“Obra Maestra” Kinikilala ng buong mundo ang larangan ng sining upang mabisang lunsaran ng pagiging malikhain at kahusayan ng bawat nilalang. Saklaw nito ang pagguhit, pagsayaw, pag-awit, pagpipinta, iskultura, at maging pag-arte. Ngunit sa lahat ng sining na ito, isa ang pinakamagandang obra ang kinikilala ng daigdig—ang ating mga sarili. At ganito rin ang pananaw ko, na ako ang pinakamagandang obra na nalikha sa daigdig ng Panginoon. Magandang obra ako sa kabila ng mga kamalian. Ang mga pinagdaraanan ko sa buhay ay mga nagsisilbing paraan upang ako lalong tumibay at maging produktibo. Sa bawat pagkakadapa ko ay nakapupulot ako ng mahalagang aral na lalong nagpapatatag sa akin. Tulad ako ng isang diyamanteng dinarang muna sa apoy bago naging mamahaling bato. Para akong isang iskultura na kailangan muna ng kaliwa’t kanang pukpok bago maging isang likhang sining. Ako ay obra dahil parang isang entablado ang aking buhay. Isang entablado na kailangan kong tahakin araw-araw habang mayroong mga nakamasid na mata. Kahit gawin ko ang lahat ng aking makakaya ay hindi puro palakpak ang makukuha ko. Ngunit hindi ito dahilan upang huminto. Dahil tulad ng pagpipinta, ako ay isang obra na hindi lahat ay makauunawa. Tulad ng isang awitin, ako ay obra na hindi papatok sa lahat. At tulad ng isang sayaw, hindi lahat ay makasasabay sa nais kong indak.