Kandong ni Reynaldo A. Duque Walang nakakaalam sa tunay niyang pangalan.mula't sapul ng aking kabataan, Kandong na ang tawag ko sa kanya. Wala ring makapagsasabi Kung saan siya nagmula. Basta na lamang siya dumating sa aming bayan ng San Juan isang maalinsangang hapon sa tag-araw, naging laman siya ng mga lansangan. Hinahalughog niya and mga basurahan, natutulog siya sa mga bangketa. Sa kalaunan, naawa sa kanya si Padre Santiago Difunturom, ang butihing kura paroko ng aming bayan, at inampon siya nito. Naging kampanero at katulong sa kumbento si Kandong. "Tagasaan ka ba, Kandong?" tanong ng Amang sa kanya isang araw na makasalubong namin siya sa kamino real. " Taga- Silangan ako," sagot naman niya. "Saan sa silangan?" "Sa sinisikatan ng araw!" "Ano ang pangalan mo?" "Kandong." "Ang tunay na pangalan ang ibig kong sabihin. Ang ibininyag sa iyo." " Nakalimutan ko na, e." "Bakit?" "Nawala ako sa daan!" Napahalakhak ang Amang. "Ang pangalan ngItay mo, nakalimutan mo na rin siguro?" " Hindi, Kosip ang pangalan niya." " Ang Inay mo?" "Mayyang." " Nasaan na sila ngayon?" " Hindi ko na alam, e. Hinahanap ko sila. Hindi n'yo ba sila nakita?" " Wala sila dito sa San Juan, Kandong?" sabad ko naman. " Alam ko. Kaya ako narito?" Dati, damuhan ang hardin sa kanlurang bahagi ng patyo ng simbahan. Ngunit magmula noong ampunin ni Padre Difunturom si Kandong, naging magandang lugar na ito. Tinamnan niya ito ng iba't ibang uri ng bulaklak. Sa lilim ng mayungyong na bogambilya, naglagay din siya ng isang upuang yari sa kahoy. At tuwing dapithapon, uupo siya rito at saka niya tutugtugin ang kanyang basag at luma nang gitara. Iisa ang alam niyang kanta. Dati-rati rin, naglalaro kami sa damuhang ito sa may patyo ng simbahan. Pagkatapos ng klase namin sa hapon, nagbubunuan kami nina Bitong, Butsoy at Bikoy sa damuhan. Magtataguan kami. Mag-eestaestatwahan. Maghahabulan. Ngunit magmula noong gumanda na ang hardin, napagbawalan na kaming maglaro roon. Dahil dito, kinainisan namin si Kandong. Isang hapon galing kami sa eskwelahan, Hindi namin napansin si Kandong sa may hardin. Nagbunuan kami roon. Animo'y mga alsadong kalabaw kaming nakawala sa koral. Maraming halaman ang nasira.Isang araw ng Sabado uli, nagkita-kita kami nina Bikoy, Butsoy at Bitong sa likod ng simbahan. Talagang masakit ang loob namin kay Kandong sa pag-agaw niya sa hardin na pinaglalaruan namin. "Kelangang gumanti tayo!" susog ko. "Oo!" wika ni Bitong. "' Nong gagawin natin?" tanong ni Bikoy. "Pagbabatuhin natin siya!" Isang takipsilim, palihim kaming pumunta sa may hardin. Ngunit wala si Kandong sa kanyang upuan sa lilim ng bogambilya. Sa inis namin, sinira namin ang upuang kahoy. Kinabukasan, napansin na lamang namin na buo na naman ang upuan! Sinira namin uli ang upuan. Ngunit binuo rin uli ni Kandong. Dahil dito, ipinasya naming tuwing bubuuin ni Kandon amg kanyang upuan ay sisirain namin uli ito. Ngunit kami ang nagsawa, hindi siya. Hanggang sa maisipan naming sirain ang lahat ng kanyang mga masets sa hardin isang gabi. Wala kaming itinirang halaman maliban sa san francisco, bandera, ezpañola at bogambilya. Sa matinding galit ni Padre Difunturom, isinermon niya and pagkasira ng mga halaman ni Kandong isang araw ng Linggo! Muling pinatamnan ni Padre Difunturom kay Kandong ang mga masetas. Nang malago na ang mga bagong tanim, ipinasya naming siraing muli ang mga masetas. Ngunit nang pinaghahahablot na namin ang mga puno ng rosas na nasa paso, biglang dumating si Kandong. Nakatakbo ng mga kasama ko. Dinala ako ni Kandong kay Padre Difunturom. Sinamahan ako ng pari sa pag-uwi. Isinumbong niya ako sa Itay. Isang linggong tiniis ko ang mga latay ng sinturon ng Itay sa pigi ko. Hindi rin nalibre sina Bikoy, Butsoy at Bitong. Animo'y mga bagong tule sila nang magkita-kita kami sa eskwelahan. Magmula noon, pinabayaan na namin ang hardin ni Kandong. Natutuhan namin ang matakot sa kanya. Kapag masasalubong na namin, umiiwas na kami. Sa paglipas ng panahon, natuklasan namin: nawawaglit ang takot ngunit higit namang nag- aalab ang poot. Tulad ni Bikoy, Butsoy at Bitong, hindi ko rin nalimutan ang pagkakaoarusa sa amun dahil kay Kandong. At ang binhi ng poot naito ay humimlay sa aming mga dibdib hanggang sa magbinatilyo na kami. Samantala, gigit namang gumanda ang hardin ni Kandong. Nasa Ikatlong Taon na kami ng sekudarya nang makagawa na naman si Kandong ng Hindi namin gusto. Tinamad kaming pumasok sa klase, naisipan naming makipagsugal ( sa mga batang naglalako ng dyaryo sa tabi ng lumang kampanaryo). Nasa kalinitan na ang pakikipagsugal namin sa mga batang naglalako ng dyaryo...nang dumating si Kandong. "H'wag kayong magsugal dito!" saway niya sa amin. "H'wag kang makialam dito!" bulyaw ko naman sa kanya. "Lumayo ka rito, luko-luko!" pagbabanta naman ni Bitong. Umalis si Kandong. Nang magbalik, kasama na niya si Padre Santiago Difunturom. Tumakbo kami. Nang dumating ako sa bahay, isang malakas na sampal ang isinalubong sa akin ng Amang. Alam kong nagsumbong na naman sa janya si Padre Difunturom. At higit pa sa sakit ng sampal ang kirot na nadama ko sa desisyon ng Amang. Titigil na ako sa pag-aaral! Isang taon akong hindi nag-aral. Isiningkaw ako ng Amang sa trabaho. Saka lamang ako pinayagan na mag-aral muli noong ipangako ko sa Amang na pagbubutihin ko na ang aking pag-aaral.Dumating ang hinihintay kong pagkakataong makapaghiganti kay Kandong nang mapansin kong halos araw-araw hinahandugan niya ng rosas si Manang Miryam. Umiibig si Kandong sa Manang! Maganda si Manang Miryam, ang panganay kong kapatid. Mahaba ang buhok niya. Nang minsang magpista ang aming bayan, napili ang Manang bilang reyna. Isang gabi, nakahiga ako nang makarinig ako ng tugtog ng isang basag na gitara sa tapat ng bintana ng silid ni Manang Miryam. Umakyat ang dugo ko sa ulo. Sa galit ko, nanaog ako ng bahay. “Anong ginagawa mo rito?” bulyaw ko kay Kandong. “Istorbo ka, luku-luko!” Inagaw kong bigla ang gitara ni Kandong at saka inihampas sa kanya. Nalugmok siya sa lupa. Hinintay kong gumanti siya. Ngunit hindi lumaban si Kandong. Dinampot niya ang wasak na niyang gitara at wala siyang imik na lumayo. Nang magpakasal ang Manang Miryam sa isang kapwa niya guro, nagpenitensiya si Kandong. At mula noon, tuwing sasapit ang Mahal na Araw , lalo na kung Biyernes Santo, sumasama na si Kandong sa prusisyon na lumilibot sa buong kabayanan habang nakapasan siya ng krus. Nagtungo ako sa siyudad upang ipagpatuloy ko ang aking pag-aaral. Dito, naging magkakabarkada na naman kami ni Bitong, Butsoy at Bikoy. Abugasya ang kinuhang karera ni Bitong, inhenyerya ang kay Bikoy at eskultura naman ang kay Butsoy. Ako, pamamahayag ang pinili ko. Iisang unibersidad ang pinapasukan namin. Nang minsang magbakasyon kami sa San Juan, napuna naming tila lumala ang pagkasintu-sinto ni Kandong. Hindi na lang Biyernes Santo siya nagpapasan ng krus kundi pati na rin sa mga simpleng araw. Lilibutin niya ang mga lansangan, sinusundan ng mga bata. Kinakantyawan at tinutularan ng mga ito si Kandong. Ngunit sa kabila ng lahat ng ito, hindi pinabayaan ni Kandong ang kanyang hardin sa may patyo ng simbahan. Nanatili itong maganda at kahali-halina. Parati rin siyang umuupo sa upuang kahoy sa lilim ng mayungyong na bogambilya tuwing takipsilim at kahit wala na ang kanyang basag na gitara ay palagi pa rin niyang inaawit ang: “Kaysarap mabuhay…” Mayroon din kaming napuna: may alaga na siyang itim na aso. Isang gabing nagpapalipas kami ng oras sa may patyong simbahan, nawika ni Bitong: Matagal nang hindi naaagusan ng alak ang ngalangala ko!” “Hindi problema ‘yan!” kantyaw naman ni Butsoy. “Magpainom ka!” “ Walang kwenta ang inumang walang pulutan!” sabad ko naman. "Maghanap tayo ng aw-aw!" wika ni Bikoy. “Ang aso ni Kandong!” wika ni Bitong. Aywan ko kung paano ginawa ngunit nagtagumpay si Butsoy na hulihin ang aso ni Kandong. Ginawa namin itong pulutan. Ngunit itinago ni Butsoy ang ulo ng aso. Magdamag kaming nag-inuman sa pagkakataong iyon. At kinabukasan, nagbalik kami sa siyudad Tapos na kami ng pag-aaral. Umuwi sina Bikoy at Bitong sa San Juan: sa Butsoy, pumasok sa isang sculpture shop sa Makati. Ako, tulad ni Butsoy, ay nanatili rin sa syudad. Pumasok ako bilang staffwriter ng isang lingguhang magasin. Dahil dito, naging madalang na ang pagkikita-kita naming apat. Nasa syudad pa rin ako noong mabalitaan kong namatay na si Kandong. Nagsunog daw siya ng sarili. Talagang isa siyang sintu-sinto, nawika ko sa sarili. Isang gabi, nagkatagpo kami ni butsoy a isang night club sa Roxas Bpulevard. Nasabi niya sa akin na kababakasyon pala niya sa San Juan. At sa kanya ko rin nabalitaan kung paano namatay si Kandong. Sa aming bayan sa San Juan, binalak daw ng isang kompanyang pag-aari ng dayuhang kapitalista na magpatayo ng isang plantang nuklear. Datapwat tumutol ang mga mamamayan. Nagkaroon din daw ng isang plebesito tungkol dito ngunit hindi rin binigyang halaga ng Pamahalaan ang damdamin ng mga tao. Pinayagan din nila ang dayuhang kapitalista na ipatayo ang naturang planta. Dahil dito, umaksyon ang mga mamamayan. Nagkaroon ng ilang demonstrasyon, lalo na ang mga estudyante. Hanggang sa isang araw, nagdemonstrasyong muli ang mga estudyante sa harapan ng itinatayong planta. Nagdatingan ang mga puis at kostable upang itaboy ang mga estudyante.Ngunit hindi tuminag ang mga estudyante. Kapagkuwan ay biglang pumagitna si Kandong. Dala-dala raw nito ang kanyang krus at saka isng galong gasolina. Kapagkuwan uli: bago nakakilos ang lahat ay binuhusan ni Kandong ang kanyang sarili ng gasolina at saka sinindihan. Natulala ang lahat ng mga nanonood. Ni wala man lamang daw nakaisip na itakbo si Kandong sa ospital. Sinabi rin ni Butsoy na sa bakasyon niyang yaon ay kinausap siya ni Padre Santiago Difunturom. Kinukumisyon siya ng pari na gumawa siya ng isang rebulto ni San Juan de Sahagun, ang patron ng aming bayan. Ipatatayo ang rebultong iyon sa gitna ng hardin samay patyo ng simbahan. Iyon daw ang ginagawa niya ngayon. At sina Bikoy at Bitong? Umaasenso na raw sila. Nabanggit din ni Butsoy ang pagnakaw namin sa aso noon ni Kandong. Naitanong ko tuly sa kanya kung saan niya dinala ang ulo ng aso na kanyang itinago noon. “tulad ng sinabi ko,” wika ni Butsoy, “dinala ko ‘yon sa upuang kahoy ni Kandong sa lilim ng mayungyong na bogambilya sa hardin. At alam mo kung ano ang ginawa ni Kandong noong makita niya ang ulo ng kanyang aso?” “ A-ano?” “Umiyak siya na parang bata. At kapagkuwan, ibinaon niya ang ulo ng aso sa gitnang bahagi ng hardin. Pagkatapos, tinamnan niya iyon ng mga buakalak. Sa pok na iyon ko ipatatayo ang rebulto ni San Juan de Sahagun na ginagawa ko ngayon.” May sumagi sa isip ko. “Maganda yatang isulat ‘yan, a!” “Ewan ko…ngunit noong makita kong umiyak si Kandong, para bang nahabag ako sa kanya. At sa bawat pagkakataong hawakan ko ang pait upang ililok ko si San Juan de Sahagun, gumigitaw ang mukha n Kandong sa aking isip.” Tumawa ako. “ Naging sentimental ka ‘ata!” kantyaw ko. Nangiti sa Butsoy, hungkag. “Marahil nga,” wika niya. “Nasabi ko na rin ito kina Bitong at Bikoy. At marahil din, tulad ng sinabi mo, ay sentimental din sila. Kasi tila nalungkot din sila.” “Nagsisi ba sila?” Tumango si Butsoy. Nang maghiwalay kami ni Butsoy, tinanong ko sa kanya kung kailan mabebendisyunan ang rebultong ginagawa niya. Sinabi niyang sa kapistahan mismo ng patron. Ipinasya kong dadallo ako sa araw na iyon. Hindi ako nakadalo sa pagbebendisyon ng rebulto ni San Juan de Sahagun. Hindi ko natupad ang pangako kong magbabakasyon ako sa araw na iyon. Ibinilanggo ako ng araw-araw na paghahabol ng buhay sa syudad. Tumaas ang pwest ko sa palimbagang pinapasukan ko at lumipas pa ang tatlong taon bago ako nakauwi sa San Juan. Pinasyalan ko ang hardin sa may patyo ng simbahan pagdating ko sa San Juan. Matayog nag rebulto ni San Juan de Sahagun sa gitna ng hardin. Hindi ako nakaimik nanfgg pagmasdan ko ang na rebulto. Kamukhang-kamukha niya ang nasirang si Kandong. Waring may kakaibang pamamanhid ang naramdaman ko sa aking dibdib. Inilibot ko ang aking paningin sa kabuuan ng hardin. Maganda pa rin, tulad ng dati. Iba’t ibang uri ang mga bulaklak. Sa isang sulok sa lilim ng mayungyong na bogambilya. Napansin kongn hindi na kahoy ang upuan doon. Sementado na! May dumating na apat na batang lalaki. Pumasok sila sa hardin. Nagbunuan sila sa pagitan ng mga masetas. Warinng kumulo ang dugo ko. Binulyawan ko sila. Takot na takot silang tumakbo palayo.Maingat kong inayos ang mga nasirang masetas nang may tumikhim sa aking likuran. Si Padre Santiago Difunturom. Matanda na siya. Puti nang lahat ang bbuhok niya. Ngunit napansin kong waring hindi pa rin kumukupas ang buhay sa kanyang mga mata. Nagmano ako sa kanya. “Natatandaan ko’ng mukha mo,” wika ng pari. “Ikaw si Angel de la Cruz, ano?” “O-opo, Padre,”magalang kong sagot. “Ako ang kabarkada noon nina Butsoy, Bitong at Bikoy. Nasabi sa akin minsa ni Butsoy na siya raw ang gumawa ng rebultong ito ni San Juan de Sahagun.…” “Siya nga,” tango ni Padre Difunturom. Sina Bitong at Bikoy naman ang nagbgay ng donasyon sa pagkakayari ng sementadong upuang iyon na nasa lilim ng bogambilya.” “G-gan’on ba Padre?” Ngumiti ang pari, “Hindi mo na alam dahil matagal ka nang hindi nagbabakasyon!” Mahirap akuin ang katotohanan. May tila bumar sa aking lalamunan. May mga pait na pansamantala lamang. May mga pait na kailangang lunukin. Mayroon ding mga pait na kailangang lasapin sa matagal na panahon. At may mga pait na kailangang baunin hanggang libing. Nakalubog na ang araw. Nagsimula nang dumilim ang paligid. Lumingon ako sa upuang nasa lilim ng mayungyong na bogambilya. Waring nakita ko roon si Kandong, nakaupo siya, tinutugtog ang kanyang basag na gitara atg kumakanta: “ Bayan kong sinisiil Bukas ay lalaya rin Ang Silanga’y pupula Sa timyas ng paglaya….”