Ang Aso at Ang Uwak Ang ibong si Uwak ay lipad nang lipad Nang biglang makita ang karneng nakabilad Agad na tinangay at muling lumipad Sa dulo ng sanga ng malagong duhat. Habang kumakain si Uwak nang masaya, Nagmakubli-kubli nang huwag makita Nang iba pang hayop na kasama niya At nang masarili, kinakaing karne. Walang anu-ano narinig ni Uwak Malakas na boses nitong Asong Gubat. Sa lahat ng ibon ika’y naiiba, Ang kulay mong itim ay walang kapara. Sa mga papuri nabigla si Uwak At sa pagkatuwa siya’y humalakhak; Ang kagat na karne sa lupa’y nalaglag Kaagad nilundag nitong Asong Gubat. At ang tusong aso’y tumakbong matulin Naiwan si Uwak na nagsisi man din. Isang aral ito na dapat isipin Ang labis na papuri’y panloloko na rin. Ang Magkapitbahay na Kambing at Kalabaw Magkapitbahay ang kalabaw at ang kambing. Isang umaga ay nagpunta sa kapitbahay ang kambing. “Ako ay nagugutom. Tayo na sa kabila ng ilog. Maraming bunga ng mais. Kumain ka ng kumain ng sariwang damo, kakain naman ako ng kakain ng mga murang mais,” ang sabi ng kambing sa kalabaw. “Oo, tayo na,” ang sabi ng kalabaw. “Pero hindi ako marunong lumangoy. Dalhin mo ako sa likod mo,” ang wika ng kambing. Sumakay nga ang kambing sa kalabaw. Ito naman ay lumangoy sa ilog hanggang sa kabilang ibayo. Kumain sila ng kumain doon. Mabilis kumain ang kambing. Ang kalabaw naman ay hihinayhinay kumain. Madaling nabusog ang kambing. Ang kalabaw naman ay hindi pa nabubusog. Nainip na ang kambing. Kaya nagyaya nang umuwi. “Kapitbahay, gusto ko nang umuwi. Busog na ako,” ang sabi ng kambing. “Mabuti ka pa busog na,” ang sagot ng kalabaw. “Maghintay ka na muna.” Nayamot na ang kambing. Inisip kung paano niya mapatitigil sa pagkain ang kalabaw. Mayroon siyang naisip. Naglulundag ang kambing. Gumawa ito ng malaking ingay. Dahil sa ingay na iyon ay narinig sila ng mga tao. Nagdatingan ang mga tao. Nakita nilang kinakain ng kalabaw ang mga pananim nila. Kaya hinuli nila ang kalabaw, samantalang nakatakas naman ang kambing mula sa mga tao. May isang Paru-paro na pinaglaruan ng isang batang lalaki. Iniwan niya itong nakabaligtad at kakawag-kawag sa lupa. Paru-paro: Saklolo! Tulungan ninyo ako! (Dumaan si Langgam at narinig ang sigaw ni Paru-paro) Langgam: Gusto kitang tulungan, ngunit nagmamadali ako. Maganda ang sikat ng araw at maghahanap pa ako ng pagkain. (Umalis si Langgam at iniwan ang kaawaawang Paru-paro) Paru-paro : Saklolo! Maawa kayo sa akin. Tulungan ninyo ako. (Dumating si Gagamba. Lumapit siya kay Paru-paro) Gagamba: Gusto kitang tulungan ngunit pagagandahin ko pa ang aking bahay. Mangunguha pa ako ng sapot. (At umalis si Gagamba) Paru-paro: O Bathala! Tulungan po ninyo ako. Didilim na at magsisitulog na ang kasama kong kulisap. Wala nang sa aking makakakita. Pagod at gutom na si Paru-paro. Napaiyak siya. Nang pahiran niya ang kanyang luha ay may napansin siyang papalapit na pakislap-kislap na liwanag. Alitaptap: Naku, bakit ka nandiyan? Napaano ka at kawag ka nang kawag? Paru-paro: Sa aking paghahanap ng nektar sa mga bulaklak ay hinuli ako ng isang batang lalaki. Pinaglaruan niya ako at iniwan niya akong nakabaligtad dito. Hindi ko kayang tumindig nang mag-isa upang lumipad. Maaari bang tulungan mo ako? Alitaptap: Aba, oo. Sandali lang, tatawag ako ng makakatulong ko. (Ilan pang sandali ay dumating ang maraming alitaptap). Paru-paro : Maraming salamat sa inyo. Kayo ang sagot ni Bathala sa aking dalangin. Kaybuti ng inyong kalooban… Alitaptap: Walang anuman, kaibigang Paru-paro. O sige, aalis na kami. Paru-paro: Aalis na rin ako. Pupunta na ako sa aking tahanang bulaklak. Salamat na muli. Ang Uwak at ang Gansa Isang Uwak ang nakaramdam ng pagkasawa sa pang-araw-araw na gawain. Sawa na siya sa paglipad sa kalawakan. Sawa na rin siya sa pamamasyal sa matarik na kabundukan at malawak na kagubatan. Ano kaya ang dapat niyang gawin upang malibang? Bigo siya sapagkat di niya makita kung anong bagay ang makapagpapaligaya sa kaniya. Isang araw, dumapo siya sa sanga ng punong mangga. Tiningnan niya sa ibaba ang malinaw na batis. Kitang-kita niya ang kekembot-kembot na paglalakad ng isang pulutong ng mga Gansa. Noon lamang napansin ng Uwak ang mapuputing balahibo ng pinanonood. Humanga siya sa mahahaba nilang leeg. Masasaya ang mga Gansa sa paglangoy nila sa batis. Maririnig mo ang malalamyos nilang tinig. “Masasaya na sila, magaganda pa! Pagkapuputi ng mga balahibo nila. Maitim na maitim ako. Pagkapangit-pangit ko. Siguro nakapagpapaputi, nakapagpapaganda at nakapagpapaligaya ang batis na pinaglalanguyan nila.” Upang makalangoy din, nakipagkaibigan siya sa isa sa mga Gansa. “Binibining Gansa, maaari bang sumabay sa iyong paglangoy?” “Aba, oo. Halika. Ang batis ay kalikasang handog ng Panginoon. Halika sumabay ka sa akin!” Kumislap ang mga mata ng Uwak. Sa wakas ay makalalangoy na rin siya. Subalit di tulad ng mga Gansa, ang Uwak ay hindi marunong lumangoy. Sapagkat gustung-gustong madaling pumuti, gumanda at lumigaya, pinilit niyang lumangoy na malayo sa Gansang kinaibigan niya. Sa kasamaang palad ay nabasa ang mga pakpak ng Uwak at natangay siya ng rumaragasang mga alon. Ang Madaldal na Pagong Isang umagang maganda ang panahon ay nagkitakita sa tabing-sapa ang magkakaibigan. Sila ay si Pagong Daldal, si Abuhing Gansa at si Puting Gansa. Nagkuwentuhan sila at di-nagtagal ay nagpaalam ang magkapatid na gansa. “Isama naman ninyo ako sa inyong tirahan sa kabilang ilog”, pakiusap ni Pagong Daldal. “E, paano ka namin maisasama ay wala ka namang pakpak at hindi ka makakalipad?” wika ni Abuhing Gansa. “Oo nga ano”, wika ni Pagong Daldal na halatang lungkot na lungkot. “Teka, may naisip ako”, wika ni Puting Gansa. “Maisasama ka namin kung susunod ka sa aking sasabihin.” “Salamat. Ipinangangako kong susunod ako sa ipaguutos ninyo”, wika ni Pagong Daldal. “Kakagatin mo itong patpat sa gitna. Kakagatin naman namin ni Abuhing Gansa ang magkabilang dulo at saka tayo lilipad. Kaya lamang, ito ang tandaan mo. Huwag na huwag kang magsasalita kung hindi ay mahuhulog ka at lalagpak sa lupa. O, hala. Tayo na. Kagatin mo na ang patpat, kaibigang Pagong”, wika ni Puting Gansa. “Tandaan mo, huwag kang magsasalita. Wala kang pakpak at kapag nakabitaw ka, tiyak na lalagpak ka sa lupa.” “Hindi ako magsasalita”, pangakong muli ni Pagong Daldal. Kinagat ni Abuhing Gansa ang isang dulo ng patpat at ang kabilang dulo ay kinagat naman ni Puting Gansa. At sila ay lumipad na. Tuwang-tuwa si Pagong Daldal nang nasa ibabaw na sila ng mga punongkahoy! Waring nakaakyat sa langit ang pakiramdam ni Pagong Daldal. Nakita ng mga batang nagsisipaglaro sa parang ang lumilipad na pagong. Naghiyawan sila sa tuwa at itinuro nila ang pagong na kagat-kagat ang patpat! “Tingnan ninyo ang Pagong Daldal! Lumilipad! Ha! Ha! Ha! Ha! Ha! Ha!” Nagalit si Pagong Daldal. “Mga batang_______” Hindi natapos ang iba pang sasabihin ni Pagong Daldal. Tuluy-tuloy siyang bumagsak sa lupa. “Kaawa-awang Pagong!” nawika na lamang ni Puting Gansa at ni Abuhing Gansa.