KABANATA I SULIRANIN AT KALIGIRAN NITO Panimula Sinasabi na ang bansang Pilipinas ay unti-unti nang umuunlad at nakasasabay sa iba pang mga bansa sa Asya ayon sa mga kaugnay na programa ng ASEAN Intergration 2015. Kaakibat ng mga pag-unlad na ito ay ang napakaraming pagbabago na mangyayari sa kapaligiran. Makikita ang mga pagbabagong ito sa pananamit, pag-uugali maging sa pamumuhay ng mga Pilipino. Halimbawa na lamang nito ay ang paggamit ng “electric stove” sa pagluluto na dati ay kalang de uling lamang ang ginagamit. Kung komunikasyon naman ang pag-uusapan, nagkaroon na rin ito ng malaking pagbabago. Noon, ang pagsulat ng liham ang paraan upang makapagpadala ng mensahe, na kung minsan ay inaabot pa ng higit sa isang araw bago makuha ng pinadalhan, ngunit ngayon, sa pamamagitan lamang ng cellphone, telepono o mga “social networking sites”, ay maaari nang mabasa ang mensahe sa loob ng ilang segundo lamang. Isa sa nagdulot ng mga pagbabagong ito ay ang teknolohiya. Malaki ang naging epekto ng mabilis na pag-usbong nito sa pamumuhay ng mga tao sa kadahilanang nakatutulong ito sa kanilang pang-araw-araw na gawain. Ang teknolohiya ay mabilis na nagpapabago sa maraming aspekto sa lipunan at higit na malaki ang epekto nito sa mga kabataan (Castrodes et. al., 2012). Patunay 1 lamang ito na malaki ang maiaambag ng teknolohiya upang mapaunlad ang kaalaman ng mga kabataan. Kaakibat ng mga ipinangakong pagbabago at pag-unlad ng ASEAN Integration 2015 sa bansa ay ang pagkakaroon din ng pagbabago sa larang ng edukasyon. Ang edukasyon ang may pinakamahalagang tungkuling ginagampanan tungo sa pag-unlad ng isang bansa ngunit ito ay naaapektuhan ng pabago-bagong panahon, kapaligiran at kaugalian ng mga tao (Bracero, et. al., 2007). Ayon pa sa libro nina Sampath et. al. (2007), “Learning usually involves both a student and a teacher. But in some of the recent innovations of the educational system, the teacher needs not be physically present to teach.” Kung kaya’t gumagamit na rin ang mga guro ng mga makabagong kagamitan na bunga ng teknolohiya bilang kagamitang pampagtuturo. Ngunit hindi pa rin maiaalis na may malaking gampanin pa rin ang guro sa mabilis na pagkatuto ng mga mag-aaral. Kabilang sa mga kagamitang pantulong sa pagtuturo ang paggamit ng LCD projector, kompyuter, lapel at marami pang iba. Ang nabanggit na mga bagay ay makatutulong upang mapaunlad ang paglinang ng kaalaman sa mga mag-aaral. Ayon kay Jonassen (2008), “Knowledge is embedded in the technology and technology presents that knowledge to student.” May kaugnayan ito sa ipinahayag nina Halal and Liebowitz (1994) na, “as the technological key to future education, multimedia is defined as “a powerful combination of earlier technologies that constitutes anextraordinary advance in the capability of machines to assist the educational process.” Sinasabi na malaki ang maitutulong 2 ng mga makabagong kagamitang pampagtuturo sa mga guro upang magbigaydaan sa motibasyon ng kanilang mga mag-aaral. Sa mabilis na pagsulong ng teknolohiya ay maaari na ring mapabilis ang paraan ng pagtuturo at pagkatuto ng mga mag-aaral. Ang dating kumbensiyunal na pagtuturo na nakasentro palagi sa guro (teacher-centered) ay unti-unti nang napapalitan ng pagtuturo na nakasentro naman sa mga magaaral (student-centered). Ang tradisyonal na nilalaman ng mga aralin ay maaaring mapaunlad sa mas interaktibong pamamaraan. Ang pagsasama ng teknolohiya sa pagtuturo at pagkatuto ay may hangaring mabago ang estratehiya sa mga institusyong pang-edukasyonal. Sa kasalukuyang lagay ng edukasyon sa Pilipinas, maraming mga paaralan at institusyon ang gumagamit ng mga makabagong kagamitan sa pagtuturo at pag-aaral. Ang tradisyonal na pamamaraan sa pagtuturo, bagama’t buhay pa rin ay unti-unti nang napapalitan ng modernong pamamaraan. Ayon nga kay Hidalgo (2000), sa modernong pagtuturo at teknolohikal na pagbabago sa ika-21 siglo, nakatuon sa kumpetisyon ang mga paaralan ngayon. Kaya naman maraming paaralan at institusyon ang gumagamit na ng mga makabagong kagamitan sa kanilang pagtuturo. Ang simpleng yeso at pisara na gamit noon ng mga guro sa pagtuturo ay napapalitan na ng kompyuter at LCD projector sa pagtalakay ng kanilang paksa. Kaugnay pa rin nito, ang kurikulum pang-edukasyon ng Pilipinas ay muling nabago. Ayon sa Enhanced K-12 Educational program paper ng DepEd, 3 “the new curriculum would give students more time to master competencies and skills as well as time for other learning opportunities beyond the classroom, thus allowing for a more holistic development.” At dahil sa mga pagbabagong ito, ninais ng mga mananaliksik na malaman ang kaugnayan ng antas ng paggamit ng mga makabagong kagamitang pampagtuturo at ang antas ng epekto nito sa pagtuturo ng mga guro sa RTU-LHS. Batayang Konseptwal Tungkulin ng mga guro na mabigyan ng maliwanag at mahusay na kaalaman ang kanilang mga mag-aaral. At sa tulong ng mga kagamitang napapanahon at naaayon sa pangangailangan ng mga mag-aaral sa pagkatuto ay maaaring maging matagumpay ang paglilipat at pagbibigay ng karunungan sa mga mag-aaral. Para kay Jean Piaget sa kanyang teoryang Constructivism Learning Theory (Kneller, 1998), hindi siya sumasang-ayon sa paraang tradisyonal. Nakita niya bilang isang mag-aaral na kailangang malinang ang kanilang kognitibong aspekto at ibigay ang ebidensyang ito mula sa alternatibong pagtuturo gamit ang siyensya at iba’t ibang panteknolohiyang kagamitan. Naniniwala siya na mas magiging makatotohanan ang pag-aaral ng mga magaaral kung gagamit ang guro ng mga makabagong teknolohiya sa kanyang pagtuturo. 4 Sinusugan din ito ni Tiongan (2006) na ayon sa kanya ay nagsimula nang magkaroon ng ibayong pansin sa pangangailangan ng mga kagamitang panturo bilang pagsasaalang-alang sa kapakanan ng mga mag-aaral at upang magkaroon ng makahulugan at mabisang pagtuturo ang mga guro. Ang mga kaalamang ito ang nagtulak sa mga mananaliksik upang malaman ang kaugnayan ng antas ng paggamit ng mga makabagong kagamitang pampagtuturo at ang antas ng epekto nito sa pagtuturo ng mga guro sa RTULHS. Upang maisakatuparan ang pag-aaral sa pamamagitan ng mga nabanggit na konsepto, narito ang paradaym ng pag-aaral: Malayang Baryabol Di Malayang Baryabol Antas ng paggamit ng mga makabagong kagamitan Epekto ng mga makabagong kagamitan Pigura 1 Paradaym ng Pag-aaral Makikita sa paradaym ang kaugnayan ng antas ng paggamit ng makabagong kagamitang pampagtuturo bilang malayang baryabol at ang epekto ng paggamit ng makabagong kagamitang pampagtuturo bilang di-malayang baryabol na ginamit ng mga tagatugon sa RTU-LHS. 5 Paglalahad ng Suliranin Ang saliksik na ito ay naglalayong alamin ang kaugnayan ng antas ng paggamit ng mga makabagong kagamitang pampagtuturo at ng antas ng epekto nito sa pagtuturo ng mga guro sa RTU-LHS. Pinagsumikapang sagutin ng mga mananaliksik ang sumusunod na mga katanungan: 1. Ano ang antas ng paggamit ng mga makabagong kagamitang pampagtuturo? 2. Ano ang antas ng epekto ng paggamit ng mga makabagong kagamitang pampagtuturo? 3. May makabuluhan bang kaugnayan sa pagitan ng antas ng paggamit at antas ng epekto ng mga makabagong kagamitan? Hipotesis Walang kaugnayan ang antas ng paggamit ng mga makabagong kagamitang pampagtuturo sa maaaring maging epekto nito sa pagtuturo ng mga guro sa RTU-LHS. Ito ay sumusuporta sa pahayag ni Guamen (2002) na, “marami nang kagamitan ang naihanda ngunit ang mga ito ay inilaan sa malaking pangkat ng mga mag-aaral. Hindi natitiyak ang kaangkupan nito sa uri at kakayahan ng tanging pangkat ng mga mag-aaral.” Ito ay nangangahulugang hindi lahat ng makabagong kagamitan sa pagtuturo ay angkop sa lahat ng mga 6 mag-aaral at guro. Kaya ang paggamit ay hindi nakaugnay sa maaaring epekto ng mga ito. Saklaw at Hanggahan ng Pag-aaral Ang pananaliksik na ito ay tumatalakay sa kaugnayan ng antas ng paggamit ng mga makabagong kagamitang pampagtuturo at ng antas ng epekto nito sa pagtuturo ng mga guro sa RTU-LHS. Ang mga tagatugon bilang sampol ay kinuha mula sa kabuoang populasyon ng mga guro sa RTU-LHS. Ang pag-aaral na ito ay naglalayong tuklasin ang iba’t ibang makabagong kagamitan, kahalagahan ng makabagong kagamitan sa pagtuturo, tulong nito sa guro, kaugnayan ng antas ng paggamit nito at ng epekto ng mga kagamitang ito. Gamit ang angkop na kaalaman ay masusuportahan nito ang bisa ng kagamitang pampagtuturo. Kahalagahan ng Pag-aaral Naniniwala ang mga mananaliksik na ang pag-aaral na ito ay kapakipakinabang, makabuluhan at may malaking maitutulong sa sumusunod: 7 Sa mga Tagapamahala ng Paaralan. Makatutulong ang pag-aaral na ito upang matugunan ng paaralan ang mga pangangailangang kagamitan ng mga guro at maipatupad ang proseso ng pagtuturo at pagkatuto. Sa Punongguro ng RTU-LHS. Ang pag-aaral na ito ay magiging gabay ng Punongguro sa pagbuo ng mga plano, hakbangin at programang magbibigay tuon sa kahalagahan ng paggamit ng mga makabagong kagamitan sa guro at mag-aaral. Sa mga Guro. Ang magiging bunga ng pag-aaral na ito ay makatutulong sa mga guro upang malaman ang kaangkupan ng mga makabagong kagamitan sa pagkatuto ng mga mag-aaral sa paksang tinatalakay. Sa mga Magulang. Makatutulong ang pag-aaral na ito sa mga magulang upang maunawaan at masuportahan ang mga pangangailangan ng kanilang mga anak sa pagkatuto sa loob ng paaralan. Sa mga Mag-aaral. Makakatulong ang pag-aaral na ito upang maging bukas sa isipan ng mga mag-aaral ang importansya, katuturan at kaugnayan ng mga kagamitang pampagtuturo na ginagamit ng kanilang mga guro. Sa mga magiging Guro. Ang pag-aaral na ito ay makakatulong upang maihanda sila sa mga posibleng pagbabago sa mga kagamitang pampagtuturo na maaari nilang magamit sa hinaharap. 8 Sa mga mananaliksik sa hinaharap. Sa pamamagitan ng pag-aaral na ito mabibigyan ng patnubay, karagdagang kaalaman at kalinawan ang iba pang mananaliksik tungkol sa paksang kanilang bubuoin. Depinisyon ng mga Termino Sa higit na ikalilinaw ng pag-aaral na ito, ang sumusunod na mga katawagan ay sinikap na mabigyan ng kahulugan at paliwanag: Antas ng Paggamit. Ito ay tumutukoy sa dalas ng paggamit ng mga makabagong kagamitang pampagtuturo. Epekto ng Kagamitan. Ito ang bunga mula sa paggamit ng mga makabagong kagamitang pampagtuturo. Kagamitang pampagtuturo. Tinutukoy nito ang mga babasahin, pagsasanay at kagamitan na makatutulong sa mga guro upang maging matagumpay ang proseso ng pagkatuto ng mga mag-aaral. Kompyuter. Ito ang makinang elektroniko na gumagamit ng digital signal sa pagpoproseso ng mga kumplikadong problema sa matematika, paggawa ng mga pormal na dokumento o ulat, pagtatago ng datos o programa upang mapadali ang gawain, at paglilibang (UP Diksyunaryo, 2010). Lapel. Ito ang kagamitang pampagtuturo na tumutulong upang lumakas ang boses ng isang guro. 9 LCD Projector. Ito ang aparatong ginagamit sa pagsasalin ng imahen sa iskrin (screen) gaya sa pelikula o puting-tabing (UP Diksyunaryo, 2010). Makabagong Kagamitan. Ito ang mga kasalukuyang instrumentong elektroniko na nagpapabilis ng mga karaniwang gawain. RTU-LHS. Ito ay tumutukoy sa Rizal Technological University-Laboratory High School, napiling paaralan upang gamitin sa pag-aaral. Telebisyon. Ito ay mabisang kagamitang tanaw-dinig sa silid-aralan (Abad, 2001). Teknolohiya. Ito ang mga kagamitang nakatutulong sa mga tao upang mapadali ang mga gawain at mas mabigyang buhay pa ang mga bagay-bagay. 10 KABANATA II MGA KAUGNAY NA LITERATURA AT PAG-AARAL Ang bahaging ito ay naglalaman ng akademiko at propesyonal na mga babasahin na may kinalaman sa mga kagamitang pampagtuturo, epekto at antas ng paggamit nito. Mayroon ding mga bahagi na makapagbibigay-ambag sa napapanahong mga isyu partikular na sa larang ng Edukasyon. Makabagong Kagamitan sa Pagtuturo Sa mga huling dekada ng ikalabinsiyam na siglo nagsimulang magkaroon ng ibayong pansin sa pangangailangan ng mga kagamitang pampagtuturo. Bilang pagsasaalang-alang sa kapakanan ng mga mag-aaral at upang magkaroon ng makahulugan at mabisang pagtuturo at pag-aaral, ang guro ay gumagamit ng mga kagamitang pampagtuturo (Abad, 2001). Dagdag pa ni Lee (2013), marami pa ring guro sa mga paaaralan, pribado at pampubliko, ang gumagamit ng tradisyonal na pamamaraan ng pagtuturo na kanilang nahasa sa maraming dekada. Marami pang pamamaraan ang di lubusang nabubungkal ng mga guro na matatagpuan sa internet. Ayon nga kina Halal at Liebowitz (1994), “The choice of instructional materials can have an impact as large as or larger than the impact of teacher”. Nangangahulugan lamang ito na kailangang maging angkop ang mga kagamitang ginagamit ng isang guro sa pagtuturo. Napapanahon at sumasabay 11 sa pangangailangan ng mga mag-aaral ang mga kagamitang pampagtuturong gagamitin. Sinabi pa ni Aguilar (2001), ang paglinang ng mga guro ng mga kagamitang pampagtuturo ay makatutulong nang malaki sa pagtuturo ng hindi gaanong napakahirap na gawain. Subalit ito ay nangangailangan ng pagtitiyaga, pagtitiis, lakas ng loob at pagiging maparaan ng guro. Kailangang pinag-iisipang mabuti at hindi lamang sariling kapakanan ang iniisip sa paggamit ng mga kagamitang pampagtuturo. Isa sa pinakamahalagang tungkulin ng isang guro ay ang masiguro na may matututuhan ang mga mag-aaral sa itinuturo gamit ang mga kagamitan. Ayon nga sa pananaliksik, mas higit na natututo ang mga bata kung buhay ang talakayan sa loob ng silid-aralan. Nakakatulong dito ang magandang estratehiya ng pagtuturo gamit ang makabagong teknolohiya. Ilan sa maituturing na makabagong teknolohiya na ginagamit sa pagtuturo ay ang telebisyon, radyo, projector, lapel at iba pang elektronikong bagay na maaaring gamitin sa pagtuturo. Ang pagkatuto ay pagsasaalang-alang sa kakayahan, talino, pananaw, mga katotohanan at prinsipyo, gayundin, ang mga makabagong teknolohiya at iba pang impormasyon na patuloy na lumalaganap (Adeyanju, 2003). Dagdag pa ni Dede (2009), ang mga tao ay gumagamit ng kompyuter at internet sa iba’t ibang layunin, kabilang na rito ang paglilibang, pang-edukasyon, pagkuha ng impormasyon at komunikasyon. Nangangahulugan na ang guro ay 12 dapat magkaroon ng sapat na layunin sa kanyang mga gawain, malinaw dapat sa mga mag-aaral na hindi lamang panlibang ang gamit ng teknolohiya bagkus ay upang matuto sa mga aralin. Sinisikap ng mga guro at mga tagapangasiwa ng paaralan na gamitin ang kompyuter at iba pang electronic devices sa pagtuturo ng mga aralin sa paaralan. Dulot nito’y mas makabago at mabisang paraan ng pagtuturo na akma naman sa lipunang kasalukuyang ginagalawan (DepEd Batangas City). Bilang mga guro, dapat ay napagsasama-sama ang layunin ng paggamit ng elektroniko upang ang lahat ay maging balanse. Gayunpaman, sinabi nina Corpuz at Lucido (2008) sa librong Educational Technology 1 na, “ang teknolohiya ay ginawa para sa tao at hindi ginawa ang tao para sa teknolohiya. Ang teknolohiya ay ginawa para sa guro at hindi ang guro para sa teknolohiya.” Dagdag pa nina Norton at Wiburg (2003), “ang pinagmulan ng technology ay ang salitang technique na ang ibig sabihin ay tamang paraan ng pagpili at pagkilala kaugnay sa mga kaparaanang nagagamit ng tao sa kanyang mga gawain.” Marapat lamang na gamitin ng guro ang teknolohiya nang maayos at batay sa pangangailangan ng mga mag-aaral. Hindi nararapat hayaan ng isang guro na magpasakop sa teknolohiyang umiiral sa kasalukuyan. Epekto ng Paggamit ng Makabagong Kagamitan Lumikha ng pagbabago ang teknolohiya sa tao at lipunan lalo’t higit sa larang ng pagkatuto, trabaho at pang-araw-araw na pamumuhay (Senarita, 13 2000). Patunay nito ang talamak na paggamit ng teknolohiya sa anumang bagay na ginagawa ng tao, halimbawa na lamang sa pagsasaka, noon ay kalabaw lamang ang katulong ng mga magsasaka pero ngayon ay mga makinarya na silang ginagamit upang mas maging mabilis at maayos ang kanilang pagsasaka. Kaya naman malaki na rin ang nagiging epekto ng teknolohiya bilang makabagong kagamitan sa pagkatuto ng mga mag-aaral. Ayon nga kay Sen. Edgardo J. Angara (2011), magagamit ang mga makabagong teknolohiya sa edukasyon sa Pilipinas at maaaring maging solusyon sa mga problemang kakulangan sa classrooms, guro at mga libro. Dagdag pa, magiging maganda ang epekto ng mga makabagong kagamitan sa pagtuturo dahil mapupunan nito ang mga kakulangang matagal nang hinaharap ng edukasyon sa bansa. Ayon din kay Riel (2013), ang teknolohiya ay mabilis na nagbabago sa maraming aspekto sa lipunan at higit na malaki ang epekto nito sa mga kabataan kaya nararapat lamang na pag-aralang mabuti ang mga pagpaplano ng paggamit ng multimedia sa loob ng klase upang maibigay sa mga mag-aaral ang mainam na edukasyon. Malaki man ang tulong ng teknolohiya sa pagkatuto ng mga magaaral ngunit malaki rin ang magiging epekto nito kung hindi magagamit at maipapakilala nang maayos sa mga mag-aaral. Inilabas ni Shepherd (2013) ang teorya na hinggil sa kabutihan ng “Multimedia” sa pagkatuto ng mga mag-aaral. Iginiit din niya na may kabutihang hatid ang paggamit ng “Multimedia” sa klase gaya ng mga sumusunod: nagiging aktibo at nakikisali sa talakayan ang mga mag-aaral; mas nagiging interesado 14 mula sa mga itinuturo ng mga guro gamit ang “Powerpoint presentation”; nadadagdagan ang kanilang kaalaman tungkol sa teknolohiya at dahil dito ay hindi sila magiging mangmang o walang muwang sa patuloy na pag-unlad nito. Ayon naman kay Aquino (2010), ang epektibong pagtuturo ay sa paraan ng pagtuturo ng isang guro. Ito ay masusukat sa dami ng kaalaman at masusing pagsasaliksik ng mga makabagong pamamaraan. Kahit gaano kaganda gamitin ang isang kagamitan kung hindi naman ito magandang naibahagi sa klase, mawawalan pa rin ng saysay ang kagamitang ginamit. Magdudulot lamang ito ng pagkalito sa mga mag-aaral na makikinig sa mga aralin sapagkat hindi nagamit nang tama ang makabagong kagamitan sa pagtuturo. Kung ito naman ay magagamit nang wasto, ito ay nakagaganyak sa kawilihan ng mga mag-aaral at naglalantad ng iba-ibang kalagayan upang mapasigla ang pansariling gawain ng mga mag-aaral. Bukod pa rito ay nakapagambag ng iba’t ibang karanasan tungo sa pagkakamit ng kasanayan at pagkakaroon ng patuloy na interes sa pag-aaral, nagdudulot ito ng mabisa, kawili-wili, madali at magaang pagtuturo at pagkatuto (Abad, 2001). Isang halimbawa nito ay ang telebisyon na naghahandog ng materyal na kasiya-siya at mabuting paglalarawan ng mga bagay na siyang higit na nakakakuha ng interes at atensyon ng mga mag-aaral. Ayon nga sa mga sikolohista, ang mga karaniwang ikinikilos at inaasal ng isang bata ay nababatay sa nakikita at naririnig sa kapaligiran. Ang lakas ng impluwensiya ng telebisyon ay nangyayari sa isang bata na nagkakaroon ng 15 pagkaantala sa kakayahang magbasa. Dagdag pa ng American Academy at Pediatrics (AAP): “ang kabataan ay naiimpluwensiyahan ng media- natututo sila sa pamamagitan ng pagmamasid at panggagaya. Ang impluwensiya ng media sa kabataan ang naging dahilan para mabigyang pansin ito ng mga magulang, guro at propesyonal”. Sinabi pa sa aklat na Introduction to Educational Technology (2007), isa sa tulong ng kompyuter sa mga guro ay nakapagbibigay ito ng direktang interaksyon sa pagitan ng mga mag-aaral at ng paksang tatalakayin sa harap ng klase. Binanggit naman ni Camino (2003), na ang paggamit ng kagamitang pampagtuturo ay nakatuon sa mga pangangailangan ng mga mag-aaral sa kakulangan ng aklat sa Filipino para sa madaling pagkatuto. Nahihikayat din nito ang mga mag-aaral na aktibong makisali sa talakayan. Sa pamamagitan nito, mas madaling nauunawaan ng mag-aaral ang araling tinatalakay. Dagdag pa ni Lee (2013), na marami pa ring guro sa ating mga paaralan, pribado man o pampubliko, ang gumagamit ng tradisyonal na pamaraan ng pagtuturo na nahasa sa maraming dekada. Sa ganitong sitwasyon, hindi magkatugma ang kakayahan ng nagtuturo sa tinuturuan dahil mas maalam ang mga estudyante sa paggamit ng makabagong gadyet kaysa sa kanilang guro. May mga guro na ginagamit ang internet sa pagbibigay ng pagsusulit at iba pang kinakailangan . Sa pamamagitan nito, mas lalong nadadagdagan ang kaalaman ng mga mag-aaral hindi lamang sa leksyon na gustong matutuhan nila 16 kundi pati na rin ang pagiging pamilyar sa bagong teknolohiya na ginagamit sa kasalukuyan. Ang guro ay dapat matutong makisabay sa interes at sa makabagong paraan ng pagkatuto ng mag-aaral ngayon upang hindi mapag-iwanan ng panahon. Hindi sapat ang paggamit ng imahinasyon sa mga bagay na gustong ipakita sa mga mag-aaral lalo na kung may kakayahan at kagamitan upang ipakita ito sa kanila. Dagdag pa, ayon kay Pingol (2011), ang teknolohiya ay may kakayahan na gawing mas produktibo pa ang kalidad ng edukasyon sa isang lipunan. Mas napapabilis ng bawat estudyante at titser sa impormasyon saan mang dako ng daigdig. Antas ng Paggamit ng Makabagong Kagamitan Ang teknolohiya ay isang mahalagang kasangkapan sa pagtuturo at maging sa pag-aaral ng isang estudyante. Ngunit anumang taas ng antas ang abutin ng teknolohiya kung walang sapat at wastong kaalaman tungkol dito na maaaring magpakalat nito, ito ay balewala rin. Dito pumapasok ang mahalagang papel ng isang guro bilang eksperto at may malawak na kaalaman sa teknolohiya. Sa pagtuturo ay kailangang makita na ang guro ay may malaking kakayahan, mataas na kaalaman, at handang sumabay sa pagbabago ng teknolohiya upang hindi maiwan sa mabilis nitong pagsulong. Kinakailangan din maging huwaran ang guro sa responsableng paggamit ng teknolohiya sa 17 edukasyon tulad ng internet, upang hindi ito makasira ng kabutihang asal at moralidad sa kabila ng napakaraming mararahas at malalaswang materyal na lantad na makikita rito. Ang isa pang mahalagang tungkulin ng isang guro ay ang pagbibigay ng “human touch” o aspekto ng damdamin upang maiparating sa kanyang mag-aaral na sa kabila ng pag-angat ng teknolohiya ay tao pa rin ang dapat mangibabaw at magkontrol sa teknolohiya at hindi ang kabaligtaran (Pitagan, 2012). Dagdag pa ni Transona (2002), walang kagamitang pampagtuturo ang maipapalit sa isang mabuting titser ngunit isang katotohanang hindi maitatanggi na ang mabuting titser ay gumagamit ng mga kagamitang pampagtuturo tungo sa mabisang pagkatuto ng mga mag-aaral. Ang pagkatuto ng isang mag-aaral ay nakadepende mismo sa guro pero sinasabi na malaki ang tulong at gamit ng mga kagamitang pampagtuturo sa kadahilanang mas napupukaw nito ang atensyon ng mga mag-aaral para mas maging aktibo sa klase. Binanggit naman nina Silivius at Curry (2002), na kailangan pagtuonan ng pansin ang teknik sa pagtuturo na dapat sinasanay at pinong-pinong inilalahad ng gurong gumagamit nito upang ang pamamaraan ay mas maging epektibo kapag ginagamit ang tiyak na kagamitang pampagtuturo. Ang mga guro ay tulad din ng mga mag-aaral na may iba’t ibang kakayahan at abilidad sa pagtuturo. Sa bawat araw na nagdaraan, ang guro ay may iba’t ibang teknik at pamaraan sa pagtuturo na hindi dapat mawala o maubusan dahil dito nakasalalay ang ikagaganda ng bawat aralin. 18 Para kay Panambo (2008), ang pinakamahalagang proseso ng pagtuturo at pag-aaral ay ang pagkatuto ng mga mag-aaral na nakasalalay sa mabuting paraan ng pagtuturo ng isang titser. Ang titser ang nagpaplano at nagdedesisyon sa pamaraang gagamitin na angkop sa bunga ng pagkatuto na nais makamtan ng mga mag-aaral, angkop sa sitwasyon, angkop sa kakayahan ng mga mag-aaral at gayundin sa uri ng paksang-aralin at kursong kanyang ituturo. Kaya nga sinasabi na ang mga makabagong kagamitan sa pagtuturo ay ginagamit ng mga guro upang kunin ang atensyon ng kaniyang mag-aaral (Bracero, et al., 2007). Sa makabagong panahon ngayon, malaki ang magiging tulong sa mga guro kung gagamit sila ng mga kagamitang pampagtuturo para sa pagkatuto ng mga mag-aaral. Makakatulong din sa pagpapabuti ng kalagayan ng pagtuturo ang pagkakaroon ng mga guro ng pag-iisip na tumitingin sa magkabilang panig. Kailangan din ng mga guro ang patuloy na paghahasa sa kanilang kaalaman at propesyon, pananaliksik sa iba pang paraang makatutulong sa pagpapabuti ng pag-aaral ng mga mag-aaral (Mickshey, 2011). Sa pag-aaral ni Mickshiey (2011) mula sa inilimbag na aklat ni Mayos (2008), sa mga guro ng Filipino, kailangang pag-iba-ibahin ng guro ang kanyang pamamaraan at estratehiya sa pangangailangan ng mga mag-aaral. Dagdag pa sa pag-aaral mula sa aklat nina Mayos et. al (2008), ang paggamit ng iba't ibang pamamaraan sa pagtuturo ay siyang kinagigiliwan ng mga mag-aaral. Ito ang paggamit ng alternatibong pagtuturo sa karaniwang paksa. Pinatunayan ito ng resulta ng pag-aaral ni Anosans (2011) na kinagigiliwan ng mga mag-aaral ang 19 gurong gumagamit ng iba't ibang pamamaraan sa pagtuturo sapagkat nabubuhay nito ang kanilang atensyon at interes. Lalo na ang paggamit ng telebisyon at ibang teknolohiya sa loob ng klase dahil napupukaw ang interes ng mga mag-aaral at may mataas na lebel ng pagkatuto. Higit na mahalaga ang pagkuha ng guro ng atensyon ng mga mag-aaral at paraan ng pagiging aktibo ng klase sa pamamagitan ng mga iba’t ibang teknik na gagamitin. Sintesis Ang mga makabagong kagamitan sa pagtuturo ay may malaking gampanin sa edukasyon. Kagaya nga ng sinabi nina Anosans at Bracero, hindi maitatanggi na malaki ang naitutulong ng makabagong kagamitan sa mga guro dahil nakukuha nito ang interes ng mga mag-aaral na siyang nag-aangat ng lebel ng pagtuturo. Isa itong paraan upang magkaroon ng masiglang talakayan sa klase, ang guro ay kinakailangan lamang na pumili ng gagamiting kagamitan upang maging akma ito sa paksa. Kapag nakapili ng tama, nagdudulot ito ng mabisa, kawili-wili, madali at magaang na pagtuturo ayon kay Abad (2001). Ang mga kabataan sa ngayon ay nahihilig na rin sa mga teknolohiya kaya madali para sa kanila na makasabay sa ganitong paraan ng pagtuturo. Ayon nga sa tatlong teoryang inilabas ni Sheperd na ang “Multimedia” ay mayroong kabutihang naidudulot sa mga mag-aaral. Dagdag pa ni Pingol (2011) na may kakayahang gawing produktibo ng teknolohiya ang kalidad ng edukasyon. 20 Kaakibat ng paggamit nito ay ang inilahad ni Mayos at Mickshey na bilang guro ay mas mainam kung sasamahan ng magandang estratehiya at pamamaraan ang pagtuturo upang mas mapabuti ang pag-aaral ng mga mag-aaral. Samakatuwid, kung gagamit ng makabagong kagamitan ang mga guro sa pagtuturo, nararapat na alam nila ang tamang paggamit at kung angkop ito sa mga mag-aaral na tuturuan. Lalabas ang magandang epekto ng makabagong kagamitan hindi sa dalas ng paggamit kundi sa paraan kung paano ito ginamit at iniangkop sa pangangailangan ng mga mag-aaral. Sa huli, nasa kamay pa rin ng mga guro ang maaaring maging epekto nito sa mga mag-aaral. 21 KABANATA III METODOLOHIYA NG PANANALIKSIK Sa kabanatang ito matatagpuan ang pamamaraang ginamit ng mga mananaliksik, paraan ng pagpili ng mga tagatugon, instrumentong ginamit, pagtitipon ng mga datos at estadistikal na pamamaraang ginamit. Masusing pinili ng mga mananaliksik ang mga ginamit na instrumento at pamamaraan upang maging mas kapaki-pakinabang ang pananaliksik na isinagawa. Pamamaraang Ginamit Ang mga mananaliksik ay gumamit ng deskriptibong paraan ng pananaliksik. Layunin nitong ilarawan ng mga mananaliksik ang mga pananaw ng guro sa paggamit ng mga makabagong kagamitan sa pagtuturo. Ayon kay Best (2012), ito ay isang imbestigasyon na naglalarawan at nagbibigay-kahulugan tungkol sa isang bagay o paksa. Ito’y may kinalaman sa mga kondisyon ng mga ugnayang nagaganap, mga epektong nararamdaman o mga kalakarang nilinang. Pinalitaw sa pag-aaral na ito ang mga pananaw ng mga guro sa mga makabagong kagamitang pampagtuturo gayon na rin upang palitawin ang mga epektong maaaring idulot nito sa mga mag-aaral at pagtuturo at antas ng paggamit. Ang Descriptive Survey Research Design na gumagamit ng talatanungan ang uri ng descriptive method na piniling gamitin ng mga mananaliksik upang 22 mas lalong mapagtibay ang mga datos na nakalap sa pag-aaral. Naniniwala ang mga mananaliksik na angkop ang ganitong uri ng metodolohiya sapagkat mas mapapadali ang pagkuha ng mga datos sa maraming tagatugon. Samakatuwid, makakakuha ang mga mananaliksik ng mas malinaw at maayos na datos mula sa mga respondante. Paraan ng Pagpili ng mga Tagatugon Sa kadahilanang may kabuuang 29 na bilang ang mga guro sa RTU-LHS, ginamit ng mga mananaliksik ang random sampling sa pamamagitan ng fish bowl technique upang mapili ang mga respondanteng sasagot sa mga talatanungan. Sa pagpili ng mga respondante, ang mga mananaliksik ay gumamit ng Slovin’s formula. Gamit ito, nakuha ang bilang na 27 na tagatugon na magmumula sa mga guro ng RTU-LHS. Narito ang ginamit na formula: n = N/1+Ne2 kung saan: n - ang bilang ng sampol mula sa populasyon N - ang kabuuang bilang ng populasyon e - margin of error 23 Instrumentong Ginamit Ang mga mananaliksik ay gumamit ng talatanungan bilang patunay at mapagkukuhanan ng datos. Ang antas ng paggamit at antas ng epekto ng paggamit ng mga makabagong kagamitang pampagtuturo ay napalitaw sa pamamagitan ng paggawa ng Talatanungan. Kabilang dito ang iba’t ibang kagamitang pampagtuturo upang masuri at magamit sa pag-aanalisa sa antas ng paggamit ng mga kagamitang ito. Gumawa rin ang mga mananaliksik ng talahanayan na naglalaman ng mga posibleng epekto ng mga makabagong kagamitang pampagtuturo. Isa pa sa instrumentong ginamit ng mga mananaliksik ang pakikipanayam. Mas mapapatunayan o mapapasubalian ng mga mananaliksik ang resulta ng mga pag-aaral kung nagtatanong sa mga eksperto o mas nakakaalam sa paksang pinag-aaralan. Ang ginamit na uri ng pakikipanayam ay di-binalangkas na pakikipanayam upang maitanong ng mga mananaliksik ang mga bagay na kung minsan ay naiisip lamang sa aktwal na pakikipanayam. Pagpapatibay ng Instrumento Sa pagpapatibay ng instrumentong ginamit, minabuti ng mga mananaliksik na hingin ang tulong ng tagapayo, guro sa tesis, guro sa estadistika at isa pang dalubguro upang maging malinaw, maayos at makatotohanan ang bawat detalyeng nilalaman ng talatanungan at pakikipanayam. Ilang beses din itong pina-edit, pinalitan ang mga dapat palitan bago makagawa ng isang pinal na talatanungan. Sa tulong ng pagpapatibay na ito, 24 mas nakasisiguro ang mga mananaliksik na masasagot ang bawat tanong sa talatanungan ng mga gurong magiging respondante. Isinagawa rin ang dry-run sa guro naman sa College of Education sa RTU. Hiningi ang kanilang feedback saka ginawang batayan sa muling pag-aayos ng talatanungan. Pangangalap ng mga Datos Isang talatanungan ang unang binuo ng mga mananaliksik. Humingi ng pahintulot ang mga mananaliksik sa punongguro ng Rizal Technological University–Laboratory High School kung maaaring makapagsarbey at magsagawa ng interbyu ang mga mananaliksik sa mga guro. Napahintulutan ang mga mananaliksik at ginawang batayan ang naging mga tugon ng mga tagasagot ng talatanungan at nakalap na impormasyon mula sa mga guro. Estadistikang Ginamit Ang ilan sa mga estadistikang ginamit sa pag-aaral na ito ay weighted mean, four point scale at spearman rank correlation. Ang weighted mean ay ginamit upang makuha ang antas ng paggamit ng mga makabagong kagamitang nakahanay sa talahanayan at ang antas ng epekto ng mga makabagong kagamitang pampagtuturo. Ito ang naging pormula: WM = N kung saan: WM - katumbas na bigat (weighted mean) 25 WN - bigat N - kabuoang bilang ng mga tagatugon kabuoan Ang four point scale ay ginamit upang makuha ang paglalarawan ng katumbas na bigat para sa antas ng paggamit ng mga makabagong kagamitang pampagtuturo. BIGAT KATUMBAS NA BIGAT PAGLALARAWAN 1 1.0-1.74 Hindi kailanman ginamit 2 1.75-2.49 Minsan lamang ginagamit 3 2.50-3.24 Ginagamit 4 3.25-4.00 Laging ginagamit Ginamit din ito upang ilarawan ang katumbas na bigat ng antas ng epekto ng mga makabagong kagamitang pampagtuturo. BIGAT KATUMBAS NA BIGAT PAGLALARAWAN 1 1.0-1.74 Walang epekto 2 1.75-2.49 Walang gaanong epekto 3 2.50-3.24 May epekto 4 3.25-4.00 Higit na may epekto 26 Ang mga mananaliksik ay gumamit ng SPSS upang makuha ang spearman rank correlation. Ang programang ito ay may kakayahang mapadali ang pagkuha ng resulta ng estadistikang nabanggit. Ito ay ginamit upang makuha ang kaugnayan ng antas ng paggamit at antas ng epekto ng mga makabagong kagamitang pampagtuturo. Kapuwa ang dalawang baryabol ay nasa uring ranggo. 27 KABANATA IV PAGLALAHAD, PAGSUSURI AT INTERPRETASYON NG MGA DATOS Nakapaloob sa kabanatang ito ang mga datos na nakalap ng mga mananaliksik upang tumugon sa mga inilahad na mga suliranin. Ang mga tagatugong kinuha ng mga mananaliksik upang pagmulan ng mga datos ay mga guro sa RTU-LHS. Gumamit ang mga mananaliksik ng mga talahanayan upang gawing organisado at higit na mapadali ang pagbibigay ng kahulugan sa mga nakalap at inihain na mga impormasyon. Suliranin bilang 1. Ano ang antas ng paggamit ng mga makabagong kagamitang pampagtuturo? Talahanayan 1 Antas ng Paggamit ng mga Makabagong Kagamitang Pampagtuturo Mga Kagamitan Katumbas Na Bigat Paglalarawan LCD projector 2.71 Ginagamit Kompyuter / Laptop 3.04 Ginagamit Telebisyon 2.26 Minsan lamang ginagamit Lapel /Mikropono 2.29 Minsan lamang ginagamit Tablet /Ipad 1.64 Hindi kailanman ginamit Tape Recorder 1.3 Hindi kailanman ginamit DVD Player 1.93 Minsan lamang ginamit Speaker 2.52 Ginagamit Kabuoan 2.21 Minsan Lamang Ginamit 28 Ang antas ng paggamit ng mga makabagong kagamitang pampagtuturo ay 2.21 na mailalarawang minsan lamang ginamit. Patunay na hindi lahat ng guro ay may kakayahang gumamit ng mga makabagong kagamitang pampagtuturo. Pinatunayan ito ni Sta. Ana (2012) sa pahayag na ang nangunguna sa mga dahilang ito ang mababang competency ng mga guro sa paggamit ng Information Communication Technology o ICT sa kanilang pagtuturo. Ipinakita sa Talahanayan 1 ang bilang, katumbas at antas ng paggamit ng mga makabagong kagamitang pampagtuturo. Dito’y lumalabas na ang mga makabagong kagamitang pampagtuturo na nagkamit ng may pinakamataas na antas ng paggamit mula sa mga kinuhang respondante ay ang kompyuter/laptop na may katumbas na bigat na 3.04, LCD Projector na may 2.71, Speaker na may 2.52, Lapel/Mikropono na may 2.29, Telebisyon na may 2.26, DVD Player na may 1.93, Tablet/Ipad na may 1.64 at Tape Recorder na nakakuha ng pinakamababang katumbas na bigat na 1.93. Mahihinuha mula sa lumabas na resulta sa isinagawang pag-aaral ng mga mananaliksik na hindi lahat ng mga makabagong kagamitang pampagtuturo ay nagagamit ng mga guro sa pagtuturo. Ang kompyuter/laptop ang lumabas na pinakagamitin sa mga kagamitang pampagtuturo sapagkat ito ang pinakamainam na gamitin sa pagtuturo at ito ay sumasabay sa makabagong panahon. 29 Sa kabilang dako, ang tape recorder ay lumabas na hindi gamitin na kagamitang pampagtuturo sapagkat ang kakayahan ng kagamitan na ito ay maaari na rin makita sa kompyuter/laptop. Patunay nina Norton at Wiburg (2003), “ang pinagmulan ng technology ay ang salitang technique na ang ibig sabihin ay tamang paraan ng pagpili at pagkilala kaugnay sa mga kaparaanang nagagamit ng tao sa kanyang mga gawain”. Kung pagbabasehan ang kahulugan na ito, mas pipiliin ng guro na gamitin ang mas angkop at kumpletong kagamitan kaysa mag-iisa-isa pa ng gagamitin. Ayon pa sa aklat na Introduction to Educational Technology (2007), isa sa tulong ng kompyuter sa mga guro ay nakapagbibigay ito ng direktang interaksyon sa pagitan ng mga mag-aaral at ng paksang tatalakayin sa harap ng klase. Kaya, pinatunayan nito ang resultang pinakagamitin ang kompyuter/laptop sa pagtuturo sapagkat nailalapit nito ang mga mag-aaral sa paksang tinatalakay. 30 Suliranin bilang 2. Ano ang antas ng epekto ng paggamit ng mga makabagong kagamitang pampagtuturo? Talahanayan 2 Antas ng Epekto ng Paggamit ng mga Makabagong Kagamitang Pampagtuturo Aytem Katumbas Na Bigat Antas a. Nakapagbibigay-kasiglahan sa pagkatuto ng mga mag-aaral. 3.62 Higit na may epekto b. Nakatuon ang atensyon ng mga mag-aaral sa mga disenyo ng kagamitan. 3.15 May epekto c. Nalilimitahan ang oras sa paghahanda para sa talakayan. 3.18 May epekto d. Napapabilis ang pag-unawa ng mga mag-aaral sa paksang tinatalakay. 3.4 May epekto e. Naibibigay ang isang daang porsyento ng pagkamalikhain sa biswal. 2.92 May epekto f. Higit na nagiging makatotohanan ang talakayan. 3.78 Higit na may epekto g. Nakakasabay ang mga guro sa napapanahong pangyayari/kagamitan. 3.41 Higit na may epekto h. Nagagamit muli ang mga kagamitan kahit na nagamit na. 3.23 May epekto i. Napapaunlad ang kalidad ng edukasyon. 3.77 Higit na may epekto j. Nakadepende ang pagtuturo sa makabagong kagamitan. 2.96 May epekto k. Napapadali ang pagtuturo sa paggamit ng kagamitan. 3.59 Higit na may epekto l. Napapaunlad ang sariling kakayahan sa pagtuturo. 3.63 Higit na may epekto m. Nagagamit ang iba’t ibang teknik sa pagtuturo. 3.63 Higit na may epekto n. Napabibilis ang pagkko-compute ng marka ng mga mag-aaral. 3.78 Higit na may epekto o. Nakasasabay ang mga mag-aaral sa napapanahong pangyayari/ kagamitan. 3.74 Higit na may epekto p. Nahihikayat ang mga mag-aaral na maging malikhain sa paggawa ng biswal. 3.29 May epekto q. Nababalanse ang paggamit ng mga tradisyonal at makabagong kagamitan. 3.34 Higit na may epekto r. Nakatitipid sa ibang paraan. 3.34 Higit na may epekto s. Nagiging kampante sa paggamit ng kagamitan. 3.11 May epekto t. Nagiging aktibo ang mga mag-aaral sa kasanayang pakikinig. 3.51 Higit na may epekto Kabuoan 3.42 Higit na may epekto Ang antas ng epekto ng paggamit ng mga makabagong kagamitang pampagtuturo ay 3.42 na mailalarawang higit na may epekto. Binanggit nina Silivius at Curry (2002), na kailangan pagtuonan ng pansin ang teknik sa pagtuturo na dapat sinasanay at pinong-pinong inilalahad ng gurong gumagamit nito upang ang pamamaraan ay mas maging epektibo kapag ginagamit ang tiyak na kagamitang pampagtuturo. Kung gagamit ang guro ng mga makabagong 31 kagamitan sa pagtuturo nararapat na alamin ang tamang paraan at teknik para ipakilala ito sa mga mag-aaral. Ipinakita sa Talahanayan 2, ang bilang, katumbas at antas ng epekto ng paggamit ng makabagong kagamitan sa pagtuturo. Dito ay lumalabas na ang antas ng epekto ng mga makabagong kagamitang pampagtuturo na nagkamit ng may pinakamataas na antas ng epekto ng paggamit mula sa mga kinuhang respondante ay ang aytem na may katumbas na bigat na 3.78 at aytem f 3.78, aytem i.3.77, aytem o. 3.74, aytem l. 3.63 at aytem m. 3.63, aytem a. 3.62, aytem a. 3.62, aytem k. 3.59, aytem g. 3.41, aytem q. 3.34 at aytem r. 3.34, aytem p. 3.29, aytem h. 3.23, aytem c. 3.18, aytem b 3.15, aytem s. 3.11, aytem d. 3.4, aytem j. 2.96 at aytem e na nakakuha ng pinakamababang bigat na 2.92. Mahihinuha mula sa lumabas na resulta ng isinagawang pag-aaral ng mga mananaliksik na ang pinakaepekto ng mga makabagong kagamitang pampagtuturo ay higit na nagiging makatotohanan ang talakayan sa loob ng klase sapagkat naririnig at nakikita ng mga mag-aaral ang mga paksang tinatalakay sa harap ng klase. Ang isa pang lumabas na pinakaepekto ng makabagong kagamitang pampagtuturo ay ang mabilisang pagko-compute ng marka ng mga mag-aaral sapagkat mayroong “application” sa kompyuter/laptop na maaaring mapadali ang pagkalkula ng marka. Sa kabilang dako, ang lumabas na may pinakamababang epekto ay ang aytem e. Hindi na naibibigay ang isang daang porsyento ng kanilang pagkamalikhain sapagkat hindi lahat ng guro ay may sapat na kaalaman sa paggamit ng kompyuter/laptop kaya hindi buong-buo ang pagpapaganda ng mga guro sa biswal na ginagamit. 32 Malaki ang naiaambag ng visual media sa edukasyon. Ito ay nagbibigay ng malinaw na paglalarawan ng alinmang bagay o paksang tinatalakay sa loob ng silid-aralan (Pitagan, 2012). Kaugnay nito ang lumabas na resulta na nagiging makatotohanan ang talakayan sa paggamit ng mga makabagong kagamitan sa pagtuturo. Kaya nga sinasabi na ang mga makabagong kagamitan sa pagtuturo ay ginagamit ng mga guro upang kunin ang atensyon ng kaniyang mag-aaral (Bracero, et al., 2007). Nangangahulugan lamang na may malaking epekto ang paggamit ng makabagong kagamitan upang makuha ang atensyon at interes ng mga mag-aaral. Kung nakuha ng guro ang interes ng mga mag-aaral, malaki rin ang posibilidad na may kaugnayan ang kagamitan sa pagkatuto ng mga magaaral. Suliranin bilang 3. May makabuluhan bang kaugnayan sa pagitan ng antas ng paggamit at antas ng epekto ng mga makabagong kagamitan? Talahanayan 3 Kaugnayan ng antas ng paggamit sa antas ng epekto ng mga makabagong kagamitang pampagtuturo Pinag-ugnay P-value Significance level Antas ng paggamit vs. antas ng epekto Desisyon Tanggapin ang 0.65 5% Hipotesis na null 33 Ang nakuhang halaga mula sa Spearman rank correlation, gamit ang SPSS, ay 0.65. Mas mataas ito sa 5% level of significance. Kaya, ang hipotesis na null ay tinatanggap. Walang makabuluhang kaugnayan ang antas ng paggamit sa antas ng epekto ng mga makabagong kagamitang pampagtuturo. Pinatunayan ito ng resulta ng pag-aaral ni Anosans (2011) na kinagigiliwan ng mga mag-aaral ang gurong gumagamit ng iba't ibang pamamaraan sa pagtuturo sapagkat nabubuhay nito ang atensyon at interes ng mga mag-aaral. Nangangahulugan lamang na ang antas ng paggamit o dalas ng paggamit ng makabagong kagamitan ay walang kinalaman sa antas ng epekto ng mga kagamitan. Sa huli, ang guro pa rin ang magtatakda ng magiging kalalabasan ng talakayan sa loob ng klase. Ang isa pang mahalagang tungkulin ng isang guro ay ang pagbibigay ng “human touch” o aspekto ng damdamin upang maiparating sa kanyang magaaral na sa kabila ng pag-angat ng teknolohiya ay tao pa rin ang dapat mangibabaw at magkontrol sa teknolohiya at hindi ang kabaligtaran (Pitagan, 2012). Nakadepende pa rin sa paggamit ng guro ang magandang kahihinatnan ng pagkatuto ng mga mag-aaral sa kabila ng paglaganap ng paggamit ng teknolohiya sa pagtuturo. 34 KABANATA V PAGLALAGOM NG MGA NATUKLASAN, KONKLUSYON AT REKOMENDASYON Inilalahad sa kabanatang ito ang paglalagom ng mga natuklasan, konklusyon at mga kaugnay na rekomendasyon. Mga Natuklasan Narito ang mga tugon batay sa mga inilahad na suliranin: 1. Ang antas ng paggamit ng mga makabagong kagamitan sa RTU-LHS ay 2.21 na mailalarawang minsan lamang ginagamit. 2. Ang antas ng epekto ng paggamit ng mga makabagong kagamitan sa RTU-LHS ay 3.42 na mailalarawang higit na may epekto. 3. Walang makabuluhang kaugnayan ang antas ng paggamit sa antas ng epekto ng mga makabagong kagamitan sa RTU-LHS. Mga Konklusyon Narito naman ang mga konklusyong mabubuo mula sa mga natuklasan: 1. Ang pagkakaroon ng limitadong kagamitang pampagtuturo sa RTU-LHS at ang kursong paggagamitan ng makabagong kagamitan ang nagiging dahilan ng minsanang paggamit nito. 35 2. Ang pagkahilig ng mga mag-aaral sa teknolohiya ang nagiging dahilan kaya mas nahihikayat ang mga mag-aaral na makilahok sa talakayan dahil dito ay labis na napapadali ang pagtuturo ng guro. 3. Mahihinuha na walang makabuluhang kaugnayan ang antas ng paggamit sa antas ng epekto sapagkat nakadepende sa tamang paraan ng paggamit ng guro ang magiging epekto nito. Kahit makabago ang kagamitan kung walang sapat na kaalaman ang guro ay mawawalan ng saysay ang pagtuturo. Mga Rekomendasyon Mula sa mga konklusyon, nais imungkahi ng mga mananaliksik ang sumusunod: 1. Magsagawa ng isang pag-aaral o seminar na pamumunuan ng punong guro para sa kanyang mga guro na may kinalaman sa tamang paggamit ng makabagong kagamitang pampagtuturo. Imbitahan ang mga eksperto at “practitioner” sa pagtuturo upang makapagbahagi ng kaalaman tungkol sa makabagong kagamitan sa pagtuturo. 2. Magkaroon ng istandard na rubrik sa paggamit ng makabagong kagamitan upang maging batayan ng pagtataya ng epekto nito. Isasagawa ang regular na pagtataya sa pagtatapos ng markahan sa RTULHS. 36 3. Bumuo ng mga programa na maglalaan ng badyet sa mga makabagong kagamitan sa bawat kagawaran sa RTU-LHS na magtatakda sa pagkakaroon ng angkop na mg kagamitan sa bawat kurso. 37