Uploaded by andrea

komfili-exercise-aspektong lingguwistiko

advertisement
ASPEKTONG KULTURAL O LINGGUWISTIKO
SA AKING KOMUNIDAD
Ala eh! Maligayang pagdating sa aming lalawigan. Damuho ka at
naisipan mong umahon. Pasaan ka ga sa byahe mo? Baka naman may dala ka
pang balisong. Pasok na’t makapaghuntahan tayo. Anong baktut-baktut mong
iyan? Ano gang oras ka lumuwas? Inabot ka na ng dapithapon eh. Tapos hindi
ka magkandaugaga sa mga bitbit mong bayong. Buti na lamang at may
pinataba akong manok diyan. Teka’t kukuhanin ko’t makapaglugaw.
Nahulaan mo na ba kung anong lalawigan ang nais kong buhayin sa puso
mo? Narinig mo na ba ang mga pahayag sa itaas? Nauunawaan mo ba ang mga
salitang namumutawi sa aming pag-uusap? Ilan lamang iyan sa mga halimbawa
ng mga salitang nagpapakita ng pagkakaiba-iba ng wikang umiiral sa lipunan.
Ako, bilang bahagi ng lipunang ayon sa aking panahon ay nabibilang sa
henerasyon na kung tawagin ay “Generation Z”, yumayaman ang aking
talasalitaan sa mga salitang namumutawi sa bibig ng aking mga lolo at lola at sa
ibang mga matatandang tao. Kinakailangan ko pang halungkatin sa baul ng
karunungan ang nais nilang sabihin bago ko maunawaan na nagpapaalaala lang
pala sila sa akin, mapapa hesus maria hosep pa kung pagkalimit at nasabi ko na
may syota na ako. Napapasigaw sila at bigla ka na lamang hahambalusin ng
tambo at sabay sabi, “damuho ka”. Bakit daw hindi ako pumili ng isang tagabukid na binata na talaga namang probinsyano kung gumiya, “hay!” sambit ko
sa sarili ko.
Tunay na napakalaki na ng pagbabago o transpormasyon ng wikang
ginagamit naming mga Generation Z. Kung tataluntunin mula noon hanggang
ngayon ay hindi na maunawaan ang kahulugan ng mga kabataan ngayon ang
mga salitain ng lumang panahon. Sabi pa nga ng mga taga-Maynila, “ang bayan
naman ninyo ay hindi naaabot ng juicyfruit”. Kinakailangan pang umakyat ng
bubong para makakita ng signal. Ganoon pa man, malayo man kami sa
kabihasnan ay hindi ito hadlang sa pag-usbong ng mga bagong salita, higit pa’y
lalong lumaganap ang tatak ng bagong panahon. Ngunit hindi ko lilimutin ang
mga salitang sariling atin. Sabi ko nga, Batangueño ako.
Batangas, ang lalawigang kilala sa pagiging barako at tigasin pero sa
katotohanan kami ga ay mababait. Akala ga lagi kami’y galit, nako ikaw ga ay
masanay at mga tao rine kapag nag-uusap ay palahaw na kung
magkamustahan. Akala mo lagi ay karibok na pagkagising pa lang sa umaga.
Ngunit iyan ang kahali-halina, alam na agad ng bawat isa ang responsibilidad
na kakaharapin sa maghapong dadaan. Malayo man ang lalakarin walang
alinlangang makararating at matatapos ang bawat gawain. Kahit ang mga bata
o mga kabataan hindi mo makikita na sumusuko na marating ang paaralan para
magpakadalubhasa sa kursong pinag-aaralan. Hindi dahil malayo sa kabihasnan
ay wala nang mga pangarap. Determinadong maging doktor, guro, inhinyero o
ano pa mang kurso ang nais maging sa dako pa riyan ng aming paglalakbay.
Sa paglipas ng panahon masasalat mo sa aming pananalita na nababago
na ang tilamsik ng dila. Ang mga wikang balbal o islang kung tawagin ay lalo
pang dumami ang gumagamit at nagsasalita. Nadagdagan ang mga salitang
“erpat”, “ermat” at “utol” ng mga “sissy” o mga reaksyon gaya ng “jusq”,
“hayst” at iba pa. Nagbabago ang binibitiwang mga pahayag, ika nga nila eh
sumasabay sa agos ng panahon, kailangan “in” ka sa pag-unlad ng henerasyon.
Ganoon pa man, mapilipit man ang aming mga dila dala ng makabagong
umiiral na wika, ang mahalaga ay nagkakasundo ang bawat isa sa kahulugan
nito at naibibigay ang sariling interpretasyon sa nais sabihin ng sinuman at
maging ang kontekstong kultural na kaakibat nito ay nauunawaan. Ito naman
sadya ang kailangan, ang ginagampanang papel ng wika sa isang komunidad
sapagkat dahil sa wika ay nagkakaintindihan ang magkausap. Hindi naman ibig
sabihin na kapag hindi na kami gumagamit ng mga salitang umiiral noon sa
aming lalawigan ay nakalimutan na namin ito, manapay lalo naming
pinagyayaman ang aming kultura at pinagyayabong ang wika sa pagsulpot ng
mga bagong salitang namumutawi sa bagong kabataan ng panahon katulad ko.
Mananatili’t mananatiling babalikan ang nakaraan sapagkat ito’y bahagi ng
kasalukuyan at lumipat man sa ibang henerasyon, maaaring hindi magamit ang
wikang yaon ngunit hindi titigil ang pag-usbong ng mas marami pang wikang
magpapatanyag sa kulturang kinabibilangan namin ngayon.
Naalala ko, nagkaroon kami noon ng takdang-aralin. Kailangan naming
magtala ng napakaraming salita na umiiral sa aming lugar noong kapanahunan
ng aking lolo, eh di ano pa, tinanong ko syempre ang aking lola na si Perpetua,
60 taong gulang. Ayon sa kanya, umiiral sa kabataan niya ang mga salitang ito.
(1) Salumpuwit, ibig sabihin upuan. (2) Banggera, taguan ng pagkain. (3)
Tapayan, lagayan ng tubig. (4) Batalan, hugasan ng mga gamit sa tahanan. (5)
Tintero, ilawan. (6) Mual, puno ng pagkain ang bibig. (7) Pasal, gutom na
gutom. (8) Umay, sawa na sa pagkain. (9) Umis, ngiti (10) Ampiyas, ulang
napasok sa ibang parte ng bahay. (11) Himatlugin, mahina ang katawan,
matamlay. (12) Kawang, hindi nakalapat. (13) Mabanas, mainit ang panahon.
(14) Huntahan, kuwentuhan. (15) Sampiga, isang pananakit sa mukha o
sampal. Pagkatuwa ko at natapos ko ang kasunduan namin ng guro ko.
Humanga ako sa mga salitang ito. Tunay na napakayaman ng wika natin. Sa
kabila na bihira na itong marinig ay hindi na mawawala ang imaheng iniwan ng
mga salitang ito sa aming kultura, ika nga, wikang nagpadalubhasa sa dunong
ng mga matatanda.
Kaya naman, patuloy nating pagyamanin ang sariling atin. Hindi man sa
pang araw-araw nating pananalita mabigkas, maaari namang sa panulat ay
mabadha ang ningning ng mga salita na patuloy na magpapayabong sa ating
wika.
Nais kong tapusin ang aking sinasabi sa paksang pinag-uusapan sa
paggamit ko sa pahayag ni Rizal na nakasaad sa isa niyang akda. “Nalilimot ng
bawat isa sa inyo na habang napapag-ingatan ang isang bayan ang kaniyang
wika, napag-iingatan din nito ang katibayan ng kaniyang paglaya, katulad ng
pagpapanatili ng isang tao sa kaniyang kasarinlan, upang mapanatili niya ang
kaniyang sariling paraan ng pag-iisip. Ang wika ang pag-iisip ng bayan.”
Mga Sanggunian:
•
https://blogsbymercedes.wordpress.com/2016/09/29/10-salitang-batangueno/
•
https://www.slideshare.net/amydelivios/implikasyon-ng-paggamit-ng-wikang-balbal-samga-mag-aaral-na-nasa-unang-taon-na-kumukuha-ng-kursong-bs-social-work-sa-plm
•
https://www.slideshare.net/samanthaabalos92/sa-batangas-ang-lokalays-na-wika-sa-salita
Download