Niña Alexa B. Gomez 3BAM5A Title: Rizal’s Letter “To the Young Women of Malolos” Isa sa makasaysayang iniwan ni Dr. Jose Rizal ang liham na “Sa Mga Kabataang Babae ng Malolos.” Ito ay isinulat niya noong Pebrero 22, 1889, matapos na makarating sa kanya ang balitang isang grupo ng dalawampung kababaihan sa Malolos ang nagpetisyon kay Gobernador-Heneral Weyler para sa pahintulot na magbukas ng isang night school upang kanilang mapag-aralan ang wikang Espanyol sa ilalim ni Teodoro Sandiko. Sa pamamagitan ng liham na ito, ipinahayag ni Rizal ang kanyang pagsuporta at pagkilala sa mga kababaihan ng Malolos sa kanilang pagsusumikap na makamit ang katarungan, kalayaan, at pantay na karapatan. Ito’y puno ng mga mungkahi at payo na dapat taglayin ng bawat kababaihan. Isa itong pagsasanay sa pagmamahal sa bayan at paghuhubog sa mga kababaihan bilang mga responsableng mamamayang Pilipino. Binigyang-diin ni Rizal na ang kababaihan ay may katalinuhan at potensyal na maabot ang mataas na antas ng edukasyon kung bibigyan sila ng pagkakataon. Ipinahayag din niya ang kanyang paniniwala na ang edukasyon ay isang pangunahing daan tungo sa pag-unlad ng isang bansa at ang mga kababaihan ay may mahalagang papel sa pag-angat ng lipunan. Ito ay isang malakas na tindig mula kay Rizal na nagtataguyod ng pantay na karapatan para sa mga kababaihan. Sa pamamagitan ng pagbibigay ng edukasyon sa kababaihan, natitiyak ang kanilang malawak na kapangyarihan at kakayahan sa larangan ng pagbabago. Ipinahayag ni Rizal ang pangangailangan ng mga ina na turuan ang kanilang mga anak sa mga sumusunod na halaga: pag-ibig sa dangal; tapat at matibay na karakter; malinaw na isip; malinis na pag-uugali; marangal na gawa; pagmamahal sa kapwa; at paggalang sa Diyos. Napakahalaga ng mga tungkuling ito sa paghubog ng kanilang mga anak. Dito nakasalalay ang paghubog ng integridad at pagkamakabansa, may malinaw na prinsipyo sa buhay, at may dedikasyon sa kapwa at sa Diyos. Ayon sa kanya, ang isang ina ay dapat tumulong sa kanyang asawa, samahan siya sa panganib, at suportahan sa lahat ng paraan. Bukod pa rito, dapat niyang pagsumikapan na aliwin ang kanyang asawa sa oras ng pagdadalamhati. Ang pananaw ni Rizal sa papel ng mga ina ay nagpapakita ng kanyang paniniwala sa kahalagahan ng isang maayos at suportadong pamilyang nagkakaisa. Dapat hikayatin ang mga ina na balansehin ang kanilang mga responsibilidad sa pagpapalaki ng kanilang mga anak at ang pag-aalaga sa kanilang sariling pag-unlad at paglago. Isa sa mga mahalagang aral na ibinahagi din ni Rizal ay hindi dapat gawing basehan ng mga binata sa pagpili ng kanilang mapapangasawa ang pisikal na kaanyuan, kundi dapat bigyan ng prayoridad ang katatagan ng karakter at kahusayan sa ideya. Hindi sapat na ang ating mga desisyon ay nakabase lamang sa panlabas na anyo o mga katangiang nahahalata sa unang pagtingin. Dapat maghanap ng taong may matibay na karakter, sapagkat ito ang tunay na pundasyon upang magkaroon ng matagumpay at mapayapang pagsasama. Sa kabuuan, makikita natin ang malalim na impluwensiya noong panahon dahil ilan parin sa mga kababaihan ngayon ay mas piniling maging asawa at ina upang pangalagaan ang kanilang pamilya kaysa sa isulong ang kanilang mga karera. Ang liham ni Rizal ay nagsisilbing paalala na ang pagbibigay kapangyarihan sa mga ina ay hindi lamang isang usapin ng pagkakapantay-pantay kundi isang mekanismo sa pag-unlad ng lipunan.