Heograpiya ng Africa Mahalaga ang papel ng heorapiya kung bakit ang Africa ang huling pinasok at huling nahati-hati ng mga Kanluraning bansa. Tinawag ito ng mga Kanluranin na dark continent dahil hindi nila ito nagalugad kaagad. Nanatiling limitado ang kaalaman ng mga bansang Kanluranin tungkol sa kontinenteng ito hanggang noong ika-19 na siglo. Ang pinakamainit at pinakamaulang bahagi ng Africa ay yaong malapit sa equator. Matatagpuan dito ang rainforest o isang uri ng kagubatan kung saan sagana ang ulan at ang mga puno ay malalaki, matataas, at may mayayabong na dahon. Sa hangganan ng rainforest ay ang savanna, isang bukas at malawak na grassland o damuhan na may mga puno. Sa grassland sa hilaga ng equator matatagpuan ang rehiyon ng Sudan. Sa bandang hilaga naman ng rehiyon ng Sudan makikita ang Sahara, ang pinakamalaki at pinakamalawak na disyerto sa daigdig. Ang Sahara na malaki pa sa Europe ay hindi natitirhan maliban sa mga oasis nito. Ang oasis ay lugar sa disyerto kung saan may matabang lupa at tubig na kayang bumuhay ng halaman at hayop. Tanging sa oasis lamang may mga maliliit na pamayanan sa Sahara. Hiwa-hiwalay at kalatkalat ang mga kultura at kabihasnang sumibol at namayani sa malawak na kontinente ng Africa. Isa sa mga umunlad na kultura sa Africa ay ang rehiyon na malapit sa Sahara. Nakatulong sa kanilang pamumuhay ang pakikipagkalakalan. Tinawag itong Kalakalang Trans-Sahara. Bunga nito, nakarating sa Europe at iba pang bahagi ng Asya ang mga produktong African. Ang Kalakalang Trans-Sahara Noong 3000 B.C.E., isang masaganang kalakalan ang umunlad sa pagitan ng Hilagang Africa at Kanlurang Sudan, ang rehiyon sa timog ng Sahara. Tinawag na Trans-Sahara ang kalakalang naganap dito. Ang kalakalang TransSahara ay tumagal hanggang ika-16 na siglo. Tinawag itong kalakalang TransSahara dahil tinawid ng mga nomadikong mangangalakal ang Sahara sa pamamagitan ng caravan, dala-dala ang iba’t ibang uri ng kalakal. Kamelyo ang kadalasang gamit sa mga caravan. Ang caravan ay pangkat ng mga taong magkakasamang naglalakbay. Ang mga mangangalakal mula sa Carthage ay pumupunta sa Sahara upang mamili ng mga hayop tulad ng unggoy, leon, elepante, at mga mamahaling hiyas. Sinasabi na ang mga elepante na ginamit ni Hannibal sa Digmaang Punic laban sa Rome ay nanggaling sa Kanlurang Africa. Iba’t ibang grupo ng mga tao ang nagtayo ng mga pamayanan sa mga lugar na dinaraanan ng kalakalan. Ang Pagpasok ng Islam sa Kanlurang Africa Nang makapagtatag ng mga pamayanang Muslim sa Morocco, ang Islam ay unti-unting nakilala at kalaunan ay namayani sa mga kultura at kabihasnang nananahan sa Kanlurang Africa. Ang Islam ay pinalaganap ng mga Berber, mga mangangalakal sa Hilagang Africa. Pumupunta sila sa Kanlurang Africa upang bumili ng ginto kapalit ng mga aklat, tanso, espada, seda, kaldero, at iba pa. Mga Kabihasnan sa Africa Matatandaan na ang Egypt ang isa sa mga pinakaunang lunduyan ng kabihasnan sa daigdig. Maliban sa Egypt, ang Axum ang kasalukuyang Ethiopia sa Silangang Africa ay napatanyag din dahil sa naging sentro ito ng kalakalan. Binibisita ito ng mga mangangalakal mula sa Persia at Arabia. Umusbong din ang mga estado sa rehiyon ng Sudan kung saan ang kanilang yaman ay dulot ng kanilang kapangyarihan sa kalakalang tumatawid sa Sahara. Kapwa nasa Silangang Africa ang dalawang kabihasnang ito. Ang Kanlurang Africa ay naging tahanan din ng mga unang kabihasnan. Dito umusbong ang mga imperyo ng Ghana, Mali, at Songhai Ang Axum Bilang Sentro ng Kalakalan Ang kaharian ng Axum ay sentro ng kalakalan noong 350 C.E. Malawak ang pakikipagkalakalan nito at sa katunayan, ito ay may pormal na kasunduan ng kalakalan sa mga Greek. Mga elepante, ivory (ngipin at pangil ng elepante), sungay ng rhinoceros, pabango, at pampalasa o rekado ang karaniwang kinakalakal sa Mediterranean at Indian Ocean. Kapalit nito, umaangkat ang Axum ng mga tela, salamin, tanso, bakal, ar iba pa. Isang resulta ng malawakang kalakalan ng Axum ay ang pagtanggap nito ng Kristiyanismo. Naging opisyal na relihiyon ng kaharian ang Kristiyanismo noong 395 C.E. Kung ang kahariang Axum ay naging tanyag sa Silangang Africa, nakilala naman sa Kanlurang Africa ang tatlong imperyo na siyang naging makapangyarihan dulot rin ng pakikipagkalakalan sa mga mamamayan sa labas ng Africa. Ito ay ang mga imperyo ng Ghana, Mali, at Songhai. Ang Imperyong Ghana Ang Ghana ang unang estadong naitatag sa Kanlurang Africa. Sumibol ang isang malakas na estado sa rehiyong ito dulot ng lokasyon nito sa timog na dulo ng kalakalang Trans-Sahara. Nagkaroon sa Ghana ng malaking pamilihan ng iba’t ibang produkto tulad ng ivory, ostrich, feather, ebony, at ginto. Ang mga ito ay ipinagpalit ng mga katutubo sa asin, tanso, figs, dates, sandatang yari sa bakal, katad, at iba pang produktong wala sila. Malayang nakapagtatanim ang mga tao dulot ng matabang lupa sa malawak na kapatagan ng rehiyon. Ang pagkakaroon ng sapat na pagkain ay isang dahilan kung bakit lumaki ang populasyon dito. Sagana rin ang tubig upang punan ang pangangailangan sa kabahayan at irigasyon. ANG IMPERYONG MALI Ang Mali ang tagapagmana ng Ghana. Nagsimula ang Mali sa estado ng Kangaba, isa sa mahalagang outpost ng Imperyong Ghana. Ang pag-akyat ng Mali sa kapangyarihan ay sinimulan ni Sundiata Keita. Noong 1240, sinalakay niya at winakasan ang kapangyarihan ng Imperyong Ghana. Sa pamamagitan ng patuloy na pananalakay, ang Imperyong Mali ay lumawak pakanluran patungong lambak ng Senegal River at Gambia River, pasilangan patungong Timbuktu, at pahilaga patungong Sahara Desert. Hawak nito ang mga ruta ng kalakalan. Noong mamatay si Sundiata noong 1255, ang Imperyong Mali ang pinakamalaki at pinakamapangyarihan sa buong Kanlurang Sudan. Katulad ng Ghana, ang Imperyong Mali ay yumaman sa pamamagitan ng kalakalan. Nang mamuno si Mansa Musa noong 1312, higit pa niyang pinalawak ang teritoryo ng imperyo. Sa pagsapit ng 1325, ang malalaking lungsod pangkalakalan tulad ng Walata, Djenne, Timbuktu, at Gao ay naging bahagi ng Imperyong Mali. Maliban sa pagpapalawak ng imperyo, naging bantog din si Mansa Musa sa pagpapahalagang ibinigay niya sa karunungan. Nagpatayo siya ng mga mosque o pookdasalan ng mga Muslim sa mga lungsod ng imperyo. Hinikayat niya ang mga iskolar na pumunta sa Mali. Sa panahon ng kaniyang paghahari, ang Gao, Timbuktu, at Djenne ay naging sentro ng karunungan at pananampalataya. Ang Imperyong Songhai Simula pa noong ikawalong siglo, ang Songhai ay nakikipagkalakalan na sa mga Berber na taontaon ay dumarating sa mga ruta ng kalakalan sa Niger River. Maliban sa kalakalan, dala rin ng mga Berber ang pananampalatayang Islam. Sa pagsapit ng 1010, tinanggap ni Dia Kossoi, hari ng mga Songhai, ang Islam. Bagama’t hinikayat niya ang mga Songhai na tanggapin ang Islam, hindi niya pinilit ang mga ito. Sa pamamagitan ng Gao at ng Timbuktu, nakipagkalakalan ang Songhai sa Algeria. Dahil dito, nakapagtatag ng ugnayan ang Songhai sa iba pang bahagi ng Imperyong Islam. Noong 1325, ang Songhai ay sinalakay at binihag ng Imperyong Mali. Subalit hindi ito nagtagal sa pagiging bihag ng Mali. Noong 1335, lumitaw ang bagong dinastiya, ang Sunni, na matagumpay na binawi ang kalayaan ng Songhai mula sa Mali. Mula 1461 hanggang 1492, sa ilalim ni Haring Sunni Ali, ang Songhai ay naging isang malaking imperyo. Sa panahon ng kaniyang paghahari, pinawalak niya ang Imperyong Songhai mula sa mga hangganan ng kasalukuyang Nigeria hanggang sa Djenne. Hindi niya tinanggap ang Islam sapagkat naniniwala siyang sapat na ang kaniyang kapangyarihan at ang suporta sa kaniya ng mga katutubong mangingisda at magsasaka. Gayunpaman, iginalang at pinahalagahan pa rin niya ang mga mangangalakal at iskolar na Muslim na nananahan sa loob ng kaniyang imperyo. Sa katunayan, hinirang niya ang ilan sa mga Muslim bilang mga kawani sa pamahalaan. Bunga ng pagkakatatag ng mga sinaunang kabihasnan at imperyo, nabuo ang pagkakilanlan ng kasalukuyang kontinente ng America at Africa. Samantala, sa mga Pulo ng Pacific, nagsimula na ring makilala ang mga Austronesean. Tunghayan sa susunod na bahagi ng aralin ang kanilang nabuong kabihasnan. MIGRASYONG AUSTRONESIAN Magkaugnay ang sinaunang kasaysayan at kultura ng mga pulo ng Pacific at Timog-Silangang Asya. Ito ay dahil ang nandayuhan at nanahan sa dalawang rehiyong ito ay mga Austonesian. Ang Austronesian ay tumutukoy sa mga taong nagsasalita ng mga wikang nabibilang sa Austronesian o MalayoPolynesian. Ito ang pinakamalaking pamilya ng wika sa daigdig. Ayon sa teorya ng iskolar na si Peter Bellwood, nagmula sa timog China ang mga Austronesian. Sa hangaring makahanap ng mga bagong teritoryo na masasaka, umalis sila ng China at nandayuhan simula noong 4000 B.C.E. Tumungo sila sa mga lugar na kilala ngayon bilang Taiwan, Pilipinas, Malaysia, Brunei, at Indonesia. Noong 2000 B.C.E., may mga Austronesian na tumungo pakanluran hanggang makarating sa Madagascar sa Africa. Samantala, may mga tumungo pasilangan at tinawid ang Pacific Ocean at nanahan sa mga pulo ng Pacific. Unang narating ng mga Austronesian ang New Guinea, Australia, at Tasmania. Noong 1,000 B.C.E., nanahan ang mga Austronesian sa Vanuatu, Fiji, at Tahiti. Narating din nila ang Tonga, Samoa, at Marquesas. Tinatayang nasa mga pulo ng Hawaii sila noong 100 B.C.E. Pinakamalayo nilang naabot ang Easter Island, isang pulo sa Pacific na bahagi na ng South America. Sa pag-aaral ng kabihasnan ng mga pulo sa Pacific, mahalagang tunghayan ang lipunan ng mga tao rito bago dumating ang mga Kanluranin. Ang lipunan at kulturang ito ay Austronesian. Ang mga Pulo sa Pacific Ang mga pulo sa Pacific o Pacific Islandsay nahahati sa tatlong malalaking pangkat – ang Polynesia, Micronesia, at Melanesia. Ang mga katawagang ito ay iginawad ng mga Kanluranin matapos nilang makita ang kaayusan ng mga pulo at ang anyo ng mga katutubo nito. Polynesia Ang Polynesia ay matatagpuan sa gitna at timog na bahagi ng Pacific Ocean na nasa silangan ng Melanasia at Micronesia. Ang Polynesia ay higit na malaki kaysa pinagsamang lupain ng Melanasia at Micronesia. Ang Polynesia ay binubuo ng New Zealand, Easter Island, Hawaii, Tuvalu, Wallis at Futuna, Tonga, Tokelau, Samoa, American Samoa, Niue, Cook Islands, French Polynesia, Austral Islands, Society Islands, Tuamotu, Marquesas, at Pitcairn. Batay sa dami ng pinagkukunan ng pagkain ang laki ng pamayanan sa Polynesia. Umabot hanggang 30 pamilya ang bawat pamayanan dito. Ang sentro ng pamayanan ay ang tohua na kadalasang nasa gilid ng mga bundok. Ito ay tanghalan ng mga ritwal at pagpupulong. Nakapaligid satohua ang tirahan ng mga pari at mga banal na estruktura. Ang pangunahing kabuhayan ng mga Polynesian ay pagsasaka at pangingisda.Ang karaniwang tanim nila ay taro o gabi, yam o ube, breadfruit, saging, tubo, at niyog.Sa pangingisda naman nakakakuha ng tuna, hipon, octopus, at iba pa. Nanghuhuli rin sila ng pating. Sa larangan ng pananampalataya, naniniwala sila sa banal na kapangyarihan o mana. Ang katagang mana ay nangangahulugang “bisa” o “lakas. ”Sa mga sinaunang Polynesian, ang mana ay maaaring nasa gusali, bato, bangka, at iba pang bagay. May mga batas na sinusunod upang hindi mawala o mabawasan ang mana. Halimbawa, bawal pumasok sa isang banal na lugar ang pangkaraniwang tao. Ang sinaunang kababaihan sa Marquesas ay hindi maaaring sumakay sa bangka sapagkat malalapastangan niya ang bangka na may angking mana. Gayundin, ang mga lalaking naghahanda sa pakikipaglaban o para sa isang mapanganib na gawain ay dapat nakabukod. Bawal silang makihalubilo sa babae at pili lang ang dapat nilang kainin upang hindi mawala ang kanilangmana. Ang tawag sa mga pagbabawal o prohibisyong ito ay tapu. Kamatayan ang pinakamabigat na parusang igagawad sa matinding paglabag sa tapu. Micronesia Ang maliliit na pulo at atoll ng Micronesia ay matatagpuan sa hilaga ng Melanesia at sa silangan ng Asya. Ang Micronesia ay binubuo ng Caroline Islands, Marianas Islands, Marshall Islands, Gilbert Islands (ngayon ay Kiribati), at Nauru. Ang mga sinaunang pamayanan dito ay matatagpuan malapit sa mga lawa o dagat-dagatan. Ito ay upang madali para sa mga tao ang lumabas at maglayag sa karagatan. Itinatag nila ang kanilang mga pamayanan sa bahaging hindi gaanong tinatamaan ng bagyo o malalakas na ihip ng hangin. Pagsasaka ang pangunahing kabuhayan ng mga Micronesian.Nagtatanim sila ng taro, breadfruit, niyog, at pandan. Sagana ang mga ito sa asukal at starch na maaaring gawing harina. Pangingisda ang isa pang ikinabubuhay ng mga Micronesian. May kaalaman din sa paggawa ng simpleng palayok ang mga lipunan ng Marianas, Palau, at Yap. Malimit din ang kalakalan ng magkakaratig-pulo. Sa Palau at Yap, bato at shell ang ginagamit bilang paraan ng palitan. Gumagamit din ang Palau ng batong ginawang pera (stone money). Sa iba pang mga pulo, nagpapalitan ng kalakal ang matataas (high-lying islands) at mabababang pulo (low-lying coral atolls). Ipinagpapalit ng mga high-lying island ang turmericna ginagamit bilang gamot at pampaganda. Samantala, ang mga low-lying coral atoll ay nakipagpalitan ng mga shellbead, banig na yari sa dahon ng pandan, at magaspang na tela na galing sa saging at gumamela. Bilang tela, ginagawa itong palda ng kababaihan at bahag ng kalalakihan. Animismo rin ang sinaunang relihiyon ng mga Micronesian. Ang mga rituwal para sa mga makapangyarihang diyos ay kinapapalooban ng pag-aalay ng unang ani. Taro at yam ang pangunahing sinasaka sa Melanesia. Nagtatanim din dito ng pandan at sago palm na pinagkukunan ng sago. Pangingisda, pag-aalaga ng baboy, at pangangaso ng mga marsupial at ibon ang iba pang kabuhayan dito. May kalakalan din sa pagitan ng mga pulo. Karaniwang produktong kinakalakal ng mga Melanesian ay mga palayok, kahoy, yam, baboy, asin, apog, gayundin ang mga gawa nilang bangka. Naniniwala rin sa animism ang mga sinaunang Melanesian. Ipinababatid ng diyos ng kalikasan ang mga kaganapan tulad ng tagumpay sa labanan, sakuna, kamatayan, o pag-unlad ng kabuhayan. Laganap din sa Solomon Islands at Vanuatu ang paniniwala sa mana.