Kayamanan Sa bawat yugto ng ating buhay, ang karangalan ay isang bagay na nagpaluha sa atin nang hindi natin alam, nagpangiti sa atin nang hindi natin namamalayan at nagbigay insipirasyon sa atin upang magsikap na marating ang tuktok. Bawat taong nabubuhay dito sa mundong ibabaw ay nabiyayaan ng karangalang ito, ang ating pamilya. May iba’t ibang uri ng kayamanan sa mundong ibabaw; pera, alahas, magagarang kagamitan at magandang tahanan. Ngunit, nag-iisa lang ang itinuturing na tunay na kayamanan na kaagapay, kasalo at karamay natin sa lahat ng oras at bagay, ang ating pamilya. Sa lahat ng nararanasan natin, sila ang ating nagiging sandigan pagsubok man o kasiyahan. Ang bawat pangyayari sa ating buhay ay may kalakip na larawan na siyang magsisilbing alaala sa yugto ng ating buhay kasama ang ating pamilya. Simula kapanganakan hanggang ngayong nasa wastong gulang na ay hindi nawawala ang kahalagahan ng larawan. Ipinanganak tayo na walang kamuwang-muwang ngunit biniyayaan tayo ng mga taong handa tayong mahalin, alagaan at ibigay ang lahat ng kung anong mayroon sila, handang magsakripisyo upang tayo’y lumaki ng maayos at nagbigay daan sa atin upang makilala ang Diyos. Ipinapakita nila ang tunay na kahulugan ng pag- ibig at pamilya sa pagpapadama sa atin ng kanilang kasiyahan noong dumating tayo sa buhay nila. Sa paglipas ng panahon, marami na tayong nagiging prayoridad at nalilimutan na nating maglaan ng oras kasama ang ating pamilya. Sa bawat segundong lumilipas, dapat nating pahalagahan ang buhay ng ating pamilya sapagkat sila ang nagtaguyod, nag-alaga at nagmahal sa atin ano pa man tayo. Huwag nating kalimutang magbalik tanaw at pasalamatan ang mga taong sumusuporta sa atin magpahanggang ngayon at mas paigtingin ang pagmamahalan sa ating pamilya.