EL FILIBUSTERISMO KABANATA 12: PLACIDO PENITENTE Mga Tauhan Placido Penitente - Isa sa mga pinakamahusay na estudyante ni Padre Valerio sa mataas na paaralan ng Tanuan sa Batangas. Juanito Pelaez - may dugong maharlika at sa paaralan ay kinagigiliwan ng mga propesor Padre Camorra - Isang prayle na mukhang artilyero. Bukod pa rito, mahilig sya sa mga magagandang dalaga. Isagani - pamangkin ni Padre Florentino at kasintahan ni Paulita Gomez Paulita Gomez - kasintahan ni Isagani ngunit sa huli ay nagpakasal kay Juanito Pelaez Donya Victorina - Purong Pilipina na nagpapanggap bilang isang Europea, sya ay tiyahin din ni Paulita Tadeo - Ang mag-aaral na laging nagtatanong kung may pasok Pangyayari (Buod) Malungkot na patungo sa Unibersidad ng Santo Tomas si Placido Penitente sapagkat ibig na niyang tumigil ng pag-aaral tulad ng nasabi na niya sa 2 sulat niya sa ina. Pinakiusapan nga lamang siya ng ina na kahit batsilyer sa artes ay matapos niya.Nasa ikaapat na taon na siya. Ang paghahangad ni Placido na magtigil ng pag-aaral ay palaisipan sa kanyang mga kababayang taga Tanawan. Siya ang pinakamatalino sa bantog na paaralan ni Padre Valerio roon. Hindi naman siya sugarol, walang kasintahang magyayayang pakasal, at laban sa mga aral ng Tandang Basyong Makunat, masalapi. Nagulat pa si Placido nang makapasok na siya sa Magallanes (dating Sto.Domingo) at siya’y tapikin ni Juanito Palaez sa balikat. Si Palaez ay mapaghangin at paborito ng mga guro. Anak ng mestisong Kastila. Mayaman. May pagkakuba. Kinumusta ni Juanito ang bakasyon ni Placido. Pagkatapos ay ibinalita ang pagbabakasyon niya sa Tiyani, kasama si Padre Camorra. Nangharana raw sila ng magagandang babae. Wala raw bahay na hindi nila napanhik. At may ibinulong kay Placido na ikinamangha tila ng huli. Tanga raw si Basilio sa pagkakaroon ng katipang tulad ni Huli. Pero susuko rin daw si Huli kay Padre Camorra. Pangyayari (Buod) Nagtanong ng leksyon si Palaez kay Penitente sapagkat doon lamang papasok ang kuba. Pulos walang pasok noong nakaraang mga araw. May kaarawan ng guro, may pista ng santo, mayroong umambon. Ang leksyon daw nila ay ukol sa mga salamin. Niyaya ni Pelaez si Penitente na maglakwatsa. Tumutol ang huli. Nagpatuloy sila ng paglakad. May naalala si Pelaez. Nang hingi ng abuloy para sa monumento ng isang paring Dominiko. Nagbigay si Placido para magtigil na si Pelaez at alam din ng Batangueno na nakatutulong ang gayong mga abuloy sa pagpasa ng estudyante. Malapit na sila sa Unibersidad. Naroon si Isagani na nakikipagtalo ukol sa aralin. Ang ibang estudyante ay naniningin ng magagandang dalagang nagsisimba. Namutla at namula sa lugod si Isagani nang magkulusan ang mga mag-aaral at magtinginan sa isang bagong dating na victoria o karuwahe. Nakita niya si Paulita Gomez, ang kanyang katipan, na kasama si Donya Victorina. Si Donya Victorina ay ngumiti kay Juanito Pelaez. Si Tadeo na kaya lamang pumasok sa paaralan ay upang alamin kung may pasok at kung mayroon ay aalis at magdadahilang may sakit ngunit nakapapasa, sa anong himala ay napasunod kay Paulita sa simbahan. Nagpasukan na sa paaralan ang mga estudyante. Nguni’t may tumawag kay Placido. Pinalagda si Placido sa kasulatang tutol sa balak na paaralan ni Macaraig. Hindi lumagda si Placido. Walang panahong basahin ang kasulatan. Nalaala niya ang isang amain na nawalan ng mga pag-aari nang lumagda sa isang kasulatang di binasa. Nguni’t sa matagal na pagpipilitan ay nahuli sa klase si Placido Petinente. Pumasok parin si Placido. Hindi na patiyad. Pinatunog pa ang takong ng sapatos. Inakala niyang ang pagkakahuli niya ay pagkakataon na upang siya’y mapuna at makilala ng kanyang guro. Sila’y may mahigit na isang daan at limampu sa klase. At siya nga’y napuna ng guro na lihim na nagbanta. Problema at Solusyon Sa kabanatang ito ipinakita ang iba't ibang uri ng estudyante. Marami ang nakakapasa kahit pa walang ginagawa. Ang ilan naman, bagkus masipag at matalino, ay hindi napapansin ng mga guro. May iilang estudyante na paborito at kinagigiliwan naman ng mga ito. Sa makatuwid, may dalawang isyung ipinahiwatig sa kabanatang ito. Una, ang isyu ukol sa di pantay-pantay na pagtingin ng mga guro sa kanilang mga estudyante at ikalawa, ang hindi pagpapahalaga ng ilang estudyante sa edukasyon. Masosolusyonan ito kung aalisin ng mga guro ang paboritismo sa ibang estudyante at bigyang pansin ang mga estudyanteng nagpapakahirap upang magkaroon ng magandang kinabukasan at pahalagahaan ang ating edukasyon. Aral sa Kabanata Ang kabanatang ito ay nagpapakita ng iba’t ibang aspeto ng edukasyon sa panahon ng kolonyalismo sa Pilipinas. Una, ipinapakita ang mga paboritismo sa mga estudyante na tulad ni Juanito Pelaez, na dahil sa kayamanan at impluwensiya ay nabibigyan ng espesyal na pagtrato. Ikalawa, itinatampok din ang pagkawalang saysay ng pag-aaral sa panahon na iyon, kung saan ang pagiging masunurin at ang kahalagahan ng koneksyon ay mas binibigyan ng halaga kaysa sa pag-unlad ng kaalaman at pagiging kritikal na isip. Ang mensaheng nais iparating ng kabanatang ito ay ang kahalagahan ng pagkakaroon ng tunay na edukasyon na nakatuon sa pagpapalawak ng kaalaman at pag-unlad ng kaisipan ng mga estudyante. Ipinapakita rin ang kahalagahan ng pagkakaroon ng pagpapahalaga sa sariling kakayahan at prinsipyo sa harap ng mga pagsubok at pang-aapi.