Aralin Unang Linggo: Kaligirang Pangkasaysayan ng 1 El Filibusterismo https://www.facebook.com/f1l1p1n0y/posts/kaligirang-pangkasaysayan-ng-elfilibusterismo-ang-ikalawang-nobela-ni-dr-jose-r/1915040508538489/ KALIGIRANG PANGKASAYSAYAN NG EL FILIBUSTERISMO • Ang ikalawang nobela ni Dr. Jose Rizal na El Filibusterismo, ang sikwel o karugtong ng Noli Me Tangere, ay sinimulan niyang isulat sa kaniyang tinubuang Calamba noong Oktubre, 1887, sa kaparehong taon kung kailan natapos ang manuskripto at maipalimbag ang kaniyang unang nobela. Makalipas ang halos isang taon, 1888, nirebisa ni Dr. Rizal sa London ang halos lahat ng naisulat na niya sa ikalawang nobela. Gayunman, may mangilan-ilang sanggunian ang nagsasabing nasimulan niyang isulat ito sa London habang tinatapos pa niya ang pagsusulat ng Noli Me Tangere. Kung pagbabatayan naman ang talambuhay ni Dr. Rizal, tumataliwas ang pahayag na ito dahil hindi man lámang nabanggit ang London sa mga bayang pinuntahan ni Dr. Rizal hábang sinusulat pa niya ang kaniyang unang nobela. Ayon sa aklat na “Rizal’s Life, Works, and Writings” ni G. Gregorio F. Zaide, sinimulang isulat ni Dr. Rizal ang unang mga kabanata ng Noli Me Tangere sa Madrid, Espanya noong 1884; ipinagpatuloy niya ito sa Paris, Pransiya; maging sa Wilhelmsfeld, Alemanya sa mga buwang Abril–Hunyo; at tinapos sa Berlin, Alemanya sa hulíng mga buwan ng 1886 at ipinalimbag sa Berliner Buchcdrukrei Actien Gesselchaft noong 29 Marso 1887 sa halagang Php300 para sa 2,000 kopya. Samantalà, ipinagpatuloy naman niya ang pagsusulat ng El Filibusterismo sa Paris, Madrid, at Biarritz, Pransiya. Mapapansing iba-ibang lugar ang napuntahan ni Dr. Rizal hábang sinusulat pa niya ang kaniyang mga nobela. Para sa Noli Me Tangere, ang mga dahilan ay may kinalaman sa kaniyang pamamasyal sa iba’t ibang bansa at sa kaniyang propesyon. Samantalà, mula sa Biarritz, Pransiya kung saan niya tinapos ang pagsusulat ng ikalawang nobela ay lumipat naman siya sa Ghent, Belgium dahil sa dalawang bagay: (1) makaiwas kay Suzanne Jacoby na kaniyang sinisinta nang mga oras na iyon, at (2) higit na mababà ang halaga ng palimbagan sa nasabing lugar. Bakit niya iniiwasan si Suzanne Jacoby sa mga sandaling iyon kung tunay niya itong sinisinta? Sa kabila ng silakbo ng pagmamahal, kinailangan niyang pigilin ang kaniyang damdamin para kay Suzanne Jacoby alang-alang sa maalab niyang pag-ibig sa Filipinas. Isinakripisyo ni Dr. Rizal ang kaniyang nararamdaman sa isang babae―ang kaniyang personal na pangangailangan―dahil higit na kailangan siya ng kaniyang mga kababayang patuloy na nagtitiis sa panlalapastangan ng mga Espanyol. Dahil na rin sa nagsilbing aral para sa kaniya ang masaklap na mga karanasan sa pagpalalathala ng Noli, nanirahan siya sa masikip na kuwarto ng kaniyang kaibigang si Jose Alejandrino para lámang maipalimbag ang kaniyang El Filibusterismo sa F. MeyerVan Loo Press, No. 66 Viaanderen Street, Ghent, Belgium. Ayon sa isa sa mga anekdota ni Jose Alejandrino para kay Dr. Rizal, labis-labis ang pagtitipid na ginawa nito para lámang maging matagumpay ang pagpapalimbag ng El Filibusterismo. Ayon kay G. Alejandrino, sang-ayon sa aklat muli na “Rizal’s Life, Works, and Writings” ni G. Gregorio F. Zaide, ang tinutuluyan nilang apartment ay may sariling canteen pero sa halip na kumain doon, dahil sa mas mapapamahal sila, ay bumili na lámang si Rizal ng isang latang biskuwit at ilang kape para sa mga almusal nilang dalawa sa loob ng isang buwan. Ang ginawa pa ni Dr. Rizal, hinati niya nang pantay para sa kanilang dalawa ang mga biskuwit. Si G. Alejandrino, dahil sa hindi nakasusunod sa kaniyang rasyon o kung ilang biskuwit lámang ang kaniyang kailangang kainin sa isang araw ay halos maubos na ang kaniyang mga biskuwit sa loob lámang ng kalahating buwan. Samantalà, si Dr. Rizal ay nagawa mismong tipirin ang sarili sa pagkain para lámang maipalimbag ang kaniyang nobela. Subalit sa hindi magandang palad, tulad sa mga nangyari sa kaniya hábang ipinapalathala ang unang nobela, muli na namang kinapos sa salapi si Dr. Rizal. Naubos na ang perang nakuha mulâ sa pagsangla niya sa kaniyang mga alahas. [Hindi lámang nabanggit kung may kinita siya mulâ sa mga pinagbilhan ng kaniyang unang nobela.] Muli na naman siyang humingi ng tulong sa kaniyang mga kaibigan ngunit natalagan bago dumating kaya noong 6 Agosto 1891 ay itinigil ang paglilimbag sa nobela na noo’y nasa ika-112 pahina na. Hindi nagtagal, tulad muli sa mga nangyari hábang ipinapalimbag ang Noli, ay dumating ang salaping kailangan ni Dr. Rizal mulâ sa isa sa kaniyang mga kaibigan na si Valentin Ventura na noo’y nása Paris. Sa tulong ng sugo ng Diyos, ang ikalawang nobela ni Dr. Rizal ay natapos sa pagpapalimbag noong 18 Setyembre 1891. • Ang El Filibusterismo ay binigyan ng iba’t ibang saling-pamagat. Sa wikang Ingles, ito ay isinalin bilang “The Filibustering”. May salin din ito sa wikang Ingles na ang pamagat ay “The Reign of Greed” na tinumbasan naman sa wikang Tagalog ng “Ang Paghahari ng Kasakiman”. Sa ibang aklat sa wikang Ingles, ito ay “The Subversive” na ang salin naman sa wikang Filipino ay “Ang Subersibo”. Anuman ang pamagat, ang salitang filibusterismo ay nanggaling sa salitang Kastila na “filibustero” na hiniram naman sa salitang Pranses na “flibustier” na tumutukoy sa sumusunod na mga kahulugan: pirata (pirate), isang taong mangingikil ng buwis o pag-aari ng iba (plunderer), at isang táong may kinalaman sa rebolusyon o pumupunta pa sa ibang bayan para suportahan ang isang pag-aaklas (freebooter). Ayon mismo kay Dr. Jose Rizal, na mababasa rin sa ginawang introduksiyon ng kaibigan niyang si Ferdinand Blumentritt para sa kaniyang ikalawang nobela, ang “filibustero” ay nangangahulugang “mapanganib na taong (makabayan) mamamatay kahit na anong oras”. Ito ang kontekstuwal na pagpapakahulugan ng mga Espanyol at ilang Filipino noon na nakaaalam ng salitang ito. Unang pagkakataon na narinig ito ni Dr. Rizal ay noong binitay ang tatlong paring martir dahil sa pagkakadawit sa Cavite Munity. Labis-labis na pagkabalisa ang idinulot ng salitang ito sa mga Pilipino maging sa mga nakapag-aral dahil ito ay parang parusang bigla na lámang ipapataw ng mga Espanyol sa sinumang Pilipinong nais nilang mamatay. Dahil dito, ipinagbawal mismo ni Francisco Mercado, ama ni Dr. Rizal, ang pagbanggit ng mapanganib na salitang ito, maging ng mga salitang “Cavite” at “Burgos” (isa sa tatlong paring martir na kaibigan ng kapatid ni Dr. Rizal na si Paciano), dahilan para kakaunti lámang ang nakaaalam ng salitang ito. • Labing-isang taóng gulang pa lámang noon si Dr. Rizal nang masaksihan niya ang kalunos-lunos na pagbitay sa tatlong paring martir, ang GOMBURZA, na sina Mariano Gomez de los Angeles, Jose Apolonio Burgos y Garcia, at Jacinto Zamora y del Rosario. Marami ang nalungkot at marami ang nagalit dahil pinatay ang tatlong paring inosente na dinawit lámang sa Cavite Mutiny. Ang Cavite Mutiny ay ang pag-aaklas noon sa Cavite ng tinatayang 200 pinagsama-samang manggagawang Pilipino dahil sa sapilitang paggawa o polo y servicio at pagkakaltas ng buwis ng mga Espanyol. Gayunman, ang pag-aaklas na ito ay hindi naging matagumpay dahil lahat ng nagsipag-aklas ay hinuli, pinarusahan at pinatay. Sinuman ang sumubok na sumuporta at tumulong sa pag-aaklas ay parehong kapalaran ang sinasapit. Dahil sa maraming Espanyol, lalong-lalo na ang mga prayle, ang galit at naiinggit sa GOMBURZA, idinawit nila ang tatlong pari bilang mga filibustero. Sila ay binitay sa pamamagitan ng garote sa Bagumbayan (ngayon ay Luneta Park) noong 17 Pebrero 1872. Ang karumal-dumal na pangyayaring iyon, kahit maraming taon na ang lumipas, ay kumintal sa isipan at bumiyak sa puso ni Dr. Rizal kayâ ang GOMBURZA ang kaniyang pinag-alayan ng pagsusulat ng nobelang El Filibusterismo. Gayumpaman, nang isulat ni Dr. Rizal ang dedikasyon sa nobela ay nagkaroon ng kaunting pagkakamali ang bayani. Sa kaniyang orihinal na sipi, naisulat niya na binitay ang GOMBURZA noong 22 Pebrero 1872 at hindi 17 Pebrero 1872 na siyang talâng pangkasaysayan. Maging sa pagsasáma ng edad ng tatlong paring martir ay nagkaroon ng dalumat: si Mariano Gomez na namatay sa edad na 72 ay nailahad ni Dr. Rizal ng 85 taóng gulang; si Jose Burgos, ayon sa bayani ay namatay sa edad na 30 pero ayon naman sa mga historyador ay 35 taóng gulang; at si Jacinto Zamora naman ay namatay sa edad na 36 pero ayon kay Dr. Rizal ay 35 taóng gulang. • Tulad sa nabanggit sa unang bahagi ng tekstong ito: nirebisa ni Dr. Rizal sa London ang halos lahat ng naisulat na niya sa ikalawang nobela noong 1888. Ito ay may kinalaman mismo sa kaniyang naging mga inspirasyon sa pagsusulat; ngunit naiiba sa mga inspirasyon ng ibang manunulat: ang kaniyang masasakit na karanasan sa totoong búhay dahilan para maging mabigat ang mga emosyon at mga pangyayaring mayroon sa El Filibusterismo. Ang mga ito ay ang mga sumusunod: (1) ang pagmamalupit ng mga paring Dominiko sa mga magsasaka ng Calamba at sa kaniyang pamilya―matutunghayan sa Kabanata 4; (2) ang pagkamatay ng dalawang Filipino sa Madrid na sina Felicisimo Gonzales at ang kaibigan niyang si Jose Maria Panganiban; (3) ang away nilang dalawa ni [Heneral] Antonio Luna dahil sa isang babae, si Nelly Bousted; (4) ang tunggalian sa pagitan nila ni Marcelo H. del Pilar sa pamumuno ng samahán ng mga Kastila at mga Filipino sa Espanya―mababása sa unang mga bahagi ng nobela ukol sa pagpapatayo ng Akademya ng wikang Kastila; at (5) ang pagpapakasal ng kaniyang kasintahang si Leonor Rivera sa isang inhinyerong Ingles na si Henry C. Kipping―matutunghayan sa hulíng mga bahagi ng nobela, sa kabanata kung saan nagpakasal si Paulita Gomez kay Juanito Pelaez. • Tulad sa Noli Me Tangere, ang ilang tauhan sa nobelang ito ay hinango mismo ni Dr. Rizal sa tunay na buhay: (1) ang ginagalang na paring Pilipino na si Padre Florentino ay walang iba kundi si Padre Leoncio Lopez na malapit na kaibigang pari ni Dr. Rizal; si Isagani ay si Vicente Ilustre na isang makata; si Paulita Gomez ay si Leonor Rivera, ang pinsan ni Dr. Rizal na naging kasintahan niya, si Leonor Rivera din si Maria Clara sa Noli Me Tangere, mapapansin na magkaiba ang mga katangian nina Maria Clara at Paulita Gomez pero pareho lamang hinalaw sa iisang tao; si Simoun, ang pangunahing tauhan, ay walang iba kundi si Simon Bolivar, ang tagapagpalaya ng Katimugang Amerika mulâ sa pananakop ng Espanya; si Padre Salvi ay si Padre Antonio Piernavieja; si Donya Victorina ay si Donya Agustina Medel; at si Kapitan Tiago ay si Kapitan Hilario Sunico. • Para sa inyo, alin nga ba ang superyor o mas nakaaangat: ang Noli Me Tangere ba o ang El Filibusterismo? Sa bagay na ito, nahati ang mga opinyon ng mga kaibigan ni Dr. Jose Rizal. Para kina Ferdinand Blumentritt, Graciano Lopez-Jaena, Dr. Rafael Palma (kapatid ni Jose Palma na siyang nagsatitik ng “Lupang Hinirang”), at marami pang iba, ang higit na nakaaangat ay ang El Filibusterismo. Para naman kina Marcelo H. del Pilar, Wenceslao Retana (hindi siya kaibigan ni Dr. Rizal, sa katunayan ay isa siya sa mga Espanyol na bumatikos sa Noli Me Tangere at nakaaway mismo ng bayani pero nang mamatay si Dr. Rizal ay doon siya labis na humanga rito at siya ang kauna-unahang gumawa ng talambuhay ng bayani), at maging kay Dr. Jose Rizal, ang superyor ay ang Noli Me Tangere. Sang-ayon mismo kay Dr. Rizal, siya ay nakaramdam ng tabang (grain of salt) o tampo sa mga nagsabing mas nakaaangat ang kaniyang ikalawang nobela. Bakit niya kung gayon sinulat ang Fili na may mabibigat at masasakit na tema kung lalabas lámang ang kaniyang pagkaromantiko at maginoo gaya kay Crisostomo Ibarra ng Noli? Ang kaniyang dahilan ay gisingin ang kaniyang mga kababayan ngunit hindî niya nais na mag-aklas ang mga ito gaya ng mga katipunero; kayâ nga pinatay niya ang karakter ni Simoun dahil para kay Dr. Rizal, walang magandang dulot ang paggamit ng dahas. Sa kabila ng kaniya-kaniyang opinyon, dumating naman ang pinakamagandang reaksiyon mulâ sa isa sa mga kaibigan ng bayani, si Mariano Ponce: “It is, indeed, excellent. I can say nothing of your book, but this: it is really marvelous like all the brilliant productions of your pen. It is a true TWIN of the Noli.” Aralin Ikalawang Linggo: 2 Buod ng El Filibusterismo El filibusterismo - Wikipedia, ang malayang ensiklopedya El filibusterismo Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya Ang nobelang El filibusterismo (literal na "Ang Pilibusterismo") o Ang Paghahari ng Kasakiman[1] ay ang pangalawang nobelang isinulat ng pambansang bayani ng Pilipinas na si José Rizal, na kaniyang buong pusong inialay sa tatlong paring martir na lalong kilala sa bansag na Gomburza o Gomez, Burgos, at Zamora.[2] Ito ang karugtong o sikwel sa Noli Me Tangere at tulad sa Noli, nagdanas si Rizal ng hírap habang sinusulat ito at,[3] tulad din nito, nakasulat ito sa Kastila. Sinimulan niya ang akda noong Oktubre ng 1887 habang nagpapraktis ng medisina sa Calamba. Sa Londres, noong 1888, gumawa siya ng maraming pagbabago sa plot at pinagbuti niya ang ilang mga kabanata. Ipinagpatuloy ni Rizal ang pagtatrabaho sa kaniyang manuskrito habang naninirahan sa Paris, Madrid, at Bruselas, at nakompleto niya ito noong 29 Marso 1891, sa Biarritz. Inilathala ito sa taon ding iyon sa Gante. Isang nagngangalang Valentin Ventura na isa niyang kaibigan ang nagpahiram ng pera sa kanya upang maipalimbag at mailathala ng maayos ang aklat noong 22 Setyembre 1891.[kailangan ng sanggunian] Ang nasabing nobela ay pampolitika na nagpapadama, nagpapahiwatig at nagpapagising pang lalo sa maalab na hangaring makapagtamo ng tunay na kalayaan at karapatan ng bayan.[kailangan ng sanggunian] Mga tauhan Ito ang mga tauhan sa El filibusterismo ni Jose Rizal.[4] Simoun - ang mayamang mag-aalahas, na nakasalaming may kulay, na umano'y tagapayo ng Kapitan Heneral ngunit siya ay si Juan Crisostomo Ibarra na nagbalik upang maghiganti sa kanyang mga kaaway. Isagani - ang makatang kasintahan ni Paulita, pamangkin ni Padre Florentino. Basilio - ang mag-aarál ng medisina at kasintahan ni Juli. Kabesang Tales - ang naghahangad ng karapatan sa pagmamay-ari ng lupang sinasaka na inaangkin ng mga prayle. Tandang Selo - ama ni Kabesang Tales na nabaril ng kaniyang sariling apo. Senyor Pasta - Ang tagapayo ng mga prayle sa mga suliraning legal. Ben Zayb - ang mamamahayag sa pahayagan na si Ibañez. Placido Penitente - ang mag-aaral na nawalan ng ganang mag-aral sanhi ng suliraning pampaaralan. Padre Camorra - ang mukhang artilyerong pari. Padre Fernandez - ang paring Dominikong may malayang paninindigan. Padre Salvi - ang paring Franciscanong dating kura ng bayan ng San Diego. Padre Florentino - ang amain ni Isagani Don Custodio - ang kilalá sa tawag na Buena Tinta Padre Irene - ang kaanib ng mga kabataan sa pagtatatag ng Akademya ng Wikang Kastila Juanito Pelaez - ang mag-aarál na kinagigiliwan ng mga propesor; nabibilang sa kilalang angkang may dugóng Kastila Macaraig/Makaraig - ang mayamang mag-aaral na masigasig na nakikipaglaban para sa pagtatatag ng Akademya ng Wikang Kastila ngunit biglang nawala sa oras ng kagipitan. Sandoval - ang kawaning Kastila na sang-ayon o panig sa ipinaglalaban ng mga mag-aaral Donya Victorina - ang mapagpanggap na isang Europea ngunit isa namang Pilipina; tiyahin ni Paulita. Paulita Gomez - kasintahan ni Isagani ngunit nagpakasal kay Juanito Pelaez. Quiroga - isang mangangalakal na Intsik na nais magkaroon ng konsulado sa Pilipinas. Juli - anak ni Kabesang Tales at katipan ni Basilio. Hermana Bali - naghimok kay Juli upang humingi ng tulong kay Padre Camorra. Hermana Penchang - ang mayaman at madasaling babae na pinaglilingkuran ni Juli. Ginoong Leeds - ang misteryosong Amerikanong nagtatanghal sa perya. Imuthis - ang mahiwagang ulo sa palabas ni Ginoong Leeds Pepay - ang mananayaw na sinasabing matalik na kaibígan daw ni Don Custodio. Camaroncocido - isang espanyol na ikinahihiya ng kanyang mga kalahi dahil sa kanyang panlabas na anyo. Tiyo Kiko - matalik na kaibígan ni Camaroncocido. Gertrude - mang-aawit sa palabas. Paciano Gomez - kapatid ni Paulita. Don Tiburcio - asawa ni Donya Victorina. Buod Nagsimula ito sa isang paglalakbay ng bapor sa pagitan ng Maynila at Laguna. Kabilang sa mga pasahero ang mag-aalahas na si Simoun, si Isagani, at si Basilio. Labintatlong taon na ang nakalipas mula nang mamatay si Elias at si Sisa. Nakarating si Basilio sa San Diego at sa isang makasaysayang pagtatagpo ay nakita niya si Simoun na pagdalaw sa libingan ng kanyang ina sa loob ng libingan ng mga Ibarra. Nakilala niyang si Simoun ay si Ibarra na nagbabalatkayo; Upang maitago ang ganitong lihim, ay tinangka ni Simoun na patayin si Basilio. Nang hindi ito naituloy ay hinikayat niya ang binata na makiisa sa kanyang layuning maghiganti sa Pamahalaang Kastila. Si Basilio ay tumanggi dahil gusto niyang matapos ang kanyang pag-aaral. Habang ang Kapitan Heneral ay nagliliwaliw sa Los Baños, ang mga estudyanteng Pilipino ay naghain ng isang kahilingan sa Kanya upang magtatag ng isang Akademya ng Wikang Kastila. Ang kahilingang ito ay di napagtibay sapagkat napag-alamang ang mamamahala sa akademyang ito ay mga prayle. Sa gayon, sila'y di magkakaroon ng karapatang makapangyari sa anupamang pamalakad ng nasabing akademya. Samantala, si Simuon ay nakipagkita kay Basilio at muling hinikayat ang binatang umanib sa binabalak niyang paghihimagsik at manggulo sa isang pulutong na sapilitang magbubukas sa kumbento ng Sta. Clara upang agawin si Maria Clara. Subalit hindi naibunsod ang ganitong gawain dahil sa si Maria Clara'y namatay na nang hápong yaon. Ang mga estudyante naman, upang makapaglubag ang kanilang samâ ng loob ukol sa kabiguang natamo, ay nagdaos ng isang salusalo sa Panciteria Macanista de Buen Gusto. Sa mga talumpating binigkas habang sila'y nagsisikain ay tahasang tinuligsa nila ang mga prayle. Ang pagtuligsang ito ay nalaman ng mga Prayle kaya ganito ang nangyari: Kinabukasan ay natagpuan na lamang sa mga pinto ng unibersidad ang mga paskin na ang nilalaman ay mga pagbabala, pagtuligsa, at paghihimagsik. Ang pagdidikit ng mga pasking ito ay ibinintang sa mga kasapi ng kapisanan ng mga estudyante. Dahil dito ay ipinadakip sila at naparamay si Basilio, bagay na ipinagdamdam nang malabis ni Juli na kanyang kasintahan. Ang mga estudyanteng ito ay may mga kamag-anak na lumakad sa kanila upang mapawalang-sala sila, si Basilio ay naiwang nakakulong dahil wala siyang tagapagmagitan. Sa isang dako naman ay ipinamanhik ni Juli kay Pari Camorra na tulungan siya upang mapalaya nguni't sa halip na makatulong ang paring ito ay siya pang nagging dahilan ng pagkamatay ni Juli, gawa ng pagkalundag nito sa durungawan ng kumbento. Upang maisagawa ni Simoun ang kanyang balak na paghihiganti, ay nakipagsama siya sa negosyo kay Don Timoteo Pelaez, ang ama ni Juanito. Sa ganitong paraan ay nagawa niyang maipagkasundo ang kasal nina Juanito at Paulita Gomez. Ang magiging ninong sa kasal ay ang Kapitan Heneral. Naanyayahan din niya upang dumalo sa piging na idaraos, ang mga may matatas na katungkulan sa Pamahalaan at mga litaw na tao sa lunsod. Pagkaraan ng dalawang buwang pagkapiit ay nakalaya rin si Basilio sa tulong ni Simoun. Kaagad siyang nagtungo kay Simoun upang umanib sa paghihimagsik. Sinamantala ni Simoun ang ganitong pagkakataon upang ipakita sa binata ang bomba na kanyang ginawa. Ito ay isang lampara na may hugis-granada at kasinalaki ng ulo ng tao. Ang magarang ilawang ito ay siya niyang handog sa mga ikakasal na sina Juanito at Paulita. Ipalalagay ni Simoun ang lamparang ito sa gitna ng isang kiyoskong kakanan na ipasasadya niya ang pagkakayari. Ang ilawán ay magbibigay ng isang maningning na liwanag at pagkaraan ng dalawampung minuto ay manlalabo. Kapag hinagad na itaas ang mitsa upang paliwanagin, ay puputok ang isang kapsulang fulminato de mercurio, ang granada ay sasabog at kasabay nito ay ang pagkawasak at pagkatugnaw ng kiyoskong kakanan — at walang sinumang maliligtas sa mga naroroon. Sa isang dako naman, ay malakas na pagsabog ng dinamita sa lampara ay siyang magiging hudyat upang simulan ang paghihimagsik na pangungunahan ni Simoun. Mag-iikapito pa lámang ng gabí ng araw ng kasal, at si Basilio ay palakad-lakad sa tapat ng bahay ng pinagdarausan ng handaan. Di-kawasa'y nanaog si Simoun upang lisanin niya ang bahay na yaong di malulutawan ng pagsabog. Ang nanlulumong si Basilio ay sisinod sana ngunit namalas niyang dumating si Isagani, ang naging katipan at iniirog ni Paulita. Pinagsabihan niya itong tumakas ngunit di siya pinansin kaya't napilitan si Basilio na ipagtapat kay Isagani ang lihim na pakana subalit hindi rin napatinag ang binatang ito. "Nanlalamlam ang lampara," ang pansin na di mapalagay na Kapitan Heneral. "Utang na loob, ipakitaas ninyo, Pari Irene, ang mitsa." Kinuha ni Isagani ang lampara, tumakbo sa azotea at inihagis ito sa ilog. Sa gayon ay nawalan ng bisa ang pakana ni Simoun para sa isang paghihimagsik sa sandatahan. Tumakas sya sa bahay ni Pari Florentino, sa baybáyin ng karagatang Pasipiko. Nang malapit nang mapagabot ng mga alagad ng batas ang mag-aalahas, uminom siya ng lason upang huwag pahúli nang buháy. Ipinagtapat niya sa pari ang tunay niyang pagkatao at isinalaysay niya dito ang malungkot na kasaysayan ng kanyang búhay. Mula nang siya ay bumalik sa Pilipinas buhat sa Europa, labintatlong taon na ang nakalipas, ang pag-iibigan nila ni Maria Clara at pagbabalatkayo niya na mag-aalahas sa pakay na maiguho ang Pamahalaan at makipaghiganti sa pamamagitan ng isang paghihimagsik. Pagkatapos na mangungumpisal ay namatay si Simoun. Sa nais na maiwaksi ang napakalaking kayamanang naiwan ng mag-aalahas, kayamanang naging kasangkapan nito sa pagtatanim ng mga buktot na gawain ay itinapon ni Pari Florentino sa karagatan ang kahong asero na kinatataguan ng dimatatayang kayamanan ni Simoun. Aralin Ikaapat na Linggo: Kaisipang mula sa El Filibusterismo 4 Ang Kaganapan sa El Filibusterismo Kaganapan pa rin Ngayon … (Kabanata 1- Sa Kubyerta,V- Ang Bisperas ng Pasko ng Isang Kutsero,VII- Maligayang Pasko,XXIII- Isang Bangkay,XXIX-Kamatayan ni kapitan Tiyago,XXX- Si Juli, XXXV-Ang Pista ) http://angelfilibusterismo.blogspot.com/p/mga-pahiwatig-ng-ibat-ibang-kabanata.html Pahiwatig ng iba't ibang kabanata Ang pahinang ito ay naglalaman ng mga pahiwatig ng mga iba't ibang kabanata ng El Filibusterismo. Kabanata I:Sa Kubyerta -Ang bapor Tabo’y larawan ng ating pamahalaan, ng ating bayan. Mahina ang pagtakbo at maraming balakid sa landas na ang ibig sabihi’y mahina ang pag-unlad. Marami pang dapat gawin upang sumulong ang bansa. -Ang mga taong sakay ng bapor ay may dalawang kinalalagyan; ang kubyerta at ang ilalim nito. Ang pamahalaan ay nagpapalagay na may mataas at mababang uri ng tao. -Si Simoun, ang mayamang mag-aalahas na siyang tagapayo ng kapitan heneral, ay walang iba kundi si Ibarra. Kabanata II: Sa Ilalim ng Kubyerta -Ang mga kabataan ay masigasig sa kanilang mga balak. Humahanap sila ng mga paraan upang maisakatuparan ang kanilang mga adhika. Lipos ng pag-asa ang mga kabataan. -Mapupusok ang kanilang kalooban. Hayagang sinasagot nang makahulugan si Simoun gayung ang pagkakakilala nila’y malapit sa kapitan heneral. - Ang pagpapari ni Pare Florentino dahil sa kagustuhan ng ina ay nagpapakita ng kapangyarihan ng mga magulang sa anak noong unang panahon. Anumang bagay na naisin ng magulang maging laban man sa kalooban ng anak ay nasusunod. Kabanata III: Mga Alamat -Ayon sa alamat, Si Donya Geronima ay tumanda dahil sa kahihintay sa kaniyang kasintahan. Ito’y nagpapahayag ng pagkamatapat ng babaing Pilipina. -Maalamat ang ating bansa. Hindi lamang Pasig ang mayroon. Halos lahat ng bayan pati na ang pinagmulan ng mga bagay, halaman o tao. Kabanata IV: Kabesang Tales -Ang pagkakaagaw ng Korporasyon sa lupain ni Tales ay nagpapahiwatig ng mga kasamaang umiiral noong panahon ng Kastila. -Ang paghahanda ni Kabesang Tales ng baril, gulok o palakol ay nagpapakitang handang ipakipaglaban ng mga Pilipino ang kanilang karapatan. -May mga Pilipino ring nagpapahirap sa kapuwa Pilipino. Nariyan ang mga tulisang dumakip kay Kabesang Tales upang ito’y ipatubos. Kabanata V: Ang Noche Buena ng Isang Kutsero -Ang kaawaawang mga Pilipino’y tumatanggap ng mabigat na parusa sa kaunting pagkukulang. Malulupit ang maraming mga nasa tungkulin. -Malaki ang pagnanais ni Kapitan Basiliong makasundo ang kura at alperes. Sila ang makapangyarihan sa bayan. Kabanata VI: Si Basilio -Ang pagpapaalila ni Basilio upang makapag-aral ay nagpapakita ng pagpapahalaga ni Rizal sa Karunungan. Maging ano mang uri ng gawain basta’t marangal ay kailangang pasukan upang makatapos ng pag-aaral. Kailangan ang pagtitiis, pagtitiyaga at pagsusumigasig upang matuto. -Sa kabanatang ito’y napabulaanan ang kasabihang kung ano ang puno’y soyang bunga. Si Basilio ay may mga mabubuting katangiang kabaligtaran ng sa ama. Kabanata VII: Si Simoun -Ang lahat ng pag-uusap sa kabanatang ito’y mahalaga. Isinisiwalat dito ang buong diwa, kaisipan, damdamin at mga mithiin ng may akda para sa kaniyang bayan. -Nalalarawan din dito ang dalawang pangkat ng mga Pilipino na humihingi ng pagbabago. Ang isa’y humihiling na maging bahagi ang Pilipinas ng Espanya at ang isa nama’y nagnanais humiwalay upang maging ganap na malaya. Kabanata VIII: Maligayang Pasko -Ang mga Pilipino ay mapaniwalain sa mga himala. Ang paghahanap ni Huli ng Salaping inaasahang ibibgay ng Birhen ay kaigsian ng pag-iisip. Ibig ipaunawa ni Rizal na nasa tao ang gawa at nasa Diyos ang awa. -Ang pagkapipi ni Tandang Selo Ay nagpapahiwatig ng pagkaka-alis sa mga Pilipino ng kalayaang magpahayag ng kanilang nais sabihin. Kabanata IX: Si Pilato -Masalapi at makapangyarihan ang korporasyon. Walang Pilipinong maaaring lumaban dito noong panahong iyon. -Si Pilato ang siyang naggawad ng hatol na si Hesus ay ipako sa krus. Siya’y naghugas ng kamay at sinabibg siya’y walang kasalanan. Kabanata X: Kayamanan at Karalitaan -Ang isinasama ng mga mamamayan ay nasa mga taong namamahala. -Ang mga Pilipino’y handang magbuwis ng buhay alang-alang sa kanilang karapatan. Kabanata XI: Los Banos -Magkasamang nagpapasiya ang mga prayle at ang pamahalaan, karaniwang nananaig pa ang pasiya ng mga prayle. -Magkaiba ang pamamalakad ng mga Dominiko at mga Heswita. -Ang panunuyo sa mga may kapangyarihan ay kaugalian nating mga Pilipino. Kabanata XII: Si Placido Penitente -Ang di pantay-pantay na pagtingin ng guro sa mag-aaral ay hindi nararapat sapagkat ito’y nagiging dahilan ng pagkawala ng kawilihan ng mga mag-aaral at ng di-paggalang ng mga ito sa guro. Kabanata XII: Ang Klase ng Pisika -Ang mga mag-aaral noong panahong iyon ay hindi nasisiyahan sa pamamalakad at pamamaraan ng pagtuturo sa pamantasan. Sila’y naghain ng kahilingan upang magkaroon ng pagbabago. -Ang malaking laboratoryo sa Pisika ay laging inihahanda sa mga panauhing darating at hindi sa pagaaral. Isa ito sa sakit ng ating lipunan-ang pakitang tao. Kabanata XIV: Sa Bahay ng mga Estudyante -Si Sandoval ay larawan ng mga kastilang may malasakit sa ating bayan at pagpapahalaga sa mga Pilipino. -Ang pagitang inilalagay ng pulitika sa mga lahi ay nawawala sa mga paaralan, na wari’y nalulusaw sa init ng kabataan at karunungan. Magandang halimbawa si Sandoval, isang Kastilang naging kasama’t kamag-aral nina Isagani at Makaraig. Kabanata XV: Si Ginoong Pasta -Upang mailapit at makahingi ng tulong sa isang taong makapangyarihan, kailangang hanapin muna ang kaibigan o kinaaalang-alangan nito; isang sakit ng lipunan na ngayon ay palasak. -Maraming taong tumitigin sa pansariling kapakanan at winawalng bahala ang ikabubuti ng bayan. Kabanata XVI: Ang mga Kapighatian ng Isang Insik -Ang pagtanggap ng suhol ng mga nanunungkulan sa pamahalaan at ang pagsasamantala sa mga lumalapit sa kanila ay nakapagdaragdag ng paghihirap ng bayan. Ito ang pinakamalubhang sakit ng lipunan sa ngayon. Kabanata XVII: Ang Perya sa Quiapo -Masining ang mga Pilipino. At sa dahilang ang singing ay kinakikitaan ng damdamin at ng iniisip ng gumagawa nito, makikitang ang nalalarawan sa kanilang mga inukit ay ayon sa mga pangyayari noong panahong yaon. Kabanata XVIII: Mga Kadayaan -Ang mga bagay na nabanggit ng ulo ay tumutukoy sa pangyayaring nagaganap noong panahon ng Kastila. -Ang pagkatakot at tuluyang pagkakahimatay ni Pari Salvi ay nagpapakilala ng pagtanggap ng mga prayle sa kanilang kasamaa’t pagkakasala. Kabanata XIX: Ang Mitsa -Ang di-mabuting pagtingin ng Kastila sa mga Pilipino ay siyang nagtataboy sa huli upang maghimagsik. -Ang layunin ng maraming magulang sa pagpapaaral sa kanilang anak upang maipagmalaki at masabing sila’y magulang ng isang nakapag-aral at nagkatitulo. Kabanata XX: Ang Nagpapalagay -Mataas ang pagpapalagay ng mga Pilipino sa mga banyaga. Agad-agad tayong humahanga. Hindi na natin sinusuri ang kanilang mga tunay na pagkatao at kakayahan. -May paniniwala si Rizal na ang tao’y pantay-pantay. Walang pagkakaiba ang puti at kayumanggi. Kabanata XXI: Mga Ayos-Maynila -Karaniwan sa maraming tao ang pagwawalang bahala sa kapakanan ng kapwa at ng bayan. Walang inaalagata ang marami kundi ang kagalingang pansarili. Kabanata XXII: Ang Palabas -Ang kaugaliang pagdating nang huli sa takdang oras at hindi taal na sa atin. Ginaya lamang natin ito sa mga Kastila. -Ang mga Pilipino’y mahilig sa mga palabas na buhat sa ibang lupain. Maging ano mang bagay na gawa ng mga dayuhan ay tinatangkilik at hinahangaan natin. Kabanata XXIII: Isang Bangkay -Ang pagbabalik at balak ni Simoung agawin si Maria Clara sa kumbento ay nagpapatunay ng kawagasan ng pag-ibig nito; at ang pagkamatay ng dalaga ay nagpapahiwatig ng pananatili ng kapangyarihan ng relihiyon sa ating bansa. Kabanata XXIV: Mga Pangarap -Ang pag-unald na nakikinikinita ni Isagani ay siyang pangarap ng may-akda para sa kaniyang bayan. -Ito’y hindi nanatiling pangarap. Ang lahat ay nagkaroon ng katuparan. Kabanata XXV: Tawanan at Iyakan Ang kapasiyahang ginawa ni Don Custodio tungkol sa akademya ay isang katunayang ang kabataan ay hindi binibigyang laya upang gumawa ng mga bagay na ikauunlad ng sarili at ng bayan. -Makapangyarihan ang mga prayle dito sa ating bansa. Sa pamamagitan ng relihiyon, ng pananampalataya, ay nangyayaring mapasunod at masakop tayo ng lubusan. Kabanata XXVI: Ang Paskin -Ang mga makapangyarihan ay nakagagawa ng mga paraan upang masugpo ang anumang kilusang labag sa kanilang kapakanan. -Anumang pagsulong ay hinahadlangan nila sapagkat malaki ang kanilang pagnanasang manatili sa Pilipinas. Kabanata XXVII: Ang Prayle at ang Pilipino -May mga paring marunong umunawa. Hindi lahat ay may masamang ugali at di-mabuting pagkilala sa mga Pilipino. Kabanata XXVIII: Tatakut -Higit na nakatatakot pagkaminsan ang mga bali-balita kaysa tunay na pangyayari. Kalimitan, pagnagpasalin-salin, ito’y marami nang dagdag. -Sa kabilang dako, may mga pangyayari namang aring pagtakpan kahit ng mga pahayagan. Kabanata XXIX: Mga Huling Salita Ukol kay Kapitan Tiyago -Ang huling habilin ay nabago na ayon sa nais ni Pare Irene. -Lubos ang paniniwala ng mga tao noon sa mga himala; isa sa mga bagay na idiniin sa isipan ng mga mananampalataya. Kabanata XXX: Si Huli -Walang sukat napuntahan ang mga taong naghahanap ng katarungan. Ang lahat maging ang mga may tungkulin sa pamahalaan ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng simbahan. -Walang natitira sa mg kawawa kundi ang mamundok at manulisan. -Makapangyarihan ang pag-ibig. Kabanata XXXI: Ang Mataas na Kawani -Ang pagtatanggol ng mataas na kawani kay Basilio ay isang pagpapatunay na may ilan ding Kastilang ,ay ugaling marangal. -Palaging api ang mga walang lakas at mga dukha. Hanggang ngayon ay ito ang larawan ng katarungan sa ating bansa. Kabanata XXXII: Mga Ibinunga ng mga Paskin -Si Paulita’y larawan ng isang dalagang makabago. magkalayo ang daigdig nila ni Isagani. Hindi siya makapaghintay sa katuparan ng mga “pangarap” ng binata. -Ang dalaga’y makasarili, ang binata’y makabayan. Kabanata XXXIII: Ang Huling Matuwid -Si Simoun at Basilio ay kapuwa uhaw sa paghihganti. Nais nilang maipaghiganti ang sariling kaapihan. -Sa mga dukha at api nagsisimula ang paghihimagsik. Bihira ang nanggagaling sa mga maruruning at mayayaman. Ito’y pinatutunayan ng kasaysayan. -Si Simoun ay may paniniwalang ang nilalayon ang nagbibigay katuwiran sa pamamaraan. Hindi baling masama ang pamamaraan, mabuti lamang ang layunin. Nalimutan niyang ito’y labag sa alituntunin ng kagandahang-asal. Kabanata XXXIV: Ang Kasal Ang kabanatang ito’y naglalarawan ng sakit ng ating lipunan: -Sa pagpili ng ninong at ninang- Marami ang nagpapaanak sa mataas na tao kahit ito’y di lubhang kakilala. Ikinararangal nila iyon at ipinagmamalaki. Sa katotohanan ang mga ito ay hindi nakagaganap sa kanilang tungkulin bilang ninong pagkat nin hindi natatandaan ang inaanak. -Ang paghahanda- sadyang pinagkakagastahan nang malaki ang kasalan, binyagan at ano mang pisata dito sa Pilipinas. Inuubos ng may handa ang kanilang makakaya. Ang iba’y kahit na mangutang. Kabanata XXXV: Ang Pista -Makahulugan ang tatlong salitang nakatitik sa papel na nagpalipat-lipat sa mga piling panauhin. Sinasabing “Bilang na, natimbang na, hati ang inyong kapangyarihan.” Nangangahulugang nabibilang na ang araw ng mga maykapangyarihan. Nalalapit na ang kanilang wakas, sapagkat natagpuang nagkulang at nakgkasala. -Magnum Jovem- Dakilang Jupiter. Si Jupiter ay ang Diyos ng kalangitan, ayon sa relihiyong Romano. Kabanata XXXVI: Mga Kagipitan ni Ben-Zayb -Muling ipinakita ng may-akda ang walang katapatan sa pagbabalita noong panahong iyon. Kabanata XXXVII: Ang Hiwaga -Totoo ang kasabihang may pakpak ang balita at may tainga ang lupa. Walang lihim na hindi nahahayag. Kabanata XXXVIII: Kasawinan -Maraming mga kawal na Pilipinong mahigpit pa sa mga Kastila. Walang pakundangan sa kanilang mga kababayan. Kabanata XXXIX: Katapusan -Ang kayamanan ay malaking tukso sa buhay ng tao. -Kailangang maging mabuti ang kaparaanan upang maging mabuti ang wakas. -Binibigyang diin ang katotohanang kung walang kalayaan ay walang katarunga. -Ang kalayaa’y maaaring makamit sa tulong ng pagpapataas ng uri ng katuwiran at ng karangalan ng tao. -Nasa kabataan ang pag-asa ng bayan. mula sa Mga Pahiwatig ng mga kabanata sa El Filibusterismo Kabanata 1- Sa Kubyerta Naglalayag ang Bapor Tabo sa may Ilog Pasig, isang umaga ng Disyembre at patungong Laguna. Nasa ibabaw ng kubyerta ang mga makakapangyarihan na tao tulad nina Don Custodio, Donya Victorina, Kapitan Heneral, Padre Salvi, Padre Irene, Ben Zayb, Donya Victorina, at Simoun. Napapasama si Simoun sa mga mayayaman dahil kilala nila ito bilang isang maimpluwensiyang alahero. Kilala siya sa buong Maynila dahil naiimpluwensiyahan ito ng Kapitan Heneral. Upang mapawi ang pagkainip sa mahaba at mabagal na biyahe, napag-usapan nila ang pagpapalalim ng Ilog Pasig. Iminungkahi ni Don Custodio na mag-alaga ng itik. Sinambit naman ni Simoun na kailagang gumawa nang tuwid na kanal na mag-uugnay sa lawa ng lawa ng Laguna at sa Maynila. Sandaling nagkainitan sina Don Custodio at ang ilang prayle dahil sa magkaiba nilang suhestiyon at mithiing ipatupad. Ayaw naman ni Donya Victorina na makapag-alaga ng pato sa kanilang lugar dahil darami raw ang balut na pinandidirihan niya. V- Ang Bisperas ng Pasko ng Isang Kutsero Umalis si Basilio sa bahay ni Kapitan Tiago, madaling araw pa lamang. Nagtungo siya sa libingan ng mga Ibarra sapagkat anibersaryo ng pagyao ng kaniyang ina. Nag-alay siya ng isang panalangin para sa ina. Matapos iyon ay lumisan na rin si Basilio at bumalik na sa Maynila. Muntik nang magpatiwakal si Basilio noon dahil sa mga suliraning hinaharap. Nakita lamang siya nina Tiya Isabel at Kapitan Tiago at kinupkop at pinag-aral ito sa Letran. Hirap noong unang taon sa eskwela si Basilio at tanging “adsum” o “narito” ang kaniyang nababanggit.Nakukutya rin siya dahil sa kaniyang lumang kasuotan. Gayunman, walang nakapigil kay Basilio na mag-aral. Nagkaroon ng guro si Basilio na tinangka siyang lituhin sa isang aralin. Ngunit nasagot ni Basilio nang ilang beses ang tangka ng guro. Dahil dito ay nagkaroon sila ng alitan at nagkaroon pa ng laban sa sable at baston. Naging sobresaliente din siya o may may pinakamataas na marka. Hinikayat naman siya ni Tiago na mag-aral sa Ateneo Municipal kung saan siya kumuha ng medisina. VII- Maligayang Pasko Ang nakakalunos na sinapit ni Kabesang Tales ay nakarating sa bayan. Ang ilan ay naawa sa matanda, samantala ang mga guwardiya sibil at mga prayle ay nagkibit lamang ng balikat. Si Padre Clemente na siyang tagapangasiwa ng hasyenda ay mabilis na naghugas kamay sa narinig na balita. Sinisi pa niya si Kabesang Tales dahil sa pagsuway ng huli sa utos ng korporasyon. Idiniin pa niya ang matanda na nagtatago ng mga armas. Pinagsabihan ni Hermana Penchang ang alipin na si Huli na magdasal sa wikang Kastila. Ito daw ang dahilan kung bakit napipi at naghihirap ang kanyang ama. Hindi daw sila marunong manalangin sa langit. Buong galak na nagdiwang ang mga pari dahil sa pananalo nila sa usapin tungkol sa hasyenda. Sinamantala nila ang pagkakataon upang ipamigay ang mga lupain ni Kabesang Tales. Maging ang matanda ay bibigyan ng kautusan ng tinyente na lisanin ang kanyang sariling tahanan. XXIII- Isang Bangkay Naging palaisipan kay Basilio ang dahan-dahan na pagkalat ng lason sa buong katawan ni Kapitan Tiyago. Tahimik na nag-aaral si Basilio nang biglang dumating ang mag-aalahas sa tahanan ni Tiyago. Kinumusta muna ni Simoun ang kalagayan ng maysakit pagkatapos ay sinabi niya agad ang kanyang pakay sa binata Sa kabila ng matigas na pagtanggi ng binata ay muli niya itong pinakiusapan. Humingi siya ng pabor na kung puwede ay pamunuan ni Basilio ang isang pulutong upang maghasik ng kaguluhan sa kalathang Maynila. Ito ang naisip na paraan ni Simoun upang maitakas niya sa kumbento si Maria Clara. Nagulat si Basilio sa tinuran ni Simoun kaya sinabi niya sa mag-aalahas na si Maria Clara ay pumanaw na. Nagulat at nayanig ang mundo ni Simoun sa narinig na balita. Ayaw niyang maniwala sa sinabi ni Basilio ngunit ipinakita ng binata ang sulat ni Padre Salvi na labis na tinangisan ng amang si Tiyago. Hindi maiwasan ni Basilio ang maawa sa noo’y nanlumumo na si Simoun. XXIX-Kamatayan ni kapitan Tiyago Abala ang marami sa gaganaping marangyang libing ni Kapitan Tiago. Napunta ang naiwan niyang kayamanan sa Sta. Clara, sa Papa, at sa mga pari. Ang dalawampung pisong natira ay ibinahagi bilang pangmatrikula ng mga mag-aaral. Hindi malaman noong una kung ano ang damit na isusuot ni Tiago sa kaniyang libing. May nagmungkahi na isang damit-Pransiskano, at mayroong nagsabing isang prak na paborito ng Kapitan. Ngunit nagpasya si Padre Irene na isang lumang damit na lang ang isusuot. May mga usapang ding nagpapakita ang kaluluwa ni Tiago bitbit ang kaniyang panabong na manok habang puno ang bibig ng nganga. Sinabi tuloy ng iba na hahamunin ni Tiago ng sabong si San Pedro sa langit. Marangya ang libing na maraming padasal at paawit. Marami ding kamanyan at agua bendita na inialay sa kabaong. Ang katunggali naman ni Tiago na si Donya Patrocinio ay inggit na inggit sa libing ni Tiago at nais na ring mamatay upang mailibing rin nang marangya. XXX- Si Juli Malaking usapan sa San Diego ang pagpanaw ni Kapitan Tiago at pagkakahuli kay Basilio. Labis namang nalulungkot si Juli dahil sa nangyari sa kasintahan. Sa pagnanais na makalaya si Basilio ay naisip niyang lumapit kay Padre Camorra. Ngunit nagaalangan ito dahil sa maaaring gawin sa kaniya. Gayunman, ilang gabi nang binabagabag si Juli sa kaniyang panaginip. Nabalitaan pa nitong nakalaya na ang mga kasama ni Basilio dahil sa tulong ng mga kaanak. Naisip niyang wala nang tutulong kay Basilio dahil wala na rin si Tiago. Ayaw man niya ay nagtungo si Juli kay Padre Camorra bilang nag-iisa niyang pag-asa para sa nobyo. Nagtungo si Juli sa kombento. At tulad ng naiisip ni Juli, hinalay siya ng pari. Dahil hindi kinaya ang kahihiyang ginawa, tumalon si Juli sa bintana ng kombento. Hindi kinaya ng lolo ni Juli na si Tandang Selo ang nangyari sa apo. Wala siyang makuhang hustisya para sa apo kaya sumama na lamang ito sa mga tulisan ng bayan. XXXV-Ang Pista Nag-umpisa nang dumating ang mga bisita sa piging. Naroon na ang bagong kasal kasama si Donya Victorina. Nasa loob na rin ng bulwagan si Padre Salvi pero ang heneral ay hindi pa dumarating. Nakita na rin ni Basilio si Simoun dala ang ilawan na pampasabog. Nang mga oras na iyon, nagiba ang pananaw ni Basilio at nais nang maligtas ang mga tao sa loob sa nakatakdang pasabog mula sa lampara. Ngunit hindi siya pinapasok dahil sa madungis niyang anyo. Sa di kalayuan ay nakita niya ang kaibigang si Isagani. Dali-daling umalis ang binata mula sa usapan dahil naisip si Paulita. Habang nasa itaas naman, nakita nila ang isang papel na may nakasulat na “MANE THACEL PAHRES JUAN CRISOSTOMO IBARRA.” Sabi ng ilan ay biro lamang iyon ngunit nangangamba na ang ilan na gaganti si Ibarra. Sinabi ni Don Custodio na baka lasunin sila ni Ibarra kaya binitiwan nila ang mga kasangkapan sa pagkain. Nawalan naman ng ilaw ang lampara. Itataas sana ang mitsa ng ilawa nang pumasok naman si Isagani at kinuha ang ilawan at itinapon sa ilog mula sa asotea.