PAGPAPAAMO NG DILA Santiago 3:5-11 5 Ganyan din ang dila ng tao; maliit na bahagi lamang ng katawan, ngunit napakalaki ng mga ipinagyayabang. Isipin na lamang ninyo kung paano napapalagablab ng isang maliit na apoy ang isang malawak na kagubatan. 6 Ang dila ay parang apoy, isang daigdig ng kasamaang nagpaparumi sa ating buong pagkatao. Ang apoy nito ay mula sa impiyerno at sinusunog ang lahat sa buhay ng tao. 7 Lahat ng uri ng ibon at hayop na lumalakad, o gumagapang, o nakatira sa tubig ay kayang paamuin, at napaamo na ng tao, 8 ngunit wala pang nakakapagpaamo sa dila. Ito ay kasamaang hindi mapigil, at puno ng kamandag na nakamamatay. 9 Ito ang ginagamit natin sa pagpupuri sa ating Panginoon at Ama, at ito rin ang ginagamit natin sa panlalait sa taong nilalang na kalarawan ng Diyos. 10 Sa iisang bibig nanggagaling ang pagpupuri at panlalait. Hindi ito dapat mangyari, mga kapatid. 11 Hindi lumalabas sa iisang bukal ang tubig-tabang at tubig-alat. Maliit na parte ng katawan ang dila ngunit marami ng sinirang pagkatao, maging ng pamilya. Subalit kung gagamitin natin ito sa kapurihan ng Diyos, marami tayong maabot upang mabago ang kanilang kalagayan at paniniwala sa buhay lalo na sa spiritual na aspeto ng buhay. May mga bagay po tayong dapat maging aware o bantayan sa ating sarili na posibleng dala o dulot ng ating DILA: 1. NAPAKALAKING KAYABANGAN (verse 5). Ang sinasambit ng dila ay nagpapahayag kung ano ang nilalaman ng puso ng nagsasalita. Ipinakikilala nito ang isipan, damdamin, mga balak at kalooban ng isang tao. Hindi man sabihin, kadalasan, ang lumalabas sa bibig ay pawang pagtataas ng sarili. May mga taong nagpapakita ng pagbababa ng sarili dahil sa pagkakaroon ng mababang pagpapahalaga sa sarili, gayunpaman, bibihira nating maririnig na ipinagsabi nito ang sariling kahinaan. Sa halip, kayabangan ang palagiang trabaho nito. Kaya dapat po nating paamuin ang ating dila. 2. ANG DILA AY PARANG APOY AT MAKAMANDAG (t.6,8). Ang dila ay lumilikha ng sunog. Nakamamatay. Kung hindi paaamuin ang dila, walang katapusang tsismisan, paninirang puri, panunungayaw at iba pang pananalitang wawasak sa buhay ng mga tao kung hindi man ito humantong sa kamatayan. Ngunit maaaring sabihin ng iba, “Mabuti pang pinatay mo na ako, kaysa murahin mo ako ng ganoon na lang!” Ang malalim na poot at galit ay kadalasang nag-uumapaw at hindi maiwasang ilabas ng dila. Ito ang pinagsisimulan ng maraming away at pagkakawatak-watak. Maging ang mga isang pamilya, samahan at maging sa Iglesia ay maaari o dumadanas din ng ganitong sitwasyon. Kaya dapat po nating paamuin ang ating dila! 3. HINDI DAPAT MANGYARI! Ang dila ay bahagi ng katawan na Diyos ang maylikha. Dahil sa kasalanan, ang kasamaan ay nagsimulang marinig sa dila ng tao. Subalit sa mga Cristiano, HINDI DAPAT MANGYARI ITO! Hindi dapat marinig ang kayabangan at anumang uri ng pagmamataas. Hindi dapat ito lumilikha ng “apoy” na sumisira sa kapwa. Hindi dapat maging bukangbibig ng isang mananampalataya ang mga salitang tila “pumapatay” sa kapwa lalo na sa kanyang kapwa mananampalataya. Sa halip, ang maamong dila ng Cristiano ay nariringgan ng mga salitang mabuti at nakapagpapalakas. Na ang bawat titik nito ay nagbibigay ng papuri, pagluwalhati at pagdakila sa Diyos na lumikha sa atin.