PAGTATALA NG IMPORMASYON O DATOS: TUWIRANG SIPI, BUOD, PRESI, HAWIG, SALIN AT SINTESIS Tuwirang Sipi Pinakamadaling pagtatala ang pagkuha ng tuwirang sipi. Walang ibang gagawin dito kundi ang kopyahin ang ideya mula sa sanggunian. Kailangang ipaloob sa panipi ang sipi upang matandaan na ito ay tuwirang sipi. Tiyakin lamang na wasto ang pagkakakopya ng mga datos at hindi nababago sa proseso ng pagkopya. Tulad ng kailangan ding lagyan ng tala kung pang-ilang ideya na ito mula sa sangguniang ginagamit. Maaring maging ganito ang magiging itsura ng talang tuwirang sipi: Ayon kina Bernal, et al. (2016) “ang pinakaubod ng proseso ng pagtuturo ay ang pagsasaayos ng kapaligiran at iba pang salik upang ang mga mag-aaral ay magkaroon ng interaksyon at matutunan kung paano matuto.” Buod, Presi at Hawig Buod o sinopsis - isang uri ng pinaikling bersyon ng isang panulat. - Taglay nito ang mga pangunahing ideya ng panulat nang may bahagyang pagdedetalye upang mabigyan ng pangkalahatang ideya ang nagbabasa sa tinatalakay na paksa. Narito ang ilang mahahalagang bagay na dapat tandaan sa pagsulat ng buod o sinopsis. 1. Gumamit ng ikatlong panauhan sa pagsulat nito. 2. Isulat ito batay sa tono ng pagkakasulat ng orihinal na sipi nito. Kung ang damdaming naghahari sa akda ay malungkot, dapat na maramdaman din ito sa buod na gagawin. 3. Kailangang mailahad o maisama rito ang mga pangunahing tauhan maging ang kanilang mga gampanin at mga suliraning kanilang kinaharap. 4. Gumamit ng mga angkop na pang-ugnay sa paghabi ng mga pangyayari sa kuwentong binubuod lalo na kung ang sinopsis na ginawa ay binubuo ng dalawa o higit pang talata. 5. Tiyaking wasto ang gramatika, pagbabaybay, at mga bantas na ginamit sa pagsulat. 6. Huwag kalimutang isulat ang sangguniang ginamit kung saan hinango o kinuha ang orihinal na sipi ng akda. Presi - Galing sa salitang Franses na ang ibig sabihin ay pruned o cut-down statement. - Ibig sabihin, ito ay isang tiyak na paglalahad ng mga mahahalagang ideya ng isang mahabang prosa o berso, gamit ang sariling salita ng nagbabasa. Inilalahad ang mga ideya ng akda sa paraang walang komentaryo o interpretasyon at sa parehong mood o tono, at punto de bista ng orihinal na akda, sa pinakamaikling paraan. - Sa presi, binibigyang-pansin lamang ang mga tampok at mahalagang ideya kaya't naipapahayag lamang ang mga importanteng ideya at impormasyon para sa mas maayos na komunikasyon. - Sa paggawa ng presi, sinasanay ang isang mambabasa sa kritikal at mapiling pakikinig at pagsulat. - Kailangan ng masuring pagbabasa at pag-iisip. - Kailangan ng maingat na pagpili ng mga salita upang maipahayag ang mga ideya sa pinakatiyak na paraan. - Sa madaling sabi, ang paggawa ng presi ay nangangailangan ng kasanayan sa kritikal na pagbasa, epektibong pagsulat ng pangungusap na tiyak at malinaw. - Ito rin ang batayan kung bakit kinakailangang malinaw ang kasanayan na ito sa pagkuha ng tala para sa pananaliksik. - Ang presi ay higit na maikli kaysa sa orihinal nang may 5 porsyento hanggang 40 porsyento ng haba ng orihinal na akda. - Maaaring ang presi ay isang pangungusap o isang talata na maaring ito ang sentral na ideya o sintesis ng mahahalagang ideya. - Bukod sa pagiging maikli at tiyak, kinakailangang panatilihin ang punto de bista ng akda. - Halimbawa, kung gumagamit ang akda ng punto de bistang ako kinakailangang nasa ganitong punto de bista rin ang presi. Hindi maaaring lumipat sa pangalawa o pangatlong panauhan. - Kailangan ding gumamit ang presi ng orihinal na salita, ibig sabihin, hindi dapat manatili ang mga salita ng orihinal ng awtor. - Kung kinakailangang gumamit ng mga salita at pangungusap mula sa akda ng awtor, dahil naisasaad dito ang mga tiyak na ideya ng akda, kailangang ipaloob ang mga ito sa panipi. Higit sa lahat, hindi kalilimutan na ang isang mabuting presi ay kinakailangang may wastong gamit ng salita at gramatika. - Upang magabayan sa paggawa ng presi, maaaring sundan ang ilang mungkahi: a. Basahing mabuti ang akda upang matukoy ang sentral na ideya at maipaghiwalay ang mga mahahalagang ideya at ang mga detalyeng maaari nang isantabi. b. Basahin nang ilang ulit ang akda upang masundan ang ayos ng paglalahad at matukoy ang mga ideyang binibigyang-diin sa akda. Isulat ang mga salita at pariralang naglalaman ng mahahalagang ideya. c. Isulat ang presi ayon sa mga talang ginawa. Gamitin ang sariling salita sa halip na ang mga salita ng may-akda. d. Ihambing ang iyong presi sa orihinal na akda. Nilalaman ba nito ang mga mahahalagang ideya nang malinaw at eksakto? Ihambing ang presi sa orihinal na akda at ayusin ang nagawang presi. Hawig o paraphrase - Ito ay isang hustong paglalahad ng mga ideyang gamit ang higit na payak na salita ng nagbabasa. - Sa pamamagitan ng hawig, nagagawang higit na nauunawan ang mga akdang teknikal o anomang akdang mahirap intindihin. - Kailangang maunawaan ng isang mambabasa ang bawat salita upang maunawaan ang mga ideya at mahanap ang ugnay nito sa iba pang pangungusap. - Kailangang may sapat ding talasalitaan ang isang mambabasa upang maipahayag niya sa kanyang sariling salita ang mga ideya sa pangungusap na maayos ang pagkakabuo at naglalaman ng mga ideyang payak at tiyak. - Ang paggawa ng hawig ay mahusay na pagsasanay sa pagbasa, magpapayaman ng talasalitaan at pagbuo ng mga pangungusap. - Upang magabayan sa pagsulat isaalang-alang ang sumusunod: ng hawig, maaaring a) Basahin nang mabuti at maingat ang akda upang maunawaan ang mahalagang ideya ng akda. Suriin ang gamit ng mga salita sa akda. Mahalaga ito upang matiyak ang pag-unawa sa mga salitang ginamit sa akda. Kung may mga salitang hindi nauunawaan ay tingnan agad sa diksyunaryo at sumangguni sa ibang aklat kung may mga hindi maunawaang konseptong nakasulat sa akda. Suriin din ang mga talinghagang ginamit. Mahalaga ito sa malinaw na pag-unawa sa sinasabi ng akda. Basahin nang kung ilang ulit ang akda upang matiyak na walang ideyang hindi nauunawaan. b) Gumawa ng hawig gamit ang iyong mga salita. Tiyakin na maaayos ang pagkakapiling mga salita, maaayos ang gramatika at malinaw ang pahayag ayon sa nakasulat sa akda. Alalahaning hindi dapat isama ang mga personal na palagay o pananaw sa paggawa ng hawig c) Ihambing ang iyong hawig sa orihinal na akda. Naipahayag mo ba sa higit na malinaw at tiyak na paraan ang nilalaman ng orihinal na akda? Nananatili ba ang tono at mood ng orihinal na akda sa iyong hawig? Gumawa ng mga rebisyon kung kinakailangan at saka isulat ang iyong pinal na hawig. Salin - Mahalaga ang kasanayan sa pagsasalin sapagkat hindi naman lahat ng mga babasahin sa pananaliksik ay nasusulat sa Filipino. - Sa Pilipinas, karamihan sa mga babasahing akademik ay nasusulat sa Ingles; may ilan din namang nasusulat sa mga wikang rehiyonal. - Mahalaga, kung gayon, na matutunan ang pagsasalin sa Filipino upang maging malawak ang batis ng impormasyong magagamit sa pananaliksik. - Ang isang mabuting salin ay nagpapanatili ng orihinal na ibig sabihin ng akda. - Katulad ng paggawa ng hawig, ang pagsasalin ay mahusay na pagsasanay sa husay na pag-unawa ng isang nabasang akda, husay ng pagkagagap ng nabasa at yaman ng bokabularyong gagamitin sa pagpapahayag ng kabuuang kaisipan nang walang nababawas at walang nadaragdag. - Hanggang maari, walang idinadagdag o ibinabawas sa isang salin. - Dito, kailangang gumamit ng tesauro at diksyunaryo upang mahanap ang tiyak na salitang aakma sa sinasabi ng akda. - Tulad ng paggawa ng hawig, presi at buod, binabasa ng ilang ulit ang akdang isinasalin upang mapanatili ang tono at mood ng akda. Sintesis - Ang sintesis ay pagsusuma ng mga mahahalagang paksang tinalakay sa isang akda. - Madalas itong inilalagay sa bandang huli ng isang akda upang mabuholang mga pangunahing puntong pinatunayan sa isang akda. - Ang kasanayan sa paggawa ng buod, presi, hawig, sintesis at salin ay hindi lamang para sa pagkuha ng tala. Sa pang-araw-araw na pakikipag-ugnayan ay mahalagang masapol ang kasanayang ito pagkat kapaki-pakinabang ito sa pagbibigay ng ulat, paglalahad ng mga hakbanging para sa isang gawain, pagbibigay ng mga komentaryo o kahit sa simpleng pakikipagkwentuhan sa mga kaibigan. Laging may mga pagkakataong magagamit ang kasanayan sa paggawa ng iba't ibang uri ng epektibong pagbubuod. Pagpili at Paglimita ng Paksa