7 FILIPINO KUWARTER 1 – MODYUL 2 MELCS: • • Nahihinuha ang kalalabasan ng mga pangyayari batay sa akdang napakinggan. . (F7PN-Ic-d-2) Naipaliliwanag ang sanhi at bunga ng mga pangyayari. . (F7PB-Id-e-3) K to 12 BEC CG (Competency Code F7PN-Ic-d-2; F7PB-Id-e-3) 1 MGA KASANAYANG PAMPAGKATUTO: (PAGLINANG NG TALASALITAAN, PAG-UNAWA SA NAPAKINGGAN, PAG-UNAWA SA BINASA) A. Panimula Ang pabula ay isang maikling kuwentong kathang-isip lamang. Karaniwang isinasalaysay sa mga kabataan para aliwin gayundin ang magbigay ng pangaral. Ang mga tauhan ng kuwento ay pawang mga hayop. Mga hayop na kumakatawan o sumasagisag sa mga katangian o pag-uugali ng tao. Itinuturo ng pabula ang tama, patas, makatarungan, makataong ugali at pakikitungo sa ating kapwa. Ang mga pabula ay lumaganap dahil sa magandang aral sa buhay na ibinibigay nito. B. Alamin Paglinang ng Talasalitaan Panuto: Tukuyin ang kahulugan ng mga salita batay sa gamit ng panlapi. Hanay A Hanay B __1. nililinlang a. ang taong gagawa pa ng pandaraya __ 2. mapanlinlang b. taong mapanloko/ mapanlinlang ng kapwa. __ 3. Nilinlang c. pandaraya sa isang tao __ 4. panlilinlang d.ang taong kasalukuyang ginagawan panlilinlang __ 5. lilinlangin e. naging biktima ng mga taong mapanlinlang 2 ng Basahin at unawaing mabuti ang isang pabula ng mga Maranao. Natalo Rin Si Pilandok (Pabula) Kilala si Pilandok sa kanyang pagiging tuso at mapanlinlang. Katunayan, madalas na panlilinlang o panloloko ang ginagamit ni Pilandok sa kanyang mga laban kaya naman lagi siyang nananalo. Subalit sa pagkakataong ito, bumalik sa kanya ang mga nagawa niyang panloloko o panlilinlang kaya siya naman ang natalo. Sino kaya ang hayop na nakatalo sa kanya. Isa kaya itong malaki at makapangyarihang hayop? At sa paanong paraan kaya niya natalo ang Pilandok? Halina’t iyong alamin. Isang hapon, mainit ang sikat ng araw kaya’t nagpasya ang matalinong Pilandok na magpunta sa paborito niyang malinaw na batis upang doon magpalamig at uminom. Isang malaki at gutom na gutom na baboy-ramo pala ang nakatago sa gilid ng malalabay na puno at naghihintay ng anumang darating na maaaring makain. Nang makita niya ang Pilandok ay agad na nagningning ang kanyang mga mata. Mabilis siyang lumabas at humarang sa daraanan ng Pilandok. “Sa wakas, dumating din ang aking pagkain. Gutom na gutom na ako sa maghapong hindi pagkain, Pilandok, kaya’t humanda ka na dahil ikaw ngayon ang aking magiging hapunan,” ang tatawa-tawang sabi ng baboy-ramo. Kitang-kita ng Pilandok ang matutulis na ngipin at pangil ng baboy-ramo. Takot na takot ang Pilandok dahil alam niyang sa isang sagpang lang sa kanya ay tiyak na magkakalasog-lasog ang kanyang payat na katawan subalit hindi siya nagpahalata. “Kawawa ka naman baboy-ramo, maghapon ka na palang hindi kumakain,” ang sabi na tila awang-awa nga sa kalagayan ng kausap. “Puwede mo nga akong maging pagkain pero alam mo, sa gutom mong iyan at sa liit kong ito, tiyak na hindi ka mabubusog sa akin.” Ang dugtong pa nito. “Kung gayon, ano ang gagawin ko? Gutom na gutom na ako!” ang malakas na sigaw ng baboy-ramo. “Ha! Matutulungan kita riyan, baboy-ramo,” ang sabi ni Pilandok habang mabilis na nag-iisip. “Tao, tao ang dapat mong kainin para mabusog ka. 3 Sasamahan kita sa paghahanap ng isang taong tiyak na makabubusog sa iyo”. ang paniniyak nito. “Ano ba ang tao? Tiyak ka bang mabubusog ako sa tao?” ang tanong ng baboy-ramo. “Ang tao ang pinakamalakas na hayop sa buong mundo,” ang sagot naman ng Pilandok. “Mas malakas pa kaya sa akin?” ang tanong ng baboy-ramo habang hinihipan at pinalalaki ang kanyang dibdib. “Oo, malakas talaga ang tao subalit sa talas ng iyong mga ngipin at pangil, at sa bilis mong tumakbo, tiyak na kayang-kaya mong sagpangin at kainin ang tao,” ang pambobola pa ng Pilandok sa baboy-ramo. Nahulog na nga ang baboy-ramo sa bitag ng Pilandok. Paniwalang-paniwala ito sa kanyang matatamis na pananalita. “Kung gayon, samahan mo na ako sa tao at nang ako’y makakain na. Basta’t tandaan mo, kapag hindi ako nakakain ng tao ay ikaw pa rin ang magiging hapunan ko,” sabi ng baboy-ramo sa Pilandok. “Oo, basta, ako ang bahala sa iyo. Tiyak na mabubusog ka, kaibigan,” ang paniniyak pa ng Pilandok sa baboy-ramo. Naglakad-lakad nga ang dalawa sa kagubatan hanggang sa mapunta sila sa isang talon. Nakarinig sila ng tinig ng isang batang tila tuwang-tuwa sa paglangoy. Nakita nila ang isang batang lalaking nagtatampisaw sa batis na nasa ibaba ng talon. “Iyan, iyan na ba ang tao? Susunggaban at kakainin ko na,” ang mabilis na sabi ng baboy-ramo. “Kaibigan, hindi pa iyan ang tao. Sumisibol pa lang iyan kaya’t hindi ka pa masisiyahan diyan,” ang sagot ng pilandok. “Kung gayon, saan natin makikita ang taong gagawin kong hapunan?” ang naiinip nang tanong ng baboy-ramo. “Doon, sa gawing hilaga,” ang sagot ng Pilandok. Nakakita sila ng isang taniman ng mga kamote. May isang matandang lalaking nagtatanim. Nakabaluktot na ang likod niya at nakalalakad na lamang sa tulong ng baston. “Iyan na ba? Iyan na ba ang taong gagawin kong hapunan? Ayoko niyan, payat at ni hindi ako matitinga riyan,” ang sabi ng baboy-ramo. “Tama ka, kaibigan. Payat masyado iyan at hindi ka mabubusog diyan. Tira-tirahan na lang iyan. Hindi iyan nababagay sa isang matikas na baboy-ramong tulad mo,” ang muling sabi ng Pilandok. Galit na ang baboy-ramo.” Kung gayon, saan ko makikita ang taong kakainin ko? Gutom na gutom na ako! Niloloko mo lang yata ako eh. Ikaw na lang ang kakainin ko!” ang gigil na sabi nito sa Pilandok. “Huwag! Huwag, kaibigan. Hayun na, hayun na ang taong laan para sa iyong hapunan,” ang sabi ng Pilandok sabay turo sa isang matikas at matangkad na mangangasong naglalakad sa gilid ng gubat. “Tiyak na mabubusog ka riyan dahil malaman iyan at tiyak, hindi mo na gugustuhin pang kumain ng isang munting hayop na tulad ko pagkatapos mo siyang makain,” ang nakangising sabi ng Pilandok. “Tama ka, Pilandok. Ito na nga ang hapunan ko,” ang sigaw ng baboy-ramo sabay sugod sa nabiglang mangangaso. 4 Subalit nabigla man at natumba ang mangangaso ay mabilis pa rin itong nakabangon at napaputok ang dalang ripple kaya’t tinamaan ang baboy-ramo. Nakahinga nang maluwag ang tusong Pilandok. Ngayon siya nakadama ng matinding uhaw kaya’t naisip niyang muling bumalik sa batis upang ipagpatuloy ang naputol na paginom. Tahimik na umiinom ang Pilandok nang bigla niyang maramdamang may sumunggab sa kanyang isang paa. Paglingon niya ay nakita niya ang buwayang makailang beses na niyang nalinlang. Alam niyang galit sa kanya ang buwaya pero galit din siya rito dahil sa lagi siyang pinipigilang umiinom sa batis. Sa halip na magsisigaw sa sakit ay mabilis na umisip ng solusyon ang matalinong Pilandok. “Hay naku, kawawa naman ang buwayang ito. Hindi niya makilala ang pagkakaiba ng patpat sa paa ng isang usa,” ang tila nang-uuyam na sabi ng Pilandok. Subalit hindi siya binitawan ng buwaya. Sanay na kasi itong naiisahan ni Pilandok kaya ngayon ay natuto na siya. Baka isa na namang patibong ito ng Pilandok. Subalit hindi tumigil doon ang Pilandok. “Buwaya, bulag ka ba? Patpat lang ang kagat-kagat mo. Heto ang paa ko, o,” ang malakas na sabi niya sabay taas sa isang binti. Biglang binitawan ng buwaya ang kagat-kagat na paa ng Pilandok. Akmang susunggaban na sana nito ang isang paang itinaas ng Pilandok nang mabilis itong makalundag palayo. Sisingsisi ang buwaya, naisahan na naman siya ng matalinong Pilandok. Habang naglalakad pauwi ang pilandok ay nasalubong niya ang isang suso. Dahil maliit ang suso ay naisip ng Pilandok na kayang-kaya niyang magyabang dito. Hinamon niya ang suso sa isang karera at anong laking gulat niya nang pumayag ang suso at nagsabi pa itong kayang-kaya niyang talunin ang Pilandok. Ang hindi alam ng Pilandok ay kalat na kalat na sa kaharian ng mga hayop ang kanyang pagiging tuso o mapanlinlang kaya’t napaghandaan na ng suso ang araw na siya naman ang maaring pagdiskitahan ng Pilandok. Kinausap na niya ang kanyang mga kapatid. Magkakamukha sila at aakalain mong iisang suso lang sila dahil sa kanilang parehongparehong itsura. Nagsimula na nga ang karera. Agad umarangkada at tumakbo nang ubod bilis ang Pilandok. Subalit paghinto niya sa kalagitnaan upang silipin kung nasaan na ang kalaban ay anong laking gulat niya nang magsalita ang suso. “O, ano Pilandok, pagod ka na ba?” ang tanong nito. Gulat na gulat sa kung paanong nagawa ng suso na mauna pa sa kanya kaya’t mabilis na tumakbo uli ang Pilandok hanggang sa makarating sa dulo ng karera nang halos lumawit ang dila sa pagod. Subalit, hayun at nauna 5 na naman ang suso na ipinagbubunyi na ng ibang mga hayop bilang nagwagi. Hindi makapaniwala ang Pilandok na natalo siya ng isang suso. Natalo niya ang mabangis na baboy-ramo, natalo niya ang malaki at mahabang buwaya, minsa’y naisahan na rin niya ang isang matalinong sultan subalit, heto, siya naman ngayon ang natalo ng isang munting suso. Kinamayan niya ang suso at buong pagpapakumbaba niyang sinabi,” Suso, kung sa paanong paraan mo man ginawa iyon, tinatanggap kong tinalo mo ako. Matalino ka nga. Binabati kita at dahil diyan, ipinangangako kong iiwasan ko na ang ginagawa kong panlalamang sa kapwa.” Muling nagbunyi ang mga hayop na nakarinig kay Pilandok. II. MGA GAWAIN. Gawain I. Katangian ng mga Tauhan Isulat ang mga katangian ng mga tauhan sa pabula. Isulat ang iyong sagot sa sagutang papel. Gawain II. Tukuyin at lagyan ng tsek ( ) ang lahat ng mahahalagang kaisipang taglay ng binasa. Ekis (x) naman ang ilagay sa hindi. Bigyan ng maikling paliwanag kung bakit mahalaga ang mga kaisipang nilagyan mo ng tsek 1. May mga taong tulad ni Pilandok na manloloko o manlilinlang ng iba para sa sarili nilang kapakanan. Paliwanag: _____________________________________________________ 2. Ang salapi o pagmamahal sa salapi ay nagiging ugat o pinagsisimulan ng kasamaan sa ating mundo. Paliwanag: ______________________________________________________ 6 3. Ang isang tunay na kaibigan, nakikilala kapag ang kaibigan niya ay nalalagay na sa alanganin o kaya’y nagkakaroon ng problema. Paliwanag: ______________________________________________________ 4. “Tuso man ang matsing, napaglalalangan din” Dumating ang sandaling ang panlolokong ginagawa ni Pilandok sa iba ay bumalik din sa kanya Paliwanag: ______________________________________________________ 5. Maging matalino at kilalanin munang mabuti ang isang tao bago maniwala upang di matulad kina baboy-ramo at buwaya na naging biktima ng isang manloloko. Paliwanag: ____________________________________________________ TANDAAN Sa pagpapahayag ng sanhi at bunga, gumamit tayo ng mga pang-ugnay na pangatnig. Ang mga pangatnig o conjunction sa Ingles ay mga salitang nag-uugnay ng salita, parirala, sugnay, pangungusap at talata sa isa’t isa alinsunod sa layunin nang nagpapahayag. Sanhi- ay tumutukoy sa pinagmulan o dahilan ng isang pangyayari. Ito ay nagsasabi ng mga kadahilanan ng mga pangyayari. Narito ang mga pang-ugnay na nagpapakita ng sanhi o dahilan. • Sapagkat/pagkat • Dahil/ dahilan sa • palibhasa • kasi • naging • sanhi nito Bunga- ay ang resulta, kinalabasan o dulot ng pangyayari. Ito ang epekto ng kadahilanan ng pangyayari. Narito ang mga pang-ugnay na nagpapakita ng bunga o resulta. • kaya/kaya naman • dahil dito 7 • bunga nito • tuloy Tandaan: Hindi lahat ng sanhi at bunga ay pinagmulan ng pang-ugnay. Tunghayan ang mga halimbawa sa ibaba nakapahilig ang sanhi samantala nasalungguhitan naman ang bunga. Nalinlang ni Pilandok si baboy-ramo kaya siya di nakain nito. Hinamon ni Pilandok ng karera si suso dahil sa nautakan si Pilantok natalo ito. Batay sa mga halimbawa, ang sanhi ay ang mga dahilang pangyayari at ang bunga ay ang epektong pangyayari. Gawain III Panuto: Punan ang tsart. Isulat ang sanhi o bunga ng sumusunod na pahayag na nakasulat sa tsart na nasa ibaba. Gawin ito sa sagutang papel. Sanhi Bunga 1.Lahat ng tao ay gustong mamasyal sa SM 2.Maraming mga tao ang nagtatapon ng basura sa ilog. 3. 4. 5. Marami ang nahawaan ng COVID-19 Maraming mga tao ang nawalan ng trabaho. Maraming mga tao ang di nagsusuot ng facemask 8 Pangalan: ________________________________ Baitang at Seksyon: _________ Guro: ___________________________________ Petsa: _____________________ PAGTATAYA A. Panuto: Maghinuha sa kalalabasan ng mga pangyayari sa akdang napakinggan. Isulat ang titik ng tamang sagot sa iyong sagutang papel. 1. Kapag nalaman ng ibang hayop kung paanong namatay ang baboy-ramo dahil sa panlilinlang ni Pilandok. Ano kaya ang kanilang gagawin? a. Iiwas sila at hindi na makikipagkaibigan o lalapit kay Pilandok b. Sasaktan o gaganti sila kay Pilandok c. Pupurihin nila si Pilandok sa kanyang ginawa 2. Naisahan naman ni Pilandok ang buwaya. Ano kaya ang mangyayari sa susunod na magkrus uli ang landas ng dalawa? a. Hindi na pakakawalan nang buhay ng buwaya si Pilandok b. Muli na namang maiisahan ni Pilandok ang buwaya c. Magiging magkaibigan na si Pilandok at ang buwaya 3. “Kung gayon, saan ko makikita ang taong kakainin ko? Gutom na gutom na ako! Niloloko mo lang yata ako eh.” Sa pananalita ng baboy-ramo, ating mahihinuha na siya ay… a. galit na galit b. nagbabanta c. napapagod 4. Sa iyong pananaw, bakit kaya hindi binitawan ng buwaya ang paa ni Pilandok nang una nitong sunggaban? a. Dahil gutom na gutom ang buwaya. b. Dahil galit na galit ang buwaya. c. Dahil sanay na kasi itong naiisahan. 5. Sa tingin mo, ano kaya ang magiging reaksyon at gagawin ni Pilandok matapos nitong matalo sa karera laban sa maliit na suso? a. Magagalit si Pilandok. b. Hahamunin muli ang maliit na suso sa isang karera. c. Tatanggapin ang pagkatalo at iiwasan na nito ang panlilinlang 6. Bakit kaya hinamon ni Pilandok ang maliit na suso sa isang karera? a. Nagmayabang at minaliit ni Pilandok ang kakayahan ng isang suso. b. Upang maipakita sa lahat ng mga hayop na siya ay mabilis. c. Dahil sa kagustuhan nitong matalo ang maliit na suso. 7. Sa pagkatalo ni Pilandok sa isang maliit na suso, ano ang mensaheng ibig nitong ipabatid? 9 a. Ang panlilinlang ay nakatutulong sa pang-unlad ng buhay. b. Dapat nating ipagmalaki ang kakayahang mambola sa kapwa. c. Ang anumang gawin mo sa kapwa mo, babalik at babalik din sa iyo. 8. Sa tingin mo, ano kaya ang magiging reaksyon at gagawin ni Pilandok matapos nitong matalo sa karera laban sa maliit na suso? a. Magagalit si Pilandok. b. Tatanggapin ang pagkatalo at iiwasan na nito ang panlilinlang. c. Hahamunin muli ang maliit na suso sa isang karera. 9. Sa palagay mo, sa paanong paraan kaya natalo ng suso si Pilandok? a. Kinausap ng suso ang mga magkakamukhang kapatid at aakalain na iisang suso lang sila. b. Mabilis ang pagtakbo ng suso hanggang natalo nito si Pilandok. c. Sumakay ang suso sa isang ibon upang mauna itong makarating sa dulo. 10. Kung mayroon kang kakilala na may katangian na kagaya ni Pilandok, paano mo siya matutulungang magbago? a. Sa tusong paraan ko tutulungan upang malaman niya ang kanyang ginagawa. b. Isusumbong sa punong barangay. c. Papayuhan at aawatin ko ang pambobola. B. Isulat ang mahahalagang kaisipan. 1.Kung ikaw si Pilandok, ipagpapatuloy mo ba ang panlilinlang sa kapwa? Bakit? Maituturing mo bang tagumpay ang pagiging tuso at mambobola? Ipaliwanag ang sagot. (5 Puntos) C. Gumawa ng isang talatang nagpapahayag ng saloobin tungkol sa paksang “CRUELTY TO ANIMALS”. Paano ito maiiwasan? Gumamit ng mga pahayag na nagpapakita ng sanhi at bunga. Rubriks 5 Pamantayan 4 3 2 Nilalaman Wastong gamit ng mga salita. Nailalahad nang maayos ang kaisipan tungkol sa paksa 5-Pinakamahusay 4- mahusay 3- katanggap-tanggap 2- mapaghuhusay 1- Nangangailangan pa ng mga pantulong na pansanay 10 1 SUSI SA PAGWAWASTO (PARA SA MAG-AARAL) Paglinang ng Talasalitaan 1.d 2. b 3.e 4.c 5. a Gawain I. Katangian ng mga Tauhan Ayon sa opinyon ng mag-aaral ang kasagutan. Gawain II. 1. 2. x 3. x 4. 5. Gawain III Ayon sa opinyon ng mag-aaral ang kasagutan. Mga Sanggunian: Dayag.Baisa-Julian Lontoc Esguera, Pinagyamang Pluma 7, Quezon City, Phoenix Publising House, Inc. Catrina S. Auguis, Filipino 7 Unang Markahan, Modyul - 4 Sanhi at Bunga ng mga Pangyayari Rosemarie Jean O. Tongol, Filipino 7 Unang Markahan - Modyul 3 Paghihinuha sa kalalabasan ng mga Pangyayari Batay sa Akda https://www.scribd.com/document/452278568/1-2-PABULA 11