Tulongggggg! Tulungan po ninyo ako! Inabuso nila ako! Bakit kayo mga nakatingin? Bakit hindi ninyo ako tulungan? Hindi ba ninyo ako kilala? Ako si Filipinas! Ang ina ng lahing inaakala kong magiting. Ang ina ng lahing inaakala kong pinagpala. Ngunit bakit ang tulad kong ina ay inaabuso nila? Bakit ba nagkaganito ang takbo ng buhay ko? Bakit?! Nagsimula kami ng ang lahat ay Mabuti. Ang aming lupunan ay puno ng galak, kapayapaan at pagmamahalan. Ang tao at ang kalikasan ay malalim na ugnayan. Ang tao ay tumitingin sa mga bagay na higit pa sa nakikita ng mata: tulad ng pananampalataya, pakikipagkapwa, paggalang, at pagkakapantay – pantay. Hanggang dumating ang mga mandarayuhan, na unang umabuso sa akin at sa aking mga anak. Sila! Sila ang unang yumurak sa aking pagkatao at sa aming pamayanan, umalipin sa aking mga kababayan, at lumupig sa aming Kalayaan. Dito kami unang nagtanim ng poot, at natutong isipin ang aming mga sarili. Ano bang laban ng aming sibat at golok sa kanyon at baril? Di baga ay wala? Kaya naman, sampu ng aking mga kalahi, kami ay nagtiis. Likas sa aming pagkatao ang pagiging maka-Diyos na ang Bathala ang magbibigay daan sa aming Kalayaan at sa mabuting buhay. Pero hindi! Ang pananahimik pala ay hindi sapat upang makamit ang aming Kalayaan at supilin ang mga pang-aabuso. Ginamit ng aking mga anak ang papel at pluma upang ipaglaban ang aming Kalayaan. Bagaman binuhay nito ang apoy ng galit sa aming puso, hindi ito sapat upang marinig nila. Bingi na ang kanilang konsiyensiya at bulag na ang kanilang katarungan. Kaya ako at sampu ng aking mga anak ay gumamit na ng dahas. Kung ano ang ginagawa sa amin, ay siya ring gagawin naming sa kanila. Mata sa mata, ngipin sa ngipin. Wala ng mas dalisay pa sap ag-aalay ng buhay sa sariling bayan. Ilang beses kaming sinakop, pero pilit kaming lumalaban upang makamit ang mailap na Kalayaan. Hanggang umayon sa amin ang tadhana. Nakamit namin ang Kalayaan. Pero ang pilat ng mga di magandang karanasan ay naiwan sa aming mga puso at isip. Ang dugo ng kasakiman ay naiwan sa lupaing ito. Ang aking mga anak. Ang mga anak ko. Sila pa ang umabuso sa kanilang kapwa kapatid. Tila ba nagkaroon ng bagong mga naghahari-harian sa aming lupain. Nadala ng aking mga anak ang karanasang inaaayawan nila. Hindi na kami puro sapagkat ang aming kaisipan ay naghalo-halo na at ang masaklap pa nito. Maraming kaisipang pansarili lamang ang hinahangad ang namamayani sa aming bayan. Ang mga anak ko, nagpapatayan sila para sa kapangyarihan, para sa pera, para sa mga pansariling interes. Tila di na nga sila magkakakilala. Tila di ko na sila kilala. Ang lupang ito, ang aking pagkatao. Tila niyurakan na ng mga anak ko. Sira na ang kalikasan, kalbo na ang mga bundok, madumi na ang tubig, mga walang disiplina. Ang sakit isipin na ako’y inabuso mula sa kamay ng aking mga anak. Ang mga anak ko sa pamahalaan, marami sa kanila ay hindi tapat sa tungkulin. Nawala na sa puso ang tunay na paglilingkod at pagpapahalaga sa mga bagay na pinahahalagahan ng kanilang mga ninuno. Wala na ang disiplina, wala na ang pakikipagkapwa, pagpapahalaga sa kulura at Kalayaan, wala ang pagmamahalan, wala na ang pagkamakabansa. Sa halip, napalitan ito ng kasakiman, panlulupig, magmamahal sa sarili, mga bagong mukha ng pananakop mula sa kapwa natin lahi. Wala na. Saan na kaya makararating ang ang bayan kong ito. Hindi ko alam. Hindi na alam. Kaya tulong! Tulungan ninyo ako. Hindi ko na alam ang aking gagawin. - The End - HINAING NG INANG BAYAN Ni Jethro T. Ramirez