Uploaded by Lawrence Dy

Repleksyong Papel Blg. 2

advertisement
Lawrence Gabriel C. Dy
2019-00555
PI 100 THX-1
Marso 8, 2022
Repleksyong Papel Blg. 2
Malaki ang hinarap na suliranin ng mga kababaihan sa panahon ni Rizal. Dahil sa tatlong
daang taong pananakop ng mga Kastila, namalagi ang pang-aapi at kawalan ng karapatan ng mga
kababaihan na buhat sa patriyarkang kultura ng mga Kastila.
Ang kwento ng mga dalaga sa Malolos ay nagsimula sa kanilang balak na magtayo ng isang
paaralan upang matuto ng wikang Espanyol na ipinagbawal ng prayle roon. Dahil dito, nagsulat
si Rizal ng isang sanaysay upang payuhan sila. Mahihinuha mula sa konteksto na ang karapatan
ng edukasyon para sa mga kababaihan at ang kanilang papel sa lipunan ay mga mahahalagang
usapin sa panahong iyon. Sa kanyang sanaysay, iginiit ni Rizal ang kahalagahan ng tamang
pagpapalaki ng ina sa kanilang mga anak, dahil lubos na nakakaapekto ito sa kinabukasan ng
susunod na henerasyon: “Sa kadalagahang punlaan ng bulaklak na mamumunga’y dapat ang
babai’y magtipon ng yamang maipapamana sa lalaking anak.” Sa akda ni Camalig, nabigyang-diin
ang pananaw ng mga kilalang pinuno ng rebolusyon tungkol sa papel at karapatan ng kababaihan
sa kanilang sitwasyon. Partikular na binanggit ni Jacinto at Mabini ang tamang pagtingin sa isang
babae: bilang isang karamay imbis na libangan, at nilalang na ginagalang at hindi sinasamantala.
Sa konstitusyon naman ni Mabini, ang isang seksyon ay tumatalakay sa isyu ng karapatan ng mga
kababaihan, partikular na sa karapatang bumoto, maghanap-buhay, at mag-aral.
Sa pamamagitan ng mga nobelang Noli Me Tangere at El Filibusterismo, na itinuturing ni
Rizal na salamin ng kasaysayan ng Pilipinas sa nakaraang sampung taon (Guerrero, 1987),
hinubog niya ang diskurso ng kasarian sa loob ng ilang mga kabanata rito. Sa pagpuna niya ng
kapangyarihan ng mga prayle at Simbahang Katoliko, nabigyan niya ng tuon ang istiryotipikong
pangkasarian sa ating kultura na nagmumula sa kanila. Sa Kabanata 1 ng Noli, nanunuya na siya
sa naging pag-uugali ng kababaihan dahil sa relihiyon: “Dahil kaya sa mga larawan ng Birhen sa
dingding kaya sila mahiyain o talagang ibang-iba ang mga babae noon?” Ang papel ng prayle sa
pagsasamantala ng kababaihan ay nalantad din sa kwento ni Juli sa El Fili. Gamit ang mga tauhan
ni Rizal sa kanyang nobela, tulad nila Sisa, Juli, Hermana Penchang, at ang dalawang Donya,
naipahiwatig niya na likha lamang ng kultura ang kinikilalang ‘tamang’ pag-uugali na pinapataw
sa kababaihan, at malinaw niyang binintang ang simbahan at ang mga prayle bilang promotor ng
patriyarkang kultura. Habang ang dalawang nobela ay nagsilbing paglalarawan at pagsusuri sa
sitwasyon, sa kanyang akda naman sa mga dalaga ng Malolos inilahad ang kanyang payo upang
linangin ang binhi ng pagbabago sa papel ng kababaihan sa lipunan.
Marami nang naging pagbabago sa dantaong nakalipas mula sa panahon ni Rizal.
Nabigyan na ng pantay na karapatan ang kababaihan sa ating batas at konstitusyon, at marami
nang kababaihan ang nagiging tanyag sa kanilang mga larangan sa ating bansa. Ang Pilipinas ay
kinikilalang #17 sa mga bansa ukol sa pagpapantay-pantay ng mga kasarian (World Economic
Forum, 2021). Ngunit nananatili ang ilang paniniwala sa istiryotipikong pangkasarian, tulad ng
konsepto ng ina bilang ilaw ng tahanan, ang maling pagtingin sa mga kababaihan tulad ng mga
malalaswang ‘biro’ ng Pangulong Duterte, at ang isyu ng prostitusyon. Bagama’t malayo na ang
ating narating, dapat nating ipagpatuloy ang laban para sa karapatan ng mga kababaihan.
1
Download