PAGBASA AT PAGSUSURI NG IBA’T IBANG TEKSTO TUNGO SA PANANALIKSIK Quarter 3- WEEK 1- MODULE 1 Most Essential Learning Competency: Natutukoy ang paksang tinalakay sa iba’t ibang tekstong binasa (F11PB – IIIa – 98) ARALIN 1: PAGKILALA SA IBA’T IBANG URI NG TEKSTO Tekstong Impormatib Ang tekstong impormatib ay naglalahad ng mga bagong kaalaman, pangyayari, paniniwala, at mga impormasyon. Ang mga kaalaman ay sistematikong nakaayos at inilalahad nang buong linaw upang lubos na maunawaan. Kadalasang sinasagotnito ang mga batayang tanong na ano, kailan, saan, sino, at paano. Layunin nito na maging daluyan ng makatotohanang impormasyon para sa mga mambabasa, sapagkat marami ang nagtitiwala na may katiyakan ang mga impormasyon sa mga ganitong uri ng teksto. Naniniwala ang mga mambabasa na ang tekstong kanilang binabasa ay nakapagbibigay liwanag sa mga katanungan sa kanilang isipan. Naglalahad ito ng mga pangyayari at karanasan ng mga tao. Nakapagpapaliwanag din ito ng mga konseptong nakabatay sa mga tunay na pangyayari at kapakipakinabang ang mga impormasyong inilalahad nito. Mahalaga ang pagbabasa ng mga tekstong nagbibigay ng impormasyon sapagkat napauunlad nito ang iba pang kasanayang pangwika gaya ng pagbabasa, pagtatala, pagtukoy ng mga mahahalagang detalye, at pagpapakahulugan ng impormasyon. Halimbawa nito ay pagbabasa ng peryodiko, pakikinig at panonood ng balita, mga kasaysayan, adbertismo atbp. Tekstong Deskriptib Ang tekstong Deskriptib ay isang uri ng paglalahad at naisasagawa sa pamamagitan ng mahusay na paglalarawan. Ang uri ng sulating ito ay naglalayon na makapagpinta ng imahe sa hiraya ng mambabasa gamit ang limang pandama: paningin, pandinig, panlasa, pang-amoy, at pandama. Dito maipapamalas ng manunulat ang kaniyang husay at kakayahan sa paglikha ng isang masining na paglalarawan. Mainam kung mapukaw nito ang atensiyon at maikintal sa isipan ng mga mambabasa ang paglalarawan ng isang pangyayari, karanasan, bagay, lugar, tao atbp. Halimbawa nito ay mga lathalain at mga akdang pampanitikan. Uri ng tekstong Deskriptib 1. Deskriptib Impresyunistik ay uri ng tekstong naglalarawan na nanagpapakita 1 lamang ng pansariling pananaw o opinyon at personal na pakiramdam ng sumulat. 2. Deskriptib Teknikal ay uri ng tekstong naglalarawan na nagpapakita ng obhetibong pananaw sa tulong ng mga tiyak na datos, mga ilustrasyon, at dayagram. Tekstong Persuweysib Ang tekstong nanghihikayat o tekstong persuweysib ay naglalahad ng mga mga payahag upang makapanghikayat o makapangumbinsi sa mga tagapakinig o mambabasa. Ito ay may layunin na maglahad ng opinyon upang ang manunulat o tagapagsalita ay makahihikayat ng mga mambabasa o tagapakinig na maniwala sa kanyang posisyon o punto de vista hinggil sa isang paksa. Kailangang sapat ang katibayan o patunay upang suportahan ang isang isyu, paksa, o kaisipan nang sa gayon ito ay maging kapanipaniwala. Ang mga halimbawa nito ay ang mga patalastas, talumpati, editoryal, at sanaysay. Ito ay nahahati sa tatlong elemento ayon kay Aristotle: 1. Ethos hango sa salitang Griyego na nauugnay sa salitang Etika. Ito ay tumutukoy sa kredibilidad o personalidad ng manunulat o nagsasalita. Ang mga mambabasa ang magpapasya kung kapani-paniwala o karapat-dapatna panigan ang tagapanghikayat. 2. Logos salitang Griyego na Logos ay tumutukoy sa pangangatwiran o lohika na pagmamatuwid ng manunulat o tagapagsalita. 3. Pathos tumutukoy sa emosyon o nararamdaman o saloobin ng mambabasa o tagapakinig. Tekstong Naratib Ang pagsulat nito ay maaaring batay sa obserbasyon o nakita ng may akda, maaari din namang ito ay nanggaling mula sa sarili niyang karanasan. Ito ay maaaring hinango sa totoong pangyayari sa daigdig (di-piksyon), o nanggaling lamang sa kathang-isip ng manunulat (piksyon). Ang tekstong naratib ay isang uri ng tekstong naglalayong magkuwento o magsalaysay. Ito ay nagpapakita ng mga impormasyon tungkol sa mga tiyak na pangyayari na maaaring nakita, hango sa sariling karanasan, totoong kaganapan o di-piksyon, maaari ding likhang isip lamang ng manunulat o piksyon. Layunin nito ay makapagbigay–aliw o manlibang sa mga mambabasa. Ang halimbawa ng tekstong naratib ay ang maikling kuwento, alamat, at nobela. Mga bahagi ng Tekstong Naratib: 1. Ekposisyon o impormasyon tungkol sa pangunahing tauhan at tagpuan. 2. Mga komplikasyon o kadena ng kaganapan, dito nakikita ang pagkakasunod-sunod ng pangyayari sa kuwento, ang papataas na aksiyon, 2 rurok, at pababang aksiyon. 3. Resulusyon o denouement ay ang katapusan o huling bahagi ng kuwento dito nabibigyang solusyon ang tunggalian o suliranin. Tekstong Prosidyural Ang tekstong prosidyural ay nagpapaliwanag kung paano ginagawa o binubuo ang isang bagay. Naglalahad ito ng wastong pagkakasunod-sunod ng mga hakbangin, proseso o paraan sa paggawa. Layunin nito na makapagbigay ng malinaw na instruksiyon o direksiyon upang maisakatuparan nang maayos at mapagtagumpayan ang isang makabuluhang gawain. Ang halimbawa nito ay mga paraan sa pag-aasemble ng bagay o kagamitan, resipi sa pagluluto atbp. Tekstong Argumentatib Tekstong argumentatib ay naglalayong manghikayat, naglalahad ito ng mga oposisyong umiiral na kaugnayan ng mga proposisyon na nangangailangang pagtalunan o pagpapaliwanagan. Ang ganitong uri ng teksto ay tumutugon sa tanong na bakit. Gabay sa Pagbasa at Pagsusuri ng mga Teksto Mahalaga ang pagsusuri sa anomang babasahin upang makilala ang uri ng tekstong ating babasahin. Mainam na magamit natin ang ating kaalaman sa pagsusuri ng teksto ayon sa kabuuan nito. Maaari nating gamitin ang mga pamamaraan sa pagbasa na ating natutuhan gaya ng iskiming, iskaning, kaswal, komprehensibo, at iba pa. Karaniwan na sa isang mambabasa na sinusubukang paraanan o iiskan ang kabuuan ng isang akda upang tayo ay makakuha ng idea bago natin ito tuluyang basahin. Kumokonsulta din tayo sa mga talaan ng nilalaman upang mabatid kung ang akdang ating babahasin ay may kaugnayan sa mga katanungang hinahanapan natin ng kasagutan, Mainam din na mabatid muna kung ang nilalaman ng isang teksto ay angkop o akma sa uri o antas ng mambabasa nito. Mahalaga din na mabatid ang layunin, nilalaman, at maging kung sino ang sumulat ng teksto upang matukoy ang kapakinabangang hatid nito. Sa pagbabasa o pakikinig mainam na masuri ng mambabasa o tagapakinig kung ano at paano isinulat o iniulat ang isang teksto. Kung ang isang teksto ay 3 kakikitaan ng mahalagang impormasyon mainam na ito ay hanapan ng katibayan ng konsepto sa paglalahad ng akda. Gayundin ang pag-unawa o pagpapakahulugan ng mga salitang ginamit, ang pagsasaalang-alang sa paraan ng pagkakasulat ng akda, at pag-unawa sa nilalaman ng teksto, maging ang katuturan ng akda sa disiplinang kinabibilangan nito. 4