Zeke Gabrielle H. Rosales AB – Philosophy IV Bago ako maging isang debotong estudyante ng pilosopiya, isa akong mag-aaral ng HUMSS strand at dito nahulma ang aking pag-ibig upang sagupain ang mundong walang katiyakan. Hindi ko masulyap ang aking sarili sa ibang kurso at alam ko ito lamang ang mainam na desisyong maaari kong tahakin upang maabot ko ang munti kong pangarap na mag abogado. Marami rin akong naharap na paghihirap sa aking daan. Mula noong unang taon ko sa kolehiyo ng Pamantasan ng Bikol, ang aking oras sa isang araw ay nahahati sa pagiging mag-aaral ng pilosopiya at sa pagtratrabaho bilang manunulat. Madali lamang tantsyahin ang dalawang tungkuling ito ngunit habang tumatagal, ay mas lubhang ginigipit ang oras ko. Dahil sa pagsubok na ito, natutunan kong tantsyahin ang oras ko mula umaga at gabi, hanggang sa makasanayan ko nang mabawasan ang oras ng aking tulog. Maliban sa paglalaan ng aking kalahating oras sa pagsusulat, isa rin akong naglilingkod bilang kinatawan o sa Ingles ay representative ng aming klase. Isinuot na ng aking puso ang paglilingkod sa aming klase at ako’y patuloy na nagpapasalamat sa aking kapwang mag-aaral dahil napatibay ko ang kanilang tiwala sa pamamagitan ng aking patuloy na serbisyo. Sagutin ang mga sumusunod na katanungan: (1-2 talata sa bawat katanungan) 1. Ano sa tingin mo ang kaugnayan ng SineSos sa iyong kinuhang kurso? Ang SineSos ay isang paksa na nagpapatunay na mahalaga ang mga sinasalamin ng pelikula pagdating sa mga suliraning panlipunan, na maliksing sinusuri ng pilosopiya dahil sa karagdagang isyung naihahatid nito habang tumatagal ang panahon. Dahil dito, nakatutulong ang pag-aaral ng SineSos sa pilosopiya sapagkat nagbibigay ito ng mayamang aral na pwedeng hugutan ng mga kaisipang magagamit upang matulungang mawakasan ang mga suliraning ating hinaharap sa kasulukuyan. Ang pelikula ay hindi lamang isang uri ng pangeengganyo sa isang tao ngunit ito rin ay maituturing liham para sa mga manonood na hindi maaninag ang mga problemang laganap sa ating lipunan. 2. Kung papipiliin ka ng isang pelikula na makapaghahalintulad sa iyong buhay, ano ito? Bakit? Maaari kong maihalintulad ko ang aking buhay sa Pranses na pelikulang, I Lost My Body o kung isasalin sa wikang Filipino, “Nawala Ko Ang Aking Katawan”. Ang kwento nito’y nagsisimula bilang talinghaga ng isang kamay na sinusubukang bumalik sa katawang pinanggalingan nito na si Naoufel, isang binatilyo sa Pransya. Ang kwento ay tungkol sa kanyang pagkilala sa mutya na napabighani ang kanyang puso. Sa huli, hindi niya nakuha ang dilag at naaksidente siya sa talyer ng kanyang amo at naputol niya ang kanyang kamay. Ang pelikula ay tungkol sa pagbabalik ng alaala ng binatilyo mula pagkabata hanggang sa kanyang kasalukuyang edad. Hindi mabitawan ni Naoufel ang kanyang nakaraan, subalit marami ang nangyari sakanya, tulad ng pagkamatay ng kanyang magulang sa aksidente sa daan. Sa huli, napilian niyang bitawan ang alaala ng kahapon at patuloy na mamuhay patungo sa hinaharap. 3. Bilang isang mag-aaral ng Pamantasan ng Bikol, paano ka makatutulong na matamo ang bisyon at maisabuhay ang core values ng pamantasan (leadership, scholarship, character at service)? Upang matamo ang bisyon at maisabuhay apat na core values ng unibersidad, maaari akong makaambag sa paglaganap nito bilang mag-aaral sa Pamantasan ng Bikol, sa pamamagitan ng paggamit ng aking natutunan para tumulong sa mga nasawi ng ating lumpong lipunan. Maraming mga kabataan ang hindi makatikim ng maayos na edukasyon at mayroong mga nagugutom at naghihirap sa bansang hindi sila makahanap ng tirahan. Maraming nangangailangan ng tulong sa ating henerasyon at dito namin maaaring ibuhos ang aming lakas at puso upang matulungan ang aming Pamantasan na makamit ang inaasam nitong bisyon. Ang Pamantasan ng Bikol ay may layuning bumuo ng mag-aaral na makakatulong sa lipunan pagkatapos nitong makapagtapos ng edukasyon, kaya upang maipagpatuloy ang nagliliyab nitong pangarap, ang maaari naming ambag ay tulungang maiayos ang ating lipunan para sa susunod na henerasyon.