YUNIT 1 FILIPINO BILANG WIKA AT LARANGAN Panimula Ang wika ay simbolo ng pagkakakilanlan, ng kultura, ng kalayaan. Napakahalaga ng papel na ginagampanan nito sa pang-araw-araw na buhay ng tao. Ito ang susi ng pagkakaisa at tagumpay ng isang bayan. Sa mga nakalipas na panahon, wika ang naging sandata upang pag-isahin ang mga nag-aalab na puso ng mamamayang Pilipino laban sa mga mapang-aping dayuhan na gustong angkinin ang kariktan at kayamanan nitong ating bayan. Sa deskripsyon ng Komisyon ng Wikang Filipino (KWF), ang wikang Filipino ay buháy o matatawag na dinamiko. Dumaan ito sa proseso ng paglinang sa pamamagitan ng panghihiram sa mga wika sa Pilipinas at mga di-katutubong wika. Ang wikang Filipino ay nagkaroon ng ebolusyon ng iba’t ibang barayti ng wika para sa iba’t ibang saligang sosyal at para sa mga paksa ng talakayan ng iskolarling pagpapahayag. Sa modyul na isinulat ni Gonzales (n.d.) may apat na facets ang sistema ng paglinang ng wika ayon kina Haugen (1972) at Ferguson (1971). Ang paglinang na ito ay binubuo ng kodipikasyon, o pagpili ng wika o sistema ng pagsulat na gagamitin, istandardisasyon, diseminasyon o pagpapalaganap at elaborasyon o pagpapayabong nito. Bahagi ng pagpapayabong ng wika ang paggamit nito bilang isang wikang panturo at higit sa lahat ay Filipino bilang isang disiplina o larangan. Dumaraan man ito sa mga pagsubok sa kasalukuyan, mananatili pa rin itong bahagi ng paglago at pag-unlad ng sistema ng edukasyon. Maraming gampanin ang wikang Filipino bilang wika ng pananaliksik sa agham/siyensya, medisina, komersyo, politika, matematika, musika at sining. Bagama’t marami pang walang katumbas na wika sa Filipino, patuloy pa rin ang pag-unlad sa larangang ito upang mapagyaman at mapanatili ang ating wika tungo sa umuunlad na panahon. Mga Layunin 1. Maipaliwanag ang ugnayan ng mga tungkulin ng wikang Filipino bilang wikang pambansa, wika ng bayan at wika ng pananaliksik na nakaugat sa pangangailangan ng sambayanan. 2. Makapag-ambag sa pagtataguyod ng wikang Filipino bilang daluyan ng makabuluhan at mataas na antas ng diskurso na akma at nakaugat sa lipunang Pilipino, bilang wika ng pananaliksik na nakaayon sa pangangailangan ng komunidad at ng bansa. 3. Malinang ang adhikaing makibahagi sa pagbabagong panlipunan. Lunsaran Panoorin ang music video na “Ang Awit ng Wika” sa youtube. Buksan ang link sa ibaba https://www.youtube.com/watch?v=lpq7MeFUVnY&feature=youtu.be&fbclid=IwAR3zWN sWTZ3uPbkvVhVxQBXWw_zouR3Ij4cly3WM3kBMm7KsCcb5Ohdp1fM&app=desktop Ipaliwanag ang mensaheng napapaloob sa awitin na hindi karaniwang matatagpuan sa mga awiting Ingles. Isa-isahin at ipaliwanag ang papel na ginagampanan ng wikang Filipino sa bayan/bansa. Nilalaman FILIPINO BILANG WIKANG PAMBANSA Isang baliktanaw sa kasaysayan ng wikang Filipino bago pa man ito tanghalin na opisyal na wika ng Pilipinas hango sa lathalain ni Dir. Hen. Roberto Anonuevo. Disyembre 30, 1937 ipinoroklama ang wikang Tagalog bilang batayan ng Wikang Pambansa. Ito ay ayon sa Saligang Batas ng 1935 kung saan ang Kongreso ay gagawa ng hakbang sa pagpapaunlad at pagpapayaman ng wikang pambansa batay sa mga umiiral na katutubong wika. Subalit ang proklamasyon ay magkakabisa lamang dalawang taon matapos ang pagpapatibay nito. Noong 1940, ipinag-utos ang pagtuturo ng Wikang Pambansa sa ikaapat na taon sa lahat ng pampubliko at pribadong paaralan sa buong bansa. Sinundan ito ng pagkakaroon ng bisa ng Batas Komonwelt Blg. 570 noong Hunyo 4, 1946 na pinagtibay ng Pambansang Asambleya noong Hunyo 7, 1940 kung saan ang wikang opisyal ng bansa ay tatawaging Wikang Pambansang Pilipino. Noong 1959, ang Kautusang Pangkagawaran Blg. 7 ay ibinaba ni Kalihim Jose B. Romero, Kalihim ng Edukasyon, kung saan ito ay nagsasaad na ang Wikang Pambansa ay tatawaging Pilipino upang mailagan ang mahabang katawagang “Wikang Pambansang Pilipino” o Wikang batay sa Tagalog.” Noong 1987, alinsunod sa Konstitusyon, ang wikang pambansa ng Pilipinas ay tatawaging Filipino. Ito ay hindi batay sa pinaghalo-halong sangkap ng katutubong wika na umiiral sa bansa bagkus ito ay nucleus ng Pilipino at Tagalog. Isinasaad ng Artikulo XIV Konstitusyong 1987, ang legal na batayan ng konsepto ng Filipino bilang wikang Pambansa at ang magkarugtong na gampanin nito bilang wika ng opisyal na komunikasyon, at bilang wikang panturo sa Pilipinas. Seksyon 6. Ang wikang Pambansa ng Pilipinas ay Filipino. Samantalang nalilinang ito ay dapat na payabungin at pagyamanin pa salig sa umiiral ng mga wika sa Pilipinas. Alinsunod sa tadhana ng batas at 2 sang-ayon sa nararapat na maaaring ipasya ng kongreso, dapat magsagawa ng mga hakbangin ang Pamahalaan upang ibunsod at puspusang itaguyod and paggamit ng Filipino bilang midyum ng opisyal na komunikasyon at wika ng pagtuturo sa sistemang pangedukasyon. Seksyon 7. Ukol sa mga layunin ng komunikasyon at pagtuturo, ang mga wikang opisyal ng Pilipinas ay Filipino, at hangga’t walang ibang itinatadhana ang batas, Inggles. Ang mga wikang panrehiyon ay pantulong na mga wikang opisyal sa mga rehiyon at magsisilbi na pantulong ng mga wikang panturo roon. Dapat itaguyod nang kusa at opsyonal ang Espanol at Arabic. Seksyon 9. Dapat magtatag ang Kongreso ng isang Komisyon ng Wikang Pambansa ng binubuo ng mga kinatawan ng iba’t ibang mga rehiyon at mga disiplina na magsasagawa, mag-uugnay at magtataguyod ng mga pananaliksik sa Filipino at sa iba pang mga wika para sa kanilang pagpapaunlad, pagpapalaganap at pagpapanatili. Malinaw na itinatadhana ng nasabing probisyon na ang wikang pambansa sa Pilipinas ay Filipino at nararapat lamang na gamitin ito lalo na sa larangan ng edukasyon gayundin sa mga transaksyon sa pamahalaan. Bagamat maraming wikang umiiral sa Pilipinas, mananatili itong pantulong na wika na gamitin sa mga kontekstong kultural at panrelihiyon. Samantala, itinatag ang Komisyon ng Wikang Filipino (KWF) upang magbalangkas ng mga patakaran, mga plano at mga programa upang matiyak ang higit pang pagpapaunlad, pagpapayaman, pagpapalaganap at preserbasyon ng Filipino at iba pang wika sa Pilipinas. Nilalayon din ng samahan na ganyakin ang mga iskolor at manunulat na itaguyod ang wikang Filipino sa pamamgitan ng pagbibigay ng insentibo tulad ng mga grant at award. Hinihikayat din ng KWF ang paglalathala ng iba’t ibang orihinal na obra at teksbuk at mga materyales na reperensiya sa iba’t ibang disiplina gamit ang Filipino at iba pang wika sa bansa. Ang wikang Filipino ay susi sa mabisang komunikasyon at daan sa pagkakaisa ng sambayanan. Sinasagisag nito ang pagiging isang tunay na Pilipino at tatak ng pagkamakabansa. Napakahalagang papel din ang ginampanan ng wikang Filipino para maisulong ang demokrasya sa Pilipinas sapagkat ito ang nagbibigkis sa adhikain ng sambayanang Pilipino. Sa kabuuan, ang wikang pambansa ay wikang nag-uugnay sa iba’t ibang pangkat ng mga Pilipino at ito rin ang wika ng pananaliksik para sa pagyabong ng karunungan at karanasan ng mga mamamayang gumagamit nito. Para sa karadagang kaalaman buksan ang link sa ibaba ukol sa “Kwento ng Wikang Pambansa.” https://drive.google.com/file/d/1e1WpLGAIW2dNC8qX6dGiJMcLy23FG2o4/view Filipino Bilang Wika ng Bayan at/ng Pananaliksik Minsan ay binanggit ni Manuel L. Quezon sa Pagdiriwang ng Buwan ng Wika ang mga katagang, “Hindi ko nais ang Kastila o Ingles ang maging wika ng pamahalaan. Kailangang magkaroon ng sariling wika ang Pilipinas, isang wika na nakabatay sa isa sa mga katutubong wika.” Ang wika ay mabisang kasangkapan sa pagpapahayag ng damdamin at opinyon gayundin sa pagtanggap at pagbibigay ng impormasyon. Ang wikang sinasalita at nauunawaan ng lahat ay mabisang daan ng komunikasyon, susi ng pagkatuto at matibay na punyal na gagapi sa pang-aapi at pag-apak sa ating pagkatao. Bawat bayan at bawat institusyon ay may mga patakaran na nagsisilbing gabay sa kilos at asal ng mga mamayan para sa maayos at matiwasay na pamumuhay. Subalit, paano ito mangyayari kung ang sinasabing batas ay nakasulat sa wikang banyaga? Sa Artikulo XIV Konstitusyong 1987 ay nagsasaad ng ganito: Seksiyon 8. Ang Konstitusyong ito ay dapat ipahayag sa Filipino at Inggles, at dapat na isinalin sa mga pangunahing wikang panrehiyon, Arabic at Kastila. Sa isang bansang demokrasya, napakahalaga ng iisang wika na nauunawaan ng lahat, sapagkat ito ang magiging daan sa kanilang pakikilahok sa mga usaping may kinalaman sa kapakanan ng bayan. Wikang pambansa ang daan para ang mga ordinaryong mamamayan upang magkaroon ng kakayahan na makisangkot sa mga programa ng gobyerno. Madaling maisasatinig ang mga ideyolohiyang magtatampok sa sarili, sa kultura at sa bayan. Mas mapadadali ang kaunlaran at mapalalakas ang kapangyarihang politikal kung mayroong nagkakaisang bayan na binibigkis ng iisang mithiin at iisang wikang nauunawaan ng lahat. Sabi nga ni Dr. Pamela Constantino, propesor sa Filipino sa Unibersidad ng Pilipinas, “Ang wika ay may malaking papel na ginagampanan sa Pilipinas, sa kaayusan at sa pag-unlad ng lipunan.(Constantino, n.d.) Sinabi naman sa artikulo ni Vitangcol III (2019) sa kanyang artikulong, “Ano ang Saysay ng Wikang Filipino,” na kahit ang dating Pangulong Aquino ay nagsabi na, “imbes na mga galos at pilat ang makuha dahil sa pagtatagisang-tinig, sana ay umusbong ang pagkakaunawaan at pusong makabayan. May tungkulin ang bawat isa na palaganapin ang isang kulturang may malalim na pagkakaintindihan sa isa’t isa gamit ang isang wikang pinagbubuklod at pinagtitibay ng buong bansa.” Dagdag pa niya, “Wika ang dapat pagbubuuin tayo, hindi tayo dapat paghihiwalayin.” Malinaw sa pahayag na ito, na ang wikang Filipino ay sandatang nagbubuklod sa lahat ng Pilipino saan mang dako ng mundo sila naroroon. Sa panahon ng malawakang pangingibang bansa ng mga Pilipino, wikang Filipino pa rin ang tanging nagbubuklod sa bawat isa. Wika pa rin ang simbolo ng kulturang pinagmulan na tanging sandata ng mga Pilipino sa panahon na malayo sila sa kanilang bayan. Sa wikang ito nakaugat ang mga adhikain na nagsisilbi nilang lakas laban sa mga hamon ng bansang umaalipin sa kanila. Ngayon, sa panahon ng pandemya, saan mang sulok ng mundo ay naipararating ng 4 mga Pilipino sa kinauukulan ang kanilang kalagayan at tulong na inaasam. Gamit ang sariling wika, malinaw na naisasalaysay ang hinaing ng puso at pangungulila sa abang bayan na pansamantalang nilisan para sa inaasam na magandang kinabukasan. Ang wikang Filipino ay wika rin ng edukasyon. Sa paglulunsad ng K to 12 Basic Education Curriculum isinaalangalang ang pangangailangan ng lipunan, global at lokal na pamayanan maging ang kalikasan at ang pangangailangan ng mamayan. Batay sa Gabay Pangkurikulum, isasama ang Filipino bilang disiplina sa wika kung saan nilalayon nito ang pagtuturo ng Filipino upang malinang ang kakayahang komunikatibo, replektibo/mapanuring pag-iisip, at pagpapahalagang pampanitikan ng mga mag-aaral sa pamamagitan ng mga babasahin at teknolohiya tungo sa pagkakaroon ng pambansang pagkakailanlan, kultural na literasi at patuloy na pagkatuto upang makaagapay sa mabilis na pagbabagong nagaganap sa daigdig. Dagdag pa rito, isa sa mga pamantayan ng programa ay gagamitin ang wikang Filipino upang madaling maunawaan at maipaliwanag ang mga kaalaman sa araling pangnilalaman, magamit ng angkop ang wastong salita sa pagpapahayag ng sariling kaisipan, damdamin o karanasan nang may lubos na paggalang sa kultura na nagbibigay at tumatanggap ng mensahe (K to 12 Gabay Pangkurikulum, 2016). Sa kabuuan, sa paglipas ng panahon, napatunayan na ang wika ang siyang naging pinakamahalagang sandata upang matanto ng bagong henerasyon ang mga pangyayari at kasaysayan na naging daan sa inaangking kalayaan. Ito rin ang nagbukas ng marami pang kaalaman sa iba’t ibang larangan at malaking papel ang ginampanan at gagampanan pa sa iba’t ibang anyo ng pananaliksik tungo sa mas malawak na pagbabago hindi lamang sa larangan ng edukasyon kundi pati na rin sa pagbabagong anyo at pagbibihis ng bayang kinagisnan. Filipino Bilang Larangan at Filipino sa Iba’t ibang Larangan Tinalakay ni Gonzales (n.d.) sa kanyang Modyul na may titulong “Ang Pagpapayabong at Intelektwakisasyon ng Wikang Filipino: Mula sa Paninging Teoretikal, Historikal, at Sosyolohikal” ang modelo ng paglinang ng wika ayon kina Haugen (1972) at Ferguzon (1971). Ayon sa kanila, isang paraan ng pagpapayabong ng wika ay ang elaborasyon o pagpapayabong nito na tinatawag ding intelektwalisasyon. Ang wika ay uunlad kung ito ay ginagamit bilang kasangkapan ng kultura at mas lalo pang napalalawak kung ginagamit ito sa pagpapahayag ng mga pagbabago o pag-unlad ng kabihasnan, partikular sa mga paksang may kinalaman sa agham at teknolohiya, sa mga makabagong pangangailangan at gawain sa pagsulong ng isang bansa tungo sa industriyalismo nito. Ayon naman kay Constantino (2015) sa aklat ni San Juan et al. (2019) ang kahalagahan ng intelektwalisasyon ay ang paggamit ng Filipino sa iba’t ibang larangan tungo sa pagpapaunlad hindi lamang ng wikang Filipino kundi ng kaisipang Filipino. Ang wika ay mabilis na uunlad kung ito ay ginagamit hindi lang sa tahanan, sa lansangan o sa pangaraw araw na buhay kundi bilang isang larangan sa edukasyon at pananaliksik. Maraming iba’t ibang refereed journal na 5 naglalathala ng mga pananaliksik at artikulo sa Filipino tulad ng HASAAN, Daluyan, Malay, etc. Sa pangkalahatan, ang pananaliksik na ito at ang mga mananaliksik ay nagtalastasan gamit ang wikang sarili at nakabuo ng isang sariling komunidad na pang komunikasyon sa disiplinang Araling Pilipino (Guillermo, 2016 sa aklat ni San Juan, et al., 2019). Ayon sa artikulong nakalathala sa Manila Bulletin ni Myca Cielo M. Fernandez (2018), binigyang-diin ni Virgilio Almario, Pambansang Alagad ng Sining, na mas magiging epektibo ang saliksik kung ito ay nasa wikang Filipino. Ito ay kaugnay ng pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa na may temang “Filipino, Wika ng Pananaliksik.” Ang pagdiriwang na ito ay nakatuon sa paggamit ng wikang Filipino sa larangan ng pananaliksik. Mas magiging epektibo ito kung ang bawat unibersidad ay hihikayatin na gawin sa wikang Filipino ang mga pananaliksik lalo na ang tesis at disertasyon. Mahalaga ang pagpaplanong pangwika sa pag-unlad ng Filipino bilang larangan at Filipino bilang iba’t ibang larangan. Ayon kay Flores (2015) sa aklat ni San Juan (2019), may dalawang antas ang pagpaplanong pangwika. Ito ay ang antas makro sa pagpaplanong pangwika kung saan nakatuon sa mandatoring asignaturang Filipino sa Kolehiyo at ang antas maykro sa pagpaplanong pangwika na nauukol sa aktwal na implementasyon ng gayong patakaran sa bawat lugar. ★ Para sa karagdagan kaalaman, komunsulta sa aklat nina San Juan, et al. (2019). Sangangdaan1 Filipino sa Iba’t ibang Disiplina. Gawain 1: Pagbibigay ng 3 katanungan mula sa mga paksang tinalakay Pamantayan 10 pts - Napakahusay Ang sagot ay tinalakay nang detalyado, malinaw at may kaugnayan, pagiging komprehensibo na dumaan sa masusing pag-iisip. 5 pts - Mahusay Malinaw ang pagkakalahad ng sagot, nagtataglay ng mga importanteng detalye subalit hindi nito napatibay ang mga impormasyong tinalakay sa paksa. 3 pts - Kulang sa Kasanayan Naging mahaba ang pagtalakay sa sagot at hindi kakikitaan ng mga mahahalagang impormasyon na magpapatibay sa paksang tinatalakay.