KATIPUNAN BIKE TRAIL (FILIPINO) BALINTAWAK (MONUMENTO NI ANDRES BONIFACIO) Assigned guide: Maligayang pagdating sa Balintawak, isang lugar na puno ng makasaysayang kahalagahan para sa kasaysayan ng Pilipinas. Dito magsisimula ang ating paglalakabay sa Monumento ni Andres Bonifacio, isang simbolo ng kabayanihan nina Andres Bonifacio at ng kaniyang mga kasamahan. Ito rin ang lokasyon kung saan nagsimula ang paghihimagsik nina Bonifacio at ng mga kasama nito kontra sa kolonyal na pamamahala ng Kastila sa Pilipinas. Batay sa alamat, nagmula ang pangalang Balintawak sa taal o native na sayaw pandigmaan o war dance na Balin Tabak ang ngalan. Ayon sa kwento, may isang pamilyang Indones ang nanirahan sa lugar na nagpakilala ng mga bagong bagay sa mga katutubo. Sa lahat ng ito, ang pinakahinangaan ng mga katutubo ay ang mga espadang metal. Sa katunayan, tinuruan ng mga mandirigmang Indones ng Bali ng sayaw pandigma gamit ang kanilang mga espesyal na espadang metal ang mga katutubo. Dahil dito, tinawag ng mga katutubo ang mga Indones at ang kanilang sayaw na Bali na kalaunan ay naging Balin. Dagdag pa, kalaunan ay tinawag itong Balin Tabak, tabak bilang ang lokal na katawagan sa espada. Nang dumating ang mga Kastila, sinayaw ng mga katutubo ang sayaw at humanga naman sa ganda ang mga Kastila sa kanilang nakita kaya tinanong nila ang pangalan ng lugar. Dahil hindi naintindihan ng mga katutubo ang tanong at wikang ginamit ng mga Kastila, inakala nila na ang tinatanong ay ang pangalanan ng sayaw na kanilang ginawa, kaya sinabi nila na ito ay Balin Tabak. Mula noon, Balin Tabak ang tinawag ng mga Kastila sa lugar, na kalaunan ay tatawaging balintawak. Ngayon ang Balintawak ay may napakahalagang bahagi sa kasaysayan ng Pilipinas, lalo na dahil dito nagsagawa ng kanilang unang pagpupulong ang mga Katipunero para sa kanilang pag-aalsa. Ang Katipunan, na opisyal na kilala bilang Kataas-taasang, Kagalang-galangang Katipunan ng mga Anak ng Bayan (KKK), ay ang lihim na samahan na lumaban sa pananakop ng mga Kastila sa Pilipinas. Ito ay naitatag noong Hulyo 7, 1892 sa 72 Calle Azcárraga, San Nicolas, Manila o mas kilala ngayong Claro M. Recto Avenue. Ito ay tinatag nina Deadato Arellano, ang kanilang unang pinuno, Teodoro Plata, Valentin Diaz, Ladislao Diwa, Andres Bonifacio, at Jose Dizon. Hindi lamang ito simpleng organisasyon ng mga mahihirap, mayroon itong sariling sistema, prinsipyo, mga turo at higit sa lahat ay malaki yung naabot na impluwensiya ng Katipunan kahit na ito ay sikreto. Umabot nga umano ng 25,000 miyembro ayon kay Fr. Celestino de las Huertas ang samahan na hindi lamang binubuo ng mga mahihirap kundi maging ng mga ilang mga pilipinong elit at mga manggagawang uri. Ang pagkatuklas sa samahan noong Agosto ng 1896, apat na taon matapos ang pagkakatatag nito ay nagresulta sa pagsisimula ng kanilang pakikibaka. Noong unang bahagi ng Agosto 1896, ang dalawang katipunero na sina Teodoro Patiño at Apolonio de la Cruz, kapwa nagtatrabaho sa limbagan ng Diario de Manila ay nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan kaugnay sa sahod. Binigyan ng P2 na dagdag sahod si de la Cruz samantalang si Patiño naman ay hindi. Isinisi ni de la Cruz kay Patiño ang pagkawala ng mga kagamitan sa pag-iimprenta na ginamit para sa paglimbag ng Kalayaan, ang opisyal na pahayagan ng Katipunan. Sa galit ni Patiño, isinambulat nito ang lihim na samahan sa kaniyang kapatid na si Honoria Patiño, na pagkatapos ay sinabi kay Sister Teresa de Jesus. Hinikayat ni Sister Teresa si Honoria na kumbinsihin si Teodoro na aminin ang kanyang nalalaman. Noong hapon ng Agosto 19, 1896, pumunta si Patiño kay Fr. Mariano Gíl, isang Agustinong pari na kura ng kombento ng Tondo, at inamin ang lahat. Matapos ay dali daling sinugod ni Fr. Mariano Gil, kasama ang maraming bilang ng mga Guardia Civil ang Diario de Manila at natagpuan ang mga ebidensya ng pag-iral ng Katipunan. Kaagad itong isinumbong sa gobernador-heneral na nagresulta sa pagsara ng palimbagan at paghuli sa daan-daang mga iniuugnay na miyembro ng samahan. Nang malaman ng mga pinuno ng Katipunan ang pag-aresto, kaagad na nagpatawag si Bonifacio ng asembleya ng lahat ng mga konseho ng probinsiya upang magpasya kung kailan magsisimula ang armadong pag-aalsa. Noong gabi ng Agosto 19, kasama ni Bonifacio sina Emilio Jacinto, Procopio Bonifacio, Teodoro Plata, at Aguedo del Rosario, sila ay nakalusot sa mga Kastilang bantay, at nagtungo pa Tutuban para sundan nila ang riles patungong Caloocan. Una silang nagpunta sa bahay ni Nicolas De Jesus, ang biyenan ni Bonifacio, upang humingi ng tulong. Naisip ni De Jesus na hindi ligtas para sa kanila na manatili sa kanyang bahay, kaya't nagdesisyon siyang ilipat sila sa labas ng bayan. Kasabay nito, binalaan si Bonifacio ni Silverio Baltazar, ang alkalde ng Caloocan noong panahon na iyon, na may malaking puwersang ng mga Guardia civil, infantry, at mga sundalong artillery mula sa Regiment no. 73 ang nag-aantay sa municipal tribunal ng Kalookan para arestuhin sila. Ipinayo niyang ilipat ang kanilang lokasyon na mas malayo sa bayan at dinala sila sa lugar ni Barrio Lieutenant Apolonio Samson sa Pook Kangkong, kasama ang tatlong cuadrilleros o mga rural na pulis. Noong hapon ng Agosto 20, umalis ang mga katipunero na may halos 500 ang bilang, mula sa Balintawak at tumungo sa kalapit na nayon ng Pook Kangkong, kung saan binigyan sila ni Apolonio Samson, isang Katipunero, ng pagkain at tuluyan. Ang Pook Kangkong o mas kilala na ngayon bilang Brgy Apolonio Samson ang inyong susunod na destinasyon ay may layong 1.5 km mula rito. Ang kasalukuyang monumento na ating nakikita ni Bonifacio dito sa Cloverleaf, Balintawak ay naitayo noong 1971 upang palitan ang lumang monumento ng Sigaw ng Balintawak ng 1911, na noon ay inilipat sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) noong 1968. Ang monumento, kung inyong titingnan ay nagpapakita kay Bonifacio na may hawak na bolo sa kaniyang kanang kamay at bandila ng Katipunan sa kaliwa. Ito ay ay inagurado noong pagdiriwang ng ika-75 anibersaryo ng Sigaw ng Pugad Lawin noong Agosto 23, 1971 at nilika ni Napoleon Abueva, ang Pambansang Alagad ng Sining ng Pilipinas. Adlib if necessary for additional parts of the program Remind the bikers to follow the safety guidelines POOK KANGKONG (ANG PANANDA NI APOLONIO SAMSON) Assigned Guide: Mabuhay! Narito kayo ngayon sa Brgy Apolonio Samson o mas kilala dati bilang Pook Kangkong. Kangkong ang naging pangalan ng lugar dahil sa marami at sagana nitong tanim sa lugar. Ang Pook Kangkong sa panahon ng paghihimagsik ay inilarawan bilang isang pook na nakatago sa mga makapal na halaman, may mga kawayang puno, puno ng mangga at Sampaloc, at matataas na talahib ng damo na naging malaking tulong sa mga rebolusyonaryo na magtago dito. Katulad ng Balintawak, ang Pook Kangkong ay isa rin sa mga lugar na may mahalagang papel na ginampanan sa Paghihimagsik ng mga Pilipino. Kung matatandaan, noong Agosto 20, 500 katipunero ang lumisan mula sa Balintawak at nagtungo sa bahay ni Apolonio Samson. Bukod sa pisikal na istraktura ng lugar na pinaliligiran ng mga talahib at makakapal na halaman na naging magandang lokasyon para sa mga rebolusyonaryo. Ang Pook Kangkong ay ilang kilometro lamang ang layo mula sa sentro ng bayan ng Balintawak, kaya naman madali lamang nakapaglakbay ang mga katipunero papunta rito. Dagdag pa, iilan lamang ang naninirahan dito. Batay sa sensus noong 1903, lumalabas na wala pa sa listahan ang lugar na halos isang daan lamang ang naulat na nanirahan dito. Nang makarating sina Bonifacio at mga kasama nito sa Kangkong noong Agosto 21, 1896, nakatagpo sila ng tulong at kaluguran sa tahanan ni Apolonio Samson. Ang pamilya Samson ay kilalang may-ari ng malalaking ektarya ng sakahan at mga alagang hayop sa Kangkong na nagbigay hindi lamang ng pagkain kundi pati na rin ng pansamantalang matutuluyan ng mga Katipunero. Si Apolonio Samson o kilala rin bilang Tiniente Polonio, ay isinilang sa Kangkong noong 1851. Isa siya sa mga unang sumunod sa tawag ng Supremo para sa napipintong paghihimagsik ng samahan. Ipinamahagi niya ng maluwag ang kanyang kamalig at inialay ang kanyang mga baka, baboy, at manok upang magbigay ng sustento sa mga Katipunero na nagtipon para sa paghahanda at pulong para sa rebolusyon. Isa sa mga saksi sa mga pulong sa Pook Kangkong ay si Don Vicente Samson, kamaganak ni Apolonio na taga-Balintawak ay may malalim na alaala ng mahahalagang pangyayari sa tahanan ni Apolonio Samson sa Pook Kangkong. Sa gulang na 12 edad, personal niyang nasaksihan ang sigaw ng paghihimagsik kasama ang kanyang ama at nakatatandang kapatid na kapwa mga Katipunero. Isa pang salaysay ay mula kay Sofronio Calderon na makikita sa kaniyang hindi pa nailathala na manuskripto na pinamagatang "Mga Nangyari Sa Kasaysayan ng Pilipinas," na naglantad sa kondisyon ng pagtitipon. Mahigit sa isang daang lokal na tropa umano ang naroroon na estratehikong nakapuwesto at armado. Nasasalat at ramdam umano ang tensyong namumutawi sa pagtitipon dala na ang mga kasapi ay lubos na nakatuon sa kanilang layunin. Sa proseso ng pulong, isang espiya ang nasakote at dinala kay Andres Bonifacio na nakapiring. Nang una, ayaw umamin at itinatanggi ng espiya ang mga paratang sa kaniya, kalaunan ay umamin din ito na siya ay inutusan na hanapin ang pook ng pagtitipon ng Katipunan. Dahil sa pag-amin ng espiya, napilitang umalis ang mga Katipunero sa Pook Kangkong at magtungo sa tahanan ni Juan Ramos, anak ni Melchora Aquino sa Banlat. Sila ay naglakbay ng gabi upang maiwasan ang puwersa ng mga Kastila. Sa kasalukuyan, ang lugar ng Kangkong ay ipinangalan na Barangay Apolonio Samson, bilang pagkilala sa naging ambag ni Apolonio sa panahon ng himagsikan. Ang simbolo ng barangay ay naglalaman ng palayok bilang isang makabuluhang sagisag na nagpapaalala sa naging ng dedikasyon ni Apolonio Samson sa pagbibigay ng tulong at pagkain para sa layunin ng pagkakaisa. Noong 1917, ang mga dating Katipunero na kilala bilang Legionarios del Trabajo ay nagiwan ng kanilang marka o pananda sa Kangkong upang gunitain ang mga bayani na nanindigan ng magkakasama sa laban para sa kalayaan ng bansa. Ang pananda na ito na inyong nakikita ay nagsisilbing paalala ng mga sakripisyo na ginawa ng mga Katipunero, at ang kanilang hindi naglahong dedikasyon sa isang layunin na higit sa kanilang sarili. Adlib if necessary for additional parts of the program Ang susunod na destinasyon ay ang Sigaw ng Pugad Lawin na may layong 3.7 km. Ito ang lugar kung saan naganap ang makasaysayang pagpupunit ng sedula ng mga Katipunero. Remind again the bikers of their safety during trailing ANG SIGAW NG PUGAD LAWIN Assigned Guide: Isang makasaysayang araw sa lahat ng narito, kinagagalak kong batiin na kayo ay nasa ikatlong istasyon na ng ating Katipunan Freedom Trail. Tayo ay kasalukuyang nasa lokasyon ng isang napakahalagang lugar sa panahon ng himagsikan ang Pugad Lawin. Dito umano naganap ang unang sigaw ng mga rebolusyonaryo para sa kalayaan ng bansa. Nanggaling ang pangalang 'pugad lawin' sa pugad ng lawin na matatagpuan sa puno ng Sampalok na malapit sa tahanan ni Melchora Aquino sa Banlat. Nang umaga ng Agosto 23, 1896, ang mahigit libong Katipunero sa ilalim ng pamumuno ni Andres Bonifacio ay nagdesisyong maghimagsik. Ang kanilang pakikibaka ay nagsimula sa simbolikal na pagpupunit ng kanilang sedula, na nagsisilbing pisikal na tanda ng pagiging alipin ng mga Pilipino sa kamay ng mga Kastila. Habang hinahapak ang kanilang mga sedula, isinisigaw ng mga Katipunero ang "Mabuhay ang Pilipinas!" na nagpapahayag ng pagsisimula ng kanilang mahirap na paglalakbay tungo sa kalayaan. Matapos nito sila ay nagtungo sa bahay ni Juan Ramos, anak ni Melchora Aquino sa Banlat. Bilang pag-alala sa makasaysayang pangyayari, noong taong 1963, sa bisa ng Proklamasyon Blg. 149, inilabas ni Pangulong Diosdado Macapagal ang isang mahalagang utos na nagsasabi ang ika-23 ng Agosto ang araw ng pagdiriwang ng unang sigaw ng himagsikan na naging espesyal na pampublikong pagdiriwang ng Lungsod Quezon. Itinayo rin ng Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas o NHCP ang Monumento ng Sigaw Pugad Lawin noong 1998. Ang mga rebulto na inyong nakikita ngayon ay representasyon ng makakasaysayang araw ay ginawa ni Napoleon Abueva. Ang monumento mismo ay isang simbolo ng hindi nagbabagong pangako ng mga Pilipino na makamtan ang kalayaan. Ito ay nagsisilbi bilang paalala sa mga sakripisyo ng mga lumaban at tumindig para sa kalayaan ng Pilipinas. Adlib if necessary for additional parts of the program Ang ikaapat na destinasyon ng inyong paglalakabay ay ang Dambana ni Melchora Aquino sa Brgy Tandang Sora o dating mas kilala bilang Banlat. Ito ay may layong 4.9 km mula rito. Remind again the bikers of their safety during trailing BANLAT (ANG DAMBANA NI MELCHORA “TANDANG SORA” AQUINO) Assigned Guide: Magandang Araw sa ating lahat, malugod ko kayong binabati sa inyong paglalakbay. Kayo ay kasalukuyang nasa ikaapat na lokasyon ng ating Katipunan Freedom Trail, ang Dambana ni Melchora Aquino. Ang nakikita nating dambana ngayon ay itinitag bilang pag-alala sa kabayanihang ginawa ni Melchora Aquino. Kung hindi kayo pamilyar sa kaniya, siya ay kilala bilang si Tandang Sora, na itinuturing na "Ina ng Katipunan". Si Tandang Sora ay isinilang sa Barrio Banlat, Balintawak, at nakapag-asawa ng isang magsasaka na naging lokal na opisyal. Bukod sa pagsasaka, tumulong siyang suportahan ang kanyang pamilya sa pamamagitan ng pagpapatakbo ng isang maliit na tindahan o sari sari store. 84 taong gulang si Tandang Sora nang maganap ang rebolusyon. Nang matuklasan ang Katipunan at maghanap si Bonifacio at kanyang mga kasamahan ng kanlungan, tinulungan niya ito sa pamamagitan ng pagbibigay ng matutuluyan, pagpapakain sa mga sundalo, at pangangalaga sa mga sugatang rebolusyunaryo. Dahil sa kaniyang pagtulong sa samahan, inaresto si Tandang Sora ng Guardia Civil sa Barrio Pasong Putik, Novaliches noong Agosto 29,1896, at ipiniit sa bilangguan ng Bilibid sa Maynila. Pinatapon siya sa Guam, kung saan siya nanatili ng pitong taon bilang katulong. Nakabalik lamang si Tandang Sora noong Pebrero 26, 1903, sa edad na 91. Namatay siya noong 1919 sa edad na 107. Ang kanyang labi ay inilibing sa Mausoleo de los Veteranos de la Revolucion sa Manila North Cemetery, kung saan ito ay nanatili hanggang 1969 bago ito ilipat sa Himlayang Pilipino. Dahil sa kaniyang mahalagang papel sa panahon ng rebolusyon, itinayo ang isang dambana sa Lungsod Quezon noong 2008. Ang buong dambana na ating nakikita ngayon ay idinisenyo ni Toym Imao na kung saan ang pangunahing monumento ay nagpapakita kay Tandang Sora na nag-aalaga sa mga sugatang katipunero. Sa paligid naman ng monumento ay ang anim na mga panel na nagpapakita ng buhay ni Tandang Sora. Noong 2012, inilipat ang kanyang mga labi sa nasabing dambana na binubuo ng tatlong maliit na buto at abo, ito ay nasa loob ng isang maliit na kahong kahoy, inilagay sa isang parisukat na espasyo sa paanan ng bakal na rebulto. Ang dambana ay may sukat na 107 diametro na kumakatawan sa kanyang edad noong siya ay namatay. Bukod dito, upang gunitain ang kanyang alaala, binago ang pangalang Banlat tungo sa Barangay Tandang Sora, ang lugar kung saan siya nakatira at kung saan matatagpuan ang kanyang mga labi. Kilala ang Banlat noon sa malawak nitong bukirin ng palay at maraming bilang ng kamalig, kabilang ang mga pag-aari ni Tandang Sora. Noong Agosto 24, bilang tugon sa tawag ng Supremo, halos isang libong Katipunero ang nagtipon sa bahay ni Juan Ramos, anak ni Melchora Aquino sa Banlat. Tulad nga ng nabanggit, tinulungan ni Aquino ang mga rebolusyonaryo, inalagaan niya ito at nagbigay ng mga kailangan tulad ng 100 kaban ng bigas at sampung kalabaw. Dito naganap ang mainit na talakayan ukol sa rebolusyon. May ilang mga lider ng Katipunan tulad nina Pio Valenzuela, Teodoro Plata, Enrique Pacho, at isa na may pangalang Vargas na hindi sang-ayon sa pagsisimula ng rebolusyon dahil ang mga Pilipino umano ay hindi pa handa, at ang pabor sa rebolusyon na sina Francisco at Nicomedes Carreon, Emilio Jacinto, Guillermo Masangkay, at ang mga lider ng walong probinsya. Sa pagpupulong na ito, napagkasunduan ang mga sumusunod: (1) ang rebolusyon ay magsisimula sa hatinggabi ng Agosto 29; (2) ang mga sumusunod ay itinalaga bilang brigadier generals: Aguedo del Rosario, Ramon Bernardo, Vicente Fernandez, at Gregorio Coronel; (3) ang mga taktika para sa pagsalakay at pagsakop sa Maynila. Nang pumasok ang puwersang Espanyol sa Banlat, umatras ang mga Katipunero sa Pasong Tamo at naganap ang kanilang unang labanan. Adlib if necessary for additional parts of the program Malapit ng matapos ang inyong paglalakbay. Ang pinakahuling destinasyon ay ang Krus na Ligas. Ito ay may layong 9.6 km mula rito. Pero bago tayo tuluyang tumungo sa Krus na Ligas, tayo ay magkakaroon ng panandaliang paghinto sa kahabaan ng Katipunan Avenue upang magpahinga. Remind again the bikers of their safety during trailing PASONG TAMO (KATIPUNAN AVENUE) Assigned Guide: Magandang Araw, narito uli kami upang bigyan kayo ng maikling pagtalakay sa ginawang paglalakbay ng mga Katipunero. Kung inyong matatandaan, matapos malaman ng mga rebolusyunaryo na nakapasok ang pwersang Kastila sa Banlat, sila ay dali-daling umatras patungong Pasong Tamo. Dito naganap ang unang sagupaan ng dalawang puwersa noong Agosto 26, 1896. Nagkagirian ang mga Guardia Civil at mga infantrymen ng puwersa ng Kastila, na may humigit-kumulang na 80 ang bilang, at ang mga Katipunero na binubuo ng daan-daang miyembro sa pangunguna ni Bonifacio. Dahil armado lamang ang mga Katipunero ng mga bolo, sibat, sulsulin, at arkonitie, kinakailangang ilabas nila ang kanilang mga sarili sa harap ng mga Mauser at Remington rifle ng kalaban. Ayon sa kuwento ni Don Vicente Samson, si Simplicio Acabo, isang kapitbahay ni Samson, ay nangahas na lumabas mula sa kanyang pinagtataguan at sumugod sa isang Guardia Civil upang kunin ang isang rifle ngunit nabaril ito. Si Acabo raw umano ang unang namatay sa rebolusyon. Matapos nan, ang mga Katipunero sa pamumuno ni Bonifacio ay nagtungo sa Balara at Krus na Ligas. Sa aklat ng historyador na si Maria Luisa Camagay, nakasaad na nagpahinga ang mga Katipunero sa isang lugar sa pagitan ng Balara at Krus na Ligas na sinasabing ang lokasyon ng Diliman. Ang pangalang Diliman ay nagmula sa salitang Tagalog na 'dilim' na sumasangayon sa mga kaugnay na dating ulat na nagsasabing ang lugar ay isang makapal na kagubatan dahil sa malalaking puno ng Kamuning na nagbabawas sa liwanag ng araw. Ginamit ito ng mga Katipunero bilang daanan para makatakas mula sa puwersa ng mga Espanyol dahil sa hirap nitong tahakin noong mga panahong iyon. Sinasabing ang kasalukuyang Katipunan Avenue umano ang Diliman na tinutukoy dito. Kaya tinawag na Katipunan Avenue ang abenidang ito ay bilang paggunita sa kabayanihang ginawa ng samahan para sa kalayaan ng bansa. Sa kasalukuyan, ang Katipunan Avenue ay mahigit nasa 11 km ang layo. Ito ay tahanan ng iba't ibang establisyemento tulad ng Miriam College, at Ateneo de Manila University. Adlib if necessary for additional parts of the program Ang pinakahuling lokasyon na inyong pupuntahan ay ang Krus na Ligas, mula rito ito ay mayroon lamang 2.9 km ang layo. Nawa ay sa inyong pagtungo sa ating huling destinasyon ay ating baunin ang mga ala-ala at impormasyong ating nalaman kaugnay sa Katipunan Freedom Trail. Remind again the bikers of their safety during trailing KRUS NA LIGAS (HOLY CROSS PARISH) Assigned Guide: Malugod namin kayong binabati na inyong natapos ang makabuluhang paglalakbay at paggunita sa kwento at kagitingan ng mga katipunero. Kagaya ng mga lugar na inyong unang napuntahan, ang Krus na Ligas ay nagtataglay din ng katangi-tanging kwento sa panahon ng paghihimagsik ng mga Pilipino noong 1896. Pagkatapos ng labanang naganap sa Pasong Tamo, umatras sina Bonifacio at ang iba pang Katipunero patungong Balara at Krus na Ligas upang magpahinga, kumain, at magtago dahil sa ulan. Kasama sa mga naroroon ay sina Emilio Jacinto, Aguedo del Rosario, Enrique Pacheco, Cipriano Pacheco, Alfonso Pacheco, at posibleng sina Guillermo Masangkay at Pio Valenzuela. Nang mga panahon na iyon, kilala ang Krus na Ligas bilang Gulod o tuktok ng burol at bahagi pa ito ng Marikina. Tinawag itong Krus na Ligas dahil mayroong puno ng Ligas na hugis krus ang matatagpuan sa lugar. Ayon sa pananaliksik nina Atoy Navarro at Raymond Arthur Abejo, ang Krus na Ligas at Balara ay isang estratehikong lokasyon para sa Katipunan. Ang dalawang lugar ay nagsilbi bilang “real” o tanggulan ng samahan na mahalaga sa kanilang planong pag-atake sa Maynila noong Agosto 29. Ang Balara at Krus na Ligas noong mga panahong iyon ay mataas, kabundukan, puno ng kagubatan na may mga bahaging sakahan na perpekto bilang taguan at kuta ng Katipunan. Sa estratehikong militar, tinutukoy ang "real" bilang ang komunidad o lugar na matatagpuan sa ilalim ng isang kabundukan na nagsisilbi bilang base militar sa mga pag-atake at pag-atras. Sinasabing nagpahinga ang mga Katipunero sa isang lugar na kilala bilang Hangyang Gipit, isang pook kung saan matatagpuan ang malalaking puno ng mangga at isang maliit na kweba, ito ay ang daang nag-uugnay sa dalawang malalaking burol sa lugar ngayon na tinatawag na Maginhawa Street sa Teacher's Village. Sinasabi rin na ang bahay na nasa harap ng plaza at simbahan ay naging lokasyon ng pagpupulong ng mga Katipunero. Naging makabuluhan ang kanilang pananatili rito. Inutusan ni Bonifacio si Genaro de los Reyes na mag-ulat sa kanilang sangay sa Mandaluyong sa naging resulta ng kanilang labanan at susunod na plano. Ginamit din nila ang oras na ito upang planuhin at ihanda ang kanilang atake sa Maynila noong Agosto 29. Una, plano ni Bonifacio na pumunta sa Bundok Tapusi sa Montalban upang lumikha ng isa pang real kung sakaling hindi magtagumpay ang kanilang atake sa Maynila. Subalit matapos bumalik ni de los Reyes mula sa Mandaluyong noong Agosto 27 at sa pangungumbinsi ni Jacinto sa Supremo na siya'y mahalaga para sa paghahanda sa atake sa Maynila, kaya naman si Bonifacio ay nagdesisyon na magtungo sa Malanday at Barangka sa Marikina at pagkatapos ay sa dumiretso ng Hagdang Bato sa Mandaluyong. Sinasabing nang pumunta si Bonifacio at kanyang mga kasamahan sa Malanday at Barangka, nagkaroon ng madugong labanan ang mga Katipunero na naiwan sa Balara, kung saan kasama si Masangkay sa mga lumaban hanggang kamatayan. Ang makasaysayang pagkakabuo ng Barangay Krus Na Ligas ay kinilala noong 1998, nang inilagay ang isang pananda sa harap ng lumang simbahan ng Krus Na Ligas at binigyang pagkilala ng Unibersidad ng Pilipinas (UP) at ng National Research Council of the Philippines (NRCP) upang gunitain ang papel na ginampanan ng Krus Na Ligas sa kasaysayan ng Pilipinas. Adlib if necessary for additional parts of the program Remind again the bikers of their safety during trailing TRIVIA QUESTIONS: 1. Ayon sa alamat, ang pangalan ng Balintawak ay hango sa anong salita na tumutukoy sa taal na digmaang pansayaw? Balin Tabak 2. Sino ang opisyal na Ina ng Katipunan? Melchora “Tandang Sora” Aquino 3. Kilala bilang Tiniente Polonio, sino ang Katipunerong nagbigay ng tulong sa mga rebolusyunaryo matapos umalis mula sa Balintawak? Apolonio Samson 4. Bilang paggunita sa kabayanihang ginawa ni Apolonio Samson ay pinalitan ang pangalan ng Pook Kangkong bilang Baranggay Apolonio Samson. Kaugnay nito, ano ang naging sagisag ng barangay na nagpapakita sa ginawang pagtulong ni Samson? Palayok 5. Ano ang aktong ginawa ng mga katipunero noong Agosto 23 sa kanilang unang sigaw, na nagpapakita ng kanilang paglaban para sa kalayaan? Pagpunit ng sedula 6. Ilang ang sukat ng Dambana ni Melchora Aquino na kumakatawan sa kanyang edad noong siya ay namatay? 107 diametro 7. Ano ang orihinal na pangalan ng Baranggay Tandang Sora na kilala noon sa malawak nitong bukirin ng palay at maraming bilang ng kamalig, kabilang ang mga pag-aari ni Tandang Sora? Banlat 8. Sino umano ang unang namatay sa rebolusyon ayon sa kwento ni Don Vicente Samson sa naganap na labanan sa Pasong Tamo noong Agosto 26? Simplicio Acabo 9. Ano ang lugar kung saan nagpahinga umano nina Bonifacio sa Krus na Ligas, kung saan matatagpuan ang malalaking puno ng mangga at isang maliit na kweba, ito ay ang daang nag-uugnay sa dalawang malalaking burol sa lugar ngayon na tinatawag na Maginhawa Street sa Teacher's Village? Hangyang Gipit 10. Saan naganap ang unang sigaw ng mga Katipunero noong Agosto 23 na kung saan sila ay nagpunit ng kanilang mga sedula bilang simbolo ng paghihimagsik? Pugad Lawin