BOOK REVIEW: TOKYO REVENGERS Ang librong Tokyo Revengers na isinulat ni Ken Wakui ay isang science-fiction at action manga series mula sa Japan na isinalin sa wikang Ingles. Ang kwentong ito ay umiikot sa kung saan ang bida ay bumalik sa nakaraan upang iligtas ang kanyang dating kasintahan at baguhin ang kanyang mga pagkakamali. Ngunit noong siya ay nakabalik sa nakaraan, naatasan siyang tahakin ang iba’tibang klaseng pagsubok na nagdulot sa kanya ng matinding dalamhating kanyang dadalhin habang buhay. Sa isang tulad kong estudyante na may hilig sa kwentong delingkwente, gangster at mga sindikato, masasabi kong isa ito sa mga magagandang kwento na naglalaman ng mga astig na tauhan. Dahil sa disenyo at pagganap ng mga karakter, nabigyang-buhay ang kanilang mga papel sa istorya na tila sila ay kapani-paniwala, lalong-lalo na ang pangunahing tauhan. Maganda din ang naging “Character Development” ng pangunahing bida at iba pang mga katunggaling tauhan na tiyak na makakapag-hikayat at makakapag-engganyo sa bawat mambabasa. Naisulat din ng maganda at maayos ang bawat eksena ng kwento dahil may sinusundang maayos na transisyon ang libro. Ang libro ay binubuo ng maraming “plot twist” na siyang nagpataas ng aking interes na kung saan kaabang-abang at kung saan napanatili ng awtor ang mga mambabasa na manghula kung ano ang maaaring mangyari sa susunod na kabanata. Naisulat naman ito ng maayos kaya’t naging maganda ang naging resulta. Binubuo rin ng ilang nakakatawa at masayang eksena ang kwento upang hindi naman mainip ang mga mambabasa at binubuo rin ng maraming aksyon at malulungkot na eksena ang kwento na makakapag-enganyo sa mga mambabasang may hilig o may interes sa aksyon at drama. Naging maganda ang daloy ng kwento ngunit ako ay nadismaya sa naging katapusan sapagka’t napansin kong minadali ito ng manunulat at isinulat lamang ito sa maikling panahon na naging dahilan ng aking pagkabitin at pagkadismaya sa libro. May mga pagkakataon din sa isang eksena na wala naman dapat kinalaman sa isang pangyayari kaya’t nakakalitong intindihin ang mga pangyayari lalo na sa mga kagaya kong mambabasa. Sa huli, kapansin-pansin na may iilang kabanata sa kwento na napaka-ikli, at dahil dito, maaaring mabitin ang mga mambabasa. Ngunit sa pangkalahatan, maayos at lubhang nakakaengganyo ang nabasang libro dahil sa magandang takbo ng bawat eksena sa bawat kabanata sa istorya. Ang mga karakter din ay ang isa sa mga dahilan kung bakit naging kawili-wili ang kwento. Mula sa malikhaing pamamaraan ng pagsulat ng awtor, mas nakapagpataas ito ng interes sa mga mambabasa. Ipinagmamalaki ko ang librong ito at inirerekomenda ko ito sa lahat ng mga istudyanteng may hilig sa dyanrang aksyon at drama.