Basahin ang isang kuwento ng mga Tingguian. Noong unang panahon ay may nag-isang dibdib na dalawang nilalang na nagngangalang Bulan at Adlaw. Sapagkat nagmamahalan kaya naging napakatamis ng kanilang pagsasama. Dahil dito nagkaanak sila nang marami. Nagpatuloy ng pagaanak si Bulan hanggang sa mapuna ni Adlaw na maraming-marami na pala ang kanilang mga anak at nagsisikip na sila sa kanilang bahay. Naisip tuloy ni Adlaw na kausapin si Bulan na pagpapatayin na lamang nila ang iba pa nilang mga anak upang muling lumuwag ang kanilang tinitirhan. Tumutol si Bulan sa mungkahi ni Adlaw at ito ang naging dahilan ng kanilang madalas na pag-aaway. Halos araw-araw ay para silang mga aso’t pusa. Ang dating matamis na pagmamahalan ay tila naglaho na. Umiksi na ang pisi ni Bulan kay Adlaw kaya’t nagpasiya siyang makipaghiwalay na lamang dito. Lalong nagalit si Adlaw. Pumayag din siyang makipaghiwalay kay Bulan sa kondisyong isasama lahat ni Bulan ang kanilang mga anak at huwag nang pakitang muli sa kanya. Kaya ngayon, makikitang si Adlaw o ang araw ay nag-iisang sumisikat sa araw at si Bulan o ang buwan ay sa gabi na lamang lumilitaw na kasama ng kanyang mga anak na mga bituin at kapag nagkakatagpo sila, sumisidhi raw ang poot ni Adlaw kay Bulan. Tinutugis niya ito na siya raw dahilan sa pagkakaroon natin paminsan-minsan ng laho o eklipse. Pag-isipan at Pag-usapan 1.Ano-anong kulturang Pilipino ang masasalamin dito? 2.Anong magandang aral ang natutuhan mo sa araling ito? Pansinin ang mga salitang may diing ginamit sa binasa. Masasabi mo ba ang gamit ng mga salitang ito? Ang malinaw, mabisa, at lohikal na pagpapahayag ay naipakikita sa maayos na paguugnayan ng mga salita, parirala at pangungusap. Mahalaga rin sa pagpapahayag ang maingat na pagpili ng mga salitang gagamitin upang higit itong maging malinaw sa lahat. Kagaya na lamang sa pagpapahayag ng sanhi at bunga, may mga hudyat na ginagamit upang maipahayag ito nang may kalinawan. Hudyat na nagpapahayag ng sanhi o dahilan: osapagkat/pagkat… odahil/dahilan sa… opalibhasa, at kasi… onaging… Hudyat na nagpapahayag ng bunga o resulta: okaya/kaya naman… okung kaya… obunga nito… otuloy… Nakikilala ang mga hudyat ng Sanhi at Bungang ginamit sa pangungusap Bilugan ang mga hudyat ng sanhi at bunga na ginamit sa pangungusap sa mga sumusunod na pangungusap. 1. Minahal nang husto ni Adlaw si Bulan kaya’t pinakasalan niya ito. 2. Naging matamis ang pagsasama ng magasawa kaya’t biniyayaan sila ng maraming anak. 3. Naging mabigat para kay Adlaw ang pagkakaroon ng maraming anak kaya naman inisip niyang patayin ang mga ito. 4. Sapagkat ina ay hindi naatim ni Bulan na pumayag sa naging pasiya ng asawa. 5. Nagkaroon tuloy ng buwan at bituin sa gabi nang magkahiwalay sina Adlaw at Bulan. Natutukoy ang bahaging sanhi at bunga sa pangungusap. Salungguhitan nang minsan ang sanhi at dalawang beses ang bunga. Nagagamit sa makabuluhang pangungusap ang mga hudyat ng sanhi at bunga. Bumuo ng limang pangungusap na ginagamitan ng sanhi at bunga.