Pagsasalin sa Kontekstong Filipino - Mga Katangian at Gampanin ng Tagasalin - Mga Metodo sa Pagsasalin - Mga Teorya sa Pagsasalin Mula sa librong: Batnag, Aurora E. at Jayson D. Petras. Teksbuk sa Pagsasalin. Quezon City: C & E Publishing, Inc., 2009. Mga Layunin ng Pagsasalin 1. Magdagdag ng mga impormasyon at kaalaman mula sa pag-aangkat ng mga kaisipan mula sa ibang wika. Sa pamamagitan ng pagsasalin, nakasasabay tayo sa mabilis na daloy ng impormasyon tulad sa larangan ng teknolohiya at medisina. Nabibigyan tayo ng ideya sa mga kasalukuyang tuklas sa iba’t ibang panig ng mundo 2. Mailahok sa pambansang kamalayan ang iba’t ibang katutubong kalinangan mula sa iba’t ibang wikang rehiyonal at pangkating etniko sa bansa. Nakatutulong ang pagsasalin upang higit nating maunawaan ang ating pagka-Pilipino. Napagyayaman nito ang ating kamalayan sa tradisyon, paniniwala, at karanasan ng iba’t ibang etnolinggwistikong grupo sa Pilipinas at mula rito, higit nating nakikita ang pagkakatulad at ugnayan ng bawat pangkat. Narito ang dayagram ng proseso ng pagsasalin ayon kay Mildred Larson Ang Tatlong Katangian ng Isang Mahusay na Salin Ayon sa Summer Institute of Linguistics, may tatlong katangiang dapat taglayin ang isang mahusay na salin. Mabubuod ito sa akronim na CAN, na nangangahulugang C - clear (malinaw) A - accurate (wasto) N - natural (natural ang daloy) Kailangang malinaw ang isang akdang salin upang matamo ang layunin nito--ang mailipat sa ibang lengguwahe ang isang akda upang magkaroon ng komunikasyon sa ibang taong hindi marunong ng wika ng orihinal. Kailangan ding wasto ang salin, na nangangahulugang kung ano ang sinasabi ng orihinal na awtor ay iyon ding katapat na mensahe ang ipahayag naman sa ibang wika. At natural ang daloy ng salin, na ang ibig-sabihin ay madulas ang mga pahayag sa tunguhang lengguwahe na parang orihinal na sinulat sa wikang pinagsalinan, hindi bumibikig sa lalamunan ng mambabasa ang mga pangungusap at parirala, at madaling naiintindhan ng isang taong taal na tagapagsalita ng tunguhang lengguwahe. Ano ang teorya sa pagsasalin? - Ang teorya ay hanay ng mga konsepto na naglalayong magsilbing gabay at magpabuti sa praktika o sa aktuwal na pagsasagawa ng pagsasalin. Ang teorya, samakatwid, ang gabay ng tagasalin; ito ang batayan niya sa mga pagpapasyang paiiralin sa proseso ng pagsasalin ng isang partikular na teksto. Paano bibigyan ng pagpapakahulugan ang orihinal, paano tutumbasan sa TL ang mga salitang ginamit ng orihinal na awtor, literal ba o liberal, taksil o tapat, lahat ng ito ay batay sa teoryang ilalapat sa isang partikular na gawain ng pagsasalin. Mga Teorya sa Pagsasalin (Theodore Savory, The Art of Translation) A translation must give the words of the original A translation must give the ideas of the original (salita ba ang isasalin, o ang ideya o kahulugan ng orihinal? Mga salita ba ang tutumbasan o ang ideyang ipinapahayag sa likod ng mga salita?) A translation should reflect the style of the original A translation should possess the style of the translator (susundan ba ng tagasalin ang estilo ng orihinal na awtor at tatangkain itong ilipat sa TL hangga’t maaari? Kung mahaba ang mga pangungusap ng orihinal, gayon din ba kahabang mga pangungusap ang magiging salin? O kukunin lamang ang mga ideya ng orihinal at susulatin ito sa kanyang sariling pamamaraan?) A translation should read as a contemporary of the original A translation should read as a contemporary of the translation (tatangkain ba ng tagasalin na tapatan ang lengguwaheng kapanahon ng orihinal o gagamitin niya ang estruktura ng wika ng kanyang sariling panahon? Kapanahon ba ng orihinal na awtor ang gagamiting lengguwahe ng salin, o kontemporanyo ng tagasalin?) A translation may add to or omit from the original A translation may never add to or omit from the original (maaari kayang magdagdag o magbawas ang tagasalin? O isalin kung ano lamang ang nakasaad sa orighinal? kung may bahaging malabo sa orihinal, may karapatan ba ang tagasalin na magdagdag ng paliwanag?) - Alin sa nagsasalungatang mga prinsipyong nabanggit ang dapat maging gabay sa pagsasalin? Hanggang ngayo’y wala pa ring makapagbibigay ng iisang tiyak na sagot para sa lahat ng uri ng pagsasalin at mga tekstong pampagsasalin. Mga metodo sa pagsasalin ayon kay Newmark: Mga metodong may diin sa Simulaang Lengguwahe Salita-sa-salita Literal Matapat Semantiko Mga metodong may diin sa Tunguhang Lengguwahe Adaptasyon Malaya Idyomatiko Komunikatibo Sinasabi na ang SL ang diin o ang “pinagsisilbihan” ng salin kung pinapanatili ng tagasalin ang estruktura ng SL kaya’t mahahalata na ang teksto ay salin. Sa kabilang dako, ang salin na may diin sa TL ay nagsisikap na maging madulas ang daloy na parang orihinal itong sinulat sa TL at hindi tunog-salin. 1. Salita-sa-salita (word-for-word translation) Ito ang paraang ginagamit ng mga lingguwista para ipakita ang kahulugan ng mga salita at estruktura ng mga wikang tinatalakay. Hal: John gave me an apple Juan nagbigay akin isa mansanas Tinatawag din itong “gloss”. Kapag naisagawa na ang ganitong salin, ilalagay naman sa ibaba ang pangungusap na may tamang ayos: Si John ay nagbigay sa akin ng isang mansanas. Ang pagsasaling salita-sa-salita ay maaaring gamitin lalo na ng isang baguhang tagasalin sa unang burador upang makita ang mga posibleng panumbas, lalo na sa mahihirap na salita. Hal: There is a deep brooding in Arkansas Bilang panimulang hakbang, maaaring maging ganito: There is a deep brooding May isa malalim/matindi/taos/taimtim pagmumuni-muni/ kalungkutan/ depresyon/ pagninilay-nilay Kapag nabigyan na ng mga posibleng panumbas ang mahihirap na salita, saka babalikan ng tagasalin ang itinala niyang mga salita at pipili ng isa sa mga ito. 2. Literal - sa metodong ito, ang estruktura ng SL ang sinusundan ng tagasalin, hindi ang natural at madulas na daloy ng TL, at kadalasan ding ang pangunahing katuturan ng salita ang ibinibigay na panumbas, hindi ang salitang may pinakamalapit na kahulugan sa orihinal. Ang nagiging bunga ay salin na mas mahaba ngunit asiwa at hindi kawili-wiling basahin dahil hindi madulas ang daloy at nakabibikig sa lalamunan para sa mga taal na gumagamit ng TL. Hal: My father was a fox farmer. That is, he raised silver foxes in pens; and in that fall and early winter, when their fur was prime, he killed them and skinned them. Literal na salin: Ang tatay ko ay isang magsasaka ng lobo. Iyon, siya ay nagpapalaki ng mga lobong pilak; at sa taglagas at maagang taglamig, kung ang kanilang balahibo ay pinakamataas, siya ay pinapatay sila at binabalatan sila. Mapapabuti ang salin kung ganito: Ang aking ama ay nag-aalaga ng silver fox / lobo. Ibig sabihin, nagpapalahi siya ng mga lobong kulay pilak sa mga kulungan; at kapag taglagas at simula ng taglamig, kapag makapal at maganda ang kanilang balahibo (o primerang klase ang kanilang balahibo), kinakatay niya ang mga ito at binabalatan. 3. Adaptasyon/malaya - anyo ng salin na may pagkakataon na malayo sa orihinal. Hal: Que sera sera Whatever will be will be The future’s not ours to see Que sera sera Adaptasyon: Ay sirang sira! Ano ang mangyayari Di makikita ang bukas Ay sirang sira! Itinama sa tono ng awit ang salin ngunit pansinin na ang pariralang que sera sera (ano man ang mangyari sa hinaharap) ay tinumbasan ng “sirang sira” na kapareho ng tunog ng orihinal ngunit ibang-iba ang kahulugan. 4. Matapat - tinatawag itong matapat dahil sinisikap ibigay ang esksaktong kahulugan ng orihinal habang sinusundan naman ang estrukturang gramatikal ng SL Hal:Orihinal: When Miss Emily Grierson died, our whole town went to her funeral: the men through a sort of respectful affection for a fallen monument, the women mostly out of curiosity to see the inside of her house, which no one save an old manservant--a combined gardener and cook--had seen in at least ten years. Matapat na salin: Nang mamamatay si Bb. Grierson, ang buong bayan ay pumunta sa kanyang libing: ang mga kalalakihan, upang magpakita ng isang uri ng magalang na pagmamahal sa isang nabuwal na monumento, ang kababaihan, dahil sa pag-uusyoso upang makita ang loob ng kanyang bahay, na walang ibang nakakita kundi isang matandang utusang lalaki--na hardinero-kusinero--sa nakalipas na di kukulangin na sampung taon. Pansinin na nasapul ng salin ang mensahe at seryosong tono ng orihinal ngunit mapapabuti pa ito upang maging mas madulas. Nang mamamatay si Bb. Grierson, ang buong bayan ay pumunta sa kanyang libing: ang mga kalalakihan, upang magpakita ng isang uri ng magalang na pagmamahal sa isang nabuwal na monumento, ang kababaihan, dahil sa pag-uusyoso upang makita ang loob ng kanyang bahay, na walang ibang nakakita kundi isang matandang utusang lalaki--na hardinero-kusinero--sa nakalipas na di kukulangin na sampung taon. Nang mamatay si Bb. Grierson, halos buong bayan ang dumalo sa kanyang burol. Karamihan sa kalalakihang nagpunta ay nagnais na magbigay-galang sa dakilang binibini. Karamihan naman sa mga dumalong kababaihan ay nagpunta lamang upang makiusyoso at makapasok sa loob ng kanyang bahay na wala nang ibang nakatira maliban sa kanyang lalaking utusan. 5. Idyomatiko - idyomatiko ang salin kung ang mensahe ng orihinal ay isinalin sa paraang madulas at natural sa daloy ng TL. Ginagamit dito ang idyoma ng TL at sadyang nagiging iba ang porma ng pahayag, ngunit ipinapahayag ang mensahe sa paraang kawili-wiling basahin. Sa idyomatikong salin, hinahanap ng tagasalin ang idyomatikong katumbas sa TL ng mga pahayag sa SL. Hal: Orihinal: your girlfriend is still wet behind the ears. Salin: ang nobya mo’y may gatas pa sa mga labi (hindi: basa ang likod ng tenga) 6. Semantiko at komunikatibong salin Ang semantikong salin ay may tuon sa awtor o mas tapat sa orihinal samantalang ang komunikatibong salin ay may tuon sa mambabasa o mas malaya ang salin. Ngunit, ayon kay Newmark, walang dahilan kung bakit ang isang semantikong salin ay hindi maging komunikatibo rin. Nasa pagpapasya ng tagasalin kung aling metodo ang pipiliin niya batay sa uri ng teksto, layunin ng pagsasalin, at target na mambabasa. Paghahanda sa pagsasalin: 1. Pagbasa ng teksto - bago isulat ang unang salitang salin, kailangan munang mabasa ng tagasalin ang tekstong SL. Sa unang pagbasa - kailangan siyasatin kung tungkol saan ang teksto? ano ang nangyari? ano ang mensahe o pangkalahatang sinasabi ng teksto? Habang nagbabasa, ang tagasalin ay nagtatala na ng mga salitang mahirap tumbasan. 2. Pagsusuri at interpretasyon ng tekstong isasalin - kailangang tiyakin ng tagasalin ang uri ng teksto upang makaisip siya ng angkop na estratehiyang ilalapat niya sa pagsasalin at upang malaman din niya kung anong pagpapakahulugan ang pinakaangkop para sa isang partikular na teksto. Ang layon ng awtor Seryoso ba ang tono ng teksto? Mas binigyan ba ng diin ang lawak ng impormasyong taglay ng teksto? O baka naman personal ang paglalahad at gumagamit ng panghalip na “ako” at ang salaysay ay nakatuon sa mga personal na pangyayari sa kanyang buhay? O baka gumamit ang awtor ng lengguwaheng nanghihikayat o nagbibigay ng babala. Kailangang matukoy ng tagasalin ang layon ng awtor kaugnay ng tungkulin ng wikang ginagamit sa teksto ng SL; sa ganitong paraan, maililipat din niya sa TL ang gayon din tungkulin ng wika. 3. Pagsasaliksik sa awtor at sa tekstong isasalin - upang lubusang maunawaan ng tagasalin ang tekstong isasalin, lalo’t kung ito’y pampanitikan, makatutulong ang pananaliksik sa talambuhay ng awtor, kaligirang panlipunang pinagluwalan ng akda, at pagbasa sa iba pang mga obra ng awtor. Kailangang magsaliksik din ang tagasalin sa paksa ng tekstong isasalin. Upang maging matagumpay ang salin, hindi lamang kaalaman kundi kahusayan sa paksa ang kailangang taglay ng tagasalin. Isang dagdag na tulong sa pagsasalin ang pagkonsulta sa awtor upang maging mas malinaw ang konteksto ng kasaysayan, kultura at talambuhay. Ngunit, salungat ito sa sinabi ni Roland Barthes na “patay na ang awtor”. Ibig sabihin, ang mambabasa na ang dapat magpakahulugan sa isang akda at wala nang pakialam ang awtor ano man ang maging interpretasyon ng mambabasa sa kanyang sinulat; ang teksto at hindi ang awtor ang dapat magsalita. Aktuwal na Pagsasalin: Isang proseso ng pagpapasiya, ganyan ang pagsasalin. Bawat hakbang na isinasagawa ng tagasalin ay bunga ng pagpapasya. Ang pagpapakahulugan halimbawa ay isang pagpapasiya, kung may mga bahaging dalawa ang kahulugan, paano niya isasalin ito? Pananatilihin ba niya ang dalawang kahulugan? Kung panitikan, karaniwang oo ang sagot. Hal: SL: y una marina estrella llevaste a mi selda TL: and you brought a star of the sea to my cell Ngunit kung pang-impormasyon ang teksto, ang malabo ay kailangang linawin. Lalo na’t kung manwal ang materyal, kailangang wasto o eksakto ang impormasyon upang hindi magkamali ang gagamit nito. Kinikilala na ang pagsasalin ay isang malikhaing sining kaya’t dapat ituring na isang awtor ang isang tagasalin. Paghahanda ng tapatang salin Makatutulong sa isang baguhan ang paghahanda ng tapatang salin. Ito ay paggawa ng salin na may dalawang magkatapat na bahagi. siniping akda: -Batnag, Aurora E. at Jayson D. Petras. Teksbuk sa Pagsasalin. Quezon City: C & E Publishing, Inc., 2009.