TEENAGE PREGNANCY: Pagmulat sa Kabataan mula sa Tanikala ng Lipunan Sa kasalukuyang henerasyon, hindi maitatangging mas naging lantad ang isyu ng maagang pagbubuntis na kinasasangkutan ng mga kabataan. Maaari itong maihalintulad sa isang tanikalang nakabugkos sa lipunang ginagalawan at ng mismong kabataan sapagkat ang teenage pregnancy ay isang komplikadong isyu na may malalim na implikasyon sa buhay ng mga kabataan. Kung titingnan sa mas malawak na perspektibo, ang pagbubuntis ng mga kabataan sa murang edad ay nagdudulot ng mga pangmatagalang epekto sa kanilang mga pangangailangan sa kalusugan, edukasyon, kapaligiran at kabuhayan. Maaari itong magdulot ng maraming negatibong epekto sa lipunan. Ilan na lamang dito ay ang pagtaas ng lebel ng kahirapan, pagtaas sa mga gastusin ng pamahalaan, mas mataas na mga gastusin sa edukasyon, mas mababang edukasyon, mas mataas na kaso ng krimen, mas mataas na kaso ng pang-aabuso sa bata, mas mataas na sukat ng pagkamatay ng sanggol, mas mataas na mga kaso ng HIV / AIDS, at iba pang sakit na nauugnay sa sekswal na pakikipagtalik. Bukod pa rito, may mas malalim pa itong epekto sa buhay ng mismong kabataang masasangkot sa isyu ng maagang pagbubuntis. Ang pagdurusa mula sa pagkakaroon ng anak sa napakaagang edad ay maaaring magdulot ng kabiguan sa kabataan, lalo na sa kaniyang mga pag-aaral at pang-araw-araw na buhay. Ang mga kabataan ay maaaring magkaroon ng mataas na antas ng pagkabalisa at pagkabagot. Sa madaling implikasyon, ay maaapektuhan at magkakaroon ng emosyonal na problema ang mga kabataan dahil dito. Ang pagdurusa ng kabataan dahil sa pagbubuntis ay maaaring magdulot ng pangmatagalang pagkabalisa sa buhay ng pamilya. Ang mga magulang ay maaaring magkaroon ng problema sa relasyon na may kanilang anak at sa pagitan ng isa't isa, kung kaya’t nararapat lamang itong bigyan ng kaukulang pansin. Tunay ngang ang teenage pregnancy ay isang sensitibo at masalimuot na paksa. Ito ay nagsasangkot ng maraming iba't ibang bagay, kabilang ang pisikal na kalusugan, emosyonal na kagalingan, at panlipunang koneksyon. Nagpapakita lamang ito na kailangan nating magkaroon ng kamalayan sa lahat ng mga panganib na nauugnay sa teenage pregnancy upang mabigyan ang mga kabataan ng pinakamahusay na posibleng impormasyon at suporta. Ang teenage pregnancy ay binigyang kahulugan ng mga diksyunaryo bilang ang hindi gustong pagbubuntis ng isang babae sa kanyang pagdadalaga. Parami ng parami ang kaso ng teenage pregnancy lalo na sa mga bansang mahihirap tulad ng Pilipinas. Sa kasamaang palad, dahil sa kakulangan ng sapat na kaalaman ukol sa teenage pregnancy, marami pa rin sa mga kabataan ang naniniwala na hindi sila mabubuntis kahit na makipagtalik sila ng wala pa sa tamang edad at hindi pa kasal. Ngayong nasagot na ang tanong na “ano ang teenage pregnancy”, mas marapat nating tuunan ng pansin ang mga dahilan sa likod ng maagang pagbubuntis ng mga kabataan sa ngayon. Narito ang ilan sa mga pangunahing dahilan ng teenage pregnancy. Sa panahon ng pagdadalaga o pagbibinata, ang mga teenager ay kadalasang nakadarama ng peer pressure na makipagkaibigan at maging kapareho ng kanilang mga kaedad. Sa maraming mga pagkakataon, ang mga batang ito ay pumayag na naimpluwensyahan sila na makipagtalik kahit na hindi pa nila lubos na naiintindihan ang kaakibat na mga resulta ng ganitong mga gawain. Ang mga kabataan ay nakikipagtalik dahil ang akala nila ay pinagmumukha sila nitong cool at naaayon sa uso. Ngunit kadalasan, ito ay nauuwi sa hindi inaasahang pagbubuntis. Posibleng ang isang batang babae ay mas malamang na mabuntis kung limitado o walang tamang patnubay ng kanyang mga magulang. Ang mga magulang na sobrang busy ay hindi nakapagbibigay ng tamang gabay sa kanilang mga anak na gumagawa ng importanteng mga desisyon sa buhay, halimbawa ay sa maagang pakikipagtalik at kung ano ang teenage pregnancy. Kapag ang isang bata ay hindi komportable na sabihin ang kaniyang problema dahil sa bawal na pag usapan ang sex sa bahay, o kaya naman sobrang busy ng kanyang mga magulang para dito, maghahanap siya ng mga kasagutan sa ganitong mga isyu sa kapwa niya mga kaedad. Pwede itong mauwi sa palitan ng maling mga impormasyon na maaaring mauwi sa maagang pagbubuntis. Bukod pa rito, ang industriya ng pelikula at ang media ay maaaring makadagdag sa mga kaso ng maagang pagbubuntis dahil sa pinagaganda nito ang itsura ng maagang pakikipagtalik at pagbubuntis sa mga panoorin sa TV at sine. Ang mga pelikulang nagtatampok sa maagang pagbubuntis bilang isang katanggap-tanggap na sitwasyon ay nanghihikayat sa mga kabataan na subukan ang walang habas na mga kaugalian sa pakikipagtalik. Ang mga kabataang hindi naturuan ng tama tungkol sa sex ay mas malamang na maging biktima ng hindi ginusto ang pagbubuntis. May mga kabataang hindi pa lubos na nauunawaan ang biyolohikal at emosyonal na mga aspeto na kaakibat ng pakikipagtalik. Ang mga kabataang ito ay malamang na nakakuha ng maling mga impormasyon galing sa mga kaibigan, mga video, telenovela o mga pelikula. Sa kadalasan, ang mga teenager ay wala ng tamang kaalaman para makagawa ng tamang mga desisyon kung nakikipagtalik sila o hindi. Ang pag inom ng alak ng mga kabataan ay pwedeng mauwi sa hindi gusto ang pagbubuntis. Maraming mga kabataan ang nag eksperimento sa droga at alak. Ang pag inom ay nag papahina ng kakayahan ng kabataan na kontolin ang bugso ng kanilang mga damdamin, na siyang dahilan ng higit sa 75% na mga kaso ng teenage pregnancy. Nababahala ang Population Commission sa pagtaas ng bilang ng teenage pregnancy sa bansa dahil pabigat umano ito sa ekonomiya ng Pilipinas. Ayon pa sa datos ng Philippine Statistics Authority, 200,000 Pilipinong teenager ang nabubuntis taon-taon mula 2011 hanggang 2015. Katumbas nito ay isang milyon sa loob ng limang taon. Ayon sa PopCom, nakababahala ito dahil magiging pabigat umano ang sitwasyon sa ekonomiya ng bansa. Sa katunayan, sa pag-aaral ng United Nations Population Fund, higit Php 33 bilyon ang maaaring mawawalang kita sa mga pamilyang Pilipino, at pati na sa kalakal ng bansa kapag ang pinuno ng tahanan ay isang menor de edad.Pero naniniwala ang PopCom, hindi porke't nabuntis ng maaga ay magiging habambuhay ng pasanin sa lipunan. Kaya isinusulong ng ahensya sa Kongreso na maipasa ang "Teen Pregnancy Prevention Law" na tutulong sa mga batang ina na magkaroon ng magandang kinabukasan. Kung sakaling maisabatas, magkakaroon ng komprehensibong programa para tulungan ang mga batang ina. Pwede na rin silang bumalik sa pag-aaral o 'di naman kaya'y magsimula ng negosyo, dagdag ng ahensya. Ayon sa PopCom, mahalaga ang tumatalakay sa elementarya pa lamang ang reproductive health education upang maging maalam ang kabataan tungkol sa pagbubuntis at pagsisimula ng pamilya. Mahalaga rin anila ang suporta ng pamahalaan sa mga batang ina upang mabigyan sila ng pagkakataong maging produktibong mamamayan. Maraming pagbabagong nagaganap sa pisikal at emosyonal na kalagayan ng isang nagdadalang tao. Nagiging maselan ang pagdadalang tao kaya naman ay kailangang isaalang alang o ikonsidera ang maayos na kalusugan, kailangan maayos ang timbang, taas at tamang edad upang mabawasan ang paghihirap sa pagdadalang tao hanggang sa manganak. Maaaring maapektuhan ang kalusugan ng bata kung ang ina ay hindi malusog at ang edad ay labinlima pababa. Mahihirapan manganak ang mga payat o maliit na babae sa pangangak dahil sa maliit ang kanilang pelvis na dinadaanan ng bata palabas ng sinapupunan. Kaya naman kadalasan ay nagreresulta na lamang sa aborsyon o pagpapalaglag ang ginagawa upang hindi maranasan ang mga pagbabagong nagaganap sa kanilang katawan. Ngunit posibleng magkaroon ng komplikasyon kung magpalaglag ng bata. May mga kaso rin na natatakot ang mga kabataan sa mga magulang dahil sa ito ay nabuntis. Lalo na kung ang pamilya nito ay konserbatibo. Dahil sa hayok at nadadala ng damdamin ang karamihan sa mga kabataan ay malaki ang tiyansa na sila ay mapunta sa maling daan na nagdudulot ng pagkasira ng kanilang buhay, halimbawa na lamang ay ang mapa barkada, kadalasan ay pagbibisyo ang kanilang ginagawa katulad na lamang ng paninigarilyo, pag inom, paggamit ng masamang droga at marami pang iba. Naaapektuhan din ang edukasyon ng isang bata kapag siya ay maagang nabuntis, maraming kabataan ang nasira ang pag aaral dahil sa maagang pagbubuntis maaaring tumigil ito sa pag aaral dahil sa maaaring kahihiyan ang matanggap sa kanyang kapaligiran. Maaaring sabihing ang teenage pregnancy ay isa sa mga sensitibong isyung panlipunan sa kasalukuyan sa ating bansa. Ang ilan sa mga dahilan kung bakit ito’y nauuso sa mga kabataan ay dahil sa kuryosidad at kakulangan ng kaalaman. Kapag sinabing sex, karamihan sa mga kabataan ay tatawanan lamang ito. Ang hindi alam ng mga karamihan, ang teenage pregnancy ay isang seryosong isyung panlipunan na kailangang bigyan pansin. Paano natin ito maiiwasan? Ang mga magulang ay dapat bantayan ng mabuti ang mga anak. Dapat nilang mapag usapan ang isyung ito sa kanilang kabahayan. Kailangang bigyang pansin ng mga magulang ang ginagawa at galaw ng kanilang mga anak. Ang mga kabataan din ay kailangan matutong makinig sa mga magulang, dahil para sa ikabubuti naman nila ang mga ito. Kung maaari, dapat iwasan muna ng mga kabataan ang pagkakaroon ng relasyon dahil maaari lamang silang matukso. Huwag laging makikinig sa mga kaibigan lalo na kung ito ay masamang impluwensiya. Iwasan muna ang mga bisyo, dahil maaari itong humantong sa maling pag-iisip. Sa mga kabataang nagbabasa nito, sana ay bigyang pansin nyo ang mga payong ito dahil para rin ito sa kinabukasan nyo. Kayo ang responsable sa inyong mga ginagawang maaari ninyong pagsisihan sa huli. Mahalaga ang tiyak at mas malawak na kaalaman tungkol sa sex education para sa mga kabataan. Sa panahon natin ngayon ay laganap ang teenage pregnancy kung saan maraming kabataan ang maagang nakabubuo ng pamilya at nanganganak ng wala pa sa tamang edad. Isa ang kakulangan ng kaalaman sa reproductive health ang dahilan nito, kaya naman mahalagang isagawa o isakatuparan ang sex education lalo na sa Pilipinas. Maraming kabataan ang nasisira ang buhay at kinabukasan dahil dito, marami sa kanila ay tumitigil sa pag-aaral, bago pa man mabuntis o habang buntis. Marami sa kanila ay nahihirapan ng mag-aral dahil sa kanilang bagong obligasyon. Ang sanggol at ang ina ay maghihirap, at papahabain uli ang siklo ng kahirapan ng kanilang pamilya. Ang mga kasong ito ay tiyak na mapapababa kung mabibigyan lamang ng tama at sapat na kaalaman ang mga kabataan ukol sa sex education. Ang teenage pregnancy o adolescent pregnancy ay nasa 10-19 na taong gulang. Bukod sa masamang epekto sa kalusugan maaaring magdulot din ito ng social consequences tulad ng hindi sa pag aaral, problema sa emosyonal at pinansyal na kailangan para sa pagpapalaki ng bata at kahirapan sa paghahanap ng trabaho dahil sa murang edad. Sinasabing mainam gumamit ng mga contraceptives tulad ng condom, birth control pills at iba pa upang maiwasan ang maagang pagbubuntis, subalit ang family planning ang mas epektibong solusyon upang maiwasan ang teenage pregnancy. Nararapat na mayroon tayong plano sa pagbuo ng pamilya upang maiwasan natin ang agarang pagkakaroon ng anak lalong lalo na kung tayo ay wala pa sa hustong gulang at wala pang sapat na pangtustos sa pang araw-araw na gastusin ng isang pamilya. Ang pagpapatibay o pagpapatatag ng relasyon ng ating pamilya ay nakatutulong rin upang maiwasan ang teenage pregnancy. Kung matatag ang relasyon ng pamilya, tayo ay mababantayan nang mabuti ng ating mga magulang ay nagsisilbing ehemplo rin sila sa atin upang tayo ay maghangad ng marangal na pamumuhay kaya naman makapagpopokus tayo sa pagkamit ng ating pangarap at maiiwasan natin ang mga tukso gaya na lamang ng teenage pregnancy. Maging bukas rin tayo sa ating mga magulang sa kung ano ang mga nangyari o nangyayari sa atin upang tayo ay kanilang magabayan ng maayos at masasabi ang mga nararapat at hindi natin nararapat gawin. Magiging kuntento rin tayo sa ating pamilya lalong lalo na tayo ay wala pa sa hustong gulang upang bumuo ng sariling pamilya at tatatak rin sa ating isipan na hindi pa tayo handa sa ganitong uri ng pamumuhay dahil hindi pa natin kaya nang wala ang tulong ng ating mga magulang at malalaman rin natin ang ating mga limitasyon pagdating sa pagkakaroon ng relasyon habang tayo ay wala pa sa hustong gulang. Ang patuloy na pagtaas ng populasyon sa Pilipinas ay kaakibat nito ang patuloy na paghirap ng bansa. Ayon sa World Population Review, nananatili pa rin sa ika-18 pwesto ang Pilipinas sa pinakamahirap na bansa sa Asya; bagama’t bumaba ng isang porsyento ang poverty incidence ng Pilipinas, isang malaking balakid pa rin ito sa mga taong nananatili sa bansa. Ang kakulangan sa edukasyon at kaalaman patungkol sa sexualidad ay isa pa ring malaking dahilan kung kaya’t maraming nabubuntis sa murang edad pa lamang na nakakaapekto sa paghirap at pagdami ng populasyon sa bansa. Ang naging unang hakbang ng gobyerno upang ma-solusyunan ang teenage pregnancy ay sa pamamagitan ng pagsasabatas ng Senate Bill 161, naglalayon itong magturo ng comprehensive sexuality education sa kabataan at pagtatalaga ng mga Prevention Programs sa mga local na pamahalaan. Gayunpaman, ang mga kabataan ay dapat na magkaroon ng mga adbentyur at hindi nila dapat hayaang ang teenage pregnancy na maging hadlang sa kanilang pag-unlad. Dapat nating alalahanin na ang pag-unawa at paggabay ay isang epektibong paraan upang maiwasan ang teenage pregnancy at mapalaya ang mga kabataan sa iba't ibang panganib.