PAKSA: Ang Lipunan Batayan sa pag-aaral ng mga isyu at hamong panlipunan ang pag-unawa sa bumubuo ng isang lipunan, ugnayan, at kanyang kultura. Ano nga ba ang ibig sabihin ng lipunan? Ang lipunan ay tumutukoy sa mga taong samasamang naninirahan sa isang organisadong komunidad na may iisang batas, tradisyon, at pagpapahalaga. EMILE DURKHEIM (1858-1917 Ang lipunan ay isang buhay na organismo kung saan nagaganap ang mga pangyayari at gawain. Ito ay patuloy na kumikilos at nagbabago. Binubuo ang lipunan ng magkakaiba subalit magkakaugnay na pangkat at institusyon (Emile Durkheim) KARL MARX (1818-1883) Ang lipunan ay kakikitaan ng tunggalian ng kapangyarihan. Ito ay nabubuo dahil sa pag-aagawan ng mga tao sa limitadong pinagkukunangyaman upang matugunan ang kanilang pangangailangan (Karl Marx). CHARLES COOLEY (1818-1883) Ang lipunan ay binubuo ng tao na may magkakawing na ugnayan at tungkulin. Nauunawaan at higit na nakikilala ng tao ang kaniyang sarili sa pamamagitan ng pakikisalamuha sa iba pang miyembro ng lipunan. Makakamit ang kaayusang panlipunan sa pamamagitan ng maayos na interaksiyon ng mga mamamayan (Charles Cooley). Ang Istrukturang Panlipunan at Kultura Ipagpalagay na ang lipunan ay tulad ng isang barya na may dalawang mukha: ang isang mukha ay tumutukoy sa mga istruktura ng lipunan at ang isa naman ay tumutukoy sa kultura. Mga Elemento ng Istrukturang Panlipunan Ang mga elemento ng istrukturang panlipunan ay ang a. institusyon, b. social groups, c. status (social status), at d. gampanin (roles). a. Institusyon Ang lipunan ay binubuo ng mga institusyon. Ang institusyon ay organisadong sistema ng ugnayan sa isang lipunan. Ang pamilya, relihiyon, edukasyon, ekonomiya, at pamahalaan ang itinuturing na mga institusyong panlipunan. b. Social Group Ang mga institusyong panlipunan ay binubuo naman ng mga social group. Tumutukoy ang social group sa dalawa o higit pang taong may magkakatulad na katangian na nagkakaroon ng ugnayan sa bawat isa at bumubuo ng isang ugnayang panlipunan. May dalawang uri ng social group: ang primary group at secondary group (Mooney, 2011). 1. Ang primary group ay tumutukoy sa malapit at impormal na ugnayan ng mga indibiduwal. Kadalasan, ito ay mayroon lamang maliit na bilang. 2. Ang secondary group ay binubuo ng mga indibiduwal na may pormal na ugnayan sa isa’t isa. Karaniwang nakatuon sa pagtupad sa isang gawain ang ganitong uri ng ugnayang panlipunan. c. Status Kung ang mga institusyong panlipunan ay binubuo ng mga social groups, ang mga social groups naman ay binubuo ng iba’t ibang status. Ang status ay tumutukoy sa posisyong kinabibilangan ng isang indibiduwal sa lipunan. c. Gampanin o Roles May posisyon ang bawat indibiduwal sa loob ng isang social group. Ang bawat posisyon ay may kaakibat na gampanin o roles. Tumutukoy ang mga gampaning ito sa mga karapatan, obligasyon, at mga inaasahan ng lipunan na kaakibat ng posisyon ng indibiduwal. Sinasabing ang mga gampaning ito ang nagiging batayan din ng kilos ng isang tao sa lipunang kanyang ginagalawan. Halimbawa, bilang isang mag-aaral inaasahang gagampanan mo ang mga tungkulin ng isang mabuting mag-aaral at inaasahan mo rin na gagampanan ng iyong guro ang kaniyang mga tungkulin tulad ng pagtuturo nang mahusay at pagbibigay ng pagsusulit sa klase. Gawain: Timbangin Mo Basahin at unawain ang mga pahayag. Isulat ang: A = kung tama ang nilalaman ng una at ikalawang pahayag; B = kung tama ang nilalaman ng unang pahayag at mali ang ikalawa; C = kung mali ang nilalaman ng unang pahayag at tama ang ikalawa; D = kung mali ang nilalaman ng una at ikalawang pahayag. ___1. A. Ang lipunan ay tumutukoy sa mga taong sama-samang naninirahan sa isang organisadong komunidad na may iisang batas, tradisyon, at pagpapahalaga. B. Sa pag-aaral ng mga isyu at hamong panlipunan, mahalagang maunawaan ang bumubuo, ugnayan, at kultura ng isang lipunan. ____2. A. Ayon kay Karl Marx, ang lipunan ay binubuo ng mga taong may magkakahawig na ugnayan at tungkulin. B. Dahil sa magkakawing na ugnayan at tungkulin ng mga tao sa isang lipunan, makakamit ang kaayusang panlipunan sa pamamagitan ng maayos na interaksiyon ng mga mamamayan ___3. A. Ang lipunan ay binubuo ng mga institusyon. Tumutukoy ito sa matatag at organisadong sistema ng ugnayan sa isang lipunan. B. May mga isyu at hamong panlipunang umuusbong dahil sa kabiguan ng isang institusyong maipagkaloob ang mga inaasahan mula rito. ____4. A. Maituturing ang pamilya bilang isang halimbawa ng secondary group. B. Tumutukoy ang secondary group sa mga indibiduwal na may malapit at impormal na ugnayan sa isa’t isa. _____5. A. Ang bawat indibiduwal ay may posisyon sa isang social group. Ang posisyong ito ay may kaukulang gampanin o roles. B. Ang hindi pagganap sa inaasahang gampanin ng isang tao sa isang social group ay nakapagdudulot ng isyu at hamon na makaaapekto sa bawat isa sa nasabing grupo. Gawain. Photo Essay Sa isang oslo paper ay gumawa ng Photo Essay na nagpapakita ng iba’t ibang isyu at hamong panlipunan na dulot ng mga elemento ng istrukturang panlipunan. Maaaring gumupit ng mga larawan sa magazine o kumuha ng mga ito sa internet. Gawing batayan ang rubric sa pagmamarka bilang gabay sa pagtupad ng gawaing ito.