KUBLI Photo essay by Maria Florlyn L. Veral Nagulat ka ba? Kase ung mga litrato na aking kuha ay parang walang kaugnayan sa nasabing tema. Sa unang tingin, talagang parang wala nga. Mukha ring hindi ka magkakainteres na ito'y titigan dahil puro estudyante lang naman ang iyong nakikita. Tama ka. Mga estudyante nga sila pero hindi basta estudyante lang. Dahil walang nakakaalam kung sino sa kanila ang mayroong dagok na pinagdadaanan. Mababaw man o matindi, hindi dapat natin ito balewalain lang. Iba iba tayo ng kapasidad sa paghawak ng problema. Yung iba lumalaban kase kaya pa, yung iba tahimik na lumalaban, yung iba pinipilit namang lumalaban kahit ubos na yung paraan para magpatuloy pa, yung iba kinakailangan nilang lumaban dahil maraming umaasa sa kanila o sila na lang ung inaasahan sa kanilang pamilya, at yung iba gustuhin man nilang lumaban pa ngunit hindi na talaga kaya. Kung makikita mo sila sa daan, parang nasa maayos naman silang kalagayan. Kumakain at nagsasaya kasama ang tropa, nakakapunta sa mall at nakakapagliwaliw pa, at bumibili ng mga gamit o kaya libro na kanilang mababasa. Bakit gano'n? Parang hindi naman sila nahihirapan? Sabagay, madali lang naman mag-aral. 'Yan ang sinasabi ng karamihan sa nakikita nila sa kabataan. Gigising lang raw, maguuniporme, hihingi ng baon tapos lalarga na sa paaralan. Ganoon lang naman raw kadali kaya bakit pa raw sila nagrereklamo? Bakit pa sila nalulungkot? Bakit sinasabi nila na hihirapan sila? At bakit yung iba tinapos lang nila ung buhay nila? Iyon ang hiling ng bawat estudyante, na sana nga ganoon lang talaga kadali ang mag-aral. Ngunit hindi, dahil hindi pare-pareho ang kanilang kapasidad na umintindi. Hindi naman lahat may maayos na 'environment' sa loob ng kanilang tahanan. Hindi lahat ay 'financially stable' dahil madalas ung iba pumapasok sa eskwela kahit na walang laman ang sikmura o kaya naman ay pinipili na lumiban sa klase dahil ang perang pambaon sana ay pupwede nang pangkain sa maghapon ng kanilang pamilya. Iyan ang ilan sa aspeto na dapat ikonsidera upang lubos natin silang maintindihan. Isantabi ang agarang panghuhusga sa kung ano ang nakikita dahil hindi pa iyon ang kabuuan ng larawan na meron sila. Isa pa, tama na sana ang pangungumpara na bakit 'siya' ganito pa lang at bakit naman 'si ganito' nagtatrabaho na/asensado na. Iyan ay sobrang nakakaapekto sa kanilang mentalidad at 'performance' sa eskwela dahil ang mga salitang 'yan ay nagbibigay kahulugan na walang nagtitiwala sa kakayahan nila. Naiisip nila at nararamdaman na parang nagiging pabigat na lamang sila. Pati mismong sila ay minamadali ang kanilang sarili sa mga bagay na mayroong tamang pagkakataon para kanilang makuha. Hindi na nila mahintay ang kanilang sarili dulot ng demand ng mga tao sa paligid nila. Siguro naman nakukuha mo na ung rason kung bakit mag-aaral o estudyante ang napili 'kong paksa sa aking mga larawang kuha. Ito ay dahil estudyante rin ako at kasalukuyang nasa ikaapat na antas na ng kolehiyo at kumukuha ng programang Bachelor ng Agham sa Sikolohiya. Gusto kong maging daan ang plataporma na ito upang maipaalam ang kalagayang mental ng mga mag-aaral at kung paanong sila ay magkakaiba kaya't hindi dapat ikinukumpara ang biyahe ng buhay nila sa biyahe ng buhay ng iba. Lahat naman ay nahihirapan ngunit pare-parehong patuloy na sumusubok at sumasabay sa alon ng buhay sa sarili nilang paraan. Simpleng pangungumusta, pagtitiwala, presensya at suporta, iyan ang pinakakailangan nila na bukod pa sa pera. Iyan ang mga bagay na magbubura sa kanilang konsepto ng pagsuko at mga 'hindi ko ata kaya'. Maniwala ka sa kanya/kanila. Malaki bagay 'yan para sa kanila. Ako, naniniwala ako sa'yo. Kilala kita o hindi, alam kong kaya mo kaya laban ha? Kaya natin lahat ng ito. Sa pag-aaral, makakatapos tayo!