"COVID-19: Kalabang Walang Sandata't Panangga, Paano Ko Maiiwasan Gayong Hindi Ko Nakikita?" "Heal the world, make it a better place For you and for me and the entire human race There are people dying if you care enough for the living Make it a better place, for you and for me." Paulit-ulit na tunog ang naririnig ko mula sa munting stereo na malapit sa higaan ko. Kasabay sa pagpukaw ng aking nahihimbing na atensyon mula sa isinasatinig ng aming nakasinding telebisyon, "naitala ang pinakamaraming bagong kaso ng COVID-19 sa bansa ngayong araw at ang patuloy na paglobo nito"---iyan ang mga salitang narinig ko na siyang nagpabangon mula sa aking pagkakahiga, dahilan upang dali-dali kong panoorin ang buong detalye nito. COVID-19 ---ito ay isang bagong uri ng coronavirus na nagdudulot ng mga respiratory illnesses sa mga tao at maging sa hayop na hindi nagagamot ng kahit na anong uri ng antibiotics. Lagnat, malalang ubo at sipon, pagkasakit ng pangangatawan at sore throat ang ilan sa mga sintomas nito kung kaya't mangyari lamang na tayo'y laging mag-iingat at panatilihin ang malusog na pangangatawan. Kaya narito ang ilang mga simpleng hakbang na maaari mong gawin upang maprotektahan ang kalusugan mo at ng iba sa banta ng COVID-19. Una, hugasan nang madalas ang iyong mga kamay. Ugaliin ang puspusang paglinis ng mga kamay gamit ang hand sanitizer na may alkohol o hugasan gamit ang sabon at tubig. Ikalawa, iwasan ang paghawak sa iyong mata, ilong at bibig. Madalas nating hinahawakan ang ating mukha nang hindi namamalayan gamit ang ating mga kamay na alam nating madaling madapuan ng mikrobyo kaya maging mapagmatyag tungkol dito at iwasan ang paghawak sa iyong mata, ilong at bibig para hindi makontamina. Ikatlo, takpan ang iyong bibig at ilong tuwing uubo at babahing. Siguraduhing ikaw, at ang mga tao sa paligid mo, at sumusunod sa tamang respiratory hygiene. Ibig sabihin nito ay ang pagtakip ng bibig at ilong gamit ang loob ng siko o tisyu kapag uubo o babahing. Agad na itapon ang gamit na tisyu sa basurahang may takip at maghugas ng kamay. Ikaapat, iwasan ang matatao na lugar at malapit na pakikipagsalamuha sa taong may lagnat o ubo. Iwasan ang matataong lugar, lalo na kung and iyong edad ay 60 pataas o may dati nang karamdaman gaya ng altapresyon, diyabetis, sakit sa puso at baga o kanser. Panatilihin ang hindi bababa sa 1 metrong pagitan mula sa iyo at sa kung sinumang may lagnat o ubo. Sumunod ay ang pagpapanatili sa bahay kung ikaw ay may sakit. Manatili sa bahay kung ikaw ay may nararamdamang sakit, kahit sinat at ubo lang dahil maselan ang kalagayan ng mundo upang hindi na rin makahawa. Ikaanim, kung ikaw ay may lagnat, ubo at hirap sa pag-hinga, magpakonsulta ng maaga – kung kakayanin, tumawag muna sa ospital o health center para masabihan ka kung saan ka pupunta. At ang sumunod, alamin ang pinakabagong impormasyon tungkol sa COVID-19 mula sa mapagkakatiwalaang artoridad. Sumunod sa mga safety protocols ng gobyerno tulad ng pagsusuot ng facemask tuwing lalabas. Siguraduhing ang impormasyon ay mula sa maaasahang mga tagapagsalita tulad ng Department of Health, World Health Organization (WHO), o iyong lokal na health worker. Maging matalino rin sa mga maling impormasyon na lumalaganap sa social media. Dagdag pa rito ay ang pagpapabakuna laban sa COVID-19. Ngunit kahit na maaaring maprotektahan ka ng bakuna mula sa symptomatic, at moderate/severe COVID-19, kailangan pa ring ipagpatuloy ang mga hakbang sa paalalang ito para sa karagdagang proteksyon para sa sarili at para sa iyong pamilya laban sa COVID-19 na hindi natin nakikita.