilipino sa senior high school, sa pangkalahatan. Bukod sa mga paksa sa FILKOMU, FILDLAR, at WIKAKUL, napakarami pang maaaring paksain sa Filipino sa kolehiyo. Halimbawa, binuo ng Tanggol Wika noong 2017 ang silabus para sa KONKOMFIL (Kontekstwalisadong Komunikasyon sa Filipino), isang “praktikal na kursong nagpapalawak at nagpapalalim sa kontekstwalisadong komunikasyon sa wikang Filipino ng mga mamamayang Pilipino sa kani-kanilang mga komunidad sa partikular, at sa buong lipunang Pilipino sa pangkalahatan. Nakatuon ang kursong ito sa makrokasanayang pakikinig at pagsasalita, gayundin sa kasanayan sa paggamit ng iba’t ibang tradisyonal at modernong midya na makabuluhan sa kontekstong Pilipino sa iba’t ibang antas at larangan.” Higit itong masaklaw, may kamalayang panlipunan, at mas mapanuri kaysa sa nilalaman ng mga paksa sa senior high school. Sa paghahanda ng iba pang silabus ng at listahan ng mga bababasahin para sa Filipino sa kolehiyo, maaaring isaalang-alang ang pagpapalakas sa “nagsasariling komunidad na pangkomunikasyon sa disiplinang Araling Pilipino” na inilarawan ni Guillermo (2016), at/o ang lawak at saklaw ng Araling Pilipinas batay sa panimulang pagsusuri ni Rodriguez-Tatel (2016). Ang marami at paparami pang mga artikulo sa iba’t ibang journal sa Filipino tulad ng Malay ng DLSU, Daluyan ng UPD, Katipunan ng ADMU, Filipinolohiya ng PUP-Manila, at Hasaan ng UST, gayundin ang mga aklat na inilalathala ng KWF (na karamiha’y available na rin nang libre bilang ebook sa kanilang website sa http://kwf.gov.ph/e-book/) ay di rin matutuyong batis ng mga babasahin sa Filipino. Natumbok ni Martin et al. (2015), ang suma ng Argumento 14: “...we are not persuaded by the rationale in removing the Filipino courses in college, and we join the call for its immediate reinstatement in the general curriculum. In case these courses do not qualify under the new definition of general education, then the correct procedure is to revise the courses, and not to remove them.” Inihapag na rin ng Departamento ng Filipino ng DLSU (2014) ang pangkalahatang layunin ng Filipino sa mas mataas na antas ng edukasyon: “Ang adbokasiyang ito’y pagsasalba sa kolektibong identidad, sa salamin ng ating kultura, sa daluyan ng diskursong pambansa, at pagtataguyod ng nasyonalistang edukasyon na huhubog ng mga estudyanteng magiging mga kapakipakinabang na mamamayan ng ating bansa.” Hinggil naman sa Panitikang Filipino, hindi tayo mauubusan ng tula, sanaysay, kwento, at nobelang maaaring talakayin at bigyang-pokus, lalo pa’t ang Panitikang Pambansa ay sa Grade 8 at senior high school lamang itinuturo sa ilalim ng K to 12. Sa kasagsagan ng pakikibaka ng Tanggol Wika sa mga unang buwan nito, isinumite sa CHED ang borador ng silabus para sa Panitikang Filipino at Pagbabagong Panlipunan/FILPAN (San Juan, 2014b) na tumatalakay sa mga makabuluhang panitikang may kamalayang panlipunan (dulog na tematiko). Pangwakas Bilang pangwakas, sapat nang ulitin ang babala ni Jose Rizal sa pamamagitan ni Simoun sa Kabanata 7 ng El Filibusterismo hinggil sa propesiya niya ng “pagkawasak ng inyong pagkabansa,” “pagkawasak ng inyong bayan” – ng bansang naghahangad na bigyang-prayoridad ang wikang dayuhan sa halip na wikang sarili, isang bansang magulo, “bansa ng mga gera sibil, republika ng ganid at mga walang kasiyahan,” bayan ng mga “alipin” na walang sariling wika kaya’t wala ring kalayaan at walang kalayaang mag-isip para sa sarili: “¡Os ligais para con vuestros esfuerzos unir vuestra patria á la España con guirnaldas de rosas cuando en realidad forjais cadenas más duras que el diamante! ¡Pedís igualdad de derechos, españolizacion de vuestras costumbres y no veís que lo que pedís es la muerte, la destruccion de vuestra nacionalidad, la aniquilacion de vuestra patria, la consagracion de la tiranía! ¿Qué sereis en lo futuro? Pueblo sin caracter, nacion sin libertad; todo en vosotros será prestado hasta los mismos defectos. ¡Pedís españolizacion y no palideceis de vergüenza cuando os la niegan! Y aunque os la concedieran ¿qué quereis? ¿qué vais á ganar? ¡Cuando más feliz, país de pronunciamientos, país de guerras civiles, república de rapaces y descontentos como algunas repúblicas de la América de Sur! ¿A qué venís ahora con vuestra enseñanza del castellano, pretension que sería ridícula si no fuese de consecuencias deplorables? ¡Quereis añadir un idioma más á los cuarenta y tantos que se hablan en las islas para entenderos cada vez menos!...El español nunca será lenguaje general en el pais, el pueblo nunca lo hablará porque para las concepciones de su cerebro y los sentimientos de su corazon no tiene frases ese idioma: cada pueblo tiene el suyo, como tiene su manera de sentir. ¿Qué vais á conseguir con el castellano, los pocos que lo habeis de hablar? ¡Matar vuestra originalidad, subordinar vuestros pensamientos á otros cerebros y en vez de haceros libres haceros verdaderamente esclavos! Nueve por diez de los que os presumís de ilustrados, sois renegados de vuestra patria. El que de entre vosotros habla ese idioma, descuida de tal manera el suyo que ni lo escribe ni lo entiende y ¡cuántos he visto yo que afectan no saber de ello una sola palabra!...Uno y otro os olvidais de que mientras un pueblo conserve su idioma, conserva la prenda de su libertad, como el hombre su independencia mientras conserva su manera de pensar. El idioma es el pensamiento de los pueblos...cultivad el vuestro estendedlo, conservad al pueblo su propio pensamiento, y en vez de tener aspiraciones de provincia, tenedlas de nacion, en vez de pensamientos subordinados, pensamientos independientes...” Noong 1891, itinayo na ni Rizal ang pundasyon ng Tanggol Wika. Samantala, hindi sumusuko ang kampo ng Tanggal Wika. Bukod sa antiFilipinong “manifestation” at “motion” ng OSG na isinampa sa Korte Suprema sa panahon ng Buwan ng Wika noong 2017, nakahain ngayong taon sa Kongreso ang House Bill No. 5091 o “AN ACT TO STRENGTHEN AND ENHANCE THE USE OF ENGLISH AS THE MEDIUM OF INSTRUCTION IN THE EDUCATIONAL SYSTEM” ni Rep. Gloria Macapagal-Arroyo ng Ikalawang Distrito ng Pampanga (siya ring naglabas ng anti-Filipinong Executive Order No. 210 noong siya’y pangulo pa ng bansa, bagay na kwinestyon din sa Korte Suprema noong Abril 27, 2007), at sa UPD naman, pinagtibay na ng administrasyon ang 24 yunit na lamang ng minimum na subjects sa GEC (3 yunit lamang ang minimum para sa Filipino, kumpara sa pananatili ng 6-9 yunit ng Filipino sa ibang unibersidad, bukod pa sa 3-6 yunit ng Panitikan na resulta ng pakikibaka ng Tanggol Wika). Lumalawak ang saklaw ng “neoliberal restructuring” ng edukasyon sa Pilipinas sa ilalim ng sistemang K to 12 na nagpapalabnaw kundi man tuluyang nagbubura sa edukasyong makabayan, sa edukasyong mapagpalaya na humuhubog ng mga mamamayang malikhain at mapanuri at may kakayahang hubugin at baguhin ang kanilang lipunan (San Juan, 2016). Sa ganitong diwa, tuloy ang laban! Mga Sanggunian: ADMU. 2013. “NUMBER OF FOREIGN STUDENTS IN THE PHILIPPINES INCREASES.” March 20, 2013. http://ateneo.edu/news/features/number-foreign-students-philippines-increases Angeles, Mark. 2014. “Professors of Filipino breaking bad over CHED memo.” GMA News Online. http://www.gmanetwork.com/news/lifestyle/artandculture/365618/professors-of-filipino-breaking-bad-overched-memo/story/ Adeva, Frieda Marie. 2014. “The Filipino Language Programme in Brunei: Challenges and Updates.” Conference Paper. “Language, Culture, Multiculturalism, Multilingual Education, and the K-12 Curriculum: Trends, Issues, Challenges, Practices.” University of the Philippines-Diliman. November 20 - 22, 2014. http://lc.ubd.edu.bn/research.html Adeva, Frieda Marie. c.2012. “Filipino Language Teaching and Testing for Beginners: The Malaysia and Brunei Experience.” http://www.sti.chula.ac.th/files/conference%20file/doc/Adeva.pdf Ayroso, Dee. 2015. “‘Victory’ | Filipino language defenders laud SC for TRO on Ched Memo Order 20.” April 22, 2015. http://bulatlat.com/main/2015/04/22/victory-filipino-language-defenders-laud-sc-for-tro-onched-memo-order-20/ BI. 2014. “KOREANS DOMINATE FOREIGN STUDENT ADMISSIONS AT PHILIPPINE UNIVERSITIES.” May 29, 2014. http://www.immigration.gov.ph/news/press-release/83-may-2014-press-releases/630koreans-dominate-foreign-student-admissions-at-philippine-universities BSP. 2017. “Direct Investments, http://www.bsp.gov.ph/statistics/efs_ext2.asp#FCDU By Industry (BPM6 Concept).” CHED. 2010. “CMO No. 23, Series of 2010.” http://www.ched.gov.ph/wp-content/uploads/2013/07/CMONo.23-s2010.pdf CHED. 2013. “CMO No. 20, Series of 2013.” http://www.ched.gov.ph/wp-content/uploads/2013/07/CMONo.20-s2013.pdf CHED. 2016. “Memorandum http://api.ched.ph/api/v1/download/1836 from the Chairperson (April CHED. 2011. “College Readiness Standards (Resolution http://kto12plusphilippines.com/wp-content/uploads/2014/03/CRS-May-2013.pdf No. 5, 2016).” 298-2011).” Chulalongkorn University. 2006. “Curriculum: The Purpose and Scope of General Education Subjects.” http://www.gened.chula.ac.th/cms/index.php?id=76 CFO. 2013. “Stock Estimate of Overseas Filipinos http://www.cfo.gov.ph/downloads/statistics/stock-estimates.html as of Dec. 2013.” CFO. 2014. “About Us.” http://www.cfo-pso.org.ph/aboutus.html Dailisan, Steve. 2014. “Pag-aaral ng wikang Filipino, tatanggalin na sa General Education Curriculum ng kolehiyo sa 2016.” GMA News. https://www.youtube.com/watch?v=XZGd4G7VZvA Delima, Purificacion. “Diversity in language no excuse for disunity.” Inquirer. October 21, 2017. http://opinion.inquirer.net/103258/diversity-language-no-excuse-disunity Departamento ng Filipino at Ibang mga Wika ng MSU-IIT. 2014. “Posisyong Papel ng Departamento ng Filipino at Ibang mga Wika, Kolehiyo ng mga Sining at Agham Panlipunan, MSU-IIT.” June 23, 2014. https://www.facebook.com/notes/german-villanueva-gervacio/posisyong-papel-ng-departamento-ngfilipino-at-ibang-mga-wika-kolehiyo-ng-mga-si/10152570758535225/ Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas ng UPD. 2014. “Pahayag para sa Pagpapatibay ng Wikang Filipino Bilang Mga Sabjek sa Kolehiyo.” Manila Today. June 18, 2014. http://www.manilatoday.net/pahayag-para-sa-pagpapatibay-ng-wikang-filipino-bilang-mga-sabjek-sakolehiyo/ or https://upd.edu.ph/~updinfo/jun14/articles/pahayag%20ng%20dfpp%20laban%20sa%20ched%20ge%20c urriculum.pdf Departamento ng Filipino ng DLSU. 2014. “Pagtatanggol sa Wikang Filipino, Tungkulin ng Bawat Lasalyano.” Manila Today. Agosto 2014. http://www.manilatoday.net/pagtatanggol-sa-wikang-filipinotungkulin-ng-bawat-lasalyano/ DepEd. 2017. “DepEd enhances learners’ foreign language skills through Special Program in Foreign Language.” February 20, 2017. http://www.deped.gov.ph/press-releases/deped-enhanceslearners%E2%80%99-foreign-language-skills-through-special-program-foreign DepEd. 2015. Philippines Education for http://unesdoc.unesco.org/images/0023/002303/230331e.pdf All 2015 National Review. DLSU. 2012. “Campus Life.” http://www.dlsu.edu.ph/students/international/survival/ Fakulti ng Wika ng PNU. 2014. “TINIG NG MGA GURO: PAYABUNGIN, PAUNLARIN AT PALAWAKIN ANG ASIGNATURANG FILIPINO SA KOLEHIYO.” July 9, 2014. https://www.facebook.com/TANGGOLWIKA/posts/1426497600971470 Fernandez, Amanda, 2014. “Dapat bang alisin na ang asignaturang Filipino sa mga kolehiyo at unibersidad?” GMA News Online. http://www.gmanetwork.com/news/news/ulatfilipino/367090/dapatbang-alisin-na-ang-asignaturang-filipino-sa-mga-kolehiyo-at-unibersidad/story/ Franke, Michaela at Mara Mennella. 2017. “Fact Sheets on the European Union: Language Policy.” February 2017. http://www.europarl.europa.eu/atyourservice/en/displayFtu.html?ftuId=FTU_5.13.6.html Geronimo, Jee. 2014. “No Filipino subjects in college? 'Tanggol Wika' opposes CHED memo.” https://www.rappler.com/nation/61234-tanggol-wika-general-education-college Gimenez Maceda, Teresita. c.1997. “The National http://sealang.net/sala/archives/pdf8/maceda2003filipino.pdf Language: Discourse on Power.” Guillermo, Ramon. 2016. “Sariling atin: Ang nagsasariling komunidad na pangkomunikasyon sa disiplinang Araling Pilipino.” Social Science Diliman, Vol. 12, No. 1. http://journals.upd.edu.ph/index.php/socialsciencediliman/article/view/5231 Gottlieb, Margo at Gisela Ernst-Slavit. 2014. “Academic Language A Centerpiece for Academic Success in English Language Arts” in Academic Language in Diverse Classrooms: English Language Arts, Grades K–2: Promoting Content and Language Learning. https://uk.sagepub.com/sites/default/files/upmbinaries/58163_Chapter_1_Gottlieb.pdf Institut Teknologi Bandung. 2017. “Program Studi Sarjana Teknik Elektro.” https://www.itb.ac.id/programstudi-sarjana-teknik-elektro IPA. 2016. Annual Report 2015-2016. https://www.internationalpublishers.org/images/reports/Annual_Report_2016/IPA_Annual_Report_20152016_interactive.pdf Kagawaran ng Filipino ng ADMU. 2014. “Ang Paninindigan ng Kagawaran ng Filipino ng Pamantasang Ateneo de Manila sa Suliraning Pangwikang Umuugat sa CHED Memorandum Order No. 20, Series of 2013.” Manila Today. Hunyo 21, 2014. http://www.manilatoday.net/ang-paninindigan-ng-kagawaran-ngfilipino-ng-pamantasang-ateneo-de-manila-sa-suliraning-pangwika-sa-kasalukuyan/ Kagawaran ng Filipinolohiya ng PUP. 2014. “PANATILIHIN ANG ASIGNATURANG FILIPINO SA KOLEHIYO: HUWAG PATAYIN ANG PAMBANSANG KARAPATAN NG WIKANG FILIPINO, MGA GURO NG FILIPINO, KABATAANG PILIPINO AT MAMAMAYANG PILIPINO.” June 19, 2014. https://www.facebook.com/notes/kirt-john-segui/posisyong-papel-ng-kagawaran-ng-filipinolohiya-ng-puphinggil-sa-pagtatanggal-ng/727134210658842/ KWF. 2014. “KAPASIYAHAN NG KALUPUNAN NG MGA KOMISYONER BLG. 14-26 SERYE NG 2014...NA NAGLILINAW SA TINDIG NG KOMISYON SA WIKANG FILIPINO (KWF) HINGGIL SA COMMISSION ON HIGHER EDUCATION (CHED) MEMORANDUM BLG. 20, S. 2013.” http://www.officialgazette.gov.ph/2014/06/20/kapasiyahan-ng-kalupunan-ng-mga-komisyoner-blg-14-26serye-ng-2014/ Lumbera, Bienvenido et al. vs. Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III, at Punong Komisyuner ng Komisyon sa Lalong Mataas na Edukasyon/Commissioner on Higher Education [CHED] Dr. Patricia Licuanan. G.R. No. 217451. http://www.act-teachers.com/wp-content/uploads/2015/05/Petisyon-ngTanggol-Wika-laban-sa-CMO-20.pdf Martin, Isabel Pefianco et al. 2014. “A language war in the time of DAP.” Inquirer. August 18, 2014. http://newsinfo.inquirer.net/630166/a-language-war-in-the-time-of-dap NCCA-NCLT. 2014. “RESOLUSYON NG NATIONAL COMMISSION ON CULTURE AND THE ARTSNATIONAL COMMITTEE ON LANGUAGE AND TRANSLATION/NCCA-NCLT NA HUMIHILING SA COMMISSION ON HIGHER EDUCATION (CHED), AT KONGRESO AT SENADO NG REPUBLIKA NG PILIPINAS, NA AGARANG MAGSAGAWA NG MGA HAKBANG UPANG ISAMA SA BAGONG GENERAL EDUCATION CURRICULUM (GEC) SA ANTAS TERSIYARYA ANG MANDATORY NA 9 YUNIT NG ASIGNATURANG FILIPINO.” May 23, 2014. https://www.facebook.com/photo.php?fbid=10152106968873133&set=pb.618413132.2207520000.1401715276.&type=3&theater Pimienta, Daniel. 2017. “FUNREDES/MAAYA OBSERVATORY OF LANGUAGES IN THE INTERNET: SYNTHESIS OF VARIOUS RESULTS.” http://funredes.org/lc2017/ PSLLF. 2014. “Posisyong Papel ng PSLLF-Filipino sa Kolehiyo.” Hunyo https://www.academia.edu/7677979/Posisyong_Papel_ng_PSLLF-Filipino_sa_Kolehiyo 14, 2014. Rizal, Jose. 1891. El Filibusterismo. http://www.gutenberg.org/files/30903/30903-h/30903-h.htm Rodriguez-Tatel, Mary Jane. 2016. “Philippine Studies/Araling Pilipino/Pilipinolohiya sa Wikang Filipino: Pagpopook at Pagdadalumat sa Loob ng Kapantasang Pilipino.” Humanities Diliman, Vol. 12, No. 2. ovcrd.upd.edu.ph/humanitiesdiliman/article/view/4909/4422 San Juan, David Michael M. 2011. “A Holistic Critique of the Philippine Government’s Kindergarten to 12 (K to 12) Program.” https://www.scribd.com/document/70033985/San-Juan-David-Michael-Full-PaperKto12 San Juan, David Michael M. 2012. “A PETITION Urging the Commission on Higher Education (CHED) and the Departmentof Education (DepEd) to consider issuing an immediate moratorium on theimplementation of the senior high school/junior college and Revised GeneralEducation Curriculum (RGEC) components of the K to 12 Program.” https://www.scribd.com/document/107143523/PetitionKto12 San Juan, David Michael M. 2014a. “Debunking PH language myths.” Inquirer. August 17, 2014. http://opinion.inquirer.net/77526/debunking-ph-language-myths San Juan, David Michael M. 2014b. “Position Paper Filipino Language, Culture, and Literature in the College Curriculum.” https://www.academia.edu/7829211/Position_Paper_Filipino_Language_Culture_and_Literature_in_the_ College_Curriculum San Juan, David Michael M. 2015. “Kapit sa Patalim, Liwanag sa Dilim: Ang Wika at Panitikang Filipino sa Kurikulum ng Kolehiyo (1996-2014).” Hasaan Vol.2 No.2. https://www.academia.edu/33568385/Kapit_sa_Patalim_Liwanag_sa_Dilim_Ang_Wika_at_Panitikang_Fili pino_sa_Kurikulum_ng_Kolehiyo_1996_2014 or https://ejournals.ph/article.php?id=10006 San Juan, David Michael M. 2016. “Neoliberal Restructuring of Education in the Philippines: Dependency, Labor, Privatization, Critical Pedagogy, and the K to 12 System.” Asia-Pacific Social Science Review Vol.16, No.1. https://ejournals.ph/article.php?id=9857 San Juan, David Michael M. 2017. “Bigwas sa Neoliberalismo, Alternatibo sa Kapitalismo: Adbokasing Pangwika at Sosyalistang Programa sa Nobelang Mga Ibong Mandaragit ni Amado V. Hernandez.” Daluyan Vol.22, No.1-2. (2016). https://www.researchgate.net/publication/320546331_Bigwas_sa_Neoliberalismo_Alternatibo_sa_Kapitali smo_Adbokasing_Pangwika_at_Sosyalistang_Programa_sa_Nobelang_Mga_Ibong_Mandaragit_ni_Ama do_V_Hernandez or http://journals.upd.edu.ph/index.php/djwf/article/view/5742 Sanchez, Louie John. 2015. “Pagkalusaw ng https://louiejonasanchez.com/2015/02/23/pagkalusaw-ng-isang-disiplina/ Isang Disiplina.” Sison-Buban, Raquel. 2016. “Ang Papel ng Pagsasalin sa ASEAN Integration: Ilang Pagninilay at Mungkahing Gawain.” Malay Vol.28, No.2. https://ejournals.ph/article.php?id=9869 Supreme Court. 2015. “Resolution: Dr. Bienvenido Lumbera [Pambansang Alagad ng Sining at Professor Emeritus, University of the Philippines/UP], et al. Vs. Pangulong Benigno Simeon "Noynoy" C. Aquino ID at Punong Komisyuner ng Komisyon sa Lalong Mataas na Edukasyon/Commission on Higher Education [CHED] Dr. Patricia Licuanan (G.R. No. 217451).” http://sc.judiciary.gov.ph/pdf/web/viewer.html?file=/jurisprudence/resolutions/2015/04/217451.pdf Tanggol Wika. 2017. “Kontekstwalisadong Komunikasyon sa Filipino https://clubmanila.files.wordpress.com/2017/06/tanggol-wika-silabus-konkomfil1.pdf (KONKOMFIL).” Today Online. 2017. “Let's make Bahasa Melayu the main language of Asean: Najib.” July 26, 2017. http://www.todayonline.com/world/asia/lets-strive-towards-making-bahasa-melayu-main-language-aseansays-najib Tubeza, Philip. “Number of foreign students up 14% to 47,000–BI.” Inquirer. January 18, 2013. http://globalnation.inquirer.net/61819/number-of-foreign-students-up-14-to-47000-bi Umil, Anne Marxze. 2017. “‘Ched violates Supreme Court order against removing Filipino in college’.” http://bulatlat.com/main/2017/06/09/ched-violates-supreme-court-order-removing-filipino-college/ Universitas Gadjah Mada. 2017. “Suggested Plan of Study.” http://accounting.feb.ugm.ac.id/studyprograms/undergraduate-program/curriculum/suggested-plan-of-study Universiti Kebangsaan Malaysia. 2017. “Bachelor http://www.ukm.my/farmasi/bachelor-of-pharmacy-honours/ Universiti Sains Malaysia. 2017. http://www.ppsk.usm.my:86/akademik/program/hpageuni.nsf/urbm of Pharmacy “Bahasa (Honours).” Malaysia.” Universiti Tenaga Nasional. 2016. “Apply to Graduate: Undergraduate Students (Degree & Diploma).” http://www.uniten.edu.my/students/announcements/Pages/Apply-to-Graduate-Undergraduate-StudentsDegree--Diploma-Semester-2,-Academic-Year-2016-2017.aspx Waddington, Dave. 2016. “Speaking Another Language Other https://www.census.gov/newsroom/press-kits/2017/acs-one-year.html Than English At Home.” Wikipedia. 2017. “List of Wikipedias.” https://en.wikipedia.org/wiki/List_of_Wikipedias Wikipedia. 2017. “Tagalog Wikipedia.” https://en.wikipedia.org/wiki/Tagalog_Wikipedia YouTube User philippinesgoforgold. 2016. “Viral Video: Most Fluent Tagalog Speaking Pakistani Driver in Dubai.” https://www.youtube.com/watch?v=hrmR4kRX6R4 YouTube User arra31. 2011. “dubai https://www.youtube.com/watch?v=hLlh0PLVCUk pakistani cab driver na tagalog.” YouTube User Wesly Sihay. 2013. “Why some foreigners in Riyadh are learning Tagalog.” https://www.youtube.com/watch?v=2_g6J_jQiho Yi-Sheng, Ng. 2014. “The Filipinos who made Singapore, https://www.theonlinecitizen.com/2014/04/26/the-filipinos-who-made-singapore-singapore/ Singapore.” Nocon, Nicco et al. 2014. “Philippine Component of the Network-based ASEAN Language Translation Public Service.” https://www.researchgate.net/publication/298212177_Philippine_Component_of_the_Networkbased_ASEAN_Language_Translation_Public_Service World Bank. 2017. “Primary income on FDI, payments https://data.worldbank.org/indicator/BX.KLT.DREM.CD.DT?locations=PH (current US$).” Wutiwiwatchai, Chai et al. 2013. “The Network-Based ASEAN Languages Translation Public Service.” http://www.nstda.or.th/nac2013/download/presentation/NAC2013_Set2/CC-308-01-AM/Chai.pdf