REPLEKSYON Ang wika ay ang pangunahing paraan ng pagkakaintindihan at kommunikasyon sa pagitan ng mga indibidwal sa lipunan. Ito’y instrumento na nagagamit natin sa pag-uusap, paglalahad ng ideya, damdamin, o kaisipan, pagsusulat, pagbabasa, at iba pa. Ang wika rin ang nagsisilbing tulay at nagkokonekta sa atin patungo sa ibang mga wika at diyalekto. Ang wikang Filipino ay isa rin sa pinaka-iingatang kayamanan ng ating bansa dahil ito’y may mahaba at dakilang parte sa ating kasaysayan at kultura. Sa mga hindi maiiwasang pagbabago ng panahon tulad ng globalisasyon at pagunlad ng ating bansa, minsan ay nakakalimutan na natin tumingin sa ating pinaggalingang wika kapalit ng mga dayuhang wika tulad ng wikang Ingles. Ang wika rin ay nagiging batayan, minsan ay hinuhusgahan natin ang isa batay sa kanilang wikang ginagamit, tulad ng pagpapalagay na ang isang tao na nagsasalita ng ingles ay matalino. Walang mali sa pag-aaral at paggamit ng ibang wika ngunit dapat ay pahalagahan parin natin ang ating pambansang wikang kinalakihan. Nakakatuwa dahil ayon sa bidyo ay may mga organisasyon na kumokolekta at nag-aalaga sa mga panitikang Filipino na nailimbag. Ito’y napakalaking tulong sa pagpoprotekta sa ating malawak na kasaysayan at kultura. Ito rin ay dagdag seguridad na ang ating kasaysayan ay aabot pa sa mga susunod na henerasyon. Kung bubusisiin at aaralin natin ang wikang Filipino o iba mang mga wika at diyalekto, limpak-limpak na impormasyon ang makukuha natin patungkol sa bansa, lipunan, o grupo na gumagamit nito dahil ang wika nga ang nagbibigay sa kanila ng pagkakakilanlan. Sa aking palagay, kung mas papalaguin pa ang paggamit sa wikang Filipino at ipagmamalaki natin ito, magiging madali na lamang ang pamamamalagi nito sa hinaharap sa kabila ng mga pagbabago sa paligid.