EPIKO NG IBALON Pagbubuod ni: Sunshine Melody B. Nagmula sa Botavara at isang lipod (laging mapag-isa o nagtatago) iyang si Baltog. Gawa ng kaniyang katangian siyá y namumuhay na mag-isa. Bilang proteksiyon sa mga pananim ni Baltog, naglagay siya ng mga linsa o gabay sa paligid nito. Sa kasamaang palad, isang mapaminsalang baboy-ramo ang nanira ng mga pananim sa kanilang lugar kung kaya dagli niyang tinugis at binasag ang panga ng nasabing baboy-ramo at isinabit sa puno ng talisay. Hangad lamang ni Baltog na wala ng mapinsala pang ibang pananim sa kanilang lugar. Isang prinsipeng Malay naman ang dumating sa Bikol sa katauhan ni Handiong kasama ang pangkat ng kaniyang mga mandirigma. Si Handiong at ang kaniyang mga kasamahan ang siyang lumipol sa mapaminsala at masamang mga nilalang sa Bikol. Hinarap at kinalaban ni Handiong at ng kaniyang lupon ng mga mandirigma ang iba't ibang nilalang o halimaw: (1) ang naninirahan sa Ponon na may isang mata at tatlong leeg; (2) pating na may pakpak; (3) mapaminsalang mga kalabaw; (4) dambuhalang mga buwaya; (5) mga sarimao o halimaw na ipinatapon sa Colasi; at (6) mga sawang may tinig na nakaaakit na ibinaon sa kuweba ng Bundok Hantic. Hanggang isang araw, nakaharap ni Handiong si Oriol. Isang tuso at lilong nilalang si Oriol na ang itaas na bahagi ay isang babae. Sa ibabang bahagi ay anyo ng sawa. Nagawa niyang linlangin si Handiong sa pamamagitan sa pamamagitan ng kaniyang tinig. Malimit niyang naisahan si Handiong. Hanggang isang araw ang dating magkatungali ay naging magkakampi upang kalabanin ang iba pang halimaw sa bikol. Pinaslang ni Oriol ang isang dambuhalang buwaya at ginamit naman ni Handiong ang dugo nito upang papulahin ang ilog Bikol na siyang naging dahilan upang matakot at tumakas ang mga halimaw papunta ng Bundok isarog, Sa mabuting pamumuno ni Handiong, naging sibilisado ang Bikol. Umunlad ang agrikultura at umusbong ang paggamit ng unang araro at paine. Natutuhan at naimbento ang mga bangka, katig, at layag na ginamit sa pangingisda at paglalakbay sa tubig. Natutuhan din ng mga taga-Bikol ang paghahabi at paggawa ng luwad sa pagbuong mga kalan, paso, at iba pang kasangkapan. Kanila ring natutuhan ang pagsusulat. Nililimi at makatarungan ang paghahatol ng batas sa buong Kabikulan na nagdulot ng kasaganahan at kaayusan dito. Hanggang humarap ulit ang Bikol sa isang delubyo-isang baha na dulot ni Inos. Nakasisindak at malakas na ulan ang naging bunga ng nasabing delubyo. Nang malagpasan nila ito, lumitaw ang isang tangway na tinatawag na ngayong Pasacao. Ngunit hindi pa rito natatapos ang suliraning kakaharapin ng mga taga-Bikol. Dumatal naman si Rabut, kalahating tao at kalahating hayop na nilalang. Nagiging bato ang mga tao o hayop na kaniyang maeengkanto. Sa panahong ito, hindi na kaya pang makipaglaban ni Handiong dulot ng katandaan. Siya namang pagdating ng bagong bayani sa katauhan ni Bantong, nagtungo siya kay Handiong at inihandog ang sarili upang kalabanin sì Rabut. Batid ni Bantong na mahimbing na natutulog si Rabut sa umaga kung kaya nang sumikat ang araw, nagtungo si Bantong sa yungib na pinaglalagian ng halimaw. Sa tulong ng isang libong mandirigma ni Handiong, hinati ni Bantong sa dalawa ang katawan ni Rabut at dinala ang bangkay nito kay Handiong bilang simbolo ng kanilang pagtatagumpay. Nagtapos ang nasabing epiko na nakatulala si Handiong sa bangkay ni Rabut.