PRAYER Panginoon, aming Makapangyarihan at Mapagmahal na Ama, ang aming mga puso ay puspos ng galak sa umagang ito na ipinagkaloob Mo sa amin. Lahat po ng mga bagay na Inyong ibinibigay sa amin ay patunay ng Inyong walang hanggang pagmamahal. Salamat po sa isa na namang taong magtatapos, ganundin sa lahat ng mga kaalaman naming natutunan. Salamat po sa aming mga magulang, sa kanilang walang sawang pagsasakripisyo at pagmamahal sa amin. Salamat po sa aming mga guro, punong-guro at iba pang pinuno ng paaralan, sa kanilang walang kapagurang pagtuturo sa amin ng iba’t ibang kaalaman at kagandahang-asal. Salamat po sa aming mga kamag-aral at kaibigan, sa kanilang pagbibigay-buhay sa aming paglalakbay. Salamat po sa aming mahal na paaralan, sa kanyang pag-aaruga at pagbibigay ng pangalawang tahanan. Panginoon, marami po kaming pinagdaanan. Sa loob ng walong taon, iba’t ibang uri ng problema ang aming naranasan. Naniniwala po kami, Ama, na sa aming paglalakbay sa buhay, may mga pagsubok kaming kailangang lampasan. Bagamat minsan ay gusto naming magtago, alam naming hindi ito maaaring takasan. Sapagkat sa Iyong karunungan, ang mga bagyo, pasakit at mga paghihirap na ito ang siyang magiging daan upang kami ay mas maging matatag at mabuting nilalang. Salamat po sa pag-antabay sa amin. Taos-puso po kaming humihingi ng tawad sa lahat ng aming kasalanan. Ang mga ito po ay bunga ng aming kahinaan. Tulungan Niyo po kaming hanapin ang kapayapaan at yakapin ang kabutihan. Sa araw pong ito ng aming pagtatapos, lubos po kaming nagpapasalamat Sainyo. Buksan Niyo po ang aming mga mata upang makita ang kagandahan sa aming paligid. Buksan Niyo po ang aming mga tainga sa pakikinig sa lahat ng mga mensaheng ibibigay sa pagtitipong ito. Naniniwala po kami na ito ay galing sa Inyo. Buksan Niyo rin po ang aming mga isipan upang piliin naming matutunan ang mga bagay na naaayon sa Inyong kagustuhan. Higit sa lahat, buksan Niyo po ang aming mga puso, para mas lalo naming mahalin ang mga bagay na ipinagkakaloob Niyo sa amin katulad ng aming pag-aaral. Sa amin pong mga gagawing desisyon sa hinaharap, patuloy Niyo po kaming gabayan. Nawa’y gawin mo kaming mga instrumento upang ang Inyong pag-ibig ay patuloy namanatili sa lahat ng panahon ng aming buhay. Lahat pong ito ay aming ipinapanalangin, sa Pangalan ng Iyong Anak na si Jesus. Amen