WIKANG FILIPINO PARA SA BAGONG MILENYUM (Filipino Language in the New Millennium) Pagbabago ang patuloy na umiiral sa ating mundo; nagbabago ang wika at ang wika’y nakapagbabago. Kalikasan nang wika ang pagiging buhay o dinamiko nito, ito ay nagbabago kasabay na rin ng pagbabago ng panahon. Ang wika na ginagamit ng ating mga ninuno noon ay iba na sa wikang ginagamit natin ngayon. Gaano na nga ba kalaki ang kaibahan ng ating wika ngayon, sa noon? Paano nga ba tinanggap at binago ng mga tinatawag nilang millenials ang wikang Filipino? Ang wika ayon pa kay Gleason ay “isang masistemang balangkas, sinasalitang tunog, pinili at isinaayos sa paraang arbitraryo”. Hindi magkakaroon ng isang masistemang balangkas ang wika kung hindi ito binuo ng isang grupo ng mga tao. Samakatuwid, walang wika kung walang magsasalita nito, kaya’t napakalaking parte ng tao sa pagbabago ng wika. Katulad ng wikang Filipino, malubak na daan ang dinaanan ng ating wika upang makaabot sa antas nito ngayon. Sa paglipas ng panahon marami ng nawala at nabago sa ating wika, dala na rin ng mga makabagong teknolohiya tulad ng: selpon, telebisyon, radyo at internet. Umusbong din ang grupo na tinatawag na milllenials, generation x, generation z at iba pa. Sa pagbabago ng milenyo, sumama rin sa ebolusyon ang wikang Filipino. Sino o ano nga ba ang Millenials? Sa panahon ngayon na tinatawag na Information Age umiikot ang mundo ng mga tao sa teknolohiya, mula sa politikal hanggang pang-sosyal. Isa sa instrumentong pangunahing ginagamit ngayon sa komunikasyon at impormasyon ay internet (Garcia, 2018). Sa ebolusyon ng internet nakisama rin ang bagong henerasyon na tinatawag na Millenials. Ayon sa Pew Research Center (2019) ang ipinanganak noong 1928 hanggang 1945 ay tinatawag na Silent Generation, 1946 hanggang 1964 ay Baby Boomer, 1965 hanggang 1980 ay Generation X, 1981 hanggang 1996 ay Millenial o Generation Y at ang ipinanganak noong 1997 hanggang 2012 ay tinatawag na Generation Z. Maituturing na kaugnay nang mga millenials ang pag-unlad ng internet. Sapagkat, naipinanganak sila sa panahon ng pag-usbong ng mga makabagong teknolohiya, lalo na ang internet. Sa ganitong kadahilanan ang millenials ay maituturing na mga digital natives. Kung saan gamay na nila ang paggamit ng mga makabagong teknolohiya. Sa pag-usbong ng teknolohiya, umusbong din ang mga lengguwahe na ginawa ng mga iba’t ibang sosyolek sa Pilipinas. Makikita rito ang pagbabago ng wikang Filipino dala ng pagusad ng panahon at ang impluwensya ng internet. Gay Lingo Sa pagbabago ng panahon maraming umusbong na grupo sa Pilipinas na may parehong layunin o interes. Isa na rito ang LGBTQIA+ (Lesbian, Gay, Bisexual, Transgender, Queers, Intersex at Asexual), dahil sa pagtanggap sa kanila ng lipunan, lumubo ang populasyon ng mga gay, beki o bakla. Sa kanilang grupo nakabuo sila ng kanilang sariling wika, na sila-sila ang gumawa at naka-iintindi. Sa kasalukuyan ang kanilang wika ay mas kilala bilang swardspeak, gay lingo o bekinese, ay ginagamit na rin nang karamihan. Makikita na may malaking impluwensya ang kanilang grupo sa pagbabago ng kabuuang wika na sinasalita ng mga Pilipino sa araw-araw. Ginamit ang wikang ito upang malayang makapag-usap ng mga anumang paksain ang mga parte ng nasabing grupo (sinipi ni Bediones mula kay Barrameda, et al., 2018). Malayongmalayo na ang nararating ng gay lingo mula sa pag-usbong nito noong 1960. Kasama na rin ng pag-usbong ng internet ay hindi na mapipigilan ang pagkalat at paglaganap nito sa bibig ng madla. Idinagnag ni Suguitan (sinipi ni Bediones, 2018), tulad ng isang natural na wika, ang gay lingo ay patuloy na nagbabago sa pag-usad ng panahon ngunit sobrang bilis na hindi katulad ng likas na wika. Nabuo ang gay lingo o bekinese upang maikubli ng nasabing grupo ang kanilang pinaguusapan. Hindi lingid sa ating kaisipan na hindi pantay ang tingin nang iilan sa kanilang grupo. Isa mga dahilan ng panghihiram ay ang pagkukubli na umaayon sa rason kung bakit nabuo ang gay lingo. Batay kina Alba at Hernandez (sinipi ni Bediones, 2018) ang gay lingo ay nabuo upang maikubli ang pag-uusap o paksa ng usapan sa mga taong nakaririnig. Ginamit ang gay lingo upang tuluyang maitago ang tunay na kahulugan at nang makaiwas sa panghuhusga mula sa mga taong nakapaligid sakanila. Ito ang naging sandata ng gay community upang malabanan ang diskriminasyon o homophobia (Refuerzo, 2015). Halimbawa ng mga salita sa Gay Lingo: Gay Lingo/Bekinese Pagsasalin Julanis Morisette umuulan Tom Jones gutom Afraidie Aguilar natatakot Hagardo Versoza Haggard o pagod na Jejemon Sa pag-usad ng panahon, ang wika ay nagbago at naimpluwensiyahan ng maraming salik; katulad ng internet. Sa pagdami ng mga kabataan na nahuhumaling sa internet ito’y nagresulta sa pagkabuo ng mga bagong salita. Tinatawag ito nang karamihan na Jejemon, ito ay galing sa salitang ‘jeje’ na kapalit ng ‘hehe’ o pagtawa, ang ‘mon’ naman ay galing sa isang sikat na Japanese anime na Pokemon o Pocket Monsters (Presse, 2010). Ang Jejemon ay ang pagpapaikli ng mga salita upang mas mapadali ang pagtetext. Kalaunan ito’y naging lengguwahe na naglabas ng mga bagong salita na kadalasan ay malimali ang pagka-baybay. Nawala na rin ang mga maiikling salita at napalitan ng mas mahahabang salita. Katulad ng “hello”, sa jejemon ito’y nagiging “Helouwhh”, “HellOuwzz” o “Eowwh” (Presse, 2010). Ang mga gumagamit ng jejemon ay dumami, dahil na rin sa pag-usad ng internet lalo na ang mga iba’t ibang social media platforms. Ang lengguwahe ay naging code o sariling wika nang mga kabataan, upang sila-sila lang ang magkaiintindihan. Sa paggamit ng jejemon ng mga kabataan ay naapektuhan naman nito ang kanilang tamang pagka-unawa o paggamit ng mga wikang may istandard o may sinusunod na estruktura, katulad ng wikang Ingles. Sa ganito ngang kadahilanan, ang Departamento ng Edukasyon ay ng naglunsad ng “all-out-war” laban sa jejemon. Ayon sa kagawaran, ito’y magdudulot lamang ng kalituhan at makaaapekto ito sa sistema ng edukasyon sa bansa (Santos, 2010). Sa kabilang dako naman, pinaboran ng simbahang Katoliko ang lengguwaheng jejemon, sapagkat ito raw ay malayang ekspresyon lamang ng pananalita, mas mahalaga raw ang kalakip na kahulugan sa likod ng nasabing lengguwahe (Presse, 2010). Lengguwahe ng mga Millenials at Generation Z Sa paglawak ng sakop ng internet, naimpluwensiyahan din nito ang pangaraw-araw na mga ginagamit na salita ng mga gumagamit nito. Ang dating mga salitang ginagamit sa pangaraw-araw na pakikipagtalastasan ay iba na o napalitan, sapagkat sumama rin ang pag- unlad ng wika sa pag-usad ng makabagong panahon. Ayon pa kay Almario sa panayam niya sa Rappler noong taong 2014, “ang bayan ang nagpapaunlad ng wika”. Samakatuwid, ang pagbabago ng wika ay bumabagay sa panahon at sa nauunawaan ng mas malaking bahagi ng populasyon. Sa kasalukuyan ang mga salitang hindi na ginagamit ng karamihan ay nawala na sa sirkulasyon. Ayon pa kay Almario, hindi namamatay ang mga salitang iyon nawawala lang ito sa sirkulasyon, na parang pera. Ang wika ay buhay kaya nakipagsasabayan ito sa pag-unlad ng panahon at sa pangangailangan nang karamihan. Ayon din kay Rada (2007) “buhay at dinamiko ang wikang Filipino, kaya naman nagkakaiba ang wikang ginagamit ng iba’t ibang pangkat ng mga tao sa lipunan.” Maraming salita na ang nawala sa sirkulasyon ng pangaraw-araw na pakikipagtalastasan ngunit mayroon ding mga salitang nadagdag. Umusbong ang mga salitang ito ng dahil sa internet, lalo na sa mga social media. Katulad ng bae, pabebe, beast mode, hypebeast, walwalan, forever at iba pa. Ang mga salitang ito ay bahagi ng kolokyalismo, o ang natural na daloy ng lahat ng wika sa mundo; nagkakaroon ng naiibang pangkat sa isang lipunan at gumagawa sila ng sariling mga salita na sila-sila lamang ang nagkakintindiha (Isla, 2015). Sa bawat hakbang natin sa pag-unlad kasabay natin ang ating wika, na siyang kaluluwa ng ating bansa. May mga salitang mawawala ngunit mananatili ang kahulugan nito sa bawa’t isa, nagpatutunay lang ito na ang ating wika ay buhay. Kongklusiyon Ang wika ang kaluluwa ng isang bansa. Sa pag-usad ng panahon ang wika ay sumasama sa pagbabago nito; nagbabago ang isang bansa kasama ang kaniyang wika. Ang pagbabago ng isang wika ay nagpapakita na buhay ito. Lumipas man ang panahon at magbago man ang wikang ating ginagamit sa araw-araw nating pakikipagtalastasan, hindi mawawala ang kaluluwa o katuturan ng ating wika. Napakalaking parte ng mga Pilipino sa paghubog ng ating wika, sa pag-usad ng panahon ang gumagamit ng wika ang siyang nagpayayabong nito. Sa bagong milenyo na ating kinalalagyan dumami ang paraan upang mas mapalaganap ang ating wika. Sa pagyabong ng teknolohiya, lalo na ang internet lumawak ang espasyo na pwedeng mapaunlad ang ating wika. Ang pag-unlad na ito ay kinakailangan upang mas umangat at maintindihan ng lipunan ang kahalagahan ng ating wikang pambansa. Maraming nabago sa ating wika sa paglipas ng panahon at magbabago pa rin ito sa darating na henerasyon. Sanggunian Almario, V. (2014, Agosto 10). Ang Estado ng Wikang Filipino (The State of the Filipino Language. Rappler. Nakuha noong Marso 1, 2020 galing sa www.youtube.com/ watch?v=K36PKvcEpVQ Bediones, G. L. (2018). Bekipilino: Ang paglaladlad ng gay lingo sa kultura at wikang Filipino. Scribd. Nakuha noong Marso 18, 2020 galing https://scribd.com/document/ 445842675/Bekipilipino-Ang-Paglaladlad-ng-Gay-Lingo-pdf Dimock, M. (2019, Enero 17). Defining generations: Where Millenials end and Generation Z Begins. Pew Research. Nakuha noong Marso 1, 2020 galing sa www.pewresearch.org /fact-tank/2019/01/17/where-millenials-end-and-generation-z-begins/%3famp=1 Garcia, D. (2018, Desyembre 8). Paano ang Millenials, kung hindi nauso ang Internet? Philstar. Nakuha noong Marso 12, 2020 galing sa www.philstar.com/pang-masa/policeMetro/2018/12/08/1875292/paano-ang-millenials-king-hindi-nauso-ang-internet/am Isla, C. (2015, Nobyembre 15). Pinoy Slang 2015 mga patok na salita ngayong taon. GMA News Online. Nakuha noong Marso 16, 2020 galing sa www.gmanetwork.com/news /publicaffairs//content/544271/mga-bagong-paandar-sa-tokyo-motor-show-tampok-sa -aha/story// Presse, A. F. (2010, Hunyo 16). Philippines wrestles with Jejemon cyber-dialect. ABS-CBN News. Nakuha noong Marso 18, 2020 galing sa news.abs-cbn.com/amp/lifestyle/06/ 16/10/Philippines-wrestles-jejemon-cyber-dialect Rada, E. (2017). Estilo ng Pagsasalin sa Wikang Filipino ng mga Teksbuk sa Araling Makabayan. San Beda.org. Nakuha noong Marso 16, 2020 galing sa https://scientiasanbeda.org/wp-content/uploads/2017/07/vol-2.1-Estilo-ng-Pagsasalin-sa-WikangFilipino-ng-mga-Teksbuk-sa-araling-Makabayan.pdf Refuerzo, K. (2015, Agosto 27). Knowsung n’yo ba ang Bekinese? GMA News Online. Nakuha noong Marso 16, 2020 galing sa www.gmanetwork.com/news/newstv/brigada /534559/knowsung-n-yo-ba-ang-bekinese/story/ Santos, T. (2010, Hunyo 17). Jejemon at Wikang Filipino. The Varsitarian, No. 14, Vol. 81. Nakuha noong Marso 18, 2020 galing sa https://www.google.com/amp/s/varsitarian.net /filipino/20100617/jejemon_at_wikang_filipino/amp