Uploaded by Kim Kyla

Ilang Grupo na may Natatanging Kultura

advertisement
ARALIN 3: Ilang Grupo sa Pilipinas na May Natatanging Kultura
May mga katanungan marahil ang ilan sa pag-usbong ng iba’t ibang grupo o pangkat na may
natatanging pinapaniwalaan na iba sa karaniwang mga samahan o pangkat na kilala na sa buong
Pilipinas tulad ng Rotary, Lions, Samahan ng mga Magsasaka, Couples for Christ , Ang mga
Mangagawang Pilipino, at marami pang iba. Ang kakaibang mga grupong ito ay may mga kaugalian
na taliwas kung minsan sa mga sinusunod ng iba. Naging palaisipan sila sa hindi nakakaalam at kung
makikilala naman sila ay lalong naging misteryoso ang gawain nila sa pagtingin ng mga nag-iisip na
hindi sila normal na mga indibidwal. Ang mga paghuhusgang ito ay mabibigyan kasagutan o
pagpapaliwanag sa bahaging ito kahit man lang sa kaunting impormasyon tungkol sa mga grupong
ito. Naririto ang iilan sa kanila.
3.1 Ang mga Rizalian sa Lungsod ng Dapitan
-mula sa pananaliksik nina: Ana Rheza B. Blase, Mary Cris E. Manlangit at Precious I. Salaveria
Kilala ang mga Rizalian sa kanilang magaling na pagmamasahe at pagbo- boluntaryong pagtulong sa
pagpapanatili ng kalinisan sa loob ng parke ng Rizal Shrine. Nakadamit sila ng puti kaya misteryoso
sa mga mata ng mga taong bago pa lamang sila nakita. Isang samahan sila na makikita sa Lungsod ng
Dapitan. Tagasunod at naniniwala sila na si Dr. Jose Rizal ay isang Diyos. May bagong kulturang
umusbong sa likod ng samahan mayroon sila. Ang kulturang ito ay nakasuporta sa interpretasyon
nila sa Bibliya, kaya naman lahat ng kanilang ginagawa at pinaniniwalaan ay binatay sa Bibliya.
Mayroon din silang mahabang kasaysayan lalo na sa simula ng kanilang pananampalataya kay Jose
Rizal.
May sarili silang bersyon ng kasaysayan ng buhay ni Rizal na hindi sinabi sa mga aklat. Ang
sumusunod ang bersiyon nila ng kwento: May isang reyna sa bansang England na nagngangalangang
Victoria na nagdadalantao habang nasa Pranses at bilang reyna kailangan niyang umuwi sa sarili
niyang bansa para ang kanyang anak ang mamuno at magmana ng kanyang trono. Habang nasa barko
pauwi ay ipinanganak niya ang isang babae na pinangalanan niya ring Victoria. Nang malapit na
silang makarating nanganak ulit siya ng isang lalaki. Nakita niya nang lumabas ang bata na malaki
ang ulo nito at hindi kaaya-ayang tingnan para sa kanila kaya napagdesisyunan niya na piliin ang
batang babae lalo na sa pamumuno at pagmana ng kanilang kaharian. Ibinalot niya ang batang lalaki,
inilagay sa kahon at pinaanod sa dagat. Napadpad ang bata sa kaharian ng Italya na agad namang
sinagip ng kaharian. Ang batang ito ay naging prinsipe at tagapagmana ng lahat ng nasa kaharian pati
na ang pagpunta sa Pilipinas. Nang minsan itong bumisita, umibig ito sa isang babaeng Pilipina na
kanyang nabuntis. Dahil may dugong bughaw, hindi puwede sa kanila ang umibig sa hindi dugong
bughaw. Dito isinilang ang isang batang lalaki na pinangalanang Jose Protacio Rizal. Dahil ang babae
ay hindi mayaman dinala niya ang bata sa mayamang pamilya ni Doñ a Teodora Realonda Alonzo at
Don Francisco Mercado. Kaya sinabi ni Jose Rizal sa kanyang isang liham na “It seems that I am an
illegitimate child of the Mercado Family cause I am the only Rizal.” Dahil tatlong araw matapos siyang
ibigay ng kanyang ina kay Don Francisco, pagbukas nila ng lampin ay may pangalan na itong Jose
Protacio Rizal. Napagtanto nina Doñ a Teodora na ang bata ay hindi isang ordinaryong bata lamang
dahil noong dalawang taong gulang pa lamang siya ay marunong na itong magbasa.
Sa murang edad ni Rizal ay mayroon na itong tatlong propesiya. Una, ang mapalaya ang nakulong
niyang ina; pangalawa gumawa siya ng rebulto ng sarili niyang imahen na nagpapahiwatig na sa
hinaharap ang lahat ng bayan sa Pilipinas ay gagawa ng kanyang imahe o rebulto para kilalanin ang
kanyang pangalan; at ikatlo, tinawag niyang Philippines in Century Hills o ang Pilipinas sa
ikasandaang taon.
Nang nabubuhay pa si Rizal, isa ang lungsod ng Dapitan sa Mindanao sa kanyang naging tahanan sa
loob ng apat na taon bago siya ipinadala sa Maynila para hatulan ng kamatayan noong 1896. Sa mga
taong ito naging malapit sa kanya ang lungsod, lalo na ang mga taong naninirahan mismo sa Barangay
Talisay. Ibinahagi niya ang kanyang mga kaalaman sa mga tao at hindi tumigil sa kanyang pagtulong
at pagsasaayos ng lugar. Naging guro siya ng mga bata at naging doktor sa lahat ng maysakit. Isa sa
kanyang inoperahan ay ang ama ni Josephine Bracken na naging kabiyak niya sa buhay at kinasama
sa Dapitan. Naging katuwang niya ang kanyang asawa sa lahat ng bagay at minsan na silang
biniyayaan ng anak ngunit nakunan si Josephine. Sa kanyang pagkamatay, hindi ito naging dahilan
para matigil ang kanyang nasimulan at hindi makalimutan ng mga tao ang kanyang mga nagawa.
Ipinagpatuloy nila ang mga nagawang ito ni Rizal at pinahalagahan ang mga bagay na kanyang
naipundar.
Isang taga-Lungsod ng Dapitan na pinangalanang Filemon O. Reambonanza ang minsang dinalaw ni
Rizal sa panaginip taong 1952. Sa unang gabing pagdalaw ni Rizal kay Filemon, higit limang beses na
nanaginip ang huli, at hanggang sa kanyang paggising ay nakita nito mismo si Rizal na nakatayo sa
kanyang paanan. Matapos ang kaganapang ito, hindi mapigilan ni Filemon na sabihin sa mga tao ang
mga nangyari sa kanya. Makalipas ang ilang araw nagpakita sa kanya ang Panginoon at nagalit ito
dahil ipinagkalat niya ang kanyang napanaginipan. Doon niya napagtanto na iisa lamang si Hesus at
si Rizal. Hindi pa binigyan ng atensyon ni Filemon ang pangyayaring iyon. Noong 1970 nangyari ulit
ang panaginip at dito na sinabi sa kanya ni Rizal na ang Espiritu ng Panginoon ay nasa kanya at
inatasan niyang si Felimon ang magbahagi ng magandang balita sa mga tao at sabihing si Rizal ang
Panginoon. Sa tulong ng boses na kanyang naririnig, nagagawa niyang magbigay ng interpretasyon
sa Bibliya. Hulyo 27, 1975 nang sinimulan niya ang pagbabahagi ng kanyang kaalaman sa mga
kasamahang panday at sinulat niya ang lahat na binigay sa kanyang karunungan. Agosto 5, 1975,
tumigil siya sa pagtatrabaho at pumunta sa Maynila para makilala ang mga nananampalataya kay
Rizal na “Watawat ng Lahi.”
Bago niya binuo ang kanilang samahan ay marami na ang kapareho nila ng paniniwala—
paniniwalang panginoon si Jose Rizal ng mga taga-Maynila na kilala sa tawag na “Watawat ng lahi” at
pinamumunuan ni Arceñ o de Guzman noong binuo niya ang grupo noong 1914. Si Arceñ o de Guzman
ay kaklase ni Jose Rizal at kauna- unahang pinakitaan ni Jose Rizal ng kanyang espiritu. Sinabi ni Jose
Rizal na siya ang Diyos at inatasan si de Guzman na bumuo ng sekta na mananampalataya sa kanya.
Sumunod naman ang mga kwento nina Parabuac, Felix Milgar ng Ozamiz, Anastasio Balase ng
Zamboanga del Norte at Ruben Ecleo Sr. ng Surigao. Nagkaraoon ng hindi pagkakaunawaan ang mga
lider na nauwi sa pagkakawatak-watak ng ibang kasapi ng samahan. Pumunta lahat ng mga lider sa
Dapitan para malaman kung sino sa kanila ang pinili ng Diyos na pasukan ng espiritu. Napili si
Filemon na pasukan ng espiritu at nanirahan sa parke sa Dapitan. Naging basehan nila ang
pagkakaroon ng Pitong Espiritu ng Panginoon na makikita kay Felimon. Ang pitong Espiritong ito ay
ang banal na dugo ni Hesus, utak o karunungan at ang limang pandama at kagustuhan ng gobyerno.
Sinasabing sa simula pa lamang ng daigdig, nang nabubuhay pa si Adan at Eba, ang Balaang Espiritu
ay nasa sa kanila na. Pagkatapos kay Adan ang mga sumunod na lalaki sa Bibliya ay pinasukan din ng
Espirtu: si Abraham, ang kilala na Father of All Nations; si Noah na gumawa ng arko; at si Hesus, ang
huling pinasukan ng Espiritu na isinaad sa Bibliya bilang anak ng Diyos at siya ang ikaanimnapu na
pinasukan ng Espiritu.
Naniwala sila na si Hesus at si Rizal ay iisa lamang sapagkat pumasok ang espirito kay Rizal. Sina
Hesus lamang at Rizal ang kanilang pinaniniwalaan at hindi ang Holy Trinity. Hindi sila naniniwala
sa Ama at Balaang Espiritu. Lahat ng kanilang pinaniniwalaan ay nakabatay sa Bibliya dahil para sa
kanila ang Bibliya ay may apat na bahagi—ang Kasaysayan, Agham, Matematika at Propesiya.
Nang umakyat na sa langit ang espiritu ni Hesukristo, sinasabing lumilipat na sa mga
maimpluwensyang tao sa mundo ang Espiritu ng Panginoon sa loob ng labimpitong taon matapos
mamatay ang taong huling pinasukan ng espiritu. Ilan sa mga pinasukan Tiberius Claudius Caesar
Augustus Germanicus (Enero 24, 41 A..D-Oktobre 13,54 A.D), si Haring Humabon ng Cebu, at si Jose
Rizal na pandalawamputpitong tao na pinasukan ng espiritu. Maliban sa mga makasaysayang nagawa
ni Rizal at mataguriang bayani, siya rin ang Third Witness of God at nagdeklara ng Mindanao is the
Land of Promise. Kaya tinawag na The Land of Promise ang Mindanao dahil
ito ang pinaniniwalaang susunod na Mesapotamia o ang banal na lugar na magiging langit sa
hinaharap. Sinasabing hindi nagkakalayo ang mga nagawa ni Jose Rizal sa mga nagawa ni Hesus
noong nabubuhay pa siya sa mundo at nagkatawang tao. Ilan sa mga ito ang pagtuturo sa mga bata
maging sa matatanda tungkol sa magandang balita, pagtulong sa kapwa sa kanilang pangangailangan
lalo na ang may mga sakit (bilang isang doktor), at ang pag-aalay ng sarili nitong buhay para iligtas
ang buhay ng karamihan, na itinuturing na makasay-sayang gawaing kinikilala hindi lamang sa
Pilipinas kundi maging sa buong mundo.
Taong 1982 nang magsimulang dumami ang mga tagasunod ni Filemon sa Dapitan at patuloy itong
dumarami hanggang taong 1992. Sa taong ito naaprubahan sa Maynila ang kanilang samahan bilang
isang organisasyon na makikita sa Mindanao na may seksyon na CN201410709 at pinangalanan
nilang Kingdom of God ang mas kilalang Rizalista o Rizalian. Kingdom of God ang kanilang
pinangalan sa kanilang organisasyon dahil sa ideya na ang Dapitan ang The Land of Promise, ang
bagong Jerusalem at Mesapotamia. Mula rin ito sa Bibliya na nangangahulugang kaharian ng Diyos.
Si Filemon O. Reambonanza, bilang pinuno ng samahan,ang nagbibigay ng mga utos at patakaran,
maging ng kanilang mga pangangailangan.
Ang salitang Rizal ay mula sa salitang Espanyol na Ricial na ibig sabihin ay field where wheat is cut
while still green, and sprouts again. Naniniwala ang mga Rizalista na matapos patayin si Jose Rizal
sa Bagumbayan, isang Rizal ang isisilang pagkaraan ng labimpitong taon mula ng kanyang
kapanganakan noong taong 1861. Pinaniniwalaan ng mga Rizalista na si Filemon, na ipinanganak
noong taong 1931, ang bagong Rizal na tulad ni Jose Rizal ay pinasukan ng Espiritu at siyang susunod
na maghahari sa buong mundo at magpapatuloy sa mga nagawa ng Panginoon. Ayon sa mga Rizalist;
ang salitang Rizal ay hindi lamang tumutukoy kay Jose Rizal dahil lahat ng tao na naniniwala kay Jose
Rizal ay matatawag na Rizal kahit pa hindi ito naniniwala na siya ay Diyos. Ang batayan ng pagiging
Rizalian ay ang pananampalataya ng isang tao at ang malalim na paniniwala na Diyos si Jose Rizal.
Kaya ang naniniwala kay Rizal bilang Jose Rizal lamang at hindi ang Rizal na Diyos ay hindi itinuturing
na Rizalista o kasapi ng samahan.
Nakabatay ang lahat ng kanilang paniniwala sa King James Version, Bibliya ng mga Katoliko dahil
sinasabi nilang malapit ito sa orihinal na bersiyon ng Bibliya at wala masyadong binago. Sa tulong na
rin ni Jose Rizal na dumadalaw sa panaginip ni Felimon, ay nabigyan ang Bibliya ng interpretasyon
na pinagbabatayan ng kanilang paniniwala.
Iba ang Rizalian ng Kingdom of God sa Talisay sa mga Rizalian na makikita sa ibang bahagi ng bansa
at iba rin ang tawag ng kanilang simbahan. Naging iba na ito sa mga grupong may kapareho nila ng
paniniwala sa dahilang nagiging tiwalag na ang ibang grupo sa totoong paniniwala nila at may
masasama nang adhikain. Ang pagkakatulad lamang nila ay ang paniniwala na si Jose Rizal ay
reinkarnasiyon ni Hesukristo. Sila ay iisa pero iba-iba ang pamamaraan ng bawat grupo sa pagsamba.
Sa Kingdom of God nakabatay lahat sa Bibliya ang kanilang paniniwala.
Bilang pinuno ng samahan, si Filemon O. Reambonanza ang nagbibigay ng mga utos at patakaran,
maging ang pagbibigay ng kanilang pangangailangan. Para mas maging madali ang gawain ni
Filemon, mayroon siyang labindalawang (12) Apostoles at labindalawang (12) pari na nagkakasal sa
kanila. Bumibisita at nag-iikot-ikot sa iba’t ibang bayan ang mga ito para magbahagi ng magandang
balita sa mga bahay-bahay.
Hindi lahat ng mga miyembro ay ipinanganak na isa nang Rizalian dahil ang iba sa kanila ay Katoliko
o may ibang relihiyong kinalakhan. Pero minsan na rin silang dinalaw ni Jose Rizal sa kanilang
panaginip o di kaya sa panahong nangangailangan sila. Katulad na lamang nang muntik nang may
namatay ay nagpakita si Jose Rizal at sinasabing humawak ito sa taong nangangailangan ng tulong
para gamutin. Dahil nasaksihan ng iba na agad namang gumaling ang mga ginagamot, nahikayat
silang sumali sa samahang Rizalian. May iba namang minana na lamang sa mga magulang ang
pagiging Rizalian. Ang iba naman ay matanda na nang sumali sa samahan. Karamihan sa mga
sumasali sa samahan ay nagmula lang din sa Lungsod ng Dapitan. Sa ngayon, tinatayang nasa
humigit-kumulang 50,000 ang mga miyembro ng Rizalian sa buong kapuluan. Nagiging daan sa
pagsali sa samahan ang tatlong bagay–panaginip, pakikinig sa radyo, at sakit.
Ngayon, itinuturing nilang Hari si Filemon O. Reambonanza o kilala sa tawag na Mahal na Hari o
Supremo dahil sa pagpasok ng espirtu sa kanya. Siya ang pinaniniwalaan nilang huling papasukan ng
espiritu sa mundo, matapos kay Jose Rizal. Bilang huling tao na pinasukan, siya rin ang The Last
Adam dahil 70 taon matapos ng kanyang kapanganakan wala nang sumunod na pinasukan ng
espiritu sa Pilipinas. Noong 2001, ang espiritu ni Adam, ang isinaad sa Bibliya na kauna-unahang
pinasukan ng espiritu ng Diyos, ay lumipat sa kanya. Dahil dito, matatawag na rin si Mahal na Haring
Filemon O. Reambonanza na Adam. Nakapag-asawa si Filemon ng limang beses. Isa rito ay namatay
na at ang apat ay kasama niya sa templo. Ang pag- aasawa ng marami ni Filemon ay hango sa pagaasawa ni Hakub ng apat. Dalawa sa kanyang asawa ay kilala sa tawag na Eba at Josephine Bracken
dahil ang dalawang babaeng ito ay pinasukan ng espiritu nina Eba at Josephine.
Binibigyang galang naman ng hindi mga Rizalian na nakatira sa lungsod ang mga paniniwala at
kulturang mayroon ang Rizalian sapagkat mayroon silang mabubuting nagawa at naiambag sa
kanilang komunidad o sa kapwa tao. Marami sa kanila ang nagsasabi na may mabubuting puso at
marunong makipagkapwa tao ang grupong ito.
3.2 GOSPEL MINISTRY OF SALVATION
- mula sa pananaliksik nina Angelica Dumasapal, Fatma M. Jamali, Josa Marie M. Labis, at Princess L.
Tado
Isang puting palasyong bahay na makikita sa Barangay Pala-o, Iligan City sa Lanao del Norte,
Mindanao. Ang nagmamay-ari sa Kingdom Filipina Hacienda ay si Dr. Salvacion Legaspi o kilala sa
tawag na “Majesty”. Sa bahay na ito nakabase ang pinaka- opisina ng isang Monarchy Government.
Tinatawag ang gobyernong ito na Gospel Ministry of Salvacion (salvation). Ayon sa nakapanayam ng
aming grupo na si Alden Kerubin, ang punong direktor ng kanilang opisina; ito ang pinakamataas na
hukom sa lahat ng hukom. Sinabi rin niyang ang opisinang ito ang pinaka- opisina, kahit pa nakaayon
ito sa palasyong nakabase sa England. Ang ilan sa mga bakanteng kwarto ng palasyong ito ay
nakalaan sa mga magiging trabahante o sa mga magtatrabaho sa palasyo. Iminumungkahing layunin
ng hukom na ito na pag-isahin at gawing isang barangay ang buong mundo, mayroon silang sariling
watawat, pera, pasaporte at plaka ng kotse. Bukod pa rito, plano ng hukumang ito na gagawa ng
sariling bangko na kung saan doon magiging epektibo ang kanilang ginawang pera.
Makikita sa kanilang pera ang larawan ng kanilang itinuturing na Majesty. Ang bawat pera ay may
partikular na larawan. Nakabatay ang larawang ito sa pitong (7) sagradong katawagan sa kanya.
Tinagurian siya bilang Queen of Salvation, Queen of South, Queen of Islam, Queen of Light, Queen of
Flowers, Queen of Motherland at ang Alpha and Omega. Sapagkat iminumungkahi ng kanilang
Majesty na pagmamay-ari niya ang Pilipinas, kaya niya gumawa ng pera at mag-imprenta nito. Bawat
isang AU dollar ay may katumbas na pitong daang piso (P700). Bukod pa rito, gumawa rin sila ng
sarili nilang watawat na kung saan ang watawat na ito ay sumisimbolo sa layunin at responsibilidad
na ayon kay Kerubin, ibinigay ng diyos kay Majesty. Ayon kay Kerubin, ang dalawang tig-aanim na
mga bituin sa itaas at ibabang bahagi ng watawat ay sumisimbolo sa labindalawang (12) tribu noong
unang panahon na binanggit sa Bibliya. Ang isang araw sa gitna ay sumisimbolo kay Majesty na siyang
magiging tagapagligtas ng buong sinasakupan. Makikita rin ang isang buwan at isang bituin sa ibabaw
na bahagi ng watawat na ayon sa nasabing impormante, ang buwan at bituin ay sinisimbolo ng Diyos.
Ang kanilang adhikain ay nakabatay sa nakasulat sa Bibliya at sa Efra Law (tumutukoy sa batas sa
mga lupain). Sinasabi ng grupong ito na ang Iligan ay ina ng lahat ng kalupaan sa mundo. Nagsimula
ang lahat ng pangyayari noong unang panahon sa lugar na ito kaya dito inilagay ang pinakabase ng
Kingdom Filipina Hacienda ni Dr. Salvacion Legazpi. Binanggit din ni Kerubin na ang Iligan ay ang
tinatawag noon na Garden of Eden. Ayon sa kanya, hinanda siya ng Panginoon upang tulungang
iligtas ang mga tao sa mundo. Kaya, inutusan siyang gumawa ng bagong mundo sa pamamagitan ng
pagbuo ng bagong gobyerno na tutulong sa mga tao upang
guminhawa ang kanilang buhay. Ang panawagang (calling) ito ayon sa kanya ay kusa niyang
naramdaman nang minsan siyang bumabasa ng Bibliya at nakita niya ang salita ng Diyos na para bang
tinatawag siya ng Banal na Ispirito para sa ganitong responsibilidad.
Ayon kay Majesty, masasabing pag-aari niya ang bansang Pilipinas dahil siya lamang ang may hawak
ng titulo nito. May pinanghahawakan siyang kasunduan o dukomento ng Treaty of Paris na nilagdaan
at inaprobahan ng lahat ng hukom. Unti-unti niyang tinitipon ang mga mahahalagang dukomentong
gagamitin niya sa pagbuo ng bagong gobyerno, bagong mundo. Una niyang magiging hakbang ay ang
paggawa ng sariling bangko na tatawagin niyang Tribunal Bank na itatayo niya sa mismong
kinatatayuan ng kanyang palasyo. Ang unang makikinabang ng bangkong ito ay ang mga naunang
miyembro o kasapi ng kanilang kaharian. Aniya, ang ID card na gawa nila ay magiging isang
pinakamahalagang bagay upang makapasok at makalabas sa bansang Pilipinas sapagkat darating ang
panahon na walang sinuman ang makakapasok at makalalabas ng bansa kung wala silang
maipapakitang ID card na katulad ng nasa larawan at maisasakatuparan lamang ito kung matutuloy
ang plano niyang isara ang bansa. Sa panahon na iyon, wala nang mga taong maghihirap sapagkat
ang pera ay hindi na po-problemahin ng mga tao at mawawala na rin ang pagsingil ng tax dahil ayon
kay Majesty, tax ang nagpapahirap sa mga tao. Ito ang lahat ng paniniwala ng miyembro ng grupo
nila.
3.3 ILAGA: ANG MGA MILITANTENG KRISTIYANO SA MINDANAW
Isinalin sa Filipino ng may-akda mula sa internet sa panayam kay Dennis Arcon, News5, 2013)
Ang ilaga sa Visayas ay nangangahulugang daga sa Filipino. Ngunit sa Mindanao, ang Ilaga na
nagsisimula sa malaking titik ay mga militanteng grupong Kristiyano na ang karamihan ay mga
magsasaka sa simula na lumaban sa mga Morong ekstrimist o Islamist, Nagsimula ang grupong ito ng
kanilang kilusan noong 1970 at lalong nakilala noong 1971 nang maibalita ang pinakamadugong
ginawa nila na pagpatay sa animnapu’t limang (65) sibilyan sa isang moske.
Isa sa pangunahing adhikain ng kilusang ito ang protektahan ang mga Kristiyanong komunidad sa
pag-atake ng mga rebeldeng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at sa New People’s Army
(NPA) na nasa Sentral Mindanao ng mga panahong iyon. Sunud-sunod ang pakikipaglaban ng kilusan
sa kanilang pinaniniwalaang sila lamang ang makaprotekta sa komunidad ng mga Kristiyano. May
mga bali-balita noon na sinusuportahan sila ng gobyerno sa pakikipaglaban sa mga rebeldeng MNLF
at NPA. Sunud-sunod din noon ang panalo ng mga Ilaga sa kalaban. Sinasabing ang kilusan ay isang
kulto, may talisman o anting-anting, di-tinatablan ng bala at higit sa lahat, kumakain ng tao.
Lumaganap noon ang balita na takot na takot sa kanila ang kanilang kalaban dahil sa sila na mismo
ang kinakain nila.
Ginamit daw sila ng pamahalaan ni dating Pangulong Ferdinand E. Marcos sa pagsugpo ng karahasan
sa Mindanaw dahil sa kakulangan ng sangay ng mga sundalo. Ngunit nang makialam na ang ibang
bansa, pinatigil na ng dating pangulo ang kilusan. Unti-unti na itong tumamlay at nawala ang
popularidad nito nang lubusan.
3.4 ANG MGA MONCADISTA
- isinalin sa Filipino ng may-akda mula sa Ethnic Group of the Philippines, 2016.
Ang Isla ng Samal ay napakagandang isla na makikita sa gulpo ng Davao. Ito ay kilala sa napakaganda
dahil sa kulay asul nitong karagatan na may puting buhangin. Noong panahon ng Komonwelt naging
mas kilala ang lugar na ito nang bumuo si Hilario Moncado ng isang sektong panrelihiyon na tinawag
niyang Filipino Crusaders World Army (FCWA). Tinawag na mga Moncadista ang mga kasapi nito
na sumunod sa katuruan ng kanilang ispiritwal na lider.
Pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, maraming mga tao mula sa iba’t ibang lugar sa
PIlipinas ang pumunta sa Samal upang maging tagasunod ng relihiyong ito at upang lalong malapit
sa punong-kwarter nila. May dalawampu’t tatlong (23) ektaryang lupa sila sa Babak at labingsiyam
(19) naman sa Limao na pinaninirahan ng mga Moncadista at pinatayuan ng tinawag nilang White
House. Ang ibang miyembro nila ay nasa Makilala, North Cotabato; Marawi City, Lanao del Sur;
Kitawtaw, Bukidnon, at sa Sudlon II. Sa Cebu ay may tatlong palapag sila na gusali na tinawag naman
nilang Moncado Hotel.
Si Hilario Moncado na taga-Bamba, Cebu ay tinawag na punong–kumander ng kanyang mga
nasasakupan. Siya ay may di-pangkaraniwang kapangyarihan na makakakita ng di-pangkaraniwang
nilalang na siya namang pinaniniwalaan ng kanyang milyon-milyong tagasunod. Ang kapangyarihang
ito ay taglay na rin ng kanyang matagal nang mga miyembro. (Batay sa karanasan ni Dr. Nerissa L.
Hufana,dating Moncadista ang asawa at pamilya nito.). Ipinanganak siya noong Nobyembre 4, 1898
at sa batang edad ay nangibang bansa-sa Hawaii at dito nagtrabaho siya sa isang plantasyon ng tubo.
Kinalaunan ay lumipat siya sa Amerika at doon nanirahan. Noong 1925, itinatag niya ang Filipino
Federation of America na naging pugad ng pagtitipon ng lahat ng mga migranting Pilipino sa buong
Amerika at Hawaii. Dalawang grupong panrelihiyon ang bumuo sa organisasyon—ang
Equifrilibricum World Religion at ang Moncadian Church of the Philippines.
Sa Isla ng Samal ang may pinakamaraming miyembro nila hanggang sa kasalukuyan.Hindi sila
kumakain ng karne ng hayop lalo na iyong may apat na paa. Nagtatanim sila ng gulay dahil ito ang
pinakaulam nila. Bawal ang panlasa sa pagkain tulad ng asin at bitsen. Kilala sila na ang kinakain kung
maaari ay hilaw na pagkain (raw food). Bilang pagsunod sa Diyos, nagpapahaba sila ng buhok at
balbas. Hindi sila naninigarlyo at nag-iinom ng alak. Ginagawa rin nila ang pag-aayuno lalo pa kung
baguhan pa sila sa federasyon para na rin daw mapalayo sa temptasyon. Ang pagsimba nila ay araw
ng Sabado at pinagbabasa sila ng Bibliya sa ilalim ng pangangasiwa ng isang ispiritwal na direktor.
Marami ring kontrobersya ang inabot ng sektong Moncadian kaya naging dahilan ng unti-unting
paglaho nito. Maraming miyembro ang bumalik sa dati nilang relihiyon at ang iba naman ay sumapi
sa mga bagong relihiyon. Nang mamatay si Hilario noong 1956, may bagong akting na presidente ang
inihalal sa isang kombensyon ng organisasyon para ipagpatuloy ang bisyon ng namatay na dating
punong-kumander.
Ngayon, ang White House na itinayo sa Isla ng Samal ay naging atraksyon na lamang sa mga turista
na bumibisita sa lugar, banyaga man o lokal. Ang estatwa ni Hilario Moncado ay nakatayo pa rin sa
Limao bilang alaala sa kanya.
3.5 PHILIPPINE BENEVOLENT MISSIONARIES ASSOCIATION
- Isinalin ng may-akda sa Filipino mula sa https//.wikipedia org>wiki>Phil
Ang Philippine Benevolent Missionaries Association, Inc. ay itinatag ni Ruben Edera Ecleo Sr.
noong 1965 sa Isla ng Dinagat sa Pilipinas. Nang mamatay si Ecleo Sr. noong 1987, humalili ang
kanyang anak na si Ruben B. Ecleo Jr. May humigit kumulang na milyong miyembro ang asosasyong
ito sa Sentral at dakong Timog ng Pilipinas at sa ibang bansa. Narehistro ito sa Securities & Exchange
Commission (SEC) sa Makati, Philippines noong Oktubre 19, 1965 sa ilalim ng Rehistrasyon blg.
28042. Ang pinakaopisina nito ay nasa San Jose sa probinsya ng Isla ng Dinagat.
Ayon sa doktrina nila, si Ecleo Sr. ay biniyayaan ng mga “boses”na makapagbabasa at makasusulat
nang mahusay sa Arabic, Hebrew, Sanskrit(sinaunang wika sa mga iskriptyur at klasikal na mga tula
ng India), at Aramaic (dayalekto sa Syria na ginamit na lingua franca sa Near East noong 6th century
B.C.. Hinay-hinay na pinalitan niya ang Hebrew na wika sa lugar na iyon at kinalaunan ay nadagdagan
ito ng Arabik.) para mainterpreta ang mga sinaunang misteryo sa buhay. May mga hula siya sa mga
darating pa na mga pangyayari. Inilarawan nila si Ecleo Sr. na katulad ni Kristo na makapagbubuhay
ng patay. Ang kakayahan daw niyang manggamot ay galing sa Banal na Ama at sa mga banal na dasal
na kanyang pinag-aralan. Sinabi ng mga tagasunod ni Ecleo Sr. na mula pagkabata ay makikita siya
sa mga lugar na nangangailangan ng tulong at sa mga taong kailangan siya. Ang mga misyonaryong
gawa niya ay umabot sa Agusan del Sur at Samar.
Sinasabing ang mga miyembro ng PBMA ay may sariling mga sandata para proteksyunan ang
kanilang lider na si Ecleo Jr. Handa silang mamatay para sa kanya. Napatunayan ito nang magkaroon
ng kaso si Ecleo Jr. dahil sa pagpatay niya sa kanyang asawa at sa iba pang kaso laban sa gobyerno.
Nagkaroon ng putukan nang ipagtanggol ng mga miyemro nito si Ecleo Jr. Marami sa mga miyembro
ang namatay. Nahatulan si Ecleo Jr. na mabilanggo sa loob ng tatlumpong (30) taon dahil sa paglabag
sa kontratang panggobyerno na may kinalaman sa pera at ikinalugi ng gobyerno. Ang kaso niyang
pagpatay ay wala pang linaw hanggang sa kasalukuyan.
Download