ALAMAT NG PINYA Noong unang panahon may nakatirang magina sa isang malayong pook. Ang ina ay si Aling Rosa at ang anak ay si Pinang. Mahal na mahal ni Aling Rosa ang kanyang bugtong na anak. Kaya lumaki si Pinang sa layaw. Gusto ng ina na matuto si Pinang ng mga gawaing bahay, ngunit laging ikinakatwiran ni Pinang na alam na niyang gawin ang mga itinuturo ng ina. Kaya't pinabayaan na lang niya ang kanyang anak. Isang araw nagkasakit si Aling Rosa. Hindi siya makabangon at makagawa ng gawaing bahay. Inutusan niya si Pinang na magluto ng lugaw. Isinalang ni Pinang ang lugaw ngunit napabayaan dahil sa kalalaro. Ang lugaw ay dumikit sa palayok at nasunog. Nagpasensiya na lang si Aling Rosa, napagsilbihan naman siya kahit paano ng anak. Nagtagal ang sakit ni Aling Rosa kaya't napilitang si Pinang ang gumagawa sa bahay. Isang araw, sa kanyang pagluluto hindi niya makita ang posporo. Tinanong ang kanyang ina kung nasaan ito. Isang beses naman ay ang sandok ang hinahanap. Ganoon ng ganoon ang nangyayari. Walang bagay na di makita at agad tinatanong ang kanyang ina. Nayamot si Aling Rosa sa katatanong ng anak kaya´t nawika nito: " Naku! Pinang, sana'y magkaroon ka ng maraming mata upang makita mo ang lahat ng bagay at hindi ka na tanong nang tanong sa akin. Dahil alam niyang galit na ang kanyang ina ay di na umimik si Pinang. Umalis siya upang hanapin ang sandok na hinahanap. Kinagabihan, wala si Pinang sa bahay. Nabahala si Aling Rosa. Tinatawag niya ang anak ngunit walang sumasagot. Napilitan siyang bumangon at naghanda ng pagkain. Pagkaraan ng ilang araw ay magaling-galing na si Aling Rosa. Hinanap niya si Pinang. Tinanong niya ang mga kapitbahay kung nakita nila ang kanyang anak. Ngunit naglahong parang bula si Pinang. Hindi na nakita ni Aling Rosa si Pinang. Isang araw, may nakitang halaman si Aling Rosa sa kanyang bakuran. Hindi niya alam kung anong uri ang halamang iyon. Inalagaan niyang mabuti hanggang sa ito'y magbunga. Laking pagkamangha ni Aling Rosa ng makita ang anyo ng bunga nito. Ito'y hugis-ulo ng tao at napapalibutan ng mata. Biglang naalaala ni Aling Rosa ang huli niyang sinabi kay Pina, na sana'y magkaroon ito ng maraming mata para makita ang kanyang hinahanap. Tahimik na nanangis si Aling Rosa at laking pagsisisi dahil tumalab ang kanyang sinabi sa anak. Inalagaan niyang mabuti ang halaman at tinawag itong Pinang, Sa palipat-lipat sa bibig ng mga tao ang pinang ay naging pinya. ALAMAT NG SAGING Noong unang panahon ay may isang napakagandang prinsesa, kaya siya ay tinawag na Mariang Maganda. Ang kanilang kaharian ay malapit sa isang maliit na gubat na kung saan ay malayang nakakapamasyal ang mayuming kagandahan. Ang gubat ay puno ng iba't ibang magaganda, makukulay, at mababangong mga halamang namumulaklak. Nakagawian na ng prinsesang mamitas at mamasyal sa tila bang perpekting hardin para lamang sa isang prinsesang katulad niya. Isang araw sa kanyang pamamasyal ay may nakilala siyang isang bagong mukha. Isang makisig na binata na halos kaedad din ng magandang prinsesa. May kakaibang naramdaman ang prinsesa sa makisig na binata na iyon. Lingid sa kaalaman ng prinsesa gayundin ang nararamdaman ng bagong kakilala sa kanya. Nagpakilala ang binata bilang isang prinsipe ng isang malayo at kaibang kaharian. Arawaraw nagkita at nagkasama ang dalawa sa kagubatan hanggang sa magtapat ang prinsipe sa dalaga ng kanyang pag-ibig na malugod namang tinanggap ng prinsesa dahil sa parehas nitong nararamdaman. Habang sila ay magkasamang namamsyal sa kagubatan ay nagpasya silang magulayaw sa ilalim ng mabangong halaman na madalas ipagmalaaki ng prinsesa. "Hindi maipagkakailang maganda ang bulaklak ng halamang ito Mariang Maganda, ngunit higit na mas maganda at mabango ang mga halaman at bulaklak sa aming kaharian." sambit ng prinsipe habang hinahaplos ang pisngi ng iniirog. "Bakit, saan ba ang iyong kaharian?" malambing na tugon ng prinsesa. "Ang aming kaharian ay hindi kayang marating ng taong may katawang lupa." ang mahiwagang pagsagot ng prinsipeng tila ba mag agam-agam. "Bakit hindi?" ang natigilang pagtatanong ni Mariang Maganda habang pinagmamasdan ang malungkot na mukha ng prinsipeng kanyang iniibig. "Kailangan ko ng bumalik sa aming kaharian dahil kung hindi ay hindi na tayo muling magkikita pa. Nais sana kitang isama subalit hindi talaga maari ang mga kagaya ninyo sa aming kaharian. Paalam na irog." "Nais ko sanang magkita tayong muli dito sa halamanang ito mamayang gabi. Hihintayin kita." pagtangis ng prinsesang nalulungkot sa paglisan ng kanyang minamahal. "Sisikapin ko, irog." pangako ng prinsipe kay Mariang maganda. Nang gabi ngang iyon ay hinintay ni Mariang Maganda ang kanyang iniirog. Bago pa man maghatinggabi ay dumating nga ang prinsipe at lubos na nalugod ang nag-aalalang prinsesa. Magkahawak kamay silang namasyal sa gubat ng magagandang halaman na ang buwan at mga bituin ang tumatanglaw sa kanilang dinadaanan. Kung anu ano ang kanilang pinag-usapan hanggang sa bigla na lang napabalikwas ang prinsipe na tila ba may ttumawag sa kanya. "Kailangan ko ng lumisan mahal ko. Hindi ako maaring abutan ng hatinggabi, kapag hindi ako umalis ngayon ay hindi na ako makakabalik pa sa amin. Iyong pakakatandaan na ikaw lamang ang aking iniibig." at ginawaran ng isang matamis na halik ang labi ng naguguluhang si Mariang Maganda. Hindi matanggap na malisan sa kanyang iniibig ay mahigpit nyang hinawakan ang kamay ng prinsipe. Pilt mang hinila ng prinsipe ang kamay ay di nito magawang makawala sa pagkakahawak ng prinsesa. Sa kanilang paghihilahan ay bigla na lamang naglaho na parang bula ang prinsipe ngunit naiwan sa kamay ng prinsesa ang dalawang putol na kamay ng prinsipe. Sa takot ay napabalikwas ang prinsesa at tinungo ang isang malapit na hukay. Doon itinapon at ibinaon ni Mariang Maganda ang mahiwagang kamay ng kanyang tinawag na irog. Muling nagbalik ang prinsesa sa kagubatan matapos ng ilang araw para makita lamang na may kakibang halaman na tumubo kung saan niya ibinaon ang mahiwagang kamay ng prinsipe. Malalapad ang mga dahon ng halaman na ito at walng mga sanga. Matapos ng ilang araw ito ay namulaklak. Araw-araw na bumalik ang prinsesa sa kagubatan hanggang ang bulaklak ay napalitang ng bynga. Ang bunga ng kakaibang halaman at tila ba kamay na nag-iimbita. Ito na ang kauna-unahang saging. ALAMAT NG DURIAN Noong unang panahon, may isang hari na tumanda na ngunit hindi pa nakakapag-asawa. Inuna kasi ng hari ang pagpapalakad at pagsasa-ayos ng kanyang kaharian kaya’t hindi na nito naatupag ang pagpapakasal. Mahal ng mga taong bayan ang nasabing hari sapagkat ito ay mabait at makatarungan kung kaya’t hinikayat nila ito na humanap ng mapapangasawa. Di naglaon ay nakahanap nga ito ng isang maganda ngunit mas batang dalagang pakakasalan. Pumayag ang dalaga na pakasal sa hari dahil na rin sa iginagalang niya ito. Subalit hindi mahal ng dalaga ang hari. Ikinasal nga ang dalawa at dinala na ng hari ang kanyang bagong asawa sa palasyo upang dun na manirahan. Araw araw na sinusuyo ng hari ang kanyang asawa. Pinapagawaan niya ito ng mga magagandang mga damit at binibigyan ng mga mamahaling mga alahas. Lahat din ng hilingin ng asawa ay binibigay ng hari. Mahal na mahal ng hari ang kanyang asawa ngunit maski anong gawin nito ay hindi magawang mahalin ng batang reyna ang hari. Matanda na raw kasi ito at para na lang niya itong ama. Hindi na alam ng hari kung ano ang kanyang gagawin upang mapa-ibig niya ang asawa. Isang araw, may isang ermitanyo ang dumating sa palasyo. Narinig niya ang problema ng hari at meron daw siyang solusyon para dito. Binigyan ng ermitanyo ang hari ng isang liquido na aniya ay gawa sa itlog ng itim na ibong Tabon, gatas ng puting kalabaw at patak ng dagta ng isang mahiwagang puno. Kelangan daw na itanim ito ng hari at ang bunga ng puno nito ay siyang ipapakain niya sa reyna. Ginawa iyon ng hari at nang nagkabunga ang puno ay siyang pinakain sa reyna. Napakasarap ng bunga ng nasabing puno. At tulad nga ng sinabi ng ermitanyo ay parang may gayuma ang bunga at napa-ibig ang reyna sa matandang hari. Natuwa ang hari dahil sa wakas ay mahal na rin siya ng kanyang asawa. Dahil dito ay nagpasya ang hari na magbigay ng isang malaking piyesta. Inimbitahan niya ang lahat ng mga mahahalagang tao sa kanyang kaharian. Maging ang mga taong bayan ay imbitado sa pagdiriwang. Ngunit may isang taong nakaligtaan ng hari na padalhan ng imbitasyon. Ito ay ang ermitanyong nagbigay sa kanya ng gayumang prutas. Narinig ng ermitanyo ang tungkol sa nagaganap pagdiriwang. Pinuntahan nito ang hari at ipinaalam sa kanya na dahil sa nakalimutan nito ang mismong taong nakatulong sa kanya ay paparusahan niya ito. Nilapitan niya ang puno na may gayumang prutas at nagwika ng orasyon. Pagkatapos ay bigla itong naglaho. Simula sa oras din noon ay biglang tinubuan ng mga tinik ang prutas at nagkaroon ng mabahong amoy. Dahil dito ayaw ng kainin ng reyna ang prutas. Nawalan rin ang bisa ng gayuma sa kanya at nawala ang pagmamahal niya sa asawa. Iyon ang pinakaunang prutas ng durian ALAMAT NG SAMPALOK May tatlong prinsipe noong araw na pawang masasama ang ugali. Sila ay sina Prinsipe SAM, Prinsipe PAL at Prinsipe LOK. Dahil magkakaibigan, madalas silang nagkikita at nagkakasama sa pamamasyal. Tuwing magkasama naman ang tatlo ay tiyak na may mangyayaring hindi maganda. Ang mga may kulang sa isip at mangmang ay kanilang pinaglalaruan, pinaparatangan at ipanakukulong. Lubha silang mapang-api, mapangmata at malupit sa mga dukhang mamamayan. Kahit matatanda ay hindi nila iginagalang. Mabait lamang sila sa mayayaman at kauri nilang mga dugong-bughaw. Minsan sa pamamasyal ng tatlong prinsipe ay napadaan sila sa isang sapa. Saglit silang huminto at pinanood ang mga naliligong dalaga. Kasiya-siyang tingnan ang mga hugis ng katawang naaaninag sa manipis na tapis kaya sila ay nagtatawanan na para bagang nambabastos. "Kamahalan, huwag po sana ninyo kaming panoorin at pagtawanan." Galit na bumaba ng kabayo si Prisipe Sam at walang salitang sinampal ang dalagang nakikusap. Uulitin pa sana ng prinsipe ang pagsampal subalit isang matandang babae ang namagitan. Palibhasa'y walang iginagalang ang mga prinsipe, basta't mahirap, kaya pinagtulungan nilang saktan ang matanda. Nagsiksikan naman sa isang tabi ang mga nahintakutang dalaga. Hindi alam ang gagawing pagtulong sa matandang hindi nila nakikilala. Datapuwa't lahat ay napamulagat ang matanda ay nagbago ng anyo. Isa pala itong engkantada! "PANAHON NA UPANG BIGYANG WAKAS ANG INYONG KASAMAAN!" sabay turo sa tatlong prinsipe at ang kanilang mga mata ay nangalaglag! Kasindak-sindak ang pangyayaring iyon sapagkat ang mga nahulog na mata ay agad nilamon ng lupa! Sa halip na magsisi at humingi ng tawad ay nagpupuyos pa sa galit na nabanta ang magkakaibigan.. Matapos kapain ang kani-kaniyang kabayo ay haghiwa-hiwalay na sila nang alis. Palibhasa'y mga bulag kaya hindi na alam ang daang pauwi. Tumakbo nang tumakbo ang kanilang mga kabayo hanggang silang lahat ay mangahulog sa bangin! Kinabukasan, nagtaka ang lahat sa biglang pagtubo ng isang puno kung saan lumubog ang mga mata ng tatlong prinsipe. Lumipas ang mga araw, ang puno ay namunga. Nang kanilang tikma, ito'y ubod ng asim! Palibhasa'y may nakaukit na parang matang nakapikit sa buto ng bungang maasim, kaya naalala nila ang mga mata nina Prinsipe Sam, Prinsipe Pal at Prinsipe Lok na sa lugar na iyon ay lumubog. Dahil dito, minarapat nilang tawaging SAMPALOK ang puno at bunga nito. Sa kalaunan natutuhan ng mga tao na gamiting pampaasim sa nilulutong ulam ang SAMPALOK. ALAMAT NG BAYABAS Noong unang panahon, may isang bayan na pinamumunuan ng isang sakim at mapagmataas na hari. Si Haring Barabas ay kinatatakutan ng kanyang mga sinasakupan ngunit palihim din nila itong kinamumuhian. Walang ibang alam gawin ang hari kundi ang mag-utos at pagalitan ang kanyang mga alipin. Ang mga utos pa man din nito ay imposibleng gawin at hindi makatwiran. Ang hari ay mahilig kumain, matulog at mag-aksaya ng kayamanan niya. Nagkaroon ng matinding taghirap sa kanyang kaharian. Hindi maganda ang naging ani ng mga magsasaka at naging mahina ang benta ng mga mangangalakal. Ang lahat sa kaharian ay inutusang magtipid upang maka-alpas sa taghirap na kanilang nararanasan. Lahat nga ng tao ay gumawa ng kanya-kanyang paraan upang makatipid maliban sa isang tao. Ang mismong hari na si Barabas ay hindi sumusunod sa kanyang utos. Walang itong pakialam na naghihirap ang mga taong kanyang nasasakupan. Patuloy siya sa paglustay ng kanyang kayamanan sa mga walang kwentang mga bagay. Habang ang lahat ng tao ay nagtitipid at minsan lang sa isang araw kung kumain, ang hari ay parang piyesta kung magpaluto sa kanyang mga alipin. Iba’t ibang putahe ng iba’t ibang mahal na klase ng pagkain ang kanyang ipinapahanda. At ang masaklap pa dun ay siya lamang ang kakain ng mga pinaluto niya. Maski sobra ang mga pagkain ay hindi niya niyayaya ang kanyang mga kasambahay o ang mga taombayan na saluhan siyang kumain. Ang mga hindi niya maubos ay hinahayaan lang niya hanggang sa tuluyan na itong masira at hindi na puwedeng makain. Isang araw habang nagpipiyesta ang hari sa harapan ng kanyang palasyo ay may lumapit na isang matandang pulubi. Humingi ng limos ang pulubi maski pagkain na lamang pantawid sa kanyang gutom ngunit hindi pinansin ng hari ang matanda. Sa halip, pinagtabuyan pa niya ito. Nawawalan daw siya ng ganang kumain dahil sa mabahong amoy ng pulubi. Nagalit ang pulubi at sinabi sa hari na dahil sa kasakiman nito ay bibigyan niya ito ng isang leksiyong hindi niya makakalimutan. Hindi pa natatapos magsalita ang matanda ay biglang kumulog at kumidlat. Ang hari ay unti-unting nagbago ng anyo. Nagsisigaw itong humihingi ng tawad sa matanda ngunit huli na ang lahat. Biglang naglaho ang matanda habang ang hari ay naging isang ganap na halaman. Nakita ng taombayan ang lahat ng pangyayari at ng lapitan ang halaman ay may nakita silang bunga nito. Ito ay bilugan at may koronang nakapatong. Ito na nga ang kanilang hari na si Barabas na dahil sa kasakiman ay naging isang halaman. Mula noon tinawag nila ang halaman na bayabas mula sa pangalan ni Haring Barabas. ALAMAT NG SILI Sa isang malayong lugar sa Bicol, may isang napakalaking kaharian na pinamumunuan ng isang hari at reyna at ng kanilang anak na si Prinsipe Siling. Masaya silang namumuhay sa kaharian, ginagalang at may mataas na pagtingin ang mga tao sa nasasakupan ng hari at reyna dahil na rin sa kanilang angkin na kabaitan sa mga mahihirap. Tumutulong sila sa bawat taong kumakatok sa kanilang kaharian kaya ganoon na lamang ang pagmamahal sa kanila ng mga tao roon. Samantalang, isang araw naisipan ng mag-asawang Haring Iling at Reyna Cecilia na magbakasyon sa Europa upang ipagdiwang ang kanilang tatlumpong anibersaryo ng kanilang pagmamahalan. “Mahal kong Reyna, kailangan po ba talagang sa Europa pa kayo magbakasyon ni Amang hari?” pagpipigil ni Prinsipe Siling. “ Anak, hindi naman kami magtatagal ng iyong amang hari roon, nais lang ng iyong ama na pumunta sa ibang lugar para maiba naman” sagot ni reyna Cecilia . “ Oo nga naman prinsipe, huwag mo kaming alalahanin, palagi kami roon mag-iingat ng reyna nang sa ganun matutunan mo na rin pamunuan ang ating kaharian upang pag nawala na kami ng iyong ina, handang-handa ka na maging isang hari. “ Huwag ninyong sabihin iyan dahil walang papalit sainyo sa pagiging magaling na hari sa lahat” pagpupuri ng Prinsipe. Pagkatapos magpaalam ng mag-asawa sa buong kaharian, lumakad na ito sakay ng kanilang barko patungong Europa. Mahigit kalahating buwan ang pagpapalaot ng barko patungong Europa. Pagkaraan ng tatlong araw, isang malakas na bagyo ang dumating. Alalang-alala ang Prinsipe sa kanyang amang hari at inang reyna. Alam niyang labis na lalakas ang alon dulot ng bagyo at hindi malayong maapektuhan ang barkong sinasakyan nila. Matapos ang bagyo, agad na lumabas ang Prinsipe upang mag ikot-ikot sa buong komunidad upang kumustahin ang mga nasasakupan. Nais nya rin makibalita sa barkong sinasakyan ng kanyang mga magulang. Habang naghihintay siya sa pantalan,kitang-kita sa kanya ang labis na takot at pag-aalala. Paparating na ang isa sa mga kawal na siya lamang ang nailigtas ng kanyang mga inutusang mga kawal sa paghahanap sa barkong sakay ng amang hari at reyna. Nagbigay muna ito ng galang sa pamamagitan ng pagyuko bago nagpahayag, “ mahal na prinsipe, ipagpaumanhin po ninyo ngunit wala na po ang inyong mga magulang. Nagkahiwalay po kami ng palakas na ng palakas ang bagyo at sa sobrang lakas po ng hagupit ng bagyo lumubog ang sinasakyan namin na barko. Nagising na lamang po ako na napadpad po ako sa isang isla kung saan natagpuan ako ng mga inatasan ninyo sa paghahanap”. Namugto ang mga mata ng prinsipe at kumaripas ito pabalik ng kaharian. Nagulat na lamang ang karamihan sa biglaang pagtakbo nito. Halos ilang araw siyang nagkulong sa kanyang silid dahil na lamang sa labis na hinagpis na sinapit ng kanyang mga magulang. Alalang-alala na ang mga tao kay Prinsipe Siling dahil hindi ito kumakain. Nabalot ng kalungkutan ang kaharian, kaya’t ng matapos ang seremonya na ginanap sa karagatan na pinaglubugan ng labi ng mag-asawa hindi pa rin iniwan ng mga tao ang prinsipe kaya inintindi na lamang nila ito. Isang araw gulat na gulat ang mga tao sa kaharian sa muling pagbalik ng sigla nito na tila’y handang harapin ang lahat. Ngunit ng makaraan ang ilang buwan unti-unting nagbago si Prinsipe Siling. Nagiging masungit, mainitin ang ulo at hindi na rin ito nakikihalubilo sa mga tao. Nagiging malupit siya sa mga tagasilbi at mga kawal ng kaharian, malayo sa dating prinsipe na kanilang kilala noon. “Patawad po kamahalan, hindi ko po sinasadya,papalitan ko na lamang po ang aking mga napinsalang mga kagamitan”. “ Umalis ka riyan sa harapan ko! Baguhan ka ba dito? Pagdala lang ng mga kagamitan hindi mo pa magawa! galit na sabi ni Prinsipe Siling. “Paumanhin po hindi na po mauulit”, mangiyak-ngiyak na sabi ng tagasilbi. Talagang hindi na mauulit dahil makakaalis ka na ng kaharian ko! Umalis na ang kasambahay pagkatapos siyang palayasin ng prinsipe. Nagpatuloy si Prinsipe Siling sa pagmamalupit sa mga tao sa kaharian. Kaya naman paunti-unti ng nagsisialisan ang mga tagsilbi dahil sa takot sa prinsipe. Hindi maikubli na nagbago na nga ang prinsipe simula ng mamatay ang kanyang mga magulang. Isang diwata ang pinapanood ang prinsipe sa kanyang pagmamalupit sa mga tao na minsan ay naranasan niya rin sa isang prinsipe. “ Hindi siya karapatdapat sa kaharian na ipinagkaloob ko sa kanyang mga magulang. Kailangan siyang parusahan dahil labis-labis na ang paghihirap ng mga tao dahil sa kanya” bulong ng diwata sa kanyang sarili. Isang araw, nagpasya ang prinsipe na mamasyal ng mag-isa,ilang araw na ang nakakalipas ngunit hindi pa rin siya bumabalik ng kaharian. Nagtaka ang mga tao at bigla na lamang namangha at nagulat dahil sa kanilang nakita sa hardin na paboritong pasyalan ni Prinsipe Siling. Isang halaman na namumunga ng kulay luntian at pula na hugis pahaba at paublong na may makinis na balat. Naalala ng mga tao roon si Prinsipe Siling na may pagkakahalintulad sa balat ng namumula nitong pisngi. Sinumpa ng diwata si Prinsipe Siling na maging isang halaman na may katangian ng pagigigng maanghang dahil sa ugali nitong kalupitan. Mula noon, hindi na nakita ang prinsipe sa kaharian at tanging halaman na lamang ang natagpuan ng mga tao na maihahalintulad kay Prinsipe Siling kaya naman inalagaan nila ito at pinangalanan na Sili. ALAMAT NG OKRA Sa isang palasyo ay may anak ang hari na nagngangalang Oka. Ang batang ito ay sadyang napakasinungaling at napakapilyo. Wala siyang kasundo kahit na isa man sa mga alagad ng hari. Ang lahat sa kanya ay nanggagalaiti sa galit sapagkat ang mga ito ay nakaranas na ng kapilyuhan ni Oka. Minsan ay nagkaroon ng sakit ang hari at ang lahat ay nag-alala sa kanyang sitwasyon. Subalit ang batang si Oka ay walang pakialam at patuloy lamang sa paglalaro sa labas ng palasyo. Nagpatuloy si Oka sa paglalaro hanggang sa siya ay makarating sa gitna ng kagubatan. Sa kagubatan ay nakita niya ang dyosa ng kagubatan na matagal na palang nakamasid sa kanya. Kinausap ng enkantada si Oka na kinakailangan na niyang magbago sapagkat kung hindi siya magbabago ay parurusahan siya nito. Pagkatapos niyon ay biglang naglaho ang engkantada at hindi malaman ni Oka kung saan ito nagpunta. Sa kabila ng pagpapaalala ng engkantada kay Oka ay wala itong ginawa kundi magpatuloy pa rin sa kanyang nakasanayan. Ang mga araw ay lumipas at ang hari ay lumakas at nanumbalik ang kaniyang kaniyang sigla. Subalit ganoon pa rin ang pag-uugali ni Oka. Isa parin siyang batang pilyo at sinungaling. Lingid sa kaalaman ni Oka ang engkantada na kaniyang nakausap sa kagubatan ay ang kaniyang ama rin pala. Ito ay nagpanggap lamang na isang engkantada upang takutin ang kaniyang anak subalit nagkamali siya sa kaniyang akala na magbabago nga ito. Kaya’t walang nagawa ang hari kundi ang patawan ito ng parusa. Ginawa ng hari si Oka na isang halamang gulay na may madulas at makating mga katangian. Tinawag niya itong Okra ang anak na hindi marunong magtanda at walang pagnanais na magbago. ALAMAT NG KAMATIS Noong unang panahon sa isang malayong bayan, ay may isang babae na masasabing walang suwerte sa buhay. Siya ay si Kamalia. May asawa't mga anak si Kamalia ngunit siya'y nagtiis ng katakut-takot na hirap. Marami bisyo ang asawa ni Kamalia. Bukod sa hindi na siya nabibigyan ng pera ay sinasaktan pang madalas. Dahil sa halos walatng ibili ng pagkain, naisipan ni Kamalia na pumasok na labandera sa kalapit bahay. Nagtiis siyang maglaba sa buong Maghapon. Hindi niya maatim na makitang ang kanyang mga anak ay nag-iiyakan sa gutom. Nang malaman ng kanyang asawa ang paglala-bandera niya ay palaging kinukuha ang kinikita niya. Yao'y inuubos lamang sa alak at sugal. Pag hindi naman niya ibinibigay ay sinasaktan siya. May mga kapitbahay na naaawa kay Kamalia. Madalas ay binibigyan ang mag-iina ng pagkain at mga lumang damit. Gayon na lamang ang galit ng asawa ni Kamalia nang mabatid ang tungkol sa pagbibigaytulong. Kundangan'y ayaw nitong tatanggap ang asawa't mga anak ng anumang tulong sa mga kapitbahay. Pinagsabihan si Kamalia na pag tumanggap pa ng mga bigay ng kanilang kapitbahay ay siguradong masasaktan siya. Bunga niyon, hindi na binigyan si Kamalia ng kahit na anong tulong ng mga mababait niyang kapitbahay. Ayaw nilang masaktan pa ang kaawa-awang babae. Nahabag ang panganay na anak ni Kamalia sa kanya, Kaya napilitang magtrabaho ito. Paglilinis ng sapatos doon sa bayan ang kanyang hinarap. Nang matuklasan ama na kumikita ang anak sa paglilimpiyabota, katulad ng ginawa sa kanyang ina ay kinuha rin niya ang kinikita. At gaya ng dapat-asahan, inuubos din sa sugal at alak. Sa gayon, madalas na hindi kumakain ang mag—iina. Dahil sa patung-patong na kahirapan at labis na panghihina dala ng kakulangan sa sustansiyang kailangan ng katawan, nagkasakit si Kamalia. Hindi nag tagal ay namatay siya. Bago nalagutan ng hininga ang kahabag-habag na may nasabi sa mga anak. Ang bangkay ni Kamalia ay inilibing sa likuran ng kanilang bahay. Hindi nagtagal, may tumubo roon isang halamang ang bunga'y mapupula. Nagtaka ang lahat sa nasabing halaman, At nang kanilang subuking tikman ang bunga ay nasarapan sila. Dumami ng dumami ang nasabing halaman. Ang bunga niyon ay naipagbibili ng magkakapatid sa mga tagabayan. At bumuti nga ang kanilang buhay, katulad ng sinabi ng kanilang ina bago ito namayapa. Nagkatotoo rin na nagbago ang ugali ng kanilang ama. Nagsisi ito sa mga nagawang pagkukulang. Minahal na niyang mabuti ang mga anak. Ang halamang nagbigay ng bagong buhay sa mga anak ni Kamalia ay tinawag na Kamatis. Ito'y kuha sa pangalan ni Kamalia at sa kanyang pagtitiis sa buhay - Kamalia...pagtitiis. At magmula noon, ang Kamatis ay nakilala bilang isang masarap na pagkain at pampalasa sa ulam. ALAMAT NG KALABASA Si Kuwala ay anak ni Aling Disyang, isang mahirap na maggugulay. Maliit pa siyang bata nang mamatay ang ama at tanging ang ina ang nagpalaki sa kanya. Mabait si Kuwala. Maliit pa ay mahilig na siyang tumingin sa mga larawang nasa libro at nang matuto ay pagbabasa ang naging libangan. Basa siya ng basa. Walang oras na hindi siya nagbabasa. Binansagan tuloy siyang Kuwalang basa nang basa. Matalino ang anak kaya nagsikap si Aling Disyang para matustusan ang anak. Si Kuwala naman ay higit na pinagbuti ang pag-aaral. Tag-ulan noon nang isang hapon ay umuwi si Kuwala na mataas na mataas ang lagnat. Inirireklamo niya ang mahirap na paglunok. Nagsuka rin siya nang nagsuka. Palibhasa ay walang pera, hindi agad nadala ni Aling Disyang sa doktor ang anak. Nang masuri ito ng doktor ay malala na ang kondisyon. Paralytic poliomyelitis ang umatake sa mahinang resistensiya ni Kuwala. Naging mabilis ang pagpasok nito sa katawan niya at agad siyang naparalisa. Ilang linggo makaraan ay binawian ng buhay ang kawawang bata. Hindi matanggap ni Aling Disyang ang sinapit ni Kuwala. Upang maibsan ang lungkot ay inubos niya ang panahon sa pag-aasikaso ng mga tanim na gulay. May kakaibang halamang tumubo at nagbunga sa pataniman ni Aling Disyang. Bilog ang bunga noon na kulay dilaw ang loob. Natuklasan ng mga kumain ng gulay na may bitamina itong nagpapalinaw ng mata. May isang nagtanong kung saan galing ang halamang iyon. Ang sabi ng tinanong ay kina Kuwalang basa nang basa. Nagpasalin-salin iyon sa maraming mga bibig hanggang kalaunan ay naging kalabasa. ALAMAT NG AMPALAYA Noong araw sa bayan ng Sariwa, naninirahan ang lahat ng uri ng gulay na may kanya-kanyang kagandahang taglay. Si Kalabasa na may kakaibang tamis, si Kamatis na may asim at malasutlang kutis, si Luya na may anghang, si Labanos na sobra ang kaputian, si Talong na may lilang balat, luntiang pisngi ni Mustasa, si Singkamas na may kakaibang lutong na taglay, si Sibuyas na manipis na balat, at si Patola na may gaspang na kaakit-akit. Subalit may isang gulay na umusbong na kakaiba ang anyo, siya si Ampalaya na may maputlang maputlang kulay, at ang kanyang lasang taglay ay di maipaliwanag. Araw araw, walang ginawa si Ampalaya kung hindi ikumpara ang kanyan itsura at lasa sa kapwa niya gulay, at dahil dito ay nagbalak siya ng masama sa kapwa niyang mga gulay. Nang sumapit ang gabi kinuha ni Ampalaya ang lahat ng magagandang katangian ng mga gulay at kanyang isinuot. Tuwang tuwa si Ampalaya dahil ang dating gulay na hindi pinapansin ngayon ay pinagkakaguluhan. Ngunit walang lihim na hindi nabubunyag nagtipon tipon ang mga gulay na kanyang ninakawan. Napagkasunduan nilang sundan ang gulay na may gandang kakaiba, at laking gulat nila ng makita nilang hinuhubad nito isa-isa ang mga katangian na kanilang taglay, nanlaki ang kanilang mga mata ng tumambad sa kanila si Ampalaya. Nagalit ang mga gulay at kanilang iniharap si Ampalaya sa diwata ng lupain, isinumbong nila ang ginawang pagnanakaw ni Ampalya. Dahil dito nagalit ang diwata at lahat ng magagandang katangian na kinuha niya sa mga kapwa niya gulay ay ibinigay sa kanya. Laking tuwa ni Ampalaya dahil inisip niya na iyon lamang pala ang kabayaran sa ginawa niyang kasalanan. Ngunit makalipas ang ilang sandali ay nag iba ang kanyang anyo. Ang balat niya ay kumulubot dahil ang kinis at gaspang na taglay ni upo at kamatis ay nag-away sa loob ng kanyang katawan maging ang mga ibat-ibang lasa ng gulay ay naghatid ng di magandang panlasa sa kanya at pait ang idinulot nito. Mula noon, naging madilim na luntian ang kulay ni Ampalaya. Ngayon kahit naging masustansiyang gulay na si Ampalaya ay marami ang hindi nagkakagusto sa kanya. Pero alam niyo nagsisisi na si Ampalaya. Sa sususnod na makita niyo siya sa inyong pinggan ay subukan niyo siyang tikman at patawarin sa kanyang mga kasalanan.