Uploaded by Weldann Panganiban (WeweTV)

PITONG ARAW NA PANALANGIN

advertisement
PITONG ARAW NA PANALANGIN SA KARANGALAN NG
MAHAL NA BIRHEN NG SOLEDAD NG NAVOTAS
PAGSISISI
Lubhang namimighating Ina, natatalastas ko ang walang kaparang lumbay at kapait-paitang
sakit na tumagos sa masintahin Mong puso sa loob ng tatlong araw ng Iyong pangungulila sa
Iyong ginigiliw na si Hesus, nang ako ay maturuan Mo ng paghihinagpis dahil sa aking mga
kasalanan na naging dahilan ng pagkawalay Mo sa Iyong Anak. Pinagsisisihan ko ang lahat at
bawa’t kamalian ko at minamatamis kong mamatay muna sana ako bago magkasala sa Kaniya.
Mula ngayon, kaibig-ibig na Ina, ay ipinangangako ko ang pagbabagong buhay at hindi na ako
magkakasalang muli sa tulong ng Iyong mahal na Anak na dahil sa akin ay nagtiis ng di malirip
na sakit at namatay na lipos ng karuhagian. Sa Iyo naman, Ina ko, ipinagmamakaawa ko na
hingin Mo sa Kanya na pakamtan sa akin ang biyayang ito. Ipakita at ipaalala Mo ang dinalita
Mong sakit sa pangungulila upang lalong mabalino ang Kaniyang masintahing puso. Siya
nawa.
UNANG ARAW
Lubhang nahahapis na Ina ng lalong nagpakasakit na Anak, natatalastas ko ang dakila at
lubhang mahapding sakit na dinamdam ng Iyong masintahing kaluluwa, nang ibaon na ang
sugat-sugatang bangkay ng Iyong Anak sa libingan at matakpan ng mga maawaing tao ng
isang malaki at mabigat na bato. Pagkalooban Mo ako alang-alang sa sakit at pangungulila ng
masaganang biyaya at mangyaring lumambot ang matigas kong puso at matutong magbangon
sa madilim na libingan ng aking mga kasalanan at mapasama sa libingan ng Iyong mahal na
Anak, mapalibing naman ang masasamang hilig at layaw na pinipita ng katawan kong lupa, na
mangyaring makamtan ko ang buhay na walang hanggan. At kung matutungkol sa lalong
kapurihan ng Diyos, at sa kagalingan ng aking kaluluwa, ay ipagkaloob Mo sa akin ang
biyayang ninanasa ko dito sa pagnonobena. Siya nawa.
Humingi ng biyayang ibig kamtan at magdasal ng tatlong Aba Ginoong Maria.
IKALAWANG ARAW
Nalulunod sa hapis na Ina, natatanto ko ang marahas na sakit na tumimo sa Iyong puso. Na sa
pagbabalik Mo sa Iyong tahanan ay naraanan Mo ang kinatitirikan ng Krus na kinabitinan at
kinamatayan ng kaibig-ibig Mong Anak na si Hesus. Sa aba ko, kaibig-ibig na Ina at iyong Krus
na pinasan ng mahal Mong Anak sa balikat at pinasan naman ng nasugatan Mong puso ay ako
nang siyang nagbigay dahil sa aking mga kasalanang mabigat, sapagka’t sa pagtanggi kong
pasanin ang Krus dahil sa aking kalagayan at mga katungkulan ay pinanariwa kong muli ang
sakit ninyong mag-Ina. Hingin Mo sa Iyong makapangyarihang Anak na ipagkaloob sa akin ang
katapangan ng loob sa pagyakap ng krus ng mga kahirapan at makamtan ko ang korona ng
kaluwalhatian ng Diyos at kagalingan ng aking kaluluwa, at ipagkaloob sa akin ang ninanasa
kong kamtan dito sa pagnonobena. Siya nawa.
Humingi ng biyayang ibig kamtan at magdasal ng tatlong Aba Ginoong Maria.
IKATLONG ARAW
Lubhang namamanglaw na Ina ng lalong nagpakasakit na Anak, natalos ko ang walang
kawangis na kalumbayan na umapaw sa Iyong pusong mahal. Nang manaog ka sa bundok ng
Kalbaryo na ginugunam-gunam ang Iyong pagsalunga noong umagang Ikaw ay sumunod sa
Iyong lubhang mapagtiis na Anak. Sa aba ko, mapagkalingang Ina, kung matutuhan ko sanang
tangisan ang masasama kong pakikisama na ikinawawalay ko sa Diyos at dahil sa pagalinsunod sa mga masasama nilang kahatulan ay napasinsay ako sa kabulusang daan sa langit
na dapat pagpilitang tuntunin sa paghanap kay Hesus. Ipinagmamakaawa ko sa Iyo Ina Ko’t
Panginoon na hingin Mo sa Iyong mahal na Anak na bigyan ako ng kaliwanagan ng isip upang
makilala ko ang mga kapahamakang aking kinabubuliran. At kung magiging marapat sa
kapurihan Niya at sa kagalingan ng aking kaluluwa, ay ipagkaloob naman sa akin ang biyayang
ninanasa ko dito sa pagnonobena. Siya nawa.
Humingi ng biyayang ibig kamtan at magdasal ng tatlong Aba Ginoong Maria.
IKAAPAT NA ARAW
Lipos ng pighating Ina ng lalong nahirapang Anak, aling isip kaya ang makatatarok ng
kalumbayang taglay ng masintahin mong puso nang lumakad Ka sa lansangan ng kapaitan na
dinaanan ng Iyong pinahirapang Anak. Nagbabalik sa Iyong alaala at nagdudulot sa Iyong puso
ang mga sakit, kahirapan at katampalasang tiniis ng Iyong giliw na si Hesus ng Siya ay dalhin
sa pagpapakuan na siyang nagbigay ng lalong mataas na uri ng Iyong pagtitiis. Ina ko, susunsusong sakit ang nagpapahirap sa Iyong isip. At yayamang limot na limot ako ng madla,
ipinagmamakaawa ko sa Iyo, Ina ko’t Panginoon, na ilimbag Mo sa aking kaluluwa ang
Kaniyang mga kahirapan doon sa lansangan ng kapaitan, upang kung dilidilihin ko ang
maralitang pasyon ni Hesukristo, at ang Iyong kahirapan ay wala akong gagawin kundi ang
pagganti sa dimalirip Ninyong pagsinta. At kung nararapat sa lalong kaluwalhatian ng Diyos at
sa kagalingan ng aking kaluluwa, ipagkaloob mo naman sa akin ang ligayang ninanasa ko dito
sa pagnonobena. Siya nawa.
Humingi ng biyayang ibig kamtan at magdasal ng tatlong Aba Ginoong Maria.
IKALIMANG ARAW
Tigib ng hapis na Ina ng lalong nagdusang Anak, sumusubong parang tubig ang mga
kapighatian ng Iyong dalisay na puso, sapagka’t noong gabing Ikaw ay pumasok sa
tampalasang siyudad ng Herusalem ay nakita ng mga mata ng Iyong maliwanag na isip ang
sasapiting kapahamakan ng dakilang siyudad dahil sa di malirip na sakrilehiyo na ginawa sa
araw na iyon, nang pinatay ang tunay na Mesias. Sa laki ng Iyong paghihinagpis, ay nawika Mo
ito: “Kahabag-habag na Herusalem, bakit mo sinayang ang iyong kapalaran? Anong kasamaan
ang ginawa sa iyo ng Aking Anak at tinampalasan mo at pinatay?” Ipinagmamakaawa ko sa Iyo,
Ina ko’t Panginoon na hingin Mo sa Iyong mahal na Anak na pagkalooban ako ng kaliwanagan
ng isip upang makilala ko ang aking mga kasalanan gayon din naman ang parusang nararapat
sa akin at nang mapagsisihan ko nang taos. At kung nararapat sa lalong kapurihan ng Diyos at
kagalingan ng aking kaluluwa ay ipagkaloob Mo naman sa akin ang ninanasa kong kamtan dito
sa pagnonobena. Siya nawa.
Humingi ng biyayang ibig kamtan at magdasal ng tatlong Aba Ginoong Maria.
IKAANIM NA ARAW
Lubhang nahahapis na Ina ng lalong nagpakasakit na Anak, hindi kaya lalong naragdagan ang
Iyong pamamanglaw sa pagpasok Mo sa bahay sa Senakulo, sapagka’t naaalala Mo yaong
sinundang gabi na ang Iyong mahal na Anak ay kasama Mo at nakausap at saka ngayon ay
wala na Siya at iniwan Mong nalilibing sa lupa? Ina ko’t Panginoon! Ano ang dapat kong gawin
upang maaliw ang Iyong may pighating puso? Sa bagay na ito nagpaalam sa Iyo si Hesus
noong Huwebes ng gabi, sapagka’t natatalastas na kinabukasan at itatagubilin sa Iyo na ariin
Mong anak ang lahat ng tao. At yayamang ako ay siyang kahabag-habag sa lahat ng tao, ay
huwag Mo akong pabayaan at tanggapin Mo akong anak bagama’t hindi karapat-dapat. Hingin
Mo sa Diyos na habang panahon ay wala akong gawin kundi ang inaasal at ginagawa ng mga
mapapalad Mong anak at kung nararapat sa lalong kapurihan Niya at kagalingan ng aking
kaluluwa, ipagkaloob Mo naman sa akin ang biyayang ninanasa ko sa pagnonobenang ito. Siya
nawa.
Humingi ng biyayang ibig kamtan at magdasal ng tatlong Aba Ginoong Maria.
IKAPITONG ARAW
O nangungulilang Ina sa lalong kaibig-ibig na Anak! Hanggang saan sasapit ang Iyong
kapighatian at parang hindi sapat ang gayon, ay inibig Mo nang magtiis na mag-isa. Ina ko’t
Panginoon, hindi Mo ako tatanggihan sa ninanasa kong pakikisama sa Iyong mga kapighatian
na hinihingi ko sa Iyo mula sa kaibuturan niyaring puso. At habang tinatangisan Mo ang
kamatayan ng Iyong Anak, tatangisan ko naman sa piling Mo, ang naging dahilan ng Kanyang
kamatayan na walang iba kundi ang aking mga kasalanan. Ipamagitan Mo ako sa Diyos na sa
mga kahirapan at karalitaan sa buhay na ito ay huwag kong hanapin ang kaaliwan sa mga
kinapal kundi tularan ko Kayo sa Inyong pagtitiis. At kung nararapat sa lalong kapurihan ng
Diyos at kagalingan ng aking kaluluwa, ay ipagkaloob Mo naman sa akin ang biyayang
ninanasa ko sa pagnonobenang ito. Siya nawa.
Humingi ng biyayang ibig kamtan at magdasal ng tatlong Aba Ginoong Maria.
MANALANGIN TAYO
O Diyos, na sa Iyong paghihirap, ayon sa hula ng propetang si Simeon, ay tatarak ang balaraw
sa katamis-tamisang kaluluwa ng maluwalhating Birhen at Inang si Maria; Itulot Mo, sa Iyong
awa, na nawa kami, na umaalala at nakikiisa sa aming pamimintuho sa Kanyang kaluluwang
tinigib ng hapis, sa pamamagitan ng karapatan at ng panalangin ng lahat ng mga banal na tapat
na nakipagtiis sa paanan ng Krus, ay makinabang sa banal na bunga ng Mahal na Pasyon ni
Kristo, na nabubuhay at naghaharing kasama Mo sa kaisahan ng Banal na Espiritu, iisang
Diyos, magpasawalang hanggan. Siya nawa.
Sa Ngalan ng +Ama, at ng +Anak, at ng +Espiritu Santo. Amen.
BIRHEN NG SOLEDAD SA NAVOTAS
O Birhen ng Soledad
Tala naming maningning
Sa dagat na ‘ming buhay
Ika'y Ina nami’t gabay.
Pag-asa ka sa t’wina
Sa hapis ma’t ligaya
Pangamba’y nakakaya
Dahil ikaw, aming kasama.
Pananampalataya
Patatagin mo nawa
Takot ma’y nadarama
Ipagtanggol kami tuwina.
Pagmamahal mo Ina
Sa amin ipadama
Nang sa habang panahon
Buhay sa Diyos ay iayon.
Sa Krus, ipagkaisa
O Birhen ng Soledad
Maningning naming tala…
Ika'y Ina nami’t gabay!
Download