PAKSA: LEGALISASYON NG ABORSYON SA PILIPINAS DALAWANG PANIG: SANG-AYON DI SANG- AYON Magandang hapon po sa inyong lahat! Narito po ang aming pangkat upang magbigay ng mga ideya at opinion patungkol sa paksang “Legalisasyon ng Aborsyon sa Pilipinas” na pumapasok sa Indibidwal na Karapatan- Karapatang Panlipunan. Ito ay ang karapatan ng tao na mabuhay sa isang lipunan at upang isulong ang kanyang kapakanan. Narito ang dalawang panig. Sa panig na sang-ayon ay ako, si Bb. Collantes kasama si Bb. Castillo. At para naman sa panig na di sang-ayon ay sina G. Tenorio at G. Victor. Mula sa panig na sang-ayon ay sisimulan ni Bb. Castillo ang talakayan. Sang-ayon: Sang-ayon ako sa legalisasyon ng aborsyon dahil may karapatan ang kababaihan na magpasya sa kanilang pagbubuntis. Ayon sa datos ng Philippine Statistics Authority, isa sa bawat tatlong panganganak ay hindi planado. Kabilang na dito ang mga kababaihang nabiktima ng rape at napilitang ipagpatuloy ang kanilang pagbubuntis. Ang pagkakaroon ng ligtas at legal na paraan ng aborsyon ay hindi lamang makakapagsigurado sa kaligtasan ng kalusugan ng ating mga kababaihan kundi mababawasan din ang pagdami ng mga kabataang inaabandona dahil sa unwanted pregnancy. Di sang-ayon: Hindi ako sang ayon bagkus naniniwala ako na dapat bigyan ng pagkakataong mabuhay ang bawat isa, at naniniwala ako na responsibilidad ng nagtalik na buhayin at bigyan ng matiwasay na pamumuhay ang mabubuong bata. Ayon sa Presidential Decree No. 603: The Child and Youth Welfare Code Article 3. Rights of the Child. Ang bawat bata ay pinagkalooban ng dignidad at halaga ng isang tao mula sa sandali ng kanyang paglilihi, tulad ng karaniwang tinatanggap sa medikal na pananalita, at, samakatuwid, ay may karapatang maisilang nang maayos. Kung kaya’t hindi dapat gawing legal ang aborsyon sa ating bansa. Sa katunayan kinikilala ng Penal Code ang aborsyon bilang isang kriminal na pagkakasala, na may parusang hanggang anim na taong pagkakulong. Sang-ayon: Hindi lingid sa ating kaalaman na ang aborsyon sa ilalim ng anumang sirkumstansya ay isang krimen sa ating bansa. Sa ilalim ng penal code ng bansa, nananatiling ipinagbabawal ang proseso ng aborsyon. Ang legalisasyon ng aborsyon ay dapat na talakayin at lubusang masuri dahil hindi lamang dapat pagtuonan ang mga karapatan ng hindi pa isinisilang na bata kundi pati na rin ang mga karapatan ng kababaihan sa kanyang sariling katawan at pertilidad. Ang konserbatibong pananaw ng bansa sa aborsyon bilang isang ilegal na gawain na walang malinaw na eksempsyon kahit na sa mga kaso ng pagbubuntis na nagsasapanganib sa buhay o kalusugan ng babae, ang mga resulta ng panggagahasa o incest, at ang mga may kinalaman sa fetal impairment ay lumalabag sa karapatan ng isang babae sa kanyang sariling katawan. Kung ang aborsyon ay itinuring na isang kriminal na pagkakasala dahil sa paglabag nito sa kalusugan, kaligtasan at karapatang pantao ng mga bata; paano naman ang karapatan na dapat ay tinatamasa ng kababaihan bilang isang miyembro ng lipunan?