PANULAAN SA PANAHON NG PROPAGANDA Ang Kilusang Propaganda Walang pakay na maghimagsik o maglunsad ng karahasan ang mga propagandista, ni lumabag sa batas o lumaban sa may kapangyarihan. Mga pagbabago ang hinihiling nila – mga reporma na kikilalanin ng pamahalaang Espanya (Austero at Suguran, 2012). Ang ilan sa mga layunin ng kilusan ay ang mga sumusunod: 1. Pantay na pagtingin sa mga Pilipino at Espanyol sa harap ng batas; 2. Gawing lalawigan ng Espanya ang Pilipinas; 3. Pagkakaroon ng Pilipinong kinatawan sa Kortes ng Espanya; 4. Pagtatalaga sa mga Pilipino bilang kura-paroko; 5. Kalayaan sa pagpapahayag, pagsasalita, pagtitipon, pagpupulong at pagkakaroon ng hustisya Ang Mga Propagandista 1. Dr. Jose Rizal – manggagamot, makata,mananalaysay, dalubwika 2. Marcelo H. del Pilar – abogado at mamamahayag 3.Graciano Lopez Jaena – mananalumpati at kritiko 4. Mariano Ponce – mag-aaral ng medisina, mananalaysay 5. Antonio Luna – parmasyotiko at mananalaysay 6. Juan Luna – pintor 7. Felix Resurreccion Hidalgo – pintor 8. Pedro Paterno – abogado at manunulat 9. Jose Maria Panganiban – tagapagsaling-wika at mananalaysay 10. Jose Alejandrino – inhinyero 11. Pedro Serrano Laktaw – guro at leksikograpo 12. Isabelo delos Reyes – poklorista at mamamahayag 13. Dr. Dominador Gomez – manggagamot at mananalumpati TATSULOK NG KILUSANG PROPAGANDA 1. Dr. Jose P. Rizal Dr. Jose Rizal. Jose Protacio Rizal Mercado Alonzo y Realonda ang buo niyang pangalan. Siya ay ipinanganak noong Hunyo 19, 1861 sa bayan ng Kalamba, lalawigan ng Laguna. Ang kanyang buhay ay nagwakas noong Disyembre 30, 1896, nang ipabaril siya ng mga Espanyol na nagparatang sa kanya ng sedisyon at paghihimagsik laban sa pamahalaan. Ginamit niya ang mga sagisag na Laong-laan at Dimasalang sa kanyang mga panulat. Sa Aking Mga Kababata Ni: Dr. Jose Rizal Kapagka ang baya’y sadyang umiibig Sa kanyang salitang kaloob ng langit, Sanlang kalayaan nasa ring masapit Katulad ng ibong nasa himpapawid. Pagka’t ang salita’y isang kahatulan Sa bayan, sa nayo’t mga kaharian, At ang isang tao’y katulad kabagay Ng alin mang likha noong kalayaan. Ang hindi magmahal sa kanyang salita Mahigit sa hayop at malansang isda, Kaya ang marapat pagyamaning kusa Na tulad sa Inang tunay na nagpala. Ang wikang Tagalog tulad din sa Latin Sa Ingles, Kastila at salitang anghel, Sapagkat ang Poong maalam tumingin Ang siyang naggawad, nagbigay sa atin. Ang salita nati’y huwad din sa iba Na may alfabeto at sariling letra, Na kaya nawala’y dinatnan ng sigwa Ang lunday sa lawa noong dakong una. Sa Kabataang Pilipino (A La Juventud Filipina) Ni: Dr. Jose Rizal Itaas ang iyong noong aliwalas, Mutyang kabataan sa iyong paglalakad; Ang bigay ng Diyos sa tanging liwanag, Ay paigtawin mo, pag-asa ng bukas. Ikaw ay bumaba, o katalinuhan, Mga puso namin ay nangaghihintay; Magsahangin ka nga’t ang aming isipa’y Ilipad mo roon sa kaitaasan. Taglayin mo lahat ang kagiliw-giliw, Na ang silahis ng dunong at sining; Kilos, kabataan at iyong lagutin, Ang gapos ng iyong diwa at damdamin. Masdan mo ang putong na nakasisilaw, Sa gitna ng dilim ay dakilang alay; Ang putong na yaon ay dakilang alay, Sa nalulugaming iyong Inang Bayan. O, ikaw na iyang may pakpak ng nais, At handing lumipad sa rurok ng langit; Upang kamtan yaong matamis na himig, Doon sa Olimpo’y yamang nagsisikip. Ikaw na ang tinig ay lubhang mairog, Awit ni Pilomel na sa dusa’y gamot; Lunas na mabisa sa dusa’t himutok, Ng kaluluwang luksa’t alipin ng lungkot. Ikaw na ang diwa’y nagbibigay-buhay, Sa marmol na batong tigas ay sukdulan; At ang alaalang wagas at dalisay, Sa iyo’y nagiging walang kamatayan. At ikaw, o diwang mahal kay Apeles, Sinuyo sa wika ni Pebong marikit; O sa isang putol na lonang makitid, Nagsalin ng kulay at ganda ng langit. 2. Marcelo H. Del Pilar Marcelo H. del Pilar. Siya ay ipinanganak noong ika-30 ng Agosto, 1850 sa Cupang, San Nicolas, Bulacan. Nagtapos siya ng abogasya sa Unibersidad ng Santo Tomas. Itinatag niya ang Diarong Tagalog at naging patnugot din ng La Solidaridad. Bukod sa sagisag na Plaridel, ginamit din niya ang mga pangalang Dolores Manapat, Piping Dilat at Pupdoh sa kanyang mga panulat. Namatay siya noong ika-4 ng Hulyo. 1896 sa Barcelona, Espanya. Sagot ng Espanya sa Hibik ng Pilipinas Ni: Marcelo H. del Pilar Puso ko’y nahambal nang aking marinig, bunso, ang taghoy mo’t mapighating hibik; wala ka na anak ko ng sariling hinagpis na hindi karamay ang ina mong ibig. Wala kang dalita,walang kahirapan, na tinitiis kang di ko naramdaman; ang buhay mo’y bunga niring pagmamahal ang kadustaan mo’y aking kadustaan. Ang lahat nang ito’y ninanais sana, na mamalaging lunas ng sinta mong ina ngunit aanhin pa, ngayo’y matanda na, hapo na sa hirap ako’y walang kaya. Ito na nga lamang maisasagot, nang salantang ina sa hibik mo, irog sasakyan mo’y gipo huwag matutulog ang mga anak mo’y may sigwa sa laot. Prayle’y manlalaban, ngunit alin kaya? sa galit ng bayan ang magiging kuta ang payapang dagat ‘pag siyang nagbala, ay walang bayaning makasasansala. 3. Graciano Lopez Jaena Graciano Lopez Jaena. Ipinanganak siya noong ika-18 ng Disyembre, 1856 sa Jaro, Iloilo. Nagtungo siya sa ibang bansa para matakasan ang pag-uusig ng mga prayle dahil sa mga akdang sinulat niya laban sa kanila. Sa Espanya. Itinatag niya ang La Solidaridad, ang opisyal na pahayagan ng Kilusang Propaganda, at siya rin ang unang namatnugot dito. Nakilala rin siya bilang mahusay na mananalumpati ng Kilusang Propaganda. Namatay siya dahil sa sakit na tuberculosis sa Barcelona, Espanya, noong Enero 20, 1896. ANG KILUSANG KATIPUNAN Hindi naipagkaloob sa mga Pilipino ang mga hinihinging pagbabago ng mga Propagandista. Naging bingi ang pamahalaan, nagpatuloy ang pang-aapi at pagsasamantala at naging mahigpit pa sa mga Pilipino ang pamahalaan at simbahan. Ang mga mabuting balakin sana ng inang Espanya sa Pilipinas ay nasasalungat pa rin ng mga prayleng nangaghari dito. Nang dahil sa pangyayaring iyon, ilan sa mga mamamayang Pilipinong kabilang sa pangkat ng La Liga Filipina na tulad nina Andres Bonifacio, Emilio Jacinto, Apolinario Mabini at iba pa ay nagsipagsabi na “Wala nang natitirang lunas kundi ang maghimagsik!” Kaya itinatag nila ang Kataastaasan, Kagalang-galangang Katipunan ng mga Anak ng Bayan o KKK na pinamunuan ni Andres Bonifacio. Ang naging laman ng panitikan ay pawang pagtuligsa sa pamahalaan at simbahan at pagbibigay-payo sa mga Pilipino upang magkaisa at maghanda nang matamo ang inaasam na kalayaan (Santiago, et. al., 1989). Taluktok ng Kilusang Katipunan 1. Andres Bonifacio. Siya ay isinilang sa Tondo, Maynila noong ika-30 ng Nobyembre, 1863. Dahil sa kahirapan at maagang pagkaulila, nahinto siya sa pag-aaral at napilitang maghanapbuhay para sa kanyang mga kapatid. Bagaman nahinto sa pag-aaral, naging masigasig siya sa pagbabasa. Ilan sa kanyang binasang aklat ang Noli at Fili ni Rizal, Les Miserables ni Victor Hugo, Historia de la Revolucion Frances, El Judio Errante at Las Ruinas de Palmira. Kinilala siyang “Ama ng Demokrasyang Pilipino”, at “Ama o Supremo ng Katipunan.” Namatay siya noong Mayo 10, 1897 sa Bundok Buntis, sa Maragundon sa kamay ng kapwa Pilipino. Pag-ibig sa Tinubuang Lupa Ni: Andres Bonifacio Aling pag-ibig pa ang hihigit kaya Sa pagkadalisay at pagkadakila Gaya ng pag-ibig sa tinubuang lupa? Aling pag-ibig pa? Wala na nga, wala. Pagpupuring lubos ang palaging hangad Sa bayan ng taong may dangal na ingat Umawit, tumula, kumatha’t sumulat Kalakhan din niya’y isinisiwalat. Walang mahalagang hindi inihandog Ng may pusong mahal sa bayang nagkupkop Dugo, yaman, dunong, katiisa’t pagod Buhay ma’y abuting magkalagut-lagot. Bakit? Alin ito na sakdal ng laki Na hinahandugan ng buong pagkasi, Na sa lalong mahal nakapangyayari At ginugugulan ng buhay na iwi? Ito’y ang inang bayang tinubuan, Siya’y ina’t tangi na kinamulatan Ng kawili-wiling liwanag ng araw, Nagbibigay-init sa buong katawan. Kalakip din nito’y pag-ibig sa bayan Ang lahat ng lalong sa gunita’y mahal, Mula sa masaya’t gasong kasanggulan Hanggang sa katawa’y mapasa-libingan. Sa aba ng abang mawalay sa bayan Gunita ma’y laging sakbibi ng lumbay Walang alaalang inaasam-asam Kundi ang makita lupang tinubuan. Pati ang nagdusa’t sampung kamatayan Wari ay masarap kung dahil sa inang bayan, At lalong maghirap, oh himalang bagay, Lalong pag-irog pa ang sa kanya’y alay. Kung ang bayang ito’y mapapasa-panganib At siya ay dapat na ipagtangkilik, Ang anak, asawa, magulang, kapatid, Isang tawag niya’y tatalikdang pilit. Hayo na nga, hayo, kayong nangabuhay Sa pag-asang lubos ng kaginhawaan, At walang tinamo kundi kapaitan Hayo na’t ibangon ang naabang bayan. Sa aba ng abang mawalay sa bayan Gunita ma’y laging sakbibi ng lumbay Walang alaalang inaasam-asam Kundi ang makita lupang tinubuan. Pati ang nagdusa’t sampung kamatayan Wari ay masarap kung dahil sa inang bayan, At lalong maghirap, oh himalang bagay, Lalong pag-irog pa ang sa kanya’y alay. Kung ang bayang ito’y mapapasa-panganib At siya ay dapat na ipagtangkilik, Ang anak, asawa, magulang, kapatid, Isang tawag niya’y tatalikdang pilit. Hayo na nga, hayo, kayong nangabuhay Sa pag-asang lubos ng kaginhawaan, At walang tinamo kundi kapaitan Hayo na’t ibangon ang naabang bayan. Kayong nalagasan ng bunga’t bulaklak Kahoy niyaring buhay na nilanta’t sukat Ng bala-balaki’t makapal na hirap Muling manariwa’t sa baya’y lumiyag. Ipahandog-handog ang buong pag-ibig Hanggang sa may dugo’y ubusing itigis Kung sa pagtatanggol buhay ay mapatid Ito’y kapalaran at tunay na langit. 2. Emilio Jacinto Emilio Jacinto. Isinilang siya sa Trozo, Maynila noong ika-15 ng Disyembre, 1875. Dahil sa maagang pagyao ng kanyang amang si Mariano Jacinto, kinupkop siya ng kanyang amain at pinag-aral ng abogasya sa Unibersidad ng Santo Tomas. Sumapi siya sa Katipunan sa edad na labingwalo. Ginamit niya ang ngalang Pingkian bilang sagisag sa Katipunan. Kinilala siyang Utak ng Katipunan at kanang kamay ni Andres Bonifacio. Siya rin ang namatnugot ng Kalayaan, ang opisyal na pahayagan ng Katipunan. Ang kanyang mga akda ay pawang naglalaman ng pagtuligsa sa pamahalaan at sa simbahan, panawagan sa mga Pilipino na magkaisa at ipaglaban ang minimithing kalayaan. Dimasilaw ang sagisag na kanyang ginamit sa pagsulat. Namatay siya habang nagtatanggol sa bayan noong Abril 16, 1899. 3. Apolinario Mabini Apolinario Mabini. Si Apolinario Mabini, ang kinikilalang “Utak ng Himagsikan” at “Dakilang Lumpo”, ay ipinanganak sa Talaga, Tanawan, Batangas noong ika-22 ng Hulyo, 1864. Bagama’t nagmula sa maralitang pamilya, nagsikap at nagtiyaga siya para matapos ang kursong abogasya sa Unibersidad ng Santo Tomas. Dinapuan siya ng sakit na pagkalumpo sa panahong nagsasanay siya bilang abogado. Subalit hindi naging sagabal ito upang huminto siya sa kanyang pakikipaglaban para sa kalayaan ng bayan. Dinakip siya ng mga Espanyol dahil sa pag-anib niya sa grupo nina Bonifacio subalit pinawalan din nang maitatag ang unang republika ng Pilipinas, hinirang siyang kanang-kamay at tagapayo ni Emilio Aguinaldo. Dahil sa mga akdang laban sa pamahalaang Amerikano, dinakip siya at ipinatapon sa Guam. Namatay siya noong ika-10 ng Mayo, 1903 sa sakit na kolera.