Asignatura: Pagbasa at Pagsusuri ng Iba’t- ibang Teksto sa Pananaliksik Pamantayang Pangnilalaman: Nasusuri ang Iba’t-ibang uri ng binasang teksto ayon sa kaugnayan nito sa sarili, pamilya,komunidad, bansa at daigdig. Pamantayan sa Pagganap: Nasusuri ang kalikasan, katangian, anyo ng iba't- ibang teksto. Mga Kasanayang Pagkatuto: Naipapaliwanag ang mga kaisipang nakapaloob sa tekstong binasa. I. Mga Layunin: Inaasahang matatamo ng mga mag-aaral ang mga sumusunod na layunin; a. nalalaman ang kalikasan at uri ng Tekstong Prosidyural; b. nasusuri ang halimbawa ng teksto; at c. nakasusulat ng isang tekstong prosidyural. II. Paksang –Aralin: Paksa: Tekstong Prosidyural Code: F11PS-IIIf-92 Sanggunian: Pagbasa at Pagsusuri ng Iba’t-ibang Teksto Tungo sa Pananaliksik pp. 47-49 Mga Kagamitan: PowerPoint, Video, Larawan, Hand-outs, Materyal sa Paggawa ng Saranggola (Selopin, gunting, walis tingting, Tali mula sa sako). Pamamaraan: Interactive Lecture, Collaborative Learning, Inquiry or Socratic Method III. Pamamaraan: A. Panimulang Gawain a. Panalangin b. Pagsasaayos ng lugar o silid-aralan c. Pagtsek ng Atendans d. Pagbati e. Pagbabalik- Aral Tatawag ang guro ng dalawang mag-aaral para magbigay ng rebyu sa paksang natalakay noong nakaraan. f. Pagganyak: Direksyon: Pagsunod-sunurin ang mga larawan. Ano ang dapat mauna at mahuli. Lagyan ito ng bilang 1 hanggang 5. B. Paglinang sa Aralin: a. Aktibiti: Hahatiin ang klase sa tatlong grupo. Magpapaunahan sa pagbuo ng mga larawan ang bawat pangkat. Huhulaan nila kung ano ang ibig sabihin ng mga larawan at ayusin ang mga larawan batay sa pagkakasunod-sunod nito. Ipaliwanag kung bakit ganun ang naging pagkakasunod-sunod ng mga larawan. b. Analisis: 1. Ano-ano ang inyong napapansin sa mga larawan? 2. Sa papaanong paraan ninyo napagkasunduan ang mga larawan? 3. Ano sa tingin ninyo ang kaugnayan ng mga larawan sa inyong nabuo? c. Paglalahad ng Paksa at Layunin Sasabihin ng guro sa buong klase ang magiging paksa at ang mga layunin. d. Pagtatalakay (Interactive Lecture) Magpapakita ang guro ng isang Visual Aid na tumatalakay sa paksa. (Ang mga mag-aaral ay may kanya-kanyang Paper Flaglet na gamitin sa pagsagot sa mga katanungang itatanong ng guro). Ang tekstong prosidyural ay isang uri ng teksto na nagbibigay ng impormasyon kung paano isagawa ang isang bagay o gawain. Inilalahad nito ang serye o mga hakbang sa pagbuo ng isang gawain upang matamo ang inaasahan. Sa tekstong ito, pinapakita ang mga impormasyon sa kronolohikal na paraan o mayroong pagkakasunod-sunod. Ang layunin ng tekstong prosidyural ay makapagbigay ng sunod-sunod na direksyon, hakbang o impormasyon sa mga tao upang matagumpay na maisagawa ang mga gawain na ligtas, episyente at angkop sa paraan .(Alma M. Dayag at Mary Grace G. Del Rosario, 2017) Ito rin ang sumasagot sa tanong na “Paano”, paano iluto, paano gawin, paano buuin, paano nangyari at iba pang tanong na ikinakabit sa tanong na paano. Ang tekstong prosidyural ay madalas nating nababasa sa mga produktong ating binibili katulad ng mga resipe ng lutuin, tamang pagbuo at paggamit ng isang kagamitan sa bahay at mga gadget. Sa panahon ngayon maraming mga bagay ang tinatawag nilang do-it-yourself, nararapat lamang na marunong tayong umunawa sa mga prosidyur na nakalakip dito. Ang wastong pag-unawa sa mga prosidyur ang gagabay sa atin upang matagumpay na maisagawa ang isang bagay. Uri ng Tekstong Prosidyural ● Paraan ng pagluluto (Recipes) – ito ang karaniwang uri ng tekstong Prosidyural. Nagbibigay ng panuto sa mambabasa kung paano magluto. Sa paraan ng pagluluto, kailangan ay malinaw ang pagkakagawa ng mga pangungusap at maaaring ito ay magpakita rin ng mga larawan. ● Panuto (Instructions) – Ito ay naggagabay sa mga mambabasa kung paano gawin o likhain ang isang bagay. ● Panuntunan sa mga laro (Rules for Games) – Nagbibigay sa mga manlalaro ng gabay na dapat nilang sundin. ● Manwal – Nagbibigay ng kaalaman kung paano gamitin, paganahin at patakbuhin ang isang bagay. Karaniwang nakikita sa mga bagay may kuryente tulad ng computers, machines at appliances. ● Mga eksperimento – Sa mga eksperimento, tumutuklas tayo ng bagay na hindi pa natin alam. Karaniwang nagsasagawa ng eksperimento sa siyensya kaya naman kailangang maisulat ito sa madaling intindihin na wika para matiyak ang kaligtasan ng magsasagawa ng gawain. ● Pagbibigay ng direksyon – Mahalagang magbigay tayo ng malinaw na direksyon para makarating sa nais na destinasyon ng ating ginagabayan. e. Paglalapat (Think Pair and Share) Sa kaparehong pangkat, bibigyan ang bawat pangkat ng materyales para sa pagsulat ng Tekstong Prosidyural. Ang isusulat nilang paksa ay batay sa bubunutin ng kanilang lider. Pagkatapos ng sampung minuto sa paggawa ay inaasahang makapagulat ang bawat pangkat. Mga Paksa: Unang Pangkat: Paano lutuin ang adobong paksiw na isda? Ikalawang pangkat: Paano gumawa ng parol? Ikatlong Pangkat: Paano maglaba ng damit? f. Paglalagom sa Paksang Tinalakay Tatawag ang guro ng ilang mag-aaral para magbigay ng dalawang pangungusap na pagbubuod sa paksang tinalakay. IV. Pagtataya (Differentiated Instruction) Ang bawat pangkat ay bibigyan ng 10 minuto sa paghahanda at 5 minuto para sa presentasyon. Bawat pangkat ay inaasahang maisagawa ang mga gawain. Unang Pangkat: (Practical) Magpapakita ang pangkat(Demonstration) ng paglikha ng isang saranggola gamit ang materyal na inilaan ng guro habang pasalitang ilalahad ang mga hakbang sa pagbuo nito. Pangalawang Pangkat: (Creative) Gagawa ang grupo ng isang rap/kanta na nagpapakita ng pagpapahalaga sa tekstong prosidyural. Sa pagbuo ng liriko, hinihikayat ang mga mag-aaral na gamitin ang mga diyalektong madalas na maririnig sa loob ng silid. Pangatlong Pangkat: (Analytical) Bumuo ng isang recipe ng lutong nanay na kinagigiliwan sa inyong tahanan. Pamantayan sa Pagmamarka ng Gawain Pamantayan Napakahusay Mahusay (10-8) (7-5) Kailangan Pang-paghusayan (4-1) Tema at ang tamang paggamit ng teksto Pagganap ng mga tauhan Kaugnayan sa paksa Pagkamalikhain Dating sa manonood mga V. Kasunduan: Ilagay sa isang malinis na papel. (40 puntos) 1. Panoorin ang video gamit ang link na ito (https://youtube.com/watch?v=wLi5CoFnHRE&feature=share). Magbigay ng ilang impormasyon ayon sa pag unawa. Pamantayan: Kaugnayan sa Paksa 10 Nilalaman 10 Sapat na impormasyon 10 Organisasyon ng mga ideya 10 Kabuuan: 40 Inihanda ni: Wena May C. Tipones