Sa aming kapita – pitagangTAGAPAMANIHALA ng dibisyon ng Lungsod ng Santa Rosa, Dr. Manuella S. Tolentino, CESO V, sa napakasupportive naming TAGAMASID PAMPUROK, Ginoong Samy Empleo, minamahal naming Punong - Guro Doctor Catherine M. Laza, panauhing pandangal, mga minamahal naming mga guro ng Santa Rosa Elementary School Central 3, mga magulang, mga kapamilya, kaibigan, at kapwa ko mag aaral na magtatapos ngayon araw na ito, magandang araw sa inyong lahat. Ako po si Marcella Layos, naatasang magtalumpati sa inyo ngayong araw ng pagtatapos, nagpapasalamat higit sa lahat sa Panginoon sa napakagandang biyayang ito at pagkakataon, salamat po Panginoon at salamat po sa araw na ito ng aming pagtatapos sa inyo po ang lahat ng Papuri. Sa Gitna ng kinaharap nating pagsubok umpisa pa lang ng taong 2020 dahil sa pandaigdigang Pandemya dulot ng Covid 19, tayo ay di nawalan ng pag asa, di sumuko, nanatiling matatag, at nagtagumpay. Kaya isang masigabong palakpakan sa bawat isa, maligayang pagtatapos SRES C3 batch 2020 – 2021(palakpakan) …. At isang mas masigabong palakpakan para sa lahat ng taong nagsakripisyo ng kanilang oras, panahon at talento upang tayo ay magtagumpay, ang ating matatag na punong guro at mga masisipag na kawani ng ating paaralan, mga masisipag at masisigasig nating mga guro na walang sawa sa kaka – follow up at kaka adjust ng deadline makapagtapos lamang tayo, at sa ating mga magulang at mga kapamilya na naging supporter, director, videographer at editor natin. Maraming salamat po sa inyong lahat. Wala po kami sa ganitong kalagayan ngayon kung hindi dahil sa inyo. (palakpakan) Tunay nga na maituturing na malaking tagumpay ang araw na ito, sapagkat nalagpasan natin ang isang napakalaking pagsubok sa larangan ng edukasyon. Ang hamon na kailangang maipagpatuloy ang pag- aaral ng mga kabataan subalit hindi puwedeng pumasok sa paaralan. Sa umpisa lahat ay nangangapa, nag- iisip, gumagawa ng paraan, nag- uusap. Tanong ng marami, matutuloy pa ba ang pagbubukas ng klase ng taong 2020- 2021? Ngunit salamat sa Panginoon at sa matatag na pamunuan ng Deped at lahat ng kawani nito, kahit naantala ang pasukan ng halos apat na buwan ay natuloy din. Isipin na lang natin kung ito ay hindi itunuloy, nasayang sana ang isang taon. Maraming pagbabagong nangyari kaakibat nito, na akala natin ay panandalian lamang subalit ito ay naging pangmatagalan at tinawag na nga nating new normal. Marami tayong na-mimiss. Ang dati’y pag aaral sa isang pisikal na paaralan ay nangyari na lamang sa harap ng mga computer screen sa ating sariling mga tahanan. Ang maiingay na daldalan sa loob ng klase na minsan naririnig hanggang sa kabilang classroom ni Maam, mga sekreto na di na puedeng ibulong sapagkat maririnig ng buong klase, harutan na minsan nauuwi sa awayan,ay napalitan na lamang ng mukha ng mga kaklase nating naka on cam sa screen, tahimik, nahihiya, naninibago,. Yung iba pa nga natapos na ang school year minsan lang nag on cam. Wala na ang paborito nating subject na recess at ang paborito nating lugaw ni Maam. Wala na ring tumatakas na cleaners tuwing hapon . Ang mga groupings, napalitan na ng kanya kanyang performance task. Kung dati miyembro ka lang ng isang grupo at umaasa sa lider na natatakot bumaba ang grade, ngayon kailangan mo ng kumilos dahil grade mo na ang mapapahamak. Kailangan mo ng banatin ang mga brain cells mo para mag isip at minsan nakakatulugan mo na lang. Kung dati late ka dahil trapik at nasiraan ang service mo, ngayon kahit nasa kama ka pa, at naka- pajama, present ka na dahil may link na, na na- send si Maam. Kung noon pag masakit ang ulo absent ka na agad, pero ngayon wala ka ng dahilan para umabsent pa. Kung dati nakikigaya ka lang sa likod kung may sayaw, ngayon ikaw na ang star at kailangan mong ipraktis ang bawat step, kagaya ko. Mahirap pero kaya pala, at kayang kaya pala basta bibigyan mo ng panahon at dedikasyon. Malaking pagkakaiba, para bang tayong lahat ay nangangapa sa dilim, naghihintay, nakikiramdam. Hanggang sa starring na ang pangalan mo sa GC niyo dahil di ka pa pala nakapagpasa deadline na naman. Ilan lamang yan sa mga malalaking pagbabago na nangyari sa atin sa loob ng isang taon. At lagi ngang tanong sa akin ng aking nanay pagkatapos ng bawat klase, “anong natutunan mo ngayon? At pag ang sagot ko ay"tungkol po sa panahon ng Hapon", may kasunod ulit na tanong “what about it, explain? Kaya nalalaman niya po kung ako po ay nakinig o naka - youtube lang habang nagtuturo si Maam. Ito pong lahat na pagbabago, para sa akin ay hindi madali sa umpisa hanggang sa ngayon, pero dahil dito natuto akong maging mas mapamaraan, mas nagiisip at kumikilos, at mas nagpapahalaga sa aking oras. Dahil bukod sa araw – araw na klase may mga trainings din po ako sa hapon at tuwing sabado. Bukod pa dito ang paghahanda ko sa mga National at International contest sa Math, Science, English at informatics na sinasalihan ko. At alam ko na bawat isa sa atin ay ginawa ang lahat sa kabila ng mga iba- iba nating suliranin sa araw araw. Ang iba ay talaga namang naging biyaya sa kanila ang online distance learning, pero sa iba naman ito ay naging malaking hamon. Lalo na ang paggawa ng mga video. Ako din po. At sa maliit kong paraan, lagi ko pong ipinopost sa facebook ang aking mga gawang video para po makita ng iba at magka ideya rin sila ng kanilang gagawin at malaman nila na kung kaya ko pong sumayaw kayang- kaya rin nila. Sa ganitong paraan ako po ay nkakapagbabahagi ng aking kaalaman at nagbibigay inspirasyon sa iba na hindi makaagapay sa online distance learning. Sabi nga po, mahalaga ay may natutunan ka, pero mas mahalaga kung ano ang iyong gagawin sa iyong natutunan. At ito po ang aking hamon sa inyo kapwa ko mag aaral na magtatapos ngayong araw na ito. Ano ang gagawin mo sa iyong natutunan? Sana hindi lang para maging magaling ka sa paningin ng iba, at maging proud sa yo ang iyong mga mahal sa buhay, pero maging isa ka sanang inspirasyon ng ibang mga kabataan, upang sila ay magpursige at mag aral ding mabuti sa kabila ng kanilang sitwasyon at kawalan. Pagkat ang lahat ng ating talento at kalakasan ay galing sa Panginoon, at walang pinakamagandang paraan para ibalik ang papuri at pasasalamat sa Kanya kundi sa pamamagitan ng pagtulong sa iba. Tayo po ay pinagpala sapagkat may internet po tayo, kahit minsan mabagal; tayo po ay may mga gadget para sa online distance learning, pero marami po ang hirap at wala pong kakayahan. Kaya gamitin po natin ito ng tama, paunlarin ang ating kaalaman at gamitin ang ating oras sa mahahalagang bagay at ibahagi kung ano ang meron tayo sa iba. Bilang isang kabataan ang kinabukasan po ay nakasalalay sa atin. Lalo na sa panahon natin ngayon na ang source ng impormasyon ay ang internet, mga vlogs na pinapanood at ginagaya natin. Kaya sa ating paghayo sa mas mataas na paaralan, dalhin sana natin ang pagmamalasakit sa kapwa, sa bayan at sa kapaligiran at gawin ito ayon sa kanya kanya nating talento. Ito sana ang maging gabay natin sa pagtupad sa ating mga pangarap at paraan ng pasasalamat sa paaralan na nag- aruga sa atin sa loob ng anim na taon, ang Santa Rosa Elementary School Central 3. Na ang mga Batang C3 ay may pagpapahalaga sa Diyos, sa sarili, sa kapwa, sa bayan at sa kapaligiran. Malungkot ngunit may kasiyahan sa bawat puso ang pagpapaalam. Malungkot dahil huling araw na nating magkakasama at magpapaalam na sa ating mga naging kaibigan, sa ating mga naging masasayang karanasan, pagpapaalam sa ating mga guro na gumabay at nagturo sa atin ng buong husay. Ngunit masaya dahil sa wakas nakatapos na tayo ng elementarya at ngayon ay haharap na sa panibagong kabanata ng ating buhay. excited, kinakabahan at nag aalinlangan. Kaya, hanggang sa muli mga kamag aaral, mga minamahal naming mga guro at aming punong - guro, sa aming mahal na paaralan na maaga kaysa inaasahan ay aming nilisan, Paalam. Kasihan nawa tayong lahat ng Dakilang Lumikha.