Panimulang pag-aaral ng tula Pangunahing sandata o kasangkapan ng manunulat ang salita upang maipahayag niya ang kaniyang mga diwain, saloobin, ideya o salaysay na nais niyang ilahad sa mambabasa Sa kaso ng makata, marapat ding matutunan muna niya ang iba’t ibang klase ng bigkas at tunog ng salita upang makalinang ng magandang tugmaan sa isang tula. Ganito ko maibubuod ang talakay ni Ginoong Michael Coroza, premyadong makata at sanaysayista, hinggil sa sukat at tugma sa isang panayam sa LIRA noong Hunyo 14 . Sa loob ng isang araw na lektura sa UP Diliman College of Arts and Letters ay inuri niya ang mga tunog at bigkas ng mga salita sa Tagalog / Filipino. Itinuro ni Coroza sa amin na sa tradisyong Tagalog/Filipino, may dalawang klase ng tugmaan kapwa para sa patinig(vowels) at katinig (consonants). Para sa patinig, mayroong mga tunog na “may impit, ” at walang impit.” Ilang halimbawa ng mga salitang “may impit”: salitâ, dakilâ, pakanâ.Tinutukoy sa impit ang pagbigkas na may “ipit” sa lalamunan. Kabilang naman sa mga salitang walang impit ay masaya, dalaga, pakikipagkita. Maiuuri naman ang katinig sa “malakas” at “mahina.” Tumutukoy ang “malakas” na katinig sa mga salitang nagtatapos sa “b,” “k,””d”,”g”,”p”,”s” at “t. Saklaw naman sa “mahinang” katinig ang mga salitang nagtatapos sa “l,” “m,” “n,” “ng,” “r” “w” at “y.” Matapos ang bawat pagtalakay ni G Coroza ng mga nabanggit na tugmaan sa patinig at katinig, inisaisa naman kaming lahat na nasa loob ng silid na iyon (mga 20 yata kami noon) na magbigay ng mga salitang mayroon at walang impit, pati na ang malalakas at mahihinang katinig. Nakita ko sa mga ehersisyong ito na kailangan talagang bihasa o kahit man lang marami nang alam na salita ang makata para lamang makaisip ng salitang tutumugma at tumutukoy sa detalyeng nais niyang sabihin. Kailangan din ang ibayong pagtatalas ng isip para makaisip pa ng ibang salitang nais niyang ipantukoy sa isang detalye. (Nabatid ko ito dahil napilitan akong mag-isip isip pa ng mga salita sa tuwing nababanggit ng ibang fellow ang mga salitang gusto ko sanang gawing halimbawa sa bawat ehersisyo). Mapapabasa ako tuloy nang madalas ng UP Filipino Dictionary (at kung papalaraing makabili pa, ng Tesauro-Pilipino-Ingles ni Jose Villa Panganiban). Sa hapong iyon, pinag-usapan naman ni Coroza ang apat na antas ng tugmaan: karaniwan, tudlikan, pantigan at dalisay. Tinutukoy sa karaniwang tugmaan ang pag-uulit ng dulong tunog ng mga pinatutugmang salita samantalang masasabing tudlikan ang tugmaan ng mga salita sa isang saknong kapag parehas din ng bigkas ang mga ito (malumi sa malumi, maragsa sa maragsa atbp). Pantigan naman ang tugmaan ng mga salita kapag magkapareho ng dulong katinig-patinig, o patinig-katinig ang mga pinatutugmang salita. Maituturing namang pinakamahirap at pinakamasalimuot ang tugmaang dalisay dahil kailangang a) parehos ang bigkas ng mga dulong pantig b)parehas din ang dulong katinig-patinig.patinig-katinig at c)parehos din ang patinig ng mga pinagtutugmang salita bago ang kanilang huling patinig. Tila nag-aral uli ako ng gramatika sa Filipino dahil sa mga natutunan ko sa panayam na iyon ni G. Coroza. Pero sa ngayon mas didibdibin ko na ang pag-aaral na ito dahil nakasalalay rito ang kagandahan ng tunog na mububuo mula sa pagtugma ng mga salita. Pinasulat din kami ng tanaga na kung saan kailangan makabuo kami ng tugmaang karaniwan. Ipapasuri namin ang mga ito kay G. Coroza, at kung sa tingin niya ay nasagot na ang hinihinging tugmaan ay ipapasulat na sa mga fellows sa whiteboard ang mga nagawang tula (upang isuri naman ng mga opisyal ng LIRA na naroon din!). Heto naman ang naging tanaga ko: Ako ay nababanas, Ika’y mapagmataas. Kapag kita’y kaharap, Gusto ko nang pumalag. Tugmaan pa lamang ito, at hindi pa napag-uusapan ang balangkas, himig at paggamit ng metapora at iba pang teknik sa pagtula.Kailangan ko pa ng “dibdibang” pag-aaral at pagbabasa ng pagtula upang sa gayo’y makapagsulat ako ng piyesang maganda sa pandinig at may ipinahahatid na diwain. https://himantayon2.wordpress.com Payo Pare koy, huwag kang magmamadali sa iyong pagsagwan. Kung sakaling ang nilalakbayan mong dagat ay mababaw, nakikita mo na ang ilalim, habang ilang buwan ka na rin bumibiyahe, huwag kang mabagot. Darating din ang panahong iihipan ka ng hangin, kasabay ng iyong matinding pagpupunyagi, patungo sa malayong laot. At wala ka nang nakikitang isla sa abot tanaw. Bagama’t lunggati mo ang makipagsabayan sa malalaking taog ng dagat, baka’y magulat ka sa hamong ito sakaling abutan ka ng unos sa dagat. Nakikipagsabayan ka sa nagngangalit na hangin, sinusuong ang buhos-buhos na pagbagsak ng ulan, habang tinatangka mong iwasang masiklot ng alon ang lulan mong bangka. Kung sa tingin mo’y kaning-itik ka sa sigwang ito, kung hindi man sa pating o berkakan, makontento ka munang magsagwan rito. Kung maaari ay magsanay ka muna sa pagsagwan hanggang sa makalayo sa dalampasigan nang hindi nanginginig o namumutla. Kung nagbabantulot ka pa rin sa iyong mithiin, bumalik ka na lang sa dalampasigan. Maaring ayusin mo ang iyong bangka. O gumawa ka ng mas malaking lantsa. https://himantayon2.wordpress.com/category/tulang-tuluyandagli/ Bayan, Bayani, Balagtas Posted on 04/04/2014 by Roberto Añonuevo Napapanahong titigan ang tema ng Araw ni Balagtas (2 Abril 2014) ngayong taon: “Bayan, Bayani, at si Balagtas.” Tinitingki ng nasabing tema ang pagpapahalaga sa konsepto ng “bayan” at “bayani” at sumasakay sa makasaysayang peregrinasyon sa ngalan ni Francisco Balagtas Baltazar sa tatlong pook: Maynila, Bulakan, at Bataan. Nagtipon-tipon hindi lamang ang mga kinatawan ng mga ahensiya ng pamahalaan, bagkus ang mga manunulat, guro, dalubwika, at alagad ng sining upang gunitain sa pamamagitan ng lakbay-panitik ang tatlong pook sa mga yugto ng buhay ni Balagtas bilang manunulat. Ang nasabing lakbay-panitik ay isang paraan ng paggunita sa dakilang makatang nagluwal ng diwaing “bayani” at “bayan” na hindi maiiwasang gamitin din ng gaya nina Jose Rizal at Andres Bonifacio sa kani-kaniyang diskurso. Ang pagkakaroon ng dalawang apelyido ng makata (“Balagtas” nang isilang, “Baltazar” naman nang ikasal at mamatay) ay tila pahiwatig ng magaganap ng pagtatagpo ng katutubo at banyaga sa kaniyang akda, na ang resulta’y pinaghalong katauhan ng modernisasyon. Kung babalikan ang Florante at Laura(1838) ni Balagtas, ang konsepto ng “bayan” at “bayani” ay kaugnay ng agawan ng kapangyarihan (na matataguriang “kudeta” sa ngayon) sa kaharian ng Albania, at sa agawan ng babae (“sexual assault” sa terminong legal) sa kaharian ng Persia at Albania. Maiuugnay din ang “bayan” sa tunggalian ng Albania at Persia, na ang Persia ay nadehado nang sumalakay ang hukbong Albania; at ang “bayani” ay halos katumbas ng “matapang” na iniuugnay sa “mandirigma” o “kawal” na tagapagtanggol ng teritoryo, kapangyarihan, at dangal. Ang hari ng Albania at ang hari ng Persia ay tila yin at yang kung hihiramin ang konsepto ng mga Tsino, na ang isa’y ginapi (mahina) at ang ikalawa’y nanggapi (malakas). Gayunman, malakas ang hukbong sandatahan ng Albania sa kabila ng mahinang pamamahala ni Haring Linceo; samantalang mahina ang hukbong sandatahan ng Persia sa kabila ng pagiging diktador ni Sultan Ali Adab. Sa Florante at Laura (1838) ni Balagtas, ang unang banggit ng salitang “bayani” ay patungkol ay isang bantog na gererong Moro na si Aladin, na nagligtas kay Florante mula sa mababangis na halimaw doon sa gubat. Ang “bayani” sa tula ay mahihiwatigang katumbas ng pinaghalong “katapangan” at “kawanggawa.” Isang kakatwang pangyayari ito, sapagkat ang mortal na magkaaway ay pinagtagpo sa ilang, at ang tao na inaasahang papatay sa kaniyang kalaban ang siya pang naging tagapagligtas. Sa ganitong pangyayari, ang pagiging “bayani” ay iniangat ni Balagtas sa mataas na diskurso mula sa dating diskurso ng “armadong digmaan” at “pagpapatayan” ng dalawang bayan tungo sa pagiging “tagapagligtas ng bayan.” Ngunit hindi doon nagtapos si Balagtas. Si Laura, na tangkang gahasain ni Adolfo sa gubat, ay sinagip ni Flerida na asintadong mamamana. Si Flerida naman ay tumakas tungong gubat upang lumayo kay Sultan Ali Adab na nais siyang gahasain. Pinagtagpo ang dalawang dilag sa gubat, na nagsilbing kanlungan ng kalayaan. Gubat din ang magiging tagpuan ng magkapares na mangingibig (Florante at Laura; Aladin at Flerida). Sa yugtong ito, ang konsepto ng “gubat” bilang lunan ng “panganib” at “dilim” ay naging “seguridad” at “liwanag.” Ang magkapares na Aladin at Flerida, at Florante at Laura, ang magpapahiwatig ng pagsisimula ng bagong sistema ng pamunuan, at siyang magpapabago sa sinaunang pamamaraan ng pamamahalang hitik sa katiwalian, karahasan, at kawalangkatarungan. Isa pang halimbawa ng konsepto ng “bayani” ay kinakatawan ni Minandro, na sumagip kay Florante kay Adolfo, at siyang nanguna sa hukbong gagapi sa mga kaaway. Ang unang pagiging bayani ni Minandro nang iligtas si Florante laban kay Adolfo’y noong sila’y kabataan pa, at sa yugtong ito, ang pagiging bayani ay katumbas lamang ng pagiging matapang na mandirigma (personal na antas). Ngunit sa ikalawang pagkakataon, ang pagiging “bayani” ni Minandro ay ipinamalas sa tula nang tumulong siya kay Florante para makabalik sa Albania at maghasik ng kontra-himagsikan. Sa yugtong ito, ang konsepto ng “bayani” ay naghunos sa pagiging “gawaing panlahat,” at siyang sinundan ng Vocabulario de la lengua tagala (1860) nina Juan de Noceda at Pedro Sanlucar. Sa dulong bahagi ng awit, sina Aladin at Flerida ay tutulungan nina Florante at Laura na makamit muli ang kanilang kaharian, nang mamatay si Sultan Ali Adab. Bagaman ang kumbersiyon nina Aladin at Flerida na ipinahihiwatig ng pagbibinyag [1] ay waring pagtalikod sa kanilang kinagisnang relihiyon, magbabalik sila sa Persia upang magpasimula ng bagong politika. Sa ganitong pangyayari, ang pagbabalik sa sariling bayan ay ipinahihiwatig na napakahalaga at higit sa dapat itadhana ng relihiyon. Isa pang taktika na ginawa ni Balagtas ay walang direktang banggit sa “diyos” o “santo” ng mga Kristiyano sa kaniyang tula. Ang “diyos” (dios) na binanggit ni Balagtas ay tumutukoy kay Cupido at hindi kay Hesukristo. Kahit ang salitang “Kristiyano” ay iniwasan sa tula, at mahihiwatigan lamang ito kung itatambis sa pahiwatig na “Moro” na tumutukoy sa panig nina Aladin at Flerida. Umaabot sa 136 salitang Espanyol [2] ang nakapasok sa korpus ng Tagalog sa Florante at Laura ni Balagtas. Pawang pangngalan [noun] ang naturang mga salita, na tumutukoy sa tao, pook, at bagay. Ang introduksiyon ng mga hiram na salitang banyaga ay isang paraan ng pag-aangkin, na sa termino ng kritikong Virgilio S. Almario, ay bahagi ng proseso ng naturalisasyon. Bagaman gumamit ng mga salitang Espanyol si Balagtas sa kaniyang tula, ang nasabing mga salita ay naging palamuti lamang at higit na nanaig ang katutubong konsepto ng “bayani” ng Tagalog. Makabubuting pansinin ang pamagat ng awit ni Balagtas. Nakasaad doon na ang awit ay kinuha umano sa “cuadro historico” o pinturang nagsasabi ng mga pangyayari sa imperyo ng Grecia noong unang panahon. Anuman ang ibig sabihin ni Balagtas, mahihinuhang lumilikha na siya ng anomalya dahil ang kaniyang akda ay walang tuwirang alusyon sa makasaysayang Grecia at hindi maikakahon lamang sa lunan ng Grecia. Ginamit lamang niya ang gaya ng “Grecia,” “Albania,” “Persia,” at “Etolia” sa pangalan lamang ngunit ang pinakapuso ng akda ay mahihinuhang hinugot sa kalooban ng Katagalugan. (Nilansi ni Balagtas ang awtoridad ng Simbahang Katolika at gobyernong kolonyal na Espanyol upang mapalusot ang kaniyang subersibong akda.) Ang “Katagalugan” na ito ang ipapakahulugan nina Andres Bonifacio at Emilio Jacinto na tumutukoy sa kapuluan ng bansa natin. Ayaw nilang tawagin ang sarili na “Filipino” bagkus “Tagalog.” Mabibigo sina Bonifacio at Jacinto, ngunit ang pagiging Tagalog ay mananatili naman bilang batayan ng wikang Filipino at kikilalanin sa Konstitusyong 1987— na isa nang malaking tagumpay ng mga bayani ng panitikan sa ating kapuluan. Dulong Tala [1] Sa Vocabulario de la lengua tagala (1860) nina Juan de Noceda at Pedro Sanlucar, ang “binyag” ay hango umano sa Borneo, at katumbas ng “paghuhugas ng tubig.” Isang ministro ni Mahoma (Muhammad) ang nagsasagawa ng ritwal na ito sa mga katutubo na hindi pa nabibigyan ng aral ng Islam. Nang lumaon, ang salitang “binyag” ay inangkin umano ng mga Kristiyano at itinumbas sa ritwal ng sagradong bawtismo. Kung babalikan ang tula ni Balagtas, ang konsepto ng pagbibinyag kina Aladin at Flerida ay hindi kumbersiyon sa Kristiyanismo, bagkus simpleng “paghuhugas ng tubig” para sa pagsisimula ng bagong relasyong mag-asawa. [2] Kabilang sa mga salitang banyagang ginamit ni Balagtas sa kaniyang tula ang sumusunod: adarga; adios; Adolfo; Adonis; Aladin; Albania; altar; Antenor; atropos; Arco; astrologia; Atenas; Aurora; Averno; Bandila (bandera); Baselisco; batalia; Beata; Briseo; buitre; cabayo (cabaio; caballo); caliz; campo; carcel; catuno (tono); Celia; cetro; cipres; ciudad; Cocito; coleto; conde; consejo; corales; corona; cristal; Crotona; cuadro historico; Cupido; diamante; dicho; Dios; ducado; duque; Edipo; ejercito; Embahador; Emir; Epiro; escuela; Estanque; Eteocles; Etolia; fama; Febo; filosofia; Flerida; Florante; Floresca; General Osmalic; Grecia; guerra; guerrero; Hiena; higuera; Houris; imperio; incienso; Laura; leguas; leon; letra; libo; Linceo; lira; lobo; maestro; maquina; Marte; matematica; Medialuna; Menalipo; Minandro; Miramolin; Monarca; moro; mundo; musa; musica; Narciso; Nayadas; ninfa; oras (hora); orden; Oreada; original; Palacio Real; paraiso; Parcas; Percia (Persia); perlas; Persiano; pica; pincel; Pitaco; plumage; Pluto; Polinice; Princesa; Profeta; Quinta; Reina; Reino; rubé; salas; sello; sierpe; Sigesmundo; sirenas; soldado; Sultan Ali-Adab; topasio; tragedia; trigo; trono; turbante; turco; Turquia; vasallo; Venus; verdugo; verso; victoria; viva; voses; Yocasta (Reina Yocasta). Advertisements Filed under: kasaysayan, panitikang Tagalog, Tulang Filipino, Wikang Filipino | Tagged: Balagtas, bayan, bayani, Kritika, KWF, peregrinasyon, Tagalog, tula | Leave a comment » Filipinas ng Makabagong Panahon Posted on 07/18/2013 by Roberto Añonuevo Mainit magpahanggang ngayon ang panukalang paggamit ng “Filipinas” bilang opisyal at pangkalahatang tawag sa bansa, at may panukalang patayin ang “Pilipinas” at “Philippines”. Maraming umiismid, kung hindi man umaangal, na higit umanong dapat pagkaabalahan ang iba pang problemang panlipunan, gaya ng pagtugon sa kahirapan at gutom. Isang katawa-tawa pa, sabi nila, na baguhin ang nakagisnan ng mga Filipino. Ang pagpili ng pangalan ay sumasalamin sa pangkalahatang kamalayan ng mga mamamayan; at kahit sabihing simple ang pagpapalit ng titik \P\ tungong \F\ ay maaaring umabot iyon sa pagsasaharaya ng kabansaan ng makabagong panahon, gaya ng panukala ni Tagapangulong Komisyoner Virgilio S. Almario at ng mga kasama niyang komisyoner ng Komisyon sa Wikang Filipino. Isang rebeldeng panukala ang pagpapanumbalik sa Filipinas, at ang implikasyon nito ay higit na madarama ng mga kasalukuyang manunulat, editor, at kahit ng madlang mambabasa. Inihayag kamakailan ng pitong propesor ng Unibersidad ng Pilipinas — na kinabibilangan nina Dr. Rosario Torres-Yu, Dr. Teresita G. Maceda, Dr. Maria Bernadette L. Abrera, Dr. Adrian P. Lee, Dr. Ramon G. Guillermo, Dr. Pamela C. Constantino, at Dr. Jovy M. Peregrino — na “malinaw na paglabag sa 1987 Konstitusyon ng Pilipinas ang paggamit sa mungkahing ‘Filipinas’ kapag ito’y ipinatupad.” Idinagdag pa nila na “matagal nang kinikilalang Pilipinas ang opisyal na pangalan ng bansa,” at nasa legal na dokumento gaya ng pasaporte, selyo, at pera. Hindi ito totoo; at walang paglabag sa kasalukuyang konstitusyon kung gamitin man ang Filipinas, gaya ng paggamit ng pangalang “Embajada de la Republica de Filipinas” sa Argentina, Chile, Espanya, Mexico, Olanda, Peru, at iba pa. Higit na naunang gamitin ang salitang “Filipinas” kaysa “Pilipinas,” at ang orihinal na paggamit dito’y mauugat pa sa Konstitusyong Malolos noong 1899. Saad nga sa Título XIV — De la Observancia y Juramento Constitucional y de los Idiomas, Artículo 93: El empleo de las lenguas usadas en Filipinas es potestativo. No puede regularse sino por la ley y solamente para los actos de la autoridad pública y los asuntos judiciales. Para estos actos se usará por ahora la lengua castellana. Ang paggamit umano ng mga wikang sinasalita ay hindi magiging sapilitan sa Filipinas. Hindi ito maisasabatas maliban sa bisa ng batas, at sa mga gawain ng publikong awtoridad at panghukuman. Sa gayong pagkakataon, ang wikang Espanyol ay pansamantalang gagamitin. Kaya paanong makapapasok ang Pilipinas sa dominyo ng kapangyarihan nang panahong iyon? Kung babalikan ang higit na nauna ngunit probisyonal na Konstitusyong Biak na Bato ng 1897, malinaw na nakasaad sa Artikulo VIII, na “Ang Tagalog ang magiging opisyal na wika ng Republika” [El tagalog será la lengua oficial de la República]. Ngunit binanggit sa pamagat ng Konstitusyon ang Filipinas: Constitución Provisional de la Republica de Filipinas, at ginamit kahit sa salin sa Tagalog sa kauna-unahang pagkakataon ang Republika de Filipinas. Ginamit ang salitang Filipinas mula sa tula ni Jose Palma, at siyang pinagbatayan ng pambansang awit, hanggang sa mga batas at regulasyon. Mula noon, ang Filipinas ay hindi na lamang isang pangalan bagkus tatak ng kalakal, pabrika, kapisanan, kasarian, kahusayan, kalayaan, at kabansaan. Sabihin mang ang Filipinas ang pangmaramihang anyo ng Filipina, alinsunod sa gramatika ng Espanyol, at ang Filipina ay naghunos na pang-uri ng republika, ang Filipinas ay walang pasubaling ang pangngalan at pangalan na ginamit, tinanggap, at pinalaganap makaraang magtagumpay ang himagsikan ng mga mamamayan laban sa Espanya. Tumanyag lamang ang Pilipinas makaraang isaad sa Artikulo IX, Seksiyon 2 ng Konstitusyong 1943 sa ilalim ni Pang. Jose P. Laurel ang sumusunod: The government shall take steps toward the development and propagation of Tagalog as the national language. Bagaman walang binanggit na opisyal na wika ang Konstitusyong 1943, ang pagpapaunlad at pagpapalaganap ng Tagalog bilang wikang pambansa ay kaugnay ng pagsikil sa hiram na titik \f\ ng Espanyol, at paghalili rito ng \p\, upang mapadali ang pagbigkas, pagsulat, at pag-angkin ng mga mamamayan. Ang kauna-unahang selyo makaraang magwagi ang mga maghihimagsik ay tinawag na Correos Filipinas at may tatak pa ng Gobierno Revolucionario Filipinas noong 1899. Ang kauna-unahang pisong pilak na pinanday noong 1897 at ginamit sa buong kapuluan hanggang noong 1904, at may busto ni Alfonso XIII, ay may nakaukit na mga salitang Islas Filipinas. Ang pinakamatandang bangko sa bansa ay ang Banco de las Islas Filipinas na kilala ngayon bilang Bank of Philippine Islands (BPI). Ngunit ang kauna-unahang pasaporte sa ilalim ng Commonwealth of the Philippines ay nasa wikang Ingles, at nanaig mula noon ang taguring Philippines sanhi ng kampanya ng Estados Unidos bukod sa pagsunod sa Artikulo 1 ng Konstitusyong 1935. Ayon sa Artikulo XIV, Seksiyon 3 ng Konstitusyong 1935, The Congress shall take steps toward the development and adoption of a common national language based on one of the existing native languages. Until otherwise provided by law, English and Spanish shall continue as official languages. Magiging makapangyarihan ang taguring Philippines sa tulong ng Estados Unidos, ngunit mananatili ang Filipinas bilang opisyal na katumbas sa Espanyol, kaya paanong susulpot ang Pilipinas kaagad-agad, gayong pagkaraan pa lamang ng 1940 maipalalaganap ang balarila at diksiyonaryo ng wikang pambansa? Mula sa pelikula ay isisilang ang La Mujer Filipina (1927) na itinaguyod ni Jose Nepumuceno. Pagsapit ng 1958 hanggang dekada 1960 ay mauuso ang mga pelikulang hibong Hollywood, ngunit sisilang din ang pangalan ng Pilipinas, alinsunod sa kautusan mula sa Kagawaran ng Edukasyon na gamitin ang “Pilipino” sa lahat ng paaralan. Ang nasabing kautusan, na nilagdaan ni Kalihim Jose E. Romero noong 1959, ang magtatakda ng taguri sa pambansang wika: Pursuant to the objective that inspired the President’s proclamation, and in order to impress upon the National Language the indelible character of our nationhood, the term PILIPINO shall henceforth be used in referring to that language. Sa kautusan ni Kalihim Romero ay natural na sumunod ang Pilipinas sa Pilipino, alinsunod na rin sa naturang palabaybayan. Ang kautusan ni Kalihim Romero ang magiging batayan ng katumbas na salin sa sariling wika, ayon sa Artikulo XV, Seksiyon 3 (1) ng Konstitusyong 1973, na nagsasaad: This Constitution shall be officially promulgated in English and Pilipino, and translated into each dialect spoken by over fifty thousand people, and into Spanish and Arabic. In case of conflict, the English text shall prevail. Ang Filipino sa bisa ng Konstitusyong 1973, ayon kay Andrew Gonzalez, ay maituturing na kathang-isip na batas [legal fiction] upang maging katanggap-tanggap sa iba’t ibang delegadong kabilang sa kumbensiyong konstitusyonal. Saad nga sa Artikulo XV, Seksiyon 3 (2) at (3) ng naturang konstitusyon: (2) The Batasang Pambansa shall take steps towards the development and formal adoption of a common national language to be known as Filipino. (3) Until otherwise provided by law, English and Pilipino shall be the official languages. Hindi makatotohanan kung gayon ang pahayag ng mga butihing propesor ng UP na pawang sumasalungat sa paggamit ng “Filipinas,” at ang pananaw nila ay masasabing naroon pa rin sa yugto ng Pilipino. Ang Konstitusyong 1973 ay pinawalang bisa ng Konstitusyong 1987, Artikulo XIV, Seksiyon 6, na nagsasaad na, The national language of the Philippines is Filipino. As it evolves, it shall be further developed and enriched on the basis of existing Philippine and other languages. Ang Filipino ng Konstitusyong 1987 ay lumampas na sa Pilipino ng Konstitusyong 1973, habang kumikilala sa pagiral nitong Filipino bilang lingguwa prangka, at ang pagtatangkang lumikha ng makabagong ortograpiya ay masisilayan noong 1978 at 1985 sa pamamagitan ng mga konsultasyon at forum na ginawa ng LWP at pagkaraan ng KWF. Lumikha rin ng mga bukod na konsultasyon ang mga batikang manunulat, akademiko, editor, atbp na pawang pinamunuan ni Almario atbp upang mabuo ang higit na abanseng ortograpiya. Ginagamit na ang Filipinas noon pa man, ngunit unti-unting mababago lamang ito dahil sa masugid na kampanya ng pagtataguyod ng ortograpiyang nakabase sa Tagalog, at yamang ang Tagalog ay tinumbasan ng \p\ ang lahat ng \f\ (bukod pa ang lahat ng \v\ na pinalitan ng \b\) na mula sa salitang Espanyol at siyang inangkin sa Tagalog at pagkaraan sa Pilipino, hindi kataka-takang mapasama sa kampanya ang Filipinas at Pilipinas. Bilang halimbawa ang sumusunod: café (kape), certificado (sertipikado), defecto (depekto), defensa (depensa), deficit (depisit), definición (depinisyon), definido (depinido), fabrica (pabrika), falda (palda), falso (palso), fanatico (panatiko), fantastico (pantastiko), farol (parol), farola (parola), fatalidad (patalidad), febrero (Pebrero), fecha (petsa) feria (perya), filosofia (pilosopiya), frances (Pranses), fundar (pundar), grifo (gripo), Filipinas (Pilipinas). Kung susuyurin ang Diksyunaryo-Tesauro Pilipino-Ingles (1972) ni Jose Villa Panganiban, ang Tagalog-English Dictionary ni Leo James English (1986), at Vicassan’s Pilipino-English Dictionary (1978) ni Vito C. Santos, ang lahat ng \f\ na mula sa mga salitang Espanyol na hiniram ay pinalitan ng \p\ pagsapit sa Pilipino. Ni walang lahok kahit isa sa titik \f\ sa naturang mga diksiyonaryo. Heto pa ang mabigat: Kung babalikan ang Diksyunaryo ng Wikang Filipino (1989) na inilathala ng Linangan ng mga Wika sa Pilipinas (LWP) ay walang lahok din ni isang salita sa titik \f\, sapagkat wala pa noong \f\ sa korpus ng Filipino. Sa ganitong pangyayari, paanong makapananaig ang Filipinas? Bakit kinakailangang isaad ang isang salita sa pamagat pa mismo ng diksiyonaryo, gayong ang naturang salita ay hindi naman matatagpuang lahok sa loob ng diksiyonaryo? Isang anomalya ito na marahil ay pinuna kahit ng yumaong Senador Blas F. Ople. Pinatay ang Filipinas (at lalong walang Filipino) sa mga diksiyonaryo at tesawro noong panahon ng Pilipino, kahit pa noong isinasalin ng LWP ang Konstitusyong 1987. Ang Filipino ng LWP at ng unang yugto ng KWF ay ibinatay nang malaki sa ABAKADANG Tagalog, ngunit ganap na magbabago sa UP Diksiyonaryong Filipino (2010) ni Virgilio S. Almario atbp pagkaraang pandayin nang ilang ulit ang makabagong ortograpiyang Filipino, alinsunod sa itinatadhana ng Konstitusyong 1987. Kaya kahit noong deliberasyon sa Komisyong Kontitusyonal noong 1986, nabanggit ni Gregorio Tingson na nagulat siya nang minsang magpadala ng liham sa kaniyang esposa mulang Larnaka, Cyprus tungong Philippines. Wala umanong Philippines, sabi ng post master ng Larnaka, at hindi nito naisahinagap ang Filipinas. Binanggit din ni Tingson na binabaybay na “Pilipinas” ang pangalan ng bansa, ngunit isinusulat minsan na “Filipinas” kaya marami umanong turista at bisita ang nalilito. Itinanong din niya sa kapulungan kung ang Bureau of Posts ay awtorisadong baguhin ang opisyal na pangalang Philippines tungong Pilipinas. Sumagot si Wilfrido Villacorta na ang “Pilipinas” ay opisyal ding pangalan ng bansa. Ngunit hindi naisaalang-alang ni Villacorta ang istoriko at lingguwistikong pinagbatayan ng Pilipinas, at kung bakit hindi Filipinas. Ang wikang ginamit sa Konstitusyong 1973 ay Pilipino, na labis ang kiling sa Tagalog. Nang ipromulga ang Konstitusyong 1973, malinaw na ang taguring Pilipinas ay batay sa konserbatibong Pilipino. Kaya tumpak lamang na mabahala si Tingson nang wikain niyang “wala akong alam na opisyal na batas na pinagtibay ng Kongreso na opisyal na tawagin sa ibang pangalan ang bansa maliban sa Philippines.” Mapapansin kung gayon na lumilingon si Tingson sa Konstitusyong 1935, at hindi lamang sa Konstitusyong 1973. Sumabat pagkaraan si Jose Luis Gascon at sinabing, “The Pilipino translation of Philippines is Pilipinas.” Walang paliwanag si Gascon sa kaniyang pahayag, at mahihinuhang sumusunod lamang siya sa pahayag na “Pilipino” ni Kalihim Romero noong 1959. Sinabi lamang niyang katumbas ng Philippines ang Pilipinas, subalit nabigong ipaunawa nang malalim at makatwiran kung bakit hindi dapat gamitin ang Filipinas. Hindi rin malay si Gascon sa dating ortograpiyang ibinatay sa Tagalog at pumatay sa titik \f\. Hirit pa ni Gascon: On the query of Commissioner Tingson whether there was any official act of changing the name Philippines to “Pilipinas” Commissioner (Adolfo S.) Azcuna told me that the 1973 Constitution had a Filipino translation of the Republic of the Philippines which was promulgated, and that is “Republika ng Pilipinas.” So it has been officially promulgated; therefore it does not need any congressional act. Mapapansin sa siniping transkripsiyon na ang gamit ng “Pilipino” at “Filipino” bilang mga wika ay nagbago kahit sa mga bigkas ni Gascon. Ang unang gamit niya na Pilipino ay mahihinuhang mula sa lumang ortograpiyang Tagalog at namayaning Pilipino alinsunod sa kautusan ni Kalihim Romero noon at siyang sinundan ng Konstitusyong 1973; samantalang ang ikalawang gamit na Filipino ay para sa mithing abanseng wika ng bansa, at siyang iiral sa Konstitusyong 1987. Ang “Filipino translation” na winika ni Gascon at patungkol sa “Pilipinas” ay mapasusubalian kung gayon. Ang binanggit ni Gascon na salin ay Pilipino at hindi Filipino, bukod sa walang opisyal na imprimatur mula sa Surian ng Wikang Pambansa na naging LWP at ngayon ay tinatawag na Komisyon sa Wikang Filipino. Ang LWP noong panahong iyon ay nakakiling sa “Pilipino” samantalang pangarap pa lamang ang wikang “Filipino.” At kahit ang LWP noong panahong iyon ay walang opisyal na tindig hinggil sa Filipinas, Pilipinas, at Philippines, ngunit gumagamit ng “Pilipinas” alinsunod sa ABAKADANG Tagalog, bukod sa napakakonserbatibo kung hindi man atrasado ang diksiyonaryo nito sa “wikang Filipino.” At bagaman ipinromulga ang Konstitusyong 1973, ang promulgasyon ng salin ay batay sa Pilipino ni Kalihim Romero. Hindi kataka-taka kung gayon na ang salin sa “Filipino” ng Konstitusyong 1987 ay hindi Filipino sa pinakamataas nitong pamantayan, bagkus nanatiling Pilipino, lalo kung isasaalang-alang na malaki ang inilundag ng makabagong ortograpiyang Filipino, alinsunod sa itinatadhana ng batas. Kung ipinromulga man ang “Pilipinas” bilang katumbas ng “Philippines” sa Konstitusyong 1987, ang naturang salita ay hindi “Filipino” bagkus “Pilipino” na umiral noong Konstitusyong 1973, at siyang ikinalito ni Gascon na sumunod sa opinyon ni Azcuna. Lumabas lamang ang maipapalagay na salin na ipinalimbag ng LWP limang taon pagkaraang ihayag ang Konstitusyong 1987 na dapat sanang kasabay inihayag ng bersiyong Ingles sa naganap na plebisito; at kung ito man ang sinasabing “Filipino” ay hindi nasuri ng Kongreso noong 1991, o ni kaya’y ng Komisyong Konstitusyonal noong 1986. Walang nagkakaisang tindig ang mga komisyoner ng Komisyong Konstitusyonal ng 1986 hinggil sa Philippines, Pilipinas, at Filipinas, at kung ipagpapalagay na nauna ang bersiyong Ingles, at Ingles ang wika ng diskusyon sa Komisyong Konstitusyonal, ang Philippines ang maituturing na tangi’t pangunahing opisyal na pangalan ng bansa at hindi Pilipinas. Kung gayon, ang mga mamamayan ay dapat tinatawag na Philippinean para maging konsistent sa ortograpiya, imbes na Filipino o Pilipino. Pinagtibay din dapat ng mga Komisyoner ng KWF noong 1992-1993 ang bersiyon sa “Filipino” na lumitaw noong 1991, ngunit walang naganap na gayon sapagkat nananatili pa rin ang naturang komisyon sa yugto ng nakaiwanan-sa-panahong Pilipino. Ang taguring Pilipinas ay malaki ang pagkakataong maituwid tungo sa Filipinas, lalo kung iisiping wala namang batas ang nagsasabing isa lamang ang opisyal na pangalan ng bansa (na dating ginawa noong panahon ng Komonwelt). Namayani ang Philippines sapagkat ang mga batas at kautusang binalangkas ng Kongreso, bukod pa ang mga kapasiyahan ng Korte Suprema, na pawang umiiral sa buong kapuluan ay karaniwang nakasulat sa Ingles, at siyang nagbubukod sa pamahalaan sa dapat sanang pagsilbihan nitong pangkalahatang mamamayan. Nailulugar sa ganitong pagkakataon ang katumbas na salin sa Filipino sa mababang antas, at pinanaig na batayan ang tekstong Ingles. Kung ipagpapalagay na may dalawang opisyal na wika ang bansa, Filipino at Ingles, ang Konstitusyong 1987 ay dapat nasa parehong wika at ang pambansang wikang Filipino ang siyang dapat makapanaig imbes na bersiyong Ingles. Ngunit sa punto ng praktikalidad, ani Francisco Rodrigo, yamang ang mga talakayan ng komisyong konstitusyonal ng 1986 ay nasa Ingles, kung sakali’t may lumitaw na tanong sa hinaharap, ang mga interpretasyon batay sa Ingles ang higit na matimbang kompara sa tekstong nasa Filipino. Hmmm. Pinag-uusapan din dapat ang tumpak na ispeling ng pangalan, upang maging konsistent ang tawag. Halimbawa, Filipino ang katumbas ng tao, wika, at konsepto, na ipapares sa Filipinas batay sa istoriko, huridiko at lingguwistikong pagdulog. O maaari din itong maging Pilipino na itutumbas sa tao, wika, at konsepto, upang umangkop sa Pilipinas. Maitatanong din kung bakit hanggang ngayon ay pumapayag ang mga Filipino na magkaiba ang tawag sa bansa nila alinsunod sa paggamit ng dalawang opisyal na wika. Sa ganitong mungkahi, kinakailangang susugan ang Saligang Batas 1987. Inihayag pa ng mga propesor ng UP na “walang legal na batayan at paglabag sa Konstitusyon ang palitan ang Pilipinas” at gawing Filipinas. Walang katotohanan ang gayong pahayag. Nakasaad sa Artikulo XVI, Seksiyon 2, ng Konstitusyong 1987 na, The Congress may, by law, adopt a new name for the country, a national anthem, or a national seal, which shall all be truly reflective and symbolic of the ideals, history, and traditions of the people. Such law shall take effect only upon its ratification by the people in a national referendum. Ang pangalang Philippines, gaya ng Filipinas, ay hitik sa mga pahiwatig ng kolonyalismo. Gayunman, ang Filipinas, gaya ng taguring Filipino, ay umigpaw na mula sa makitid na pagpapakahulugan ng mga Espanyol at lumawak upang kumatawan sa modernong konsepto at malayang bansa. Ang Filipino, na dating minimithing yumabong at linangin, ay sumapit na sa mataas at abanseng antas bilang mamamayan, wika, at konsepto, at hindi na maaaring maikulong pa sa limitadong Pilipinas. Ang Filipinas ay hindi na lamang pelikula ni Joel Lamangan, o kaya’y patutsada sa mga babaeng nagbibili ng aliw. Kaya hindi nakapagtataka kung lumitaw ang sumusunod: Filipinas Palm Oil Processing Incorporated; Filipinas Palm Oil; Bagellia Filipinas; Filipinas Alfa Company, Incorporated; Filipinas Synthetic Fiber Corporation; Filipinas Polypropelene Manufacturing Corporation; Compania de Filipinas; Digital Equipment Filipinas Incorporated; Funeraria Filipinas Incorporated; Filipinas Fair Trade Ventures; Compania General de Tabacos de Filipinas; Filipinas Aquaculture Corporation; Filipinas Agri-Planters Supply; Filipinas Dravo Corporation; Avia Filipinas International Incorporated; Filipinas Orient Airways Incorporated; Corporacion de Padres Dominicos de Filipinas; Filipinas Heritage Library; Filipinas Thermo King Incorporated; Filipinas Consolidated Sales; Islas Filipinas Food Products, Incorporated; Freyssinet Filipinas; Filipinas Multi-Line Corporation; Filipinas Systems Incorporated; Filipinas Consultants and Management Corporation; Tri-S Filipinas Incorporated; Filipinas Global Multiservices; Filipinas Mills; Filipinas Soda, at marami pang iba. Nagkamali ang mga propesor ng UP nang sabihin nilang walang lingguwistikong batayan ang pagbabago mulang Pilipinas tungong Filipinas. Kung walang lingguwistikong batayan ay bakit patuloy na sumisibol ang Filipinas sa larangang pandaigdig at elektroniko? Ang mismong ortograpiyang Filipino ang magiging pandayan upang mapalinaw kung ano ang itatawag sa ating bansa. Ang Filipinas ay hindi lamang isang idea; at hindi newtral na salita na binabago lamang ang isang titik alinsunod sa arbitraryong nais ng mga komisyoner. Ginagawa iyon upang patuloy na mahubog ang makabagong kamalayan, na ang iniisip ay siyang binibigkas, at ang binibigkas ay siyang isinasabuhay. Nagmumungkahi rin ang Filipinas na tawagin ang bansa sa isang pangalan lamang—imbes na tatlo—na siyang magbubunsod ng pagkakaisa ng mga Filipino anumang lipi, relihiyon, at kapisanan ang kanilang kinabibilangan. Nakalulungkot na kahit ang banggit ng mga butihing propesor ng UP hinggil sa kasaysayan ay saliwa. Filipinas ang ginamit nina Emilio Aguinaldo at Andres Bonifacio, ngunit pagsapit kay Bonifacio ay higit niyang itatampok ang Katagalugan, ang Inang Bayan na sumasaklaw ang pakahulugan sa buong bansa, upang maitangi ang diskurso ng Tagalog laban sa mga Espanyol na inaalagaan ng Inang Kuhila at Inang Sukaban [Madre España]. Hindi rin inilugar si Jose Corazon de Jesus, nang gamitin niya bilang makata ang Pilipinas sa kaniyang mga tula. Ang lunduyan ni Batute, palayaw ni De Jesus, ay ang pangarap na maging Tagalog ang wikang pambansa; at papanaigin kahit ang paraan ng panghihiram at pag-angkin ng mga salitang banyaga na makapagpapalago sa Tagalog. Kaya hindi katakataka kung isulong man niya ang Pilipinas; at kung ginamit man niya ang Pilipinas ay dahil maalam din siya sa Espanyol. Mababaw ang pahayag ng mga propesor ng UP na sumasalungat sa Filipinas. Inaasahan ko ang higit na masigasig at marubdob na pananaliksik upang ibuwal ang pagtataguyod ng Filipinas at panatilihin ang namamayaning Pilipinas at Philippines. Nakayayamot din ang mga interbiyu sa mga karaniwang mamamayan sa midya, sapagkat ang debate ay dapat nasa antas na intelektuwal at hindi basta pagpupukol lamang ng mga walang batayang kuro-kuro, komentaryo o putik. Panahon na upang buksan ang Filipinas. At inaasahan ko ito kahit sa munting talakayan sa hapag ng Pangulo ng Republika ng Filipinas. (“Filipinas ng Makabagong Panahon,” ni Roberto T. Añonuevo, 18 Hulyo 2013.)